Maaga akong nagising sa araw ng aking day off, pero kahit wala akong trabaho ngayon, hindi ibig sabihin na pahinga na ito para sa akin. Marami pa rin akong kailangang asikasuhin. Hindi ko pwedeng sayangin ang araw na ito—lalo na’t kakapadala lang ni Mama ng pera. Kailangan kong siguraduhin na magagamit ko ito nang maayos para sa pangangailangan namin sa bahay. Sa bawat pisong inilalabas ko, naiisip ko kung paano ito makakatulong sa mga kapatid ko. Ang pagkain nila, ang mga gastusin sa bahay—lahat ng ito ay responsibilidad kong kailangang kayanin.
Matapos ayusin ang mga gawaing bahay, nagbihis ako at naghanda upang makipagkita kay Heika. Matagal-tagal na rin kaming hindi nagkakaroon ng oras para sa isa’t isa, kaya kahit papaano, gusto ko ring maranasan ang kahit sandaling pahinga kasama ang aking matalik na kaibigan.
"Bes, andito na ako sa tapat ng grocery. Nasaan ka na?" text ko kay Heika.
Maya-maya pa’y may tumapik sa aking kaliwang balikat. Paglingon ko ay walang tao. Pagharap ko ulit ay nakita ko si Heika na ang laki-laki ng ngiti. Naisahan na naman ako ng aking matalik na kaibigan.
"Bakit ka pa nagte-text? Andito na ako!" nakangiting sabi ni Heika.
"Naman! Biglang sulpot ka na lang!" natatawang sagot ko habang iniiling ang ulo.
"Ganyan talaga! Para may thrill ang buhay mo. Halika na, mag-grocery na tayo bago pa dumami ang tao."
Pumasok na kami sa isang grocery store at kumuha ng tig-iisang push cart. Ang bibilhin ko ngayon ay yung basic necessities namin sa bahay tulad ng mga sabon at condiments. Si Heika naman ay marami-rami din daw ang bibilhin niya. Naubusan na daw siya ng snacks sa kwarto at inumin. Hindi man ganun kayaman sina Heika, pero may kaya ang kaniyang pamilya—sapat lang para hindi sila maghirap. Sana all na lang talaga!
Habang kami ay namimili, napag-usapan namin ang aming mga pangarap sa buhay.
"Alam mo, Jia, hindi ko alam kung anong mararating ko balang araw, pero gusto ko lang maging masaya," sabi ni Heika habang hinahagilap ang paborito niyang snack sa isang istante.
"Heika, masyado kang pabaya minsan. Pero tama ka, hindi naman natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Pero gusto ko, kahit papaano, mabigyan ko ng magandang buhay ang mga kapatid ko," seryoso kong sagot habang inilalagay ang ilang delata sa cart ko.
"Alam ko namang magagawa mo 'yan. Ikaw pa ba? Sobrang sipag at tiyaga mo kaya. Balang araw, makakamit mo rin lahat ng pangarap mo."
Ngumiti ako sa sinabi niya. Alam kong mahaba pa ang aking lalakbayin, pero sa simpleng suporta ni Heika, tila nabawasan kahit papaano ang bigat na aking dinadala.
"Pero Jia, hindi lang naman puro responsibilidad ang buhay. Minsan dapat iniisip mo rin ang sarili mo. May mga bagay na hindi mo kailangang solohin," dagdag niya habang inilalagay sa basket ang isang kahon ng juice.
Napatingin ako sa kanya at natawa. "Ikaw na talaga ang bestfriend ko. Kahit kailan, hindi mo ako tinatantanan sa mga ganitong usapan."
"Siyempre naman! Sino pa ba ang magpapaalala sa'yo kung hindi ako?" malakas niyang sagot bago kami nagtawanan.
Matapos naming mamili, lumabas kami ng grocery store at tinungo ang daan papunta sa paradahan ng tricycle. Medyo mabigat kasi ang mga dala namin, lalo na kay Heika na may bitbit siyang dalawang karton. Mabigat pa lalo't may mga inumin din siyang binili. Habang naglalakad ay medyo nahirapan ako dahil isang karton na malaki din itong dala ko nang may biglang may humablot sa bag ko at nahulog yung dala kong karton.
"Hoy! Magnanakaw!" sigaw ni Heika.
Bigla ko na lamang iniwan ang karton kay Heika at agad akong tumakbo para habulin ang lalaki. . Sa kabila ng kaba at takot, hindi ko hinayaan na basta na lang mawala ang gamit ko, lalo na’t naroon ang perang panggastos namin sa bahay.
Habang hinahabol ko siya, napansin kong may isang taong nasa unahan—tila naghihintay ng tamang pagkakataon. Bago pa makalayo ang magnanakaw, mabilis siyang tinapik sa balikat ng lalaki, at isang mabilis na galaw lang, napigilan niya ito sa pagtakbo.
Nagmistulang live aksyon ng isang pelikula ang nangyaring pagpigil sa magnanakaw. Natumba ang magnanakaw at hindi na nakapalag.
Napahawak ako sa aking baga dahil hinihingal ako sa pagtakbo ng wala sa oras. Dahan-dahan akong lumapit sa eksena at napansin ang pamilyar na mukha ng lalaking tumulong.
"Siya 'yung lalaking nakita ko sa simbahan at sa tindahan!" bulong ko sa sarili.
Madaming tao ang nagsimulang mag-usyoso sa nangyari. Dumating si Heika sakay ng isang tricycle dala ang mga pinamili namin kanina. Ilang sandali pa, dumating ang barangay tanod na siyang dumampot sa magnanakaw. Wala nang nagawa ang huli kundi sumama sa mga awtoridad.
Humarap ako sa lalaking tumulong sa amin. Gusto kong magpasalamat sa kaniyang kabutihan sa pagtulon sa akin.
"Salamat sa pagtulong kanina..." sabi ko na medyo kinakabahan. Hindi ko alam kung bakit kaba ang aking nadarama gayung hindi naman ito ang una naming pagkikita.
Tiningnan lang niya ako, bahagyang tumango, at malamig na sumagot, "Wala yun. Siguraduhin mong mas mahigpit mong hawakan yang bag mo."
Bago pa ako makapagsalita ulit, agad siyang tumalikod at naglakad palayo. Pinagmasdan ko na lamang hanggang sa tuluyan siyang mawala sa paningin ko. Napansin ko na tumabi sa akin si Heika sa aking Gawin kanang gilid.
"Uy Jia, parang ang gwapo niya ha," biglang bulong ni Heika na may nakakalokong ngiti.
"Heika, seryoso ka ba? Kakahabol ko lang sa bag ko tapos yan agad iniisip mo?" natatawang sabi ko.
"Eh ewan ko sa'yo! Pero aminin mo, may dating siya! At mukhang hindi lang ito ang maging huling beses na makikita mo siya," sagot niya na may pang-aasar bago kami sumakay ng tricycle pauwi.
Pagkauwi namin sa bahay, inaayos ko agad ang mga pinamili sa kusina, hindi ko maiwasang balikan sa isip ko ang nangyari kanina. Sino nga ba talaga ang lalaking iyon? Bakit siya nandun sa eksaktong lugar at oras? Coincidence lang ba o sadyang nakatakdang mangyari?
Napaupo muna ako saglit sa sofa para makapagpahinga. Hiningal talaga ako sa pagtakbo at hanggang ngayon ay medyo hinahabol ko pa Ang aking hininga. Hindi nagtagal, lumapit sa akin si Samuel at Miguel, halatang may gustong itanong.
"Ate, sabi ni Ate Heika may humablot daw ng bag mo kanina! Totoo ba?" tanong ni Miguel na may halong pag-aalala.
Napatingin ako kay Heika na tila nahuling nagsumbong. Napangiti ako at hinawakan ang kamay ng aking bunso. "Oo, pero ayos lang ako. May tumulong sa amin kaya nahuli 'yung masamang tao."
Habang tinitingnan ko ang aking mga kapatid, hindi ko maiwasang maisip ang lalaking tumulong sa akin. May kung anong misteryo sa kanya na hindi ko maipaliwanag. Isa lang ang sigurado ko—hindi pa iyon ang huling beses na magkikita kami.