Nagising si Mateo na sobrang masakit ang katawan at ulo. Pakiramdam niya rin ay sinisilaban siya ng apoy sa katawan kasabay ng apoy na tila biglang tumutupok na nakikita niya sa kanyang balintataw. Butil-butil na pawis ang nasa noo at mukha niya habang siya ay humahalinghing. Tila nasusunog ang pakiramdam niya. "Ah!" sigaw niyang gumalaw mula sa pagkakahiga. "Kuya!" nag-aalala namang agad na dinaluhan siya ni Mayang. Nakabantay ito sa kapatid dahil natatakot siyang hindi na ito magising. Hinawakan agad ni Mayang ang kapatid sa kamay upang sabihing naroon siya. Na kung ano man ang napapaniginipan nito ay hindi iyon totoo. Dahan-dahan na nagmulat ng mga mata si Mateo. Napalingon siya kay Mayang na siyang nasa gilid niya. Pagkatapos noon ay muli siyang pumikit dahil umikot ang paligid ni

