“The will to win, the desire to succeed, the urge to reach your full potential... these are the keys that will unlock the door to personal excellence.” – Confucius
Bago ko umpisahan ang kabanatang ito, gusto ko lang malaman niyo na walang kinalaman ang quote sa mangyayari sa kwento. Nagustuhan ko lang 'yung quote kaya ko linigay diyan.
Matapos ni Jin talian ang mga kamay ko, pinaghahalikan niya na ako sa leeg, joke. Sari-saring emosyon kasi ang naramdaman ko ng mga oras na iyon, gusto kong mag-isip kong pano ko malulusutan ang nagbabadyang kapahamakan, tatalon ba ako sa bintana? magsisigaw ng saklolo o mananatiling kalmado?
"Jin, Mabait akong tao, nagdo-donate ako sa World Health Organization, sa Wildlife, sa Bantay Bata, sa garapon ng Jolibee, ang dami kong tinutulungang charities at bahay ampunan, kung gusto niyo, kunin niyo lahat ng gamit sa bahay na 'to, kung kailangan niyo ng pera magbibigay ako... Parang awa niyo na... Huwag niyo lang akong gagahasain!” Humahagulgol akong nagmakaawa kay Jin na 'wag ituloy ang kanilang plano.
"Anong pinagsasabi mo? Manahimik ka nalang muna at 'wag kang tatakas. Tara na sa baba!" Pagalit na sinasabi ni Jin na minamanduhan ako pababa.
Habang naglalakad kami ni Jin pababa ng hagdan, naaaninag ko ang mga taong nakasuot ng itim na nakatayong naghihintay sa sala. Hindi ko masyadong makita ang mga mukha nila dahil bukod sa madilim, may parang itim na telang nakatakip sa kanilang mga mata, may mga maliliit na butas ito para makakita sila.
Dumomble ang kaba ko ng makita ang mga taong ‘yun, katapusan ko na ata. Sumama ang pakiramdam ko sa sobrang kaba.
“Jin.” Huminto ako sa pagbaba ng hagdan at naiiyak na tinawag ang pangalan ni Jin.
“Ano?! Bumaba ka na bilis!” Pagalit niyang sinasabi at hinila-hila ang tali ng kamay ko sa likod.
“Jin… parang awa mo na, pakawalan mo na ako, hindi ko na kaya.” Humagulhol akong nagmamakaawa kay Jin.
“Bumaba ka na nga kasi, hali ka na!” Sabi ni Jin at nanlisik ang mata.
“Jin, pakawalan mo na ako kailangan kong tumakbo!” Pasigaw akong nakiusap kay Jim habang naiinip na sa baba ang mga estrangherong nakaitim.
“’Wag mong subukang tumakas kung ayaw mong mapahamak!” Sabi ni Jin na parang nauubos na ang pasensya, seryuso ko naman siyang tiningnan para sabihin ang aking nararamdaman.
“Jin, kailangan mo kong pakawalan kung ayaw mong pare-pareho tayong mapapahamak dahil ‘pag ako na tae dito damay damay tayong lahat, natatae na ako Jin, ano ba? kanina pa!” Dahil sa lakas ng pagkakasabi ko, narinig ito ng mga estranghero at parang nangamoy na rin. Kitang-kita ko ang pagkadismaya ni Jin sa naamoy niya.
“Hunter Jin sige na, ihatid mo muna siya sa banyo, but make sure na makakapag-usap kami ngayong gabi.” Sabi ng isang lalaking nakasumbrero, nakatakip din ang mata, mabalbas, matangkad at maganda ang boses.
Dumiretso kami ni Jin sa banyo at hinayaan niya akong makapagbawas. Dahil sa kaba ko, talagang hindi ko napigilan ang sitwasyon.
Gustuhin ko mang tumakas, maliit at sementado ang bintana ng banyo at wala naman akong alam na secret passage sa mancion na ito, hindi rin ako pwedeng manatali sa banyo dahil isang suntok lang, giba na ang pinto nito. kung kaya't wala akong magagawa kung hindi harapin ang mga nakaitim na mga estranghero.
Habang nasa loob ako ng banyo, naririnig ko sa labas ang pag-iingay ng mga estranghero. Parang nangingi-alam na sila ng mga gamit sa bahay at may nagpatugtog pa ng lumang piano.
Matapos ang dalawampung minutong pananatili ko sa banyo, kumatok na si Jin ng pagkalakas-lakas. Inihanda ko ang aking sarili at pinlit na maging kalmado.
Paglabas ko ng banyo, doon ko napansin na marami sila sa loob ng bahay. May lalaki at babaeng nakabantay sa pinto ng kusina at kapansin pansin ang mga armas na tinatago nila sa kanilang mga katawan. May isang babae na nagmamasid-masid sa loob ng bahay, may isa ring babaeng walang magawa at dinudutdot ang daliri niya sa kandila habang nakaupo sa dining table.
Tinalian ulit ako ni Jin at minanduhan papunta sa nakasumbrerong lalaki na tumutugtog ng ‘Crazy for You’ ni Madonna sa lumang piano. In fairness magaling siyang tumugtog ng piano habang sumasabay sa pagkanta ang ilan sa mga nakaitim na lalaki. Nabawasan ang kaba ko dahil ang mga inakala kong brusko, fan din pala ni Madonna.
Huminto ang nakasombrerong lalaki sa pagtugtog ng piano matapos siyang senyasan ng kanyang kasama na nakatayo na ako sa kanilang likuran.
Tumayo ito at agad akong kinausap.
“Francisco Balencia the Fourth… Finally, we met. Jin, pakitanggal na nga 'yung tali niya, please.” Sabi ng lalaking nakasumbrero.
Kaagad ni Jin tinanggal ang tali sa kamay ko.
Lumapit sa akin ang nakasombrerong lalaki at inakbayan ako. Kung 5’6 ako, mukhang 6’0 ang height niya. Mabango naman siya pero ‘yung mga kasama niya mukhang mababaho.
“Don’t worry brother, we are harmless, we’re just here for a proposal kaya ‘wag kang kakabahan ha?” Sinabi ng estrangherong lalake habang hinihimas-himas ang kaliwang balikat ko.
“Sino kayo? Anong bang binabalak niyo sa’kin?” Tanong ko sa kanya. Inalis ng lalaki ang pagkaka-akbay niya sa akin at naglakad-lakad sa sala. Nabitin ako sa ng konti sa akbay niya. Comback! Char.
“I'm sorry brother, oo nga naman, kailangan ko munang magpakilala... I just really feel so overwhelmed na makita ka, I’m Professor Elmo McKinley Suarez from Universidad de Filipinas.”
“Prof Elmo Suarez?” Sobrang familiar ang pangalan niya, alam kong naririnig ko na ito dati pa.
“Prof Elmo, ‘di ba ‘yun yung prof na nawala tapos ‘di na nakita? Ikaw ba ‘yun?” Tanong ko sa kanya.
“Yes, that's right, that's right, it was me! Buti naman at kilala mo na ako." Natatawa niyang sinabi.
“Pano kita hindi makikilala? eh hindi ako pinag-aral ng nanay ko sa UF dahil simula ng mawala ka, sunod sunod na rin ang mga estudyanteng nawawala sa iskwelahan na 'yon… char ‘di talaga ako pumasa don. Pero… sino sila? Sila ba ang mga estudyanteng dinukot mo?” Tanong ko sa kanya habang tinitingnan ang mga nakaitim na estranghero.
“Hindi ako kidnapper Francisco, they are my volunteers, kaya’ before you accuse me let me introduce our group to you. We are treasure hunters Francisco and you will be one of us.”
“Treasure hunters? Mga treasure hunters kayo? Eh Bakit mo ako isasali diyan, mayaman ako, ‘di ko kailangan ng treasure na ‘yan. Hindi… hindi ako sasali.”
“Alam ko, alam kong mayaman ka Francisco, you are richer than you think.”
“Ano? Ano ba talaga ang gusto mong sabihin?”
"I'm sorry if I confused you, Francisco. Let me explain to you everything, Aside from being treasure hunters, we also have paranormal abilities, may mga kakayahan kaming kumausap ng mga espiritu at engkanto, and we found your house, a house with full of secrets. May mga espiritung naninirahan sa bahay na ito ang nakapagsabi sa amin na ang huling lalaki na magdadala ng apelyidong Balencia sa inyong angkan... take note, ang 'huling lalaki' na magdadala ng apelyido niyo, ang tagapagmana ng itinatagong kayamanan ni Dr. Francisco Solomon Balencia, at ikaw 'yun Francisco."
“Huh? ako ang huling lalake? Sure na ba kayo diyan?”
“Based upon our investigation, sa ngayon ikaw na ang huling may kakayahang magpatuloy ng apelyido ninyo, pwera nalang kung mag-aasawa ka ng babae o magkakaanak ka ng lalake, posible ba ‘yun Francisco?”
Tama nga siya, dahil puro mga babae ang nasa angkan namin, ako na nga ang huling alas ng mga Balencia at wala sa isip at kakayahan ko ang mag-reproduce ng bagong nilalang sa aming angkan. No way! Ewwwww.
“And here’s my proposal, magtutulungan tayong hanapin ang itinatagong kayamanan ni Dr. Francisco and we share the price, pero ‘wag kang mag-alala, we’re not doing it for ourselves, we do it for our beloved country.” Dagdag ni Prof Elmo.
“Edi kunin niyo, ‘wag niyo na akong idamay, nagbabakasyon ako dito, gusto kong mag-relax, wala akong panahon sa mga treasure treasure na ‘yan, kumikita ako sa business ko, at saka nag-start na rin ako ng youtube channel. Kaya’t kaya kong yumaman na ‘di naghahanap sa treasure na ‘yan.”
“I’m Sorry… Pero Kung ayaw mo sa treasure, give it to us, but you need to help us, you are the only one who can take the treasure, Kung kami ang kukuha, isusumpa kami ng mga engkantong nangangalaga rito. Mamatay kami Francisco.”
“Edi ‘wag niyo ng hanapin, mag-youtube nalang kayo, mag-youtube na tayong lahat!”
“Hindi ako nakikiusap, I’m just letting you know. Hunter Jin, Hunter Zeus, hawakan niyo siya.”
Dali-dali akong hinawakan ni Jin at isa pang lalaki sa magkabilang braso ng mahigpit. Halos hindi ako makahinga at amoy na amoy ko ang putok nung isang lalaki. Sinubukan kong makawala pero masyadong mabigat ang mga kamay nila.
“Anong gagawin niyo? Uy anong gagawin niyo, walang namang ganyanan, bitawan niyo ako! Ang baho ng putok mo!”
“Hunter Max, umpisahan mo na!”
Bigla akong pinuntahan ng isang lalaki at hinila nito ang mukha ko ng mahigpit. Tinutok niya ang mga mata niya sa akin na nakikita ko sa loob ng mga butas ng itim na tela. Dumilim ang buong paligid ko hanggang sa tanging pulang mata na lamang ang aking nakikita, palaki ito ng palaki ng palaki.
TO BE CONTINUED.