Chapter 01: Regret
Isang manipis na papel ang marahang inilapag sa ibabaw ng mamahaling mesa. Divorce papers.
Sa harap nito, nakaupo si Axel Silvestre, simple ang kasuotan, plain white shirt at itim na slacks, pero hindi maikakailang may dating. ‘Yung tipong kahit walang effort, may hatak. Pero sa likod ng kagwapuhan niya, may bumabakat na lungkot sa mga mata ay isang lalaking nasanay na laging nagbibigay, pero ngayon, siya ang iniiwan.
Sa kabilang banda, may isang nakatayo, si Secretary Ken, mataray at laging diretso sa punto. Bawat salita niya, parang blade na dumadapo sa hangin.
“Axel, ito na ‘yung kasunduan sa diborsyo,” malamig na sabi ni Ken. “Pinirmahan na ni Ms. Heaven. Kailangan mo na lang pumirma para matapos na ‘to.”
Isang segundo ng katahimikan.
“Divorce paper?” bulong ni Axel, halos hindi makapaniwala.
Napailing si Ken, halatang naiirita sa kawalan ng reaksyon niya. “Hindi mo pa rin ba gets? Tapos na ‘yung relasyon n’yo ni Ms. Heaven. Hindi ka na bagay sa kanya. Isa ka nang… hadlang.”
“Hadlang?”
Ramdam sa boses ni Axel ang pagpipigil ng damdamin, pero kumunot ang noo niya hindi dahil sa galit, kundi sa tanong na hindi niya matanggap. “Ganito na ba niya ako nakikita?”
Noong nagsimula sila, magkasama silang humarap sa hirap. Nabaon sa utang ang pamilya ni Heaven siya ang nagpunas ng pawis, siya ang nagpakahirap para iahon sila. Pero ngayon… parang isa na lang siyang luma at kalat na gamit na tinatapon kapag hindi na kailangan.
Nakangiti si Ken, pero halatang nakakaloko. “Kung gusto mong isipin ng ganyan, oo.”
Walang emosyong itinuro ni Ken ang magazine na nakapatong sa mesa. Sa pabalat, isang stunning na babae, si Heaven. Fierce, classy, untouchable. Isang “Beauty President” na hinahangaan ng buong bansa.
“Axel, tingnan mo,” malamig na sabi ni Ken. “Sa loob ng tatlong taon, umangat si Ms. Heaven. Wala nang may alam ng dating siya 'yung babaeng sabay mong pinangarap ng simple at tahimik na buhay. Ngayon, bilyonarya na siya. Ang mundo niya… ibang-iba na sa mundo mo.”
Nakatitig lang si Axel sa magazine. Tila bawat tingin niya, may bumabakat na alaala. ‘Yung Heaven na minahal niya, ‘yung Heaven na kasama niyang nangarap, ngayon, parang ibang tao na.
“Dapat tanggapin mo na,” dagdag ni Ken. “Hindi mo na siya ka-level.”
Tahimik pa rin si Axel.
Kita ni Ken na hindi siya nagpapadala, kaya tinulak niya pa lalo ang divorce papers. “Huwag kang mag-alala,” sabi niya, tila ba sinusubukang painitin ang sitwasyon. “May pabaon naman si Ms. Heaven... bahay, kotse, at 65 milyong piso. Panghabambuhay mo na ‘yun.”
65 million pesos. Isang halagang hindi niya kailanman pinangarap.
Pero imbis na mapahanga, marahan lang na ngumiti si Axel, mapait at puno ng hinanakit.
“Sayang lang,” bulong niya, “hindi ko naman kailangan ‘yan.”
Napasinghap si Ken. “Ano?”
Kahit sino, maiinggit sa alok ni Heaven pero hindi si Axel.
Itinulak niya pabalik ang divorce papers. “Kung gusto niyang makipaghiwalay, siya mismo ang haharap sa akin. Hindi ikaw.”
Galit na bumagsak ang kamay ni Ken sa mesa. “Axel! Masyado kang mayabang!”
Hindi natinag si Axel.
“Ms. Heaven is busy,” patuloy ni Ken. “Wala siyang oras sa mga walang kwentang bagay… gaya mo.”
Ngumiti si Axel, malamig at mapait. “Walang kwenta?”
Pero bago pa siya makasagot, bumukas ang pinto.
Doon, sa mismong pintuan, isang babaeng nakamamangha ang humakbang papasok.
Si Heaven.
Suot ang isang eleganteng itim na gown, ang bawat hakbang niya ay parang sinadya, mabagal, matikas, at puno ng awtoridad. Ang liwanag ng buwan na pumapasok sa bintana ay tumatama sa kanyang balat na parang porselana. Ang kanyang mga mata? Malalim at walang bakas ng emosyon.
Pero kahit anong lamig ng ekspresyon niya, hindi maikakaila na siya ang pinakamagandang babae sa kwartong ‘yon.
Napakurap si Axel.
Hindi niya alam kung galit, lungkot, o panghihinayang ang mas nangingibabaw sa kanya pero ang sigurado niya, masakit.
“Sabay rin pala tayo sa wakas,” bulong niya.
Tatlong taon silang mag-asawa. Tatlong taon ng pagtutulungan at pagmamahalan.
Pero ngayon, sa mismong wedding anniversary nila… nagtatapos na ang lahat.
Umupo si Heaven sa harap niya, diretso at kalmado. “Tapusin na natin ‘to.”
Walang emosyon. Walang paliwanag.
Inilapag niya sa mesa ang isang card. “65 million. Bahay. Kotse. Pirmahan mo na.”
Ngumiti si Axel pero hindi ‘yung dating ngiti niya. Ito ‘yung ngiti ng taong napagod.
“Akala mo ba, nasusukat sa pera ang nararamdaman ko?”
Kumunot ang noo ni Heaven, pero hindi siya natinag. “Kung kulang, sabihin mo kung magkano.”
Huminga ng malalim si Axel. “Para sa’yo ba, pera at kapangyarihan lang ang mahalaga?”
Tumayo si Heaven at lumapit sa bintana, pinagmamasdan ang city lights sa ibaba, isang mundong itinayo niya gamit ang sariling sikap at ambisyon.
“Para sa’kin? Oo. Mahalagang-mahalaga.”
Napangiti si Axel na mas mapait kaysa kanina. “Kaya pala palagi mong kasama si CJ."
Saglit na tumigil si Heaven, pero hindi siya umalma. “Kung gusto mong isipin ‘yun, wala akong tutol.”
Sapat na ‘yun para kay Axel.
Kinuha niya ang ballpen.
Walang pag-aalinlangan, pumirma siya sa divorce papers.
Walang luha. Walang pagmamakaawa.
Nang matapos, itinulak niya pabalik ang papel.
“Bago ako umalis,” bulong niya, tinuturo ang suot na kwintas ni Heaven, isang jade pendant. “Ibalik mo ‘yan. Alaala ‘yan ng nanay ko. At simbolo mo bilang asawa ng isang Silvestre.”
Isang segundo ng katahimikan.
Marahang tinanggal ni Heaven ang pendant at iniabot ito kay Axel. “Sige.”
Isinabit ni Axel ang kwintas sa kanyang leeg.
At tuluyan na siyang tumalikod.
Hindi na nagpaalam.
Habang papalayo siya, ang bawat hakbang ay parang nagmamarka ng dulo ng lahat.
Hindi na siya lumingon.
At si Heaven…
Habang nakatitig siya sa papalayong likuran ni Axel, hindi niya mapigilan ang kirot sa dibdib.
“Tama ba ‘to?” mahina niyang tanong.
Tumango si Ken. “Malaya ka na. Wala nang Axel na hahadlang sa’yo.”
Pero bakit…
Bakit parang may isang mahalagang bagay ang tuluyang nawala sa buhay niya?