NATUTUWA si Anika na mukhang naging masaya ang dalawang araw na pananatili ni Trick sa isla nila. Katulad kahapon namasyal sila sa araw na ‘yon. Maraming taga-isla ang hindi na nakatiis at nakiusyoso kung sino ang bisita nila. Namangha at natuwa ang mga ito nang malamang anak ito ni Patrick. Inalok pa ng kung anu-anong pagkain at nag-aagawan pa kung sino ang kakausap sa binata. Natatawa tuloy siya kasi mukhang hindi alam ni Trick ang gagawin sa atensiyong nakukuha nito. “Hanggang dito sa isla, nagamit ni Papa ang social skills niya at nakuha ang loob ng lahat ng tao,” komento nito nang makatakas sila sa mga tao. Natawa si Anika. “Hindi lang karisma ang dahilan kaya gusto siya ng mga tao rito. Tumulong-tulong kasi siya sa kanila noong magaling-galing na siya at nakakatayo na. Saka isa siy

