NEZZIE JANE
LAS NAVAS MUNICIPAL HALL
Naglalakad na ako sa hallway papunta sa pwesto ko. Kailangan ko nang ihanda ang mga kakailanganin ni Ninong Mayor. Lunes kasi ngayon kaya siguradong tambak na ang mga pipirmahan nito. Kailangan ko ring siguraduhing maayos ang schedule nito ngayong araw. Malamang ay punong-puno ito hanggang mamayang hapon. Madami itong naka-schedule na kailangang puntahan na mga meetings. Gano'n din ang mga naka-takdang appointments nito at mga kakausapin na mga tao.
Medyo maaga pa naman. Alas syete y media ang pasok ko pero mag-a-alas syete y kinse pa lang. May 15 minutes pa ako para siguraduhin na maayos at maihanda ang lahat bago dumating si Ninong Mayor. May ilang nakakasalubong ako. Nginingitian at binabati ko sila at gano'n din naman ang mga ito. Saktong pagtapat ko sa may Treasury Office ay naabutan ko ang umpukan ng ilang mga naka-assign roon kasama na sina Claire at Jackie na siyang mga kilalang chismosa rito sa munisipyo.
Nag-uusap ang mga ito at nagtatawanan pa. Ang lalakas kasi ng mga boses nila at agaw atensyon iyon. Gusto ko sanang sawayin at sabihan na masyado pang maaga para sa chismisan. Ginawa na yata nilang almusal tuwing umaga. Pero naisip ko na 'wag na lang din. As if naman na makikinig ang mga ito sa akin. Sayang lang ang laway at effort ko 'pag nagkataon. Baka mapasama pa ako kapag ginawa iyon.
Lalagpasan ko na lang sana ang mga ito at tutuloy na nang bigla akong mapansin at tawagin ni Jackie.
"Oy, Nez!" tawag nito sa akin.
Napilitan akong tumigil saka tumingin sa mga ito.
"Balita namin may boyfriend ka na raw. Totoo ba?" interesadong tanong naman ni Claire na may kakaibang ngiti sa labi. "Baka gusto mo namang ipakilala sa amin."
Mukhang tama nga talaga ang naisip ko kagabi pa. Ito na nga ito. Hinanap agad ng mga mata ko si Apple kung naroon na ba ito pero mukhang wala pa ito. Malamang ay nai-kwento na ni Apple sa mga ito ang naging pagkikita namin kagabi roon sa San Rafael kung saan kasama ko nga si Rusty. Pati na rin ang pag-amin kong kasintahan ko na ito.
"At hindi lang daw iyon, ang pogi pa raw," muling saad ni Jackie.
"Wow!" reaksyon ni Claire. "Totoo ba 'yon, Nez?" tanong pa nito.
"Kanino niyo naman nalaman 'yan?" tanong ko pa rin kahit alam ko naman kung sino ang source nila. Gusto ko lang kumpirmahin sa mga ito.
"Malamang kanino pa, eh 'di kay Apple. Nabanggit niya kasi na nagkita raw kayo ro'n sa San Rafael kagabi. At galing daw kayo ro'n sa sikat na kainan." Si Jackie uli.
"Sino namang nabingwit mo?" tanong muli ni Claire. "Akala ko nga tomboy ka kaya wala ka pang boyfriend. Hindi ko alam na humaharot ka pala ng palihim diyan," dugtong pa nito at tumawa pa ng nakaka-insulto.
Nagpanteng ang tenga ko dahil sa sinabi ni Claire. Hindi ko nagustuhan iyon. Hindi ko alam na may gano'n na palang iniisip ang mga ito tungkol sa akin. Na porke't wala akong boyfriend, eh, tomboy na raw ako. Parang gusto kong matawa na magalit sa mga ito dahil do'n. Napaka-judgemental talaga. Iba talaga ang mga chismosa kung magpakalat ng fake news. Sobrang exaggerated.
Simula kasi na magtrabaho ako rito sa munisipyo ay never pa ako pumasok o nagkaroon man lang karelasyon. Wala rin silang nababalitaan o nakikitang sumusundo sa akin kaya siguro naisip ng mga ito iyon. Natuon lang kasi ang atensyon ko sa trabaho ko bilang sekretarya ni Ninong Mayor. At lately lang din kasi ang pagiging magkasintahan namin ni Rusty. Tapos tinago pa namin. Kaya siguro nag-conclude ang mga ito ng gano'n.
"Grabe ka naman. Porke't walang jowa, tomboy na agad. Hindi ba pwedeng choosy lang ako o 'di kaya ay 'di pa ako ready. Saka isa pa hindi ko naman kailangang ipangalandakan at ipaalam sa inyo kung may boyfriend na ako o wala. Akin na iyon at wala na kayo ro'n, no?" saad ko sa mga ito.
"Wow! Ang yabang mo naman yata, porke nagka-boyfriend ka lang ganyan ka na umasta," nakasimangot na saad ni Jackie. Halatang napikon ito sa tinuran ko.
"Oo, nga," sang-ayon din ni Claire at sinimangutan din ako.
Pero hindi ako nagpasindak sa mga tingin at ekspresyon nila. Sa halip ay nilaksan ko pa ang loob ko.
"Unang-una hindi ko kailangan ng mga opinyon niyo, okay? Pangalawa, wala kayong karapatan na i-judge at pag-isipan ako ng kung anu-ano. Pangatlo wala na kayo sa personal kong buhay. Imbes na kung sino-sinong pinagchi-chismisan niyo ay bakit hindi na lang kayo mag-focus sa trabaho niyo. Ang aga-aga puro chismis ang inaatupag niyo. Gusto niyo yata isumbong ko kayo kay Mayor, eh," pananakot ko pa.
Kapwa natahimik ang dalawa. Gano'n din iba pang mga naroon na nakikinig lang din. Hindi yata nila inaasahan ang mga binitawan ko.
"Sige, subukan mo. Akala mo matatakot mo kami," ani Jackie na nanghahamon pa.
"Oo nga, sekretarya ka lang naman niya, ah. As if naman paniniwalaan at kakampihan ka niya. Baka nakakalimutan mong mas nauna kami sa 'yo rito. Mas kilala na kami ni Mayor," segunda rin ni Claire.
Matagal nang empleyado ang mga ito rito sa munisipyo. At halos dito na rin nagka-edad at nagka-asawa. Ilang taon pa lang naman akong nagta-trabaho rito kaya kung ganoon na lamang ipaalala nito ang tagal nila sa serbisyo. Pero wala akong pake kung nauna sila. Ang point ko ay 'wag silang mangialam sa buhay ng may buhay. Puro chismis lang kasi ang inaatupag nila kaysa unahing gawin ang trabaho.
"Ah, talaga. Sige, subukan natin," matapang ko pa ring sabi. Wala ring nakakaalam na ninong ko si Ninong Mayor kaya malakas ang loob kong sabihin iyon. Alam ko rin kasi na siguradong mas papaboran ako ni Ninong Mayor kaysa sa mga ito.
"Oh, anong meron dito?" anang boses na bigla na lamang nagsalita at umagaw sa atensyon naming lahat.
Lahat kami ay napalingon sa pinanggalingan niyon. At ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ko nang makita ang boss ko --- si Ninong Mayor Antonio Regalado kasama ang dalawang tauhan nito na tumatayong bodyguards s***h assistant nito. Lahat kami ay nataranta bigla. May katandaan na ito at pagkakaalam ko ay senior na rin ito pero malakas pa rin. Hindi masyadong halata sa edad nito dahil matikas pa rin ito.
"Good morning ho, Mayor." Dinig kong bati nila Jackie at Claire na mabilis na nagpulasan para maghiwa-hiwalay at bumalik sa kani-kanilang mga pwesto nito.
"Good morning po, Mayor," bati ko rin dito.
"Anong pinagkakaguluhan niyo? May problema ba?" tanong ni Ninong Mayor.
"Ah... Wala naman po may tinatanong lang po sila sa akin," pagsisinungaling ko na lamang saka ko binalingan sina Jackie at Claire. Nakita ko pang tinaasan pa ako ng kilay ni Jackie. Maging si Claire ay masama rin ang tingin sa akin. Pero hindi ko na inintindi pa iyon. Ibinalik ko na lamang ang atensyon ko kay Ninong Mayor.
"Ah gano'n ba?"
"Opo."
"Ano ang magiging schedule ko ngayong araw?" pag-iiba nito habang naglalakad papuntang opisina nito.
Napilitan akong sabayan ito at iniisa-isa ang mga gagawin nito. Mabuti na lamang at nakabisado ko na iyon kanina habang papasok ako kaya mabilis ko ring nasagot ang tanong nito.
FEW DAYS LATER
Kaka-alis lang ni Ninong Mayor para puntahan ang huling naka-set nitong meeting sa labas. Malamang din ay hindi na rin babalik iyon dito sa munisipyo. Medyo nakahinga ako ng maluwag sapagkat tapos na ang trabaho ko ngayong araw. Konting double check lang at ayos ng mga pahabol na mga kailangan nitong pirmahan para bukas. Pwede na akong pumetiks kahit saglit.
Pasado alas dos y media pa lang ng hapon pero wala na ako halos gagawin. Naisipan kong tawagan si Rusty. Ilang araw na kasi ang lumipas simula ng lumuwas ito ng Maynila. At simula no'n ay iilang beses pa lang kami nagkaka-usap through video call. Medyo busy lang daw ito sa mga inaasikaso nito kaya madalang ito tumawag. Kaya ako naman ang tatawag sa kanya ngayon para kamustahin ito.
Chineck ko muna kung naka-online ito at sakto naman kaya agad kong tinawagan ito. Mabilis naman itong sumagot.
"Hello, bebe!" bungad agad nito sa akin ng bumungad ang gwapo nitong mukha sa screen ng cell phone ko. Nakangiti pa ito ng napakatamis at base sa nakikita ko sa background nito ay mukhang nasa labas ito.
"Hi, asan ka?" tanong ko.
"Andito lang sa labas ng agency. Mamaya-maya pa kasi ang balik ko. Ba't napatawag ka? May problema ka ba diyan?" tanong ni Rusty.
"Wala naman. Nangangamusta lang ako," sagot ko. "Wala na kasing akong gagawin pa. Kakaalis lang din ni Mayor kaya maghihintay na lang ako na pumatak ang alas kwatro y media para umuwi."
"Ah, gano'n ba? Eh, 'di mabuti. Break-break din 'pag may time. Akala ko kung napano ka na diyan."
"Okay lang ako rito. 'Wag kang mag-aalala sa akin. Maayos naman ako," assurance ko sa kanya.
"Pinagchi-chismisan ka pa rin ba ng mga kasamahan mo diyan?" May pag-aalala sa himig nito.
Nabanggit ko kasi kay Rusty ang naging sagutan namin nina Jackie at Claire no'ng nakaraan. Pati na rin si Apple na siyang naging dahilan kung bakit tuluyang nalantad ang relasyon namin. Halos mag-alala ito sa akin dahil do'n sa kinuwento ko. At balak pa sanang umuwi para lang komprontahin ang mga ito at ipagtanggol ako. Mabuti na lang din at nakumbinsi ko ito na huwag nang umuwi pa dahil magastos at sayang lang sa pamasahe. Isa pa ay hindi na rin naman kailangan pa dahil wala naman itong dapat na ipag-alala. Kaya hindi na nito tinuloy ang binabalak. Sinabi ko na 'wag na niyang intindihin pa iyon at mag-focus na lang sa mga inaasikaso nito sa Maynila. Sinabihan ko rin siya na kaya ko naman at magiging okay din ang lahat. Babalitaan ko na lamang ito sa mga nangyayare.
Ilang araw na akong laman ng chismisan sa buong munisipyo. Pati na ang ibang departmento at opisina ay alam na rin ang tungkol do'n. Para iyong virus na mabilis kumalat at nanghawa sa lahat ng naroon. Pero siyempre dedma na lamang ako. Hinayaan ko na lamang ang mga ito. Wala na akong magagawa para pigilan pa iyon. Alam ko rin kasing mawawala rin iyon at kusa na ring tititigil ang mga chismosa 'pag nagsawa. Alam ko naman sa sarili ko kung ano ang totoo. Hindi ko rin naman kailangan na mag-explain pa ang sarili ko dahil useless din.
Ayoko na ring patulan pa ang mga parinig at baka makipag-sagutan lang din uli ako gaya nang nangyare sa amin nina Jackie at Claire. Hindi ko lang kasi nagustuhan ang mga pinagsasabi ng mga ito tungkol sa akin kaya ganoon na lamang ako ka-apektado na mag-react. Sa totoo lang ay expected ko na talaga ito na magiging tampulan ako ng usapan pero ang hindi ko lang talaga matanggap ay 'yong mga fake news na sinasabi nila tungkol sa akin. Na kesyo ganito, na kesyo ganyan.
Hindi ko na nga lang masyado pang iniintindi dahil masi-stress lang ako. Nagbibingi-bingihan na lamang ako minsan kapag nakakarinig ng mga usapan tungkol sa akin. Hindi na rin ako tumitingin kapag dumadaan. Tuloy-tuloy lang akong naglalakad 'pag pumapasok. Hindi na rin ako lumalabas ng pwesto ko kung hindi naman importante pwera na lang 'pag magsi-CR ako.
Hindi ko rin alam kung bakit ginawa nilang big deal ang pagkakaroon ko ng boyfriend. Eh, kung tutuusin ay hindi naman ako celebrity. Hindi rin naman ako sikat. Isang hamak na empleyado lang ako rito sa munisipyo. Sigurado ako na may nadagdag sa kwento kaya gano'n na lamang naging ka-interesado ang lahat. Hanggang sa nabalitaan ko na lamang na tuluyang lumabas na rin ng munisipyo ang chismis. Naging laman pa ako ng mga blind item bigla at halos kumalat na iyon sa buong bayan ng Las Navas dahil lang sa pagkakaroon ko ng nobyo.
Ohjiva! Kakaloka! Artistahin ang lola niyo!
Tumango ako bilang sagot pero pinilit kong maging natural at pasayahin ang aura ko. Ayoko rin na mag-isip at mag-alala si Rusty sa akin. Baka kasi maka-apekto ito sa pag-a-apply nito.
"At talagang ayaw ka talaga nilang tigilan, ha?" ani Rusty.
"Gano'n na nga. Pero hayaan mo na. Hindi ko na rin naman iniintindi pa."
"Basta mag-iingat ka pa rin. Kapag kailangan mo kausap at mapagsasabihan, andito lang ako. Tumawag ka lang. Sasagot ako kapag hindi ako busy. 'Wag mo na lang silang intindihin pa."
Parang gusto kong maiyak sa mga sinabi nito. Ramdam ko talaga na nag-aalala ito sa akin, na mahal na mahal niya ako, na lagi itong nandiyan para sa akin, na handa itong makinig at samahan ako kahit na magkalayo kami. Wala na akong pake sa sasabihin ng ibang tao hangga't andyan si Rusty. Magiging matatag ako. Si Rusty lang talaga, sapat na.
"Salamat, bebe. Bahala na sila. Alam naman natin kung ano ang totoo. Maging ang Diyos, nakikita Niya ang lahat. Makakarma rin ang mga iyon."
"Tama!" sang-ayon nito. "Basta hintayin mo na lang ako. Baka sa susunod na mga araw ay makakauwi na rin ako diyan."
"Talaga?" reaksyon ko na lalong nagpalakas ng loob ko.
"Oo, kaya konting tiis na lang. Magkikita uli tayo. May surprise uli ako sa 'yo," saad ni Rusty.
"Naku! 'Yan ka na naman sa pa-surprise-surprise na 'yan. Baka ma-spoiled na ako niyan," sabi ko.
"Okay lang. Kaya nga baby kita, eh este bebe."
"Corny!" sabi ko na lang saka tumawa. Maging si Rusty ay natawa rin dahil do'n. "Oo, nga pala kamusta na pala ang application mo diyan?" pag-iiba ko.
"Ayon, mukhang okay naman. Isang interview na lang at baka mag-medical na ako."
"Naks! Konting-konti na lang talaga."
"Sana nga magtuloy-tuloy na ito," anito.
"Ano ka ba?! Claim mo na. Basta galingan mo lang sa pagsagot. 'Wag ka lang din kakabahan. Ipagpi-pray din kita na sana ay pumasa ka at maging okay ang kalalabasan ng interview mo. Basta tiwala lang. Alam ko kaya mo 'yan. 'Kaw pa ba?" pagpapalakas ng loob ko rito.
"Salamat, bebe. Kaya love na love kita, eh."
"Love din kita," tugon ko.
Nakita ko pang nag-flying kiss pa ito mula sa kabilang screen. Kaya mabilis ko rin kunwari iyong hinuli at dinampi sa mga labi ko.
"Ingat ka diyan, ha?" saad ko.
"Ikaw din. Sige, na. Babalik na ako sa loob."
"Okay. Good luck," pahabol ko pa at tuluyan na nitong pinatay ang camera nito. Nag-send pa ako rito ng heart emojies bago ko tuluyang pinatay ang wifi connection ko.
Napasandal ako sa upuan ko saka na nag-inat pagkatapos ng usapan namin. Kailangan ko nang tapusin ang mga nakalimutan kong gawin at i-advance ang mga ibang gawain para bukas. Para nakahanda na rin ang lahat at hindi na rin ako mangangarag pa. Konti na lang din naman at uuwi na rin ako maya-maya. Busy-busyhan na muna ako after kong pumetiks. Baka kasi may biglang pumasok at makita akong walang ginagawa. Baka isumbong pa ako. Panibagong chismis na naman iyon 'pag nagkataon. Mahirap na. Lalo pa ngayong mainit ang bawat galaw ko sa mata ng mga kasamahan kong chismosa.
Binalingan ko ang mga papel sa table ko saka sinimulang ayusin nang maramdaman kong may pumasok. Pero hindi ako nag-abalang tapunan ito ng tingin. Nagpatuloy lang ako sa ginagawa ko.
"Wala na po si Mayor sa office niya. Kung may kailangan kayong papirmahan sa kanya ay palagay na lang po diyan sa table. Ako na po ang bahala diyan mag-abot sa kany," sabi ko rito pero hindi pa rin ako tumingin.
Wala akong narinig na tugon na salita mula sa pumasok. Tahimik lang kasi ito. Nakikita ko sa gilid ng mata ko na naroon pa rin ito at nakatayo lang. Hindi pa rin ito umaalis o lumabas man lang.
"May kailangan ka pa ba?" muli kong tanong pero tuloy pa rin ako sa ginagawa ko. "Kung may sasabihin ka pang ibang importante, ipapasabi, sabihin mo na at ako'y busy pa. Ako nang magsasabi kay Mayor bukas."
"Wala akong sasabihin kay Papa," saad nito.
Agad akong napaangat ng mukha nang marinig ang nagsalita. Kilala ko ito.
Si Verna!