Sa bawat araw na lumilipas, lalong bumibigat ang pasan kong responsibilidad. May mga project sa school si Samuel. Si Miguel naman ay naubosan na siya ng arts materials. Magaling talaga si Miguel pagdating sa creativity kaya naman mabilis maubos ang mga gagamitin niya. Yun din ang nagpapasaya sa bunso kong kapatid kaya kailangan ko siyang suportahan sa passion niya na iyon.
Pagkarating ko sa grocery store kung saan ako nagtatrabaho, agad akong pumasok sa stockroom para ayusin ang mga bagong dating na paninda.
"Jia, pakibuhat naman itong kahon ng de-lata papunta sa shelves," utos ni Aling Marta, ang may-ari ng tindahan.
"Opo, Ate Marta," sagot ko habang pinipilit iwaksi ang pagod.
Habang nag-aayos ako ng mga paninda, napansin kong may isang lalaking pumasok sa tindahan. Tumitingin siya sa mga paninda tila hindi alam kung saan nakalagay yung gusto niyang bilhin. Habang namimili siya, napagmasdan ko siya ng mabuti. Matangkad siya, maputi, may pilat sa kilay, magulo ang kaniyang buhok, at may seryosong ekspresyon sa mukha. Malinis siyang tignan sa suot na kulay green na button-down shirt na may short sleeve. Naging casual at relaxed ang kaniyang itsura at ang kaniyang pambaba ay isang denim short. Suot niya sa paa ay isang simpleng sapatos na kulay itim. Napabuntong-hininga na lamang ako dahil hindi ko alam kung bakit pinapansin ko ang mga simpleng detalye niya gayong hindi ko naman ito kilala.
Lumapit siya sa counter at iniabot ang isang lata ng gatas at isang supot ng tinapay kay Lisa, ang kahera. "Magkano lahat?" malamig niyang tanong. Pero tila pamilyar siya sa akin—siya ang lalaking nakita kong nakaluhod sa simbahan kahapon!
Habang kinukwenta ni Lisa ang total, hindi ko maiwasang mapansin ang ilang mga tingin ng ibang empleyado sa kanya. Gwapo naman kasi siya kung tutuusin kahit na may pilat siya sa kaniyang kilay. Hindi pa rin nawawala ang kaniyang kagwapuhan. Naalala ko ang mga tsismis kahapon—ang lalaking ito raw ay dating preso.
"Ikaw na mag-abot ng sukli, Jia," sabi ni Lisa, sabay turo sa akin. Tila natatakot siyang makipag-usap sa aming customer.
Napatingin ako sa lalaki, at sa isang iglap, nagtama ang aming mga mata. Kung gaano ka presko ang kaniyang suot ay kabaliktaran naman ang pinahiwatig ng kaniyang mga mata. Para bang may kung anong bigat sa kanyang titig, ngunit sa huli hindi ko ito pinansin. Iniabot ko ang sukli niya at walang sabi-sabing lumabas siya ng tindahan.
"Ano kayang kwento niya?" mahina kong bulong sa sarili.
Nagpatuloy ako sa pagtratrabaho kahit isip ko ay napunta sa lalaking customer namin kanina. Hindi mawala sa aking isip ang kaniyang mabibigat na mga mata. Tila madami iyong kwento sa likod noon at mga suliraning dala.
"Hoy!" Biglang may sumulpot sa gilid ko, dahilan para mapatalon ako sa gulat.
"Ano ba, Heika!" inis kong sabi habang hinahawakan ang dibdib kong bahagyang kumabog.
"Hahahahaha..... Sorry! Ang saya mong gulatin eh!" natatawang sagot ni Heika, may bitbit na isang maliit na supot ng tinapay.
Nakasuot siya ng maong na shorts at white sleeveless top na parang pang-summer style, kaya halatang presko ang kanyang pakiramdam. "Swerte at naabutan kita dito. Bibili lang ako ng snacks," nakangiti niyang dagdag.
Napailing ako ngunit napangiti rin. "Saan kayo pupunta?"
"May lakad kami ng pamilya ko. Kaya baka hindi ako makadalaw sa inyo mamaya," sagot niya na may halong lungkot. "Bawi ako bukas, promise!"
Alam kong gusto niya sanang sumama sa bahay, pero naiintindihan ko. "Walang problema, Heika. Enjoy kayo."
"Salamat, bes! Oh, ito oh, dagdag sa pagkain niyo mamaya," sabay abot niya sa akin ng tinapay.
Hindi ko na siya tinanggihan. Kahit simpleng bagay lang iyon, malaking tulong na rin para sa amin. Lalo't na wala yata akong madadala na maging ulam namin mamaya dahil hindi na kasiya pera ko. Bukas pa ang aming sahod.
Pagsapit ng hapon, natapos ko rin ang shift ko. Pag-uwi ko, bumungad sa akin ang gutom na mukha ng aking mga kapatid.
"Ate, ano po yung ulam natin?" tanong ni Miguel habang hawak ang kanyang tiyan.
Napatingin ako sa lamesa—walang nakahandang pagkain. Alam kong gutom na rin sila, at ako lang ang inaasahan nila. Malayo ang aming ina, nasa kabilang syudad para magtrabaho. Kaya sa araw-araw, ako ang tumatayong magulang nila. Hindi ganun kalakihang ang aking sahod kaya bawat araw pinagkakasiya ko ang aking konting kita. Yung pera na pinapadala ng aming ina ay sapat lamang sa pambayad ng renta ng bahay, kuryente, at tubig. Kung may tira man dun ay pinangdagdag ko sa araw-araw naming gastusin. May mga araw din na wala talaga kapag nagsabay-sabay Yung mga gastusin.
Kinuha ko sa aking bag ang tinapay na binigay ni Heika at pinaghati-hati ito. "Pasensya na ha, bukas makakahanap din ako ng mas masarap na kakainin natin."
Ngumiti si Samuel, kahit halatang gutom na din siya. "Okay lang, Ate. Basta magkakasama tayo."
"Kaya kayong dalawa, mag-aral kayo ng mabuti ha?" sagot ko habang pinagmamasdan sila. "Ang edukasyon niyo ang magiging sandata niyo sa buhay. Kahit mahirap ngayon, darating ang araw na hindi na natin mararanasan 'to."
Napatingin sa akin si Miguel. "Ate, gusto ko pong maging architect balang araw. Gusto kong magtayo ng bahay para sa atin."
"At ako po, gusto kong maging guro!" masiglang dagdag ni Samuel. "Para matulungan ko rin ang ibang batang katulad namin."
Napangiti ako sa kanila, ngunit sa loob ko, ramdam ko ang bigat ng responsibilidad. Gusto kong maibigay ang lahat ng suporta para matupad nila ang kanilang mga pangarap. Hinaplos ko ang kanilang mga ulo. "Siguraduhin niyong abutin niyo yang mga pangarap niyo, ha? Gagawin ko ang lahat para matulungan kayo."
Habang kumakain sila, tahimik akong naupo sa gilid. Alam kong kailangan kong lumaban para sa kanila. Hindi ko sila maaaring pabayaan. Ito lang ang kaya kong ibigay sa ngayon, pero darating ang araw na mas mapapabuti ko ang buhay namin.
Bumalik ulit sa aking isipan ang lalaking nakita ko kanina sa tindahan. Tulad ko may kinakalaban din kaya siyang sariling laban? Muli ay isang malakas na buntong hininga ang aking pinakawalan. Nakipagkwentuhan na lamang ako sa aking mga kapatid nang sa ganun ay mawala siya sa aking isip.