Easy on Me 1
“Nay, sasama ka ba ulit kay Tatay sa pangingisda?” Tanong ng dalagang si Dyosa sa kaniyang Nanay na abala sa pagsasa-ayos ng lampara, malinis na galon na may lamang tubig at iba pang mga kagamitan sa pangingisda. Hapon ngayon at kauuwi lamang ng dalaga sa kanilang maliit na kubo.
“Oo anak, mahirap na at baka lapitan na naman siya ng mga nag-ootsung sa baybay. Alam mo naman na kaunti lang ang nakukuha ng tatay mo mula sa pangingisda, eh hihingiin pa nila.” Sagot naman ng kaniyang ina na napabuntong hininga pa. Napakamot na lang sa sintido si Dyosa habang nilalapag ang dalang butas-butas na bag, puno na ito ng sulsi ngunit kahit ganoon ay ginagamit niya pa rin ito, wala kasi silang pambili at kulang na kulang ang budget ng kanyang Inay at Itay sa pangingisda.
“Sige po, para alam ko na maaga akong gigising kinabukasan upang makagawa pa kahit papaano ng mga gawaing bahay bago makapasok po sa eskwela.” Nag-aantay ng tamang pagkakataon si Dyosa na sabihin sa Nanay na may kailangan silang babayaran sa eskwelahan. Nahihiya siya dahil panigurado ay uumagahin na naman sa laot ang kaniyang mga magulang upang matustusan ang pangangailangan niya sa eskwelahan.
“Mabuti kung ganoon, magpalit ka na ng damit at ng malabhan ko pa iyang uniporme mo. May pasok ka ba bukas?” tanong ng ginang sa anak. Umakyat naman sa kawayan na hagdan ang dalaga at tumingin sa Nanay niyang nakatayo sa may lamesa habang nakatingin sa kanya.
“Opo, saka Nay, may babayaran daw po kami sa eskwelahan. Para daw po sa school publication namin, eh deadline na po kasi sabi ng guro ko.” Nahihiyang sagot ni Dyosa, bata pa lang siya ngunit mulat na siya sa reyalidad na mahirap lamang sila. Bagamat may angking kagandahan ang dalaga ay hindi naman niya kayang pangalagaan ang kaniyang katawan, dahilan kung bakit tuyot ang balat at buhok ng dalaga. Natigilan naman ang ina at saka napabuntong hininga.
“Bukas na ba talaga ang deadline nu’n? Magkano na ba ulit ang bayad doon?” tanong ng ina habang kinakapkapan nito ang puno ng sulsi na saya niya. Nagbilang ito ng barya mula sa maliit at lumang pitaka. Nagbaba lamang ng tingin si Dyosa at napakagat pa ng labi.
“60 pesos daw po, Nay. May ipon naman po akong 20 pesos mula sa mga tirang baon ko nitong nakaraang araw. Pasensya na po talaga Nay’. Kukuha na lang ako ng labada kay Aling Brenda sa sabado.” Nakayukong pahayag nito, dahil hindi na niya kinaya na makita ang inang halos kuskusin na ang laman ng wallet para lamang makakuha ng eksaktong halaga na kailangan ni Dyosa sa eskwelahan.
“Pasensya na anak ha? Terenta lang ang laman ng wallet ni Nanay. Oh—ito may dos pa pala ako. Wala kasi kaming nabenta ng tatay mo kanina dahil akunti lamang ang huli.” Kahit papaano ay nakahinga ng maluwag si Dyosa, kahit na kulang ang ibinigay ng Nanay niya ay tinanggap niya pa rin at saka nagpasalamat.
Agad na inilagay ni Dyosa sa sarili niya ring pitaka na bigay pa noong kandidato noong nakaraang eleksyon. Meron na siyang 52 pesos na ipambabayad, balak na lang niyang umutang sa mga kaklase kung meron mang magmamagandang loob na magpapautang sa kanya.
“Nay’, pupunta muna ako kina Hannah may assignment po kasi kami. Balak po naming gawin iyon ng magkasama.” Pahayag ni Dyosa habang pababa na at nakapagbihis na ng pambahay, isang puting bistida lamang ang suot niya. Luma na ito at hanggang hita na lamang niya, halos magkulay kayumanggi na din ito dahil sa kalumaan.
“Sige, mag-ingat ka! Uwi ka ng maaga ha?”
“Opo Nay’!” sagot niya habang nagmamadaling umalis suot ang tsinelas na magkaiba, napulot niya lang ito sa tabing dagat noong kasagsagan ng Pista. Dala ang notebook at ballpen ay nagtungo siya sa sa bahay ng kanilang kapitan kung saan nakatira si Hannah, ang anak ng kanilang kapitan na kaibigan niya din.
“Dyosa, nasabi mo na ba sa Nanay mo na kinukuha kang muse sa school?” tanong ni Hannah habang nangungulangot pa. Nasa sala silang dalawa na magkaibigan ngayon at abala sa pagsagot ng kanilang takdang aralin.
“Hindi, at saka ayaw ko naman sumali. Mas madaming maganda sa klase natin. Kagaya mo.” Tugon ni Dyosa, ngunit napangiwi siya ng makitang pinitik ni Hannah ang kulangot sa daliri.
“HAHAHAHA! Ano ka ba, maliit na bagay. Wala akong balak sa mga ganyan na kaartehan Dyosa at baka madospordos pa ako ni Papang dahil kung ano-ano na naman na kagastusan ang sasalihan ko daw.” Tugon ng matabang dalaga, maganda naman si Hannah iyon nga lang ay maasim at pango ang ilong niya.
“Ikaw talaga. Ano na nga bang basa dito? Hindi ko narinig ang sinabi ni Ma’am kanina.” Napapakamot na lang ng ulo si Dyosa, lumapit naman si Hannah at binasa ang sanaysay na nasa wikang ingles.
“Luela bought a new dress from G21 Bo---- bo-ti-ki? Ano ba yan! Ang hirap naman, malay ko ba kung anong basa diyan. Ano daw ba ang gagawin?” tanong ni Hannah matapos maguluhan sa salitang ‘Boutique’ pareho na lang na napakamot ang dalawa sa kanilang assignment. Kinuha ni Hannah ang kanyang bagong cellphone at tinipa doon ang salitang hindi nila mabasa.
“Boutique.” Sagot ng cellphone, namangha naman si Dyosa dahil ngayon lamang niya nalaman na kayang bumasa ng mga salita ang teknolohiyang iyon. Buong pagmamalaki namang ibinida ni Hannah ang Cellphone na hindi pinapagamit ng ama sa kanya dahil distraksyon lamang daw iyon sa kanyang pag-aaral kaya mas mabuting sa bahay na lamang niya ito gamitin.
“Gusto ko din ng ganyan, kaso wala kaming pangbili. Pag bakasyon talaga sisikapin kong makabili ng ganyan upang may magamit ako pag senior high school na tayo! Mga ilang labahan kaya kina Aling Brenda ang magagawa ko para makabili nang ganyan?” mahinhing tanong ni Dyosa sa kaibigan na abala na ngayon sa pagbubutingting ng kasangkapan.
“Ah ito ba? Sabi ni Papang Payb Tawsan daw ang halaga nito. Kaya baka pudpod na ang kamay mong maglaba ng maduming panty ni Aling Brenda eh, hindi ka pa rin makakabili. Di bale pahiramin na lang kita ha?” pampapalubag loob ni Hannah kay Dyosa.
Napasimangot naman si Dyosa, malaking halaga nga talaga ang five thousand na sinasabi ni Hannah. Saka wala nga pala silang kuryente sa bahay, nagkaroon naman sila noon kaso naputol din kasi hindi nakapagbabayad ang Nanay niya. Nagpatuloy ang dalawa sa pagsagot ng mga takdang aralin, nang may oras pa ay tinuruan ni Hannah si Dyosa na magbasa. Hindi pa kasi siya masyadong magaling sa pagbabasa lalo sa ingles. Hirap siya doon, buti na lang at nandiyan ang kaibigan niya. Bago umuwi ay tinawag siya ng ama ni Hannah, binigyan kasi siya ng ulam.
“I-uwi mo na ito Dyosa ha? Ikamusta mo na din ako kay pareng Nanding, sabihin mo ay dumayo naman siya dito para makapag-inuman kami.” Sabay abot ng nakasupot na dinuguan sa kaniya.
“Maraming salamat po Kapitan! Kaso baka bungangaan lang siya ni Nanay pagka-iinum na naman.” Nahihiyang sagot ng dalaga, napahalakhak naman ang Kapitan na may malaking tiyan at kalbo. Nasa labas sila ng bahay ng Kapitan na kakauwi lang mula duty sa barangay nila. Si Hannah ay abala na kasi sa paglamutak ng biniling pagkain ng ama.
“AHAHAHHA! Sige ang sabihin mo sa Tatay mo ay magpunta dito at ipapatrabaho ko sa kanya ‘yung nasisirang bakuran namin.” Pahayag ng matanda. Ngumiti lang si Dyosa at tumango.
“Sige po, basta wala pong inuman ha? Baka kasi sa labas na naman patulugin ni Nanay si Tatay, kawawa naman po siyang makagat ng mga lamok at iba pang insekto doon.” Pangongonsensya ng dalaga. Mas lalo namang natawa ang matanda.
“Oo na Hahaha, nakakatawa ka talagang bata ka. Parehong-pareho kayo ng dalaga ko. Oh siya! Uwi ka na at baka gabihin ka sa daan. Mag-ingat ka ha? Sumbong mo sa akin kung may tumarantado sa’yo diyan sa daan.” Magalang lamang na nagpaalam at muling nagpasalamat sa matanda.
Habang naglalakad siya pauwi ay nakasalubong niya ang ilang kaklase at mga kakilala, mabait naman ang mga ito sa kanya dahil pare-pareho lang din naman na mga anak ng mga mangingisda ang mga ito. Maliban na lang siyempre sa anak ni Aling Brenda na si Angel, ewan ba at laging mainit ang dugo niyang si Angel kay Dyosa. Baka dahil mas lamang si Dyosa ng ganda kay Angel, maganda naman si Angel ngunit kung ikukumpara kay Dyosa na merong maliit at matangos na ilong ay malamang uuwi na itong luhaan.
“Nay’! Nakauwi na po ako.” Pumasok na sa bahay si Dyosa at kumuha ng mangkok na nanggigitata na sa sobrang kalumaan, doon ay nilagay niya ang ulam na bigay ni Kapitan. Nakita ni Dyosa na nagwawalis ang nanay niya sa likod bahay nila kung saan may tatlong malaking puno. Isang puno ng niyog at dalawang umbrella tree.
“Nay! May binigay na ulam si Kapitan. Pinapakamusta din si Tatay. Na saan po pala si Tatay?” tanong niya matapos makapagmano sa ina.
“Mabuti kung ganoon, naku baka mag-inuman na naman sila Dyosa ha? Sabihin mo pinagbabawalan ko ng uminom iyang tatay mo at mahina, nakakahiya na ihahatid pa nilang halos hindi na makalakad iyan.” Mahaba at siguradong-sigurado na pahayag ng Nanay niya.
“Eh, Nay. Sabi po ni Kapitan may ipapaayos daw ho siya sa bakuran nila kay tatay, sinabi ko naman na hindi mo po papayagan si Tatay.” Napakamot na lang ng ulo ang dalaga. Isinukbit naman na ng Nanay niya sa kili-kili ang walis tingting nito.
“Mabuti ng magkalinawan, sabihin mo sa Tatay mo iyan mamaya. Mabuti lang na may pandagdag tayo sa gastusin sa bahay at mahina ang mga huli. Halika na at madilim na, magluluto pa ako ng kanin natin.” Iniyakag na ng Ina ang dalagang anak patungo sa kanilang kubo at saka nagsindi na lampara na siya tanging ilaw nila sa bawat gabing madilim. Maya-maya naman ay dumating na ang ama ni Dyosa na kagagaling lang sa sugalan upang manood.
Kahit salat sila ay masaya si Dyosa, habang tinitignan ang ama at ina niyang masayang nagkwekwentuhan naisip niya na gusto niyang maging ganito rin balang araw ang magiging pamilya niya, bagamat ayaw niyang danasin ang paghihirap ng napakatagal.
“Anak, makapagtatrabaho ka naman na sa mga karenderya o di kaya naman tindera diyan sa bayan kapag nakagraduate ka na sa high school ano?” bigla ay tanong ng Ama. Napatingin naman siya at ibinaba ang kamay na may hawak na kanin sa kaniyang pinggan.
“Opo, Tay. Pero po kailangan pa daw po naming mag senior high school para makakuha ng mas magandang trabaho.” Sagot naman ni Dyosa, hinawakan ni Lydia ang kamay ni Nanding.
“Anak? Hindi ba pwedeng tumigil ka muna? Masyado na kasing madaming pinagkakautangan si Tatay, magpapatuloy ka naman kung may pera na ulit tayo.” Paliwanag ng Ama, napatigil naman sa pag-nguya si Dyosa.
“Nay.” Nagsusumangong usal ni Dyosa. Naawa naman si Lydia sa anak, batid kasi niya kung gaano nito kagusto ang makapagtapos sa pag-aaral upang maging guro.
“Nanding, napag-usapan na natin ito dati pa hindi ba? Kung hindi kakayanin, eh maglalabada na lang ako. Dagdag kita din iyon.” Suhestiyon ng Ina ni Dyosa, napangiti naman kahit papaano ang dalaga ng makitang may kakampi siya.
“Lydia, alam mo naman na binigyan na tayo ng palugit ni bumbay, balak na nga niyang hatakin----” hindi na natuloy ni Nanding ang sinasabi ng pigilan siya ni Lydia, napatingin naman agad si Dyosa sa magulang.
“Shhhh, tayo ang magulang. Kaya naman nating pagtulungan na bayaran ang mga utang natin. Siya nga pala, ang sabi ni Kapitan ay may ipapatrabaho daw siya sa iyo. Puntahan mo siya pagkatapos nating magbenta ng mga huling isda bukas.” Nakita ni Dyosa kung papaanong napabuntong hininga ang Tatay niya. Pero sumuko na ito sa suhestiyon ng asawa.
“Pasensya ka na anak ha? Namomroblema kasi kami ng Nanay mo sa pang-araw-araw natin. Kayod kalabaw na nga tayo pero wala pa ring nangyayari.” Paliwanag ng Ama. Nalulungkot man sa sitwasyon nila ang dalaga ay wala siyang magawa.
Bago matulog ay walang sawang nagdasal si Dyosa, panalangin niya na sana ay hindi na sila manatili pa sa ganoong sitwasyon. Hindi niya na napigilang maluha, pinahiran niya lamang ito ng kaniyang kumot na gawa pa sa pinagtagpi-tagping sako ng harina.