Ilang minuto ako doong natigilan, tinitimbang kung sasabihin ko ba sa kanya ang mga nangyari o ililihim na lang sa ikatatahimik ng lahat. Sa bandang huli ay pinili ko na lang na huwag ng ipaalam iyon sa kanya. At kahit na gustuhin ko ‘mang sabihin iyon kay Mama, hindi ko na lang ginawa para hindi na lang lumala. Kilala ko siya, malamang kung anu-ano na lang ang ikokomento niya oras na malaman niya ito na humantong pa sa mas seryosong problema. Ganun naman ang mga ina hindi ba? Natatandaan ko pa nga noon na palagi niya akong kinakampihan at kahit na mali ako. “Saka ko na lang ikukuwento sa’yo, Mama, kapag nagkita tayong dalawa.” Isa itong litanyang gasgas na at gamit na gamit ko kahit na kanino. Hindi ko iyon ikukuwento, hahayaan kong makalimutan na lang niya at matabunan ng ibang bagay.

