INAYOS ni Thorne ang kanyang suot na salamin nang makita ang isang malakas na demon. Isa itong babae at nakita niya kung paano nito tinalo ang mga nakasalubong nitong mga estudyante kanina. Ikinalma niya nga ang kanyang sarili sa kabila ng malakas na pwersang inilalabas ng kanilang mga kalaban. Ang kanyang berdeng aura ay napanatili niyang bumabalot sa kanyang katawan. Kasabay niyon ay ang paghawak niya nang mahigpit sa kanyang metal na latigong may mga tinik. Nakita nga ni Thorne ang pag-angat sa ere ng puting buhok ng demon na nasa kanyang harapan. Unti-unti iyong humulma at tila naging isang matalas na talim ito, at pagkatapos ay nabalot iyon ng itim na aura na mayroon ito. Narinig niya rin ang matinis na pagtawa ng demon habang nakatitig sa kanya ang mapupula nitong mga mata.

