Prologue
Binigyan siya ni Carlos ng bulaklak sa stage matapos niyang magperform.
"Ayyieee.. Uy Zette ang swerte mo naman!" Narinig niyang hiyawan at tilian ng mga kababaihan roon.
Sikat sa campus ang gwapong si Carlos Javier Lorenzo na pinapangarap nang lahat ng kababaihan.
"Bakit, bagay rin naman sila ah maganda at gwapo." Narinig pa niyang wika ng isang babae sa baba ng stage.
Napansin niya ang pagpaparamdam nito sa kaniya matapos nang mga nangyaring iyon ngunit hindi niya iyon binigyan ng panahon. Alam niya na hindi pa pwede at bawal sa isang katulad niya ang pumasok sa bagay na iyon.
Lumipas ang mga araw at unti-unti naring nahuhulog ang loob niya rito. Pero hindi niya kinalimutan ang parating bilin sa kaniya ng mga magulang. Ang lumayo sa mga kalalakihan. Gayunpaman ay hinayaan niya parin si Carlos na lapit-lapitan siya at kausapin nito. Ito lang kasi ang bukod tanging lalaking iba sa mga kalalakihan sa loob ng campus na iyon.
Hindi nagtagal ay niligawan nga siya nito. Maraming babae ang nainggit sa kaniya. Nagselos rin ang ilang kalalakihan kay Carlos. Taliwas nang mga inaasahan ng lahat ay binasted niya ito.
"Sorry Carlos, kailangan ko kasing gawin 'to. Pasensya na. Sa iba nalang." Masakit man ay tiniis niya.
Hindi ito nakapagsalita. Malungkot ang matang ngumiti ito.
"Hindi pa kasi pwede. Sana maintindihan mo." Paghingi niya ng paumanhin.
"Thank you for being a good friend," saad nito.
Tumitig siya rito. Tumingin ito saka nagpaalam.
"So, I have to go. Magsisimula na ang klase."
Tumango rin siya bilang tugon.
Pumutok ang balitang iyon sa loob ng campus na dahilan nang agad na paglipat nito sa ibang eskwelahan. Hindi na niya ito nabalitaan matapos nang nangyaring iyon. Medyo nakonsensya rin siya sa nagawa. Simula nun, hindi na siya masyadong nakikipag-usap sa mga lalaki kahit na sa mga kaklase.
Tahimik siya habang naaalala ang ilan taon nang nakararaan.
"Uy best, tulala ka na naman diyan." Untag sa kaniya ni Barbie.
Ngumiti lamang siya. Nahuli na naman siya nito.
"Alam ko naman kung sino ang iniisip mo. Yung crush mo dati." Panunudyo nito.
"Ang lakas talaga ng pang-amoy mo." She chuckled.
"Ako pa, beshy mo kaya ako." Saad naman nito.
Napangiti na lamang siya.
"Oh ano pang ginagawa n'yo diyan pumasok na kayo at darating na si Mr. Lorenzo." Wika ng kaniyang ina nang makalapit ito.
Nagkatinginan silang dalawa ng kaniyang kaibigan.
Kanina pang natataranta ang ina sa pag-aayos ng bahay dahil may darating daw silang bisita na galing pa ng Maynila.
Lorenzo? Ulit ng kaniyang isipan.
Tila pamilyar sa kaniya ang tunog niyon. Humarap siya sa bagong dating na bisita katabi ng kaniyang mga magulang.
"Magandang hapon Mr. Mauricio Lorenzo. Welcome to our house." Wika ng kaniyang ama.
Ngumiti ito sa kanila at tumingin sa kaniya. Hindi maganda ang unang impression niya rito. Iba ang dating sa kaniya nang may edad na lalaki. Pakiwari niya ay nasa 50's na ito. Naupo ito sa sala nang ayain ng kaniyang ama.
"Mr. Barcelona, alam niyo naman ang ipinunta ko rito."
Sinipat siya ng kaniyang ina. Hindi niya maintindihan kung ano ang ibig sabihin nito. Naupo na lamang rin siya.
"Ah opo Mr. Lorenzo. Alam po namin."
Napapakunot ang kaniyang noo habang nakikinig sa mga ito. Pansin niya ang panay na sulyap sa kaniya ng panauhin.
"Tapos na ang palugit na ibinigay ko. Sa kasamaang palad ay hindi niyo napanindigan ang salita ninyo. Ngayon, binabawi ko na ang lahat. Tiyak akong walang matitira sa inyo kahit na piso. Mababaon pa kayo sa utang."
Nabalisa ang mga ito. Hindi niya alam kung ano ang usapan ng mga magulang niya at nang lalaki. Ang alam lang niya ay may negosyo ito na ang magulang niya ang inatasan nitong mamahala roon.
"Mr. Lorenzo, maaari bang humingi muli kami ng isa pang palugit. Maghahanap kami ng paraan upang maibalik at mabayaran ka sa halaga."
"Ang usapan ay usapan. Malaki ang nawala sa akin, malayo rin ang ibinyahe ko makarating lang rito at personal kayong makausap."
Nagkatinginan ang kaniyang mga magulang. Siya man ay hindi gaanong maintindihan ang nangyayari sa pagitan ng mga ito.
"Mahaba na ang ibinigay kong palugit, oras na para bayaran iyon."
Nanlaki ang kaniyang mata nang makitang halos lumuhod na rito ang kaniyang ina. Tumingin siya sa lalaki.
"Mama."
"Lorna," napahawak ang ama sa braso ng kaniyang ina.
Nakita ng kaniyang mga mata ang pagmamakaawa ng kaniyang mga magulang sa taong iyon. Hinawakan at pinigilan siya ng kaibigan.
"Ang negosyo at pagkawala ng malaking pera ay hindi madadala ng pagluhod at pagmamakaawa lamang. Ang negosyo ay negosyo, ang usapan ay usapan."
Pinatayo niya ang kaniyang mga magulang at masamang tumingin kay Mr. Lorenzo.
"Ganyan ka na ba talaga kawalang-pusong tao?" Bulalas niya.
Hindi niya alam kung saan siya humuhugot ng lakas ng loob. Seryoso itong tumitig sa kaniya.
"Kilala mo ba ang kausap mo?" Seryoso nitong tanong.
"Suzette, huwag ka nang sumali."
Napatingin siya sa ina.
"Ngayon, kasali na siya." Wika nito.
Nagkatinginan ang kaniyang mga magulang. Tumayo ang lalaki.
"Nagbago na ang isip ko. Hindi ko na kayo pipilitin na bayaran ako sa malaking halagang sigurado akong hindi niyo maibabalik sa akin ngayon. Nakakahiya nga naman sa mga kapitbahay ninyo." Kalmado nitong wika.
Nagkatinginan silang dalawa ni Barbie.
"Sa isang kundisyon, papayag kayong kunin ko ang nag-iisa n'yong anak."
Nagkatinginan ang mga ito.
"Ano?"
"Pumili kayo, ang anak ninyo o ang lahat ng mawawala sa inyo?" Mariin nitong tanong.
Namuo ang luha sa mga mata ng kaniyang ina. Hindi siya makapaniwala sa lahat ng mga nangyayari.
"Mr. Lorenzo maawa naman kayo." Hiling ng kaniyang ama.
Taas-noo siyang sumagot.
"Wala talaga kayong kwentang tao dahil wala naman kayong puso." Kuyom ang kamaong sambit niya sabay lapit rito.
Nagulat siya nang mabilis siya nitong hawakan at kaladkarin palabas ng bahay.
"Masyado kang matapang!"
"Ma.." Naluluhang tawag niya sa ina.
Hindi niya kinaya ang mahigpit na pagkakahawak nito sa kaniyang kamay. Pilit mang kumawala ay hindi niya magawa dahil sa lakas nito. Nanginginig siya habang pwersahan siya nitong pinapasok ng kotse.
"Best!" Tawag sa kaniya ng kaibigan.
Sumunod ang kaniyang mga magulang. Inilock ng lalaki ang kotse. Hindi niya iyon mabuksan.
"Mr. Lorenzo!" Narinig niyang tawag ng kaniyang ina.