"Van, gising na," tinapik tapik ko siya upang gisingin.
"Inaantok pa 'ko."
Madaling araw na kasi siya nakauwi. Kaya ayan, antok na antok pa. Ayaw na atang bumangon sa kama. Gusto ko sana siyang pagpahingahin pero kailangan talaga namin pumunta sa anniversary nina Mommy. At saka baka magtaka pa sila kung bakit hindi ko kasama si Van kapag ako lang mag isa ang pumunta.
"Male-late na tayo, bumangon ka na. Baka hinahanap na nila tayo roon," sabi ko sa kanya.
Dumilat na siya at bumangon. Agad niyang kinuha ang cellphone at may tinignan.
"s**t!"
"Bakit?" tanong ko sa kanya.
"Kailangan ko pa pala sunduin si Yna. Ngayon nga pala 'yong event na pupuntahan niya," aniya at nagmamadaling pumunta sa banyo.
Pinigil ko naman siya, "Pero kailangan kita. Hindi pwedeng mag isa lang ako pumunta."
"Susunod na lang ako. Sabihin mo may inasikaso lang," sagot niya at tuluyan nang pumasok sa banyo.
Napabuntong hininga na lang ako at nag ayos na. Sinuot ko 'yong damit na dinala ni Samantha. Simple lang iyon ngunit maganda. Light make up lang din upang bumagay sa suot ko. Pagkatapos ay kinuha ko na ang bag at kinatok si Van sa banyo.
"Van, una na 'ko, ha. Sumunod ka na lang do’n."
Hindi na siya sumagot. Napailing na lamang ako at bumaba na. Ginamit ko ang kotse ko para makapunta sa bahay nina Mommy. Bihira ko naman magamit ‘to dahil bihira rin akong lumabas.
Nang makarating ako sa bahay ng magulang ko ay ayos na ang lahat. May ilang bisita na rin doon. Mayamaya pa naman ang simula ng party. Sadyang may mga maaga lang na pumupunta. Pumasok na ako sa loob at nakita ko si Mommy. Nilapitan ko siya upang batiin.
"Mommy..."
"Anak, buti nakarating ka," sinalubong niya ako ng yakap.
"Syempre naman po. Kailan ba ako hindi sumipot?"
"Chastine, sinasaktan ka ba ni Van?" tanong niya sa akin.
Napahiwalay ako sa kanya dahil sa tanong na 'yon. Hinawakan niya ang braso ko at itinuro sa akin 'yong sugat do’n.
"Hindi niya po ako sinasaktan."
"Eh saan galing 'yan? At saka 'yang nasa mukha mo, kahit lagyan mo ng concealer ay may bakas pa rin," aniya at itinuro ang nasa mukha ko.
Dahil 'to sa sampal ni Van. May nagawa na naman kasi akong hindi niya nagustuhan. 'Yong sugat ko naman sa braso ay dahil doon sa bubog. Hindi pa kasi tuluyang nawawala.
Pilit akong ngumiti at hinawakan ang kamay niya, "Hindi niya po ako sinasaktan. Si Mommy naman, parang hindi kilala si Van. Alam mo namang hindi niya ako kayang saktan."
"Mabuti naman kung gano’n. Nag iisa ka naming anak at ayokong nasasaktan ka."
Napangiti ako sa sinabi ni Mommy. Siya ang iniidolo ko sa pagiging asawa at ina. Mapagmahal siya at maalaga. Lahat ng ginagawa niya'y hinahangaan ko. Gusto ko 'yong paraan ng pagsisilbi niya kay Daddy.
Nag kwentuhan lang kami ni Mommy. Napatigil kami nang dumating na si Van kasama ang magulang niya. Tumayo ako at tumabi sa kanya. Inakbayan naman niya ako at ngumiti sa magulang ko.
"Happy Anniversary po Ma, Pa," bati niya.
"Salamat, hijo," sagot ni Mommy. Pagkatapos ay nag usap na ang magulang namin.
Bumulong sa akin si Van, "Sana matapos na 'to. Ayokong nagpapanggap na masaya kasama ka."
Napatingin ako sa kanya at pilit na ngumiti, "Huwag kang mag alala, malapit na. Kapag wala naman sila, pwede ka na umalis sa tabi ko. Konting tiis na lang. Ako na ang kusang lalayo sa 'yo."
"Iiwan mo na ‘ko?" tanong niya sa akin. Hindi ako sigurado ngunit tila may bakas ng takot sa kanyang mukha. Ngumiti ako at hinawakan ang pisngi niya.
"Hindi kita iiwan. Lalayo lang ako dahil alam kong ayaw mo ‘ko kasama."
"Ang sweet naman. Grabe, nilalanggam ako," napatingin kami ni Van doon sa nag salita.
Si Yna.
Lumingon ako sa likod. Nandoon ang magulang namin na nakatingin na rin kay Yna ngayon. Akala ko ba may event siyang pinuntahan? Bakit siya nandito?
"Happy Anniversary sa parents mo, Chastine. Kayo, kailan ang anniversary niyo? Nagce-celebrate ba kayo o ikaw lang?" tanong niya habang nakangisi.
Napayuko naman ako. Ako lang naman talaga. Ni minsa'y hindi ako sinipot ni Van. Tatlong taon na kami ngunit hindi namin 'yon ipinagdiwang nang mag kasama. Huminga ako ng malalim bago nag angat ng tingin.
"April 25 ang anniversary namin. Oo, nagce-celebrate kami. Pwede ba namang hindi? Iyon kaya ang pinaka masayang araw sa buhay namin. 'Di ba, Van?" baling ko sa asawa ko.
"Oo. S-syempre naman," sakay nito. Alam ko naman na kailangan namin magpanggap.
Umirap si Yna at tumalikod na paalis. Rinig kong nagbubulungan ang ibang bisita, marahil nagtataka kung sino siya at bakit gano’n na lamang kung mag tanong sa amin.
"Bakit ba nandito ang babaeng 'yon?" rinig kong tanong ni Daddy.
"Hindi ko rin alam, hon. Hindi naman kasi siya invited," sagot naman ni Mommy.
Hinila ako ni Van palabas dahil nagugutom na raw siya. Marami ng bisita kaya naman kailangan namin ipakita sa kanila na mahal namin ni Van ang isa't isa. Para kaming artistang may karakter na kailangan gampanan.
"Bagay na bagay talaga kayo. Bakit ba wala pa kayong anak? Sigurado akong maganda ang magiging bunga," sabi ng Tita ko nang makita kami.
"Saka na po siguro. Susulitin ko na lang muna ang asawa ko," napatingin ako kay Van nang sabihin niya 'yon. Ang sarap lang pakinggan nung salitang ‘asawa’ kapag galing sa kanya.
Umalis na sa tabi ko si Van dahil dumating ang pinsan niya at kinausap siya. Naiwan naman ako sa isang tabi. Hindi kasi makakapunta si Samantha ngayon. May lakad sila ng pamilya niya.
Kumunot ang noo ko nang makita ko si Van na kasama si Yna. Nasa gilid sila kasama ang pinsan niya. Medyo tago sa lugar na 'yon kaya wala masyadong nakakakita. Naka akbay siya kay Yna habang nakikipag usap. Napailing na lang ako. Akala ko tuluyan na siyang umalis. Hindi pa pala. Ang kapal talaga ng mukha.
"O bakit nag iisa ang pinsan ko?" napalingon ako nang may mag salita. Agad akong napatayo nang makita siya.
"Ate Chen!" lumapit ako at yumakap, "Kailan ka pa umuwi?" tanong ko sa kanya.
"Kahapon pa. Hindi ko lang sinabi para ma-surprise ka," umupo siya sa tabi ko at nag kwentuhan kami.
Sa lahat ng pinsan ko'y si Ate Chen ang pinaka malapit sa akin. 1 taon lang naman ang tanda niya. 'Yon nga lang, nasanay akong tawagin siyang Ate. Wala kasi akong kapatid.
"Kumusta naman kayo ni Viniel?" tanong niya.
"Okay naman kami. M-masaya," pilit akong ngumiti sa kanya.
"Ay, hindi ko gusto ang ngiting 'yan. May problema ba? Baka naman hindi talaga kayo ayos ni Van, ha?"
Umiling naman ako sa kanya. Hindi niya pwedeng malaman na sinasaktan ako ni Van. Kilala ko si Ate Chen. Hindi mo gugustuhin na magalit siya. Para siyang si Samantha. Mas malala nga lang kung magalit ang pinsan ko. Kapag nalaman niya ang ginagawa ni Van, sigurado akong magkakagulo.
"Wala 'yon, Ate. Masaya ako kay Van. Alam mo naman na noon pa man ay mahal ko na siya. Masaya ako dahil sa kanya ako ikinasal," sabi ko.
"Kapag nalaman ko talaga na sinasaktan ka niya, lagot siya sa akin. Nag iisa ka lang na anak nina Tito, ano. Hindi pwedeng sinasaktan ka lang. Si Chastine Dela Rosa ka. Hindi ka dapat sinasaktan. Dapat nga'y matakot siya sa 'yo dahil alam kong kaya mo gawin ang lahat."
Oo, kaya ko. Pero pagdating kay Van, lahat ng iutos niya'y sinusunod ko. Maaring prinsesa ako ng magulang ko pero sa amin ni Van, taga silbi lang ako. Siya ang Hari. Siya ang nasusunod.
"Kukuha lang ako ng pagkain. Hintayin mo na lang ako rito," paalam ni Ate sa akin. Tumango naman ako bilang sagot.
Mayamaya lang ay may nag takip ng mga mata ko. Isa lang naman ang gumagawa nito sa akin ngunit imposible naman yata na nandito siya. Nasa ibang bansa 'yon eh.
"Xander?" sabi ko kahit hindi ako sigurado. Naramdaman ko naman ang labi niya sa tainga ko.
"Naaalala mo pa pala ako?" bulong niya. Inalis ko ang kamay niya sa mga mata ko at humarap sa kanya. Lumaki ang ngiti ko nang makita siya.
"Xander!" binigyan ko siya ng yakap at sinuklian din naman niya ito.
"I missed you."
"Namiss din kita, Xander. Buti naman at umuwi ka na rito," sabi ko sa kanya.
Hinawakan niya ang pisngi ko.
"Sinabi sa akin ni Samantha ang ginawa ni Van. Sinasaktan ka pa rin ba niya?" napaiwas ako ng tingin sa kanyang tanong. Hindi ko alam na nagsumbong na pala si Samantha.
"Cha, sinasaktan ka pa rin ba niya? Sabihin mo lang, ako na ang bahala," pag uulit niya.
"Hindi na kailangan, Xander. Okay na kami. Hindi na niya ako sinasaktan," sagot ko.
"Siguraduhin mo lang. Dahil kapag nalaman kong sinasaktan ka pa rin niya, kukunin na kita. Hindi ako papayag na sinasaktan niya lang ‘yong babaeng mahal ko. Hindi ako nag paraya para lang saktan ka niya. Alam mo naman kung gaano kita kamahal,’di ba?”
Malungkot akong napangiti. Kung tutuusin, si Xander naman talaga ang first crush ko. Pero nag bago 'yon noong nakilala ko si Van. Minahal ko naman si Xander. Ngunit hanggang kaibigan na lang ngayon.
"Salamat, Superman," napangiti siya sa sinabi ko.
Siya kasi si Superman at si Van naman si Batman. Noong high school pa kami nakasanayan itawag sa kanila ‘yon.
Hinalikan niya ako sa noo at niyakap. Napahiwalay ako sa kanya nang marinig ang boses ni Van.
"Chastine," lumingon ako at nakita ko siyang papalapit sa amin.
Nang makalapit siya'y hinapit niya ako sa baywang, "Alexander," baling niya kay Xander.
"Viniel," si Xander naman ang nag salita. Sandali siyang tinignan ni Van pagkatapos ay tumingin sa akin.
"Baby, nandito ka lang pala. Kanina pa kita hinahanap. Family picture raw. Kailangan tayo ro’n sa loob," ani Van.
Kumunot naman ang noo ko. Baby? Ngayon niya lang ako tinawag ng gano’n.
"Kukunin ko na ang asawa ko, pare," sabi ni Van kay Xander.
"Xander, pasok muna kami. Kailangan daw eh," paalam ko. Tumango naman siya sa akin.
Hinawakan ni Van ang kamay ko at hinila na ako. Nang makalayo kami ay tumigil siya at iniharap ako sa kanya. Mahigpit ang hawak niya sa baywang ko.
"Lumayo ka sa kanya. 'Wag mo na ulit gagawin 'yong nakita ko. Lalo na sa harapan ko. Mahiya ka rin sa mga bisita na nakakita nun. Baka kung ano ang isipin nila. Tandaan mo, asawa kita. Akin ka lang."