Walang nagawa si Al kundi ang dumapa at gumapang habang pinauulanan ng bala ng mga lalaki ang buong bahay. Nabasag ang lahat ng bintana at ang ilang mga bubog ay tumalsik kay Al na naging sanhi ng maliliit na sugat sa kanyang mga braso at mukha. Hindi alam ni Al ang gagawin, pero may ideya siya kung sino ang may pakana ng lahat ng ito. Ang daming naglalaro sa isipan niya. Pero alam din niyang kung hindi siya kikilos ay siguradong mamamatay siya. Gusto niyang tumakbo papalabas pero nabalot na rin siya ng takot at hindi niya maihakbang ang mga paa. Habang nanginginig ang mga kamay ay kinuha ni Al ang cellphone mula sa bulsa at agad na tinawagan si Mae. Dahil sa narinig niya kanina, sigurado siyang may mga kasabwat pa sa ospital ang mga armadong lalaki at maaaring nasa panganib na ang pinak

