Nagmamadaling bumaba ng taxi si Jhanna at mabilis ang mga hakbang na nilapitan niya si lola Ignacia na nakatayo sa labas ng gate ng bahay nito at mukhang kanina pa naghihintay sa kaniya. Hinawakan ng matanda ang isang braso niya nang kamuntik na siyang mawalan ng balanse.
“Dahan dahan naman, Jhanna, daig mo pa ang hinahabol ng sampung kabayo niyan, 'eh.” Saway nito.
Habol ang paghinga na hinagod niya ang kaliwang dibdib bago niya nagawang magsalita.
“Kumusta na po si Top? Masama pa ba ang pakiramdam niya?” nag aalalang tanong niya.
Kanina ay tinawagan siya ni lola Ignacia at ipinaalam nito sa kaniya na buong araw lang nagkukulong sa kwarto si Top dahil masama daw ang pakiramdam ng binata. Hindi na siya masyadong nagtanong pa ng ibang detalye at agad na pumunta sa bahay ng mga Geronimo.
“Medyo okay na siya ngayon, nasa itaas siya at natutulog,”
Kahit paano ay nakahinga siya ng maluwag. “Ano po ba kasi ang nangyari?”
“Naku, ewan ko ba sa batang 'yun at biglang naisipan na mag uwi ng pusa dito. Alam naman niyang pwede siyang sumpungin ng hika kapag ginawa niya 'yun, hindi pa rin talaga siya nagpaawat kaya nang magising kanina ayun masama na ang pakiramdam.” Anito at napapalatak pa.
“P-pusa?” gimbal na nasabi niya. Alam niyang si Garfield ang tinutukoy ng lola ni Top dahil pinilit niya ito kahapon na iuwi ang pusa at alagaan. Natampal niya ang noo nang maalala na may hika nga pala ang lalaki.
Hala sh~t! Kasalanan ko pala!
“Aba'y teka, huwag ka ngang tumakbo at baka mamaya mahulog ka sa hagdan!”
Hindi na niya pinansin pa ang pagsaway sa kaniya ni lola Ignacia at parang may pakpak ang mga paa na tumakbo siya papasok sa loob ng malaking bahay. Halos madapa na siya sa pagtakbo habang umaakyat ng hagdan. Nang makarating sa labas ng kwarto ni Top ay naging maingat na ang mga kilos niya sa takot na maistorbo niya ang pagtulog nito. Dahan dahan niyang pinihit ang seradura ng pinto at maingat ang mga hakbang na pumasok siya sa loob. Naupo siya sa gilid ng kama at buong pag aalalang pinagmasdan niya ang binata habang mahimbing na natutulog ito.
Parang may higanteng bato ang biglang dumagan sa dibdib niya nang mapansin na medyo maputla ito. Binalot ng matinding awa ang puso niya. Kasalanan niya kung bakit ito nagkasakit ngayon dahil kung hindi niya ito pinilit na ampunin ang pusa ay hindi naman ito magkakasakit. Bakit kasi nakalimutan niya na may asthma nga pala ito. Awtomatikong kumilos ang isang palad niya at masuyong hinaplos ang pisngi nito.
Ilang saglit lang ay nagising na si Top. Nataranta siya nang magtama ang mga mata nila. Bigla ay nagkaroon ng matinding komosyon sa dibdib niya. Gusto na niyang batukan ang sarili dahil kahit alam niyang masama ang pakiramdam nito ay hindi pa rin niya mapigilan ang nakakabinging pagkabog ng dibdib niya nang magtama ang mga mata nila. Gulat na napaigtad siya ng bigla ay hulihin nito ang palad niya at masuyong pisilin iyon. Parang mauubusan ng hangin ang buong katawan na napahinga na lang ng malalim si Jhanna at sinalubong si Top nang nag aaalalang tingin.
“Dapat sinabi mo sa akin na allergic ka sa balahibo ng pusa at hindi mo pwedeng ampunin si Garfield. Teka nasaan na nga pala si Garfield? Kailangan na niyang mawala agad dito sa bahay ninyo bago ka pa tuluyang maospital.”
“Anong gagawin mo sa kaniya?” namamaos pa ang boses na tanong ni Top.
Mas lalo pa nitong hinigpitan ang paghawak sa palad niya para hindi siya magtagumpay na tumayo at iwanan ito.
“Kailangan na niyang umalis dito sa bahay ninyo. Baka mas lalo pang lumala ang sakit mo.” Giit niya.
Matipid na nginitian siya nito. Nag alburoto na naman tuloy ang puso niya dahil sa pagngiti nito.
“Okay na, nagawan ko na ng paraan. Nandoon na siya ngayon sa dating kulungan ng aso ni kuya Marcus. Nangako naman si lola sa akin na aalagaan niya si Garfrield. Alam ko naman na matagal ng gusto ni lola na mag alaga ng pusa kaya lang ay alam niyang bawal sa akin.”
“Pero kahit na….” napabuntong hininga siya at mahinang tinapik ang dibdib nito gamit ang isa pa niyang kamay.
“Ouch!” reklamo nito.
Inirapan lang niya si Top. “Kamuntik na akong mahimatay sa pag aalala sa'yo tapos si Garfield pa rin ang iniisip mo? Hindi bato ang katawan mo, Top, utang na loob ibigay mo na sa akin ang pusa.”
“Ayoko!” mariing wika nito. Kahit na masama pa rin ang pakiramdam ay mabilis na bumangon ito a hinarap siya. “Ibinigay mo sa akin si Garfield kaya bakit ko papayagan na mapunta siya sa iba?”
Natigilan siya. Umawang ang mga labi niya at pigil ang paghinga na pinagmasdan ang maamong mukha nito. Naisip niya na kung minsan ay unfair talaga ang mundo. Kahit may sakit kasi si Top ay parang hindi man lang nabawasan ang kagwapuhan nito. Mas lalo pa itong naging perpekto sa paningin niya kahit na maputla ito at magulong magulo pa ang buhok nito.
“P-paano kung magkasakit ka naman?”
“Hindi na mangyayari ulit ito, basta hindi pakalat kalat sa bahay si Garfield hindi ako susumpungin ng asthma.”
“Hindi ka ba naaawa sa kaniya? Ikukulong mo siya sa kulungan ng aso? Nasanay na siya na magpagala gala kaya baka mahirapan siyang mag adjust.”
“Ah, right,” sabi nito at biglang natahimik.
Kumunot ang noo ni Top at alam niya na kapag ganoon ang reaksiyon nito ay may kung anong ideya itong binubuo sa isip nito.
“Pwede mo ba akong samahan sa pet shop kapag magaling na ako? Pwede naman akong magsuot ng mask para masiguro na safe ako.”
“Anong gagawin mo sa pet shop? Ibebenta mo si Garfield?! Walang bibili sa kaniya dahil hindi siya imported!” namimilog ang mga matang bulalas niya.
“May discrimination ka naman agad,” natatawang pinsil nito ang ilong niya. “Ibibili natin siya ng asawa.”
“Oh.” natitigilang ikinurap niya ang mga mata at hinaplos ang ilong niya na kanina lang ay pinisil nito. Mayamaya ay napangiti siya nang maisip kung ano ang sinabi nito. Hindi magandang pakinggan iyon pero hindi niya mapigilan na matawa. “Maswerte naman pala si Garfield sa bagong amo niya, ibibili pa siya ng asawa.”
Sa halip na sumagot ay dumukwang lang si Top walang paalam na hinalikan ang mga labi niya. Ilang segundo lang na naglapat ang mga labi nila pero pakiramdam niya ay mahigit isang oras na ang lumipas. Gulat na napaatras siya at kinakabahang natutop niya ng palad ang mga labi. Pakiramdam niya ay nangapal ang bibig niya dahil sa maliit na boltahe ng kuryente na dumaloy doon nang halikan siya nito. Napansin ng binata ang ginawa niyang pag atras at mas lalo pa siyang natuliro nang lumapat ang kamay nito sa baywang niya. Hinapit siya nito at muli nitong inangkin ang mga labi niya.
Kumawala ang munting ungol mula sa kaniya. Nakaramdam siya nang panghihina na para bang may kung enerhiya na nanggagaling kay Top ang humihigop sa buong lakas niya. Kumakabog ang dibdib na napahawak siya ng mariin sa mga balikat nito. Literal na tumigil sa pagtakbo ang oras niya. Kakaiba ang epekto ng paghalik nito sa kaniya dahil kulang na lang ay makalimutan na niya ang pangalan niya.
Para na siyang nalulunod sa matinding emosyon nang pakawalan ni Top ang mga labi niya. Nasapo niya ang kaliwang dibdib at hinihingal na nag iwas siya ng tingin dito. Hindi niya magawang salubungin ito ng tingin habang hindi pa rin niya naibabalik sa normal na estado ang puso niya. Baka tuluyan na siyang magkaroon ng palpitation dahil sa ginagawa nito!
Hindi akalain ni Jhanna na may itinatago pala itong kapilyuhan sa katawan. Ang malas lang ng mga babaeng nagdaan sa buhay nito dahil hindi narasanan ng mga iyon ng matagal kung paano maglambing si Top. At siya naman ang pinakamaswerteng babae sa buong mundo dahil alam niya na isang mabait at napakaresponsableng lalaki ang napili niyang pakasalan.
“Patulugin mo ako, kasalanan mo kaya ako nagising,” parang batang ungot ni Top. Pinapungay nito ang mga mata nang tingnan niya ito. Napangiti na lang siya at wala nang nagawa pa kundi ang pagbigyan ang request nito.
Kinabig siya nito at maingat na inihiga sa kama. Nang humiga ito ay ginawa nitong unan ang dibdib niya. Pilit na kinontrol niya ang sarili dahil natatakot siyang marinig ni Top ang mabilis na t***k ng puso niya. Nakakatawang isipin na hindi naman iyon ang unang beses na may nakatabi siyang lalaki sa kama pero bakit kapag si Top na ang pinag uusapan ay halos matunaw sa napakaraming emosyon ang puso niya? bakit ganoon na lang kalakas ang epekto sa kaniya ng mga paglalambing nito sa kaniya?
Naipikit ni Jhanna ang mga mata at hinayaan ang sarili na magpatangay sa kakaibang damdamin na nararamdaman niya habang masuyong hinahaplos niya ang likod ni Top. Ilang minuto lang ay nakatulog na ulit ito ng mahimbing. Masyadong mahigpit ang pagyakap nito sa kaniya kaya hindi na niya nagawang bumangon pa. Pinaulanan niya ng magaang halik ang noo nito at mayamaya lang ay nakatulog na rin siya habang yakap niya si Top.
Madilim na sa labas nang magising si Jhanna. Nang sulyapan niya ang wallclock at makitang lampas alas otso y medya na pala ng gabi ay mahinang napaungol siya. Ilang oras siyang nakatulog ng mahimbing habang nasa mga bisig siya ni Top. Napangiti siya nang maalala na bahagya siyang nagising kanina nang maramdaman na pinagpalit nito ang pwesto nila. Siya naman ngayon ang nakasandal sa mainit na dibdib nito habang yakap siya nito ng mahigpit.
Maingat na kumilos siya sa takot na magising ang lalaki. Dahan dahan niyang inalis ang braso nito na nakayapos sa baywang niya. Masyado sigurong mahimbing ang tulog ni Top kaya hindi nito naramdaman ang pagbangon niya. Hindi na muna siya tumayo at nanatiling nakaupo sa tabi nito habang walang sawang pinagmamasdan niya ang bawat sulok ng perpektong mukha nito.
Ngayon ay kayang kaya na niyang aminin sa sarili na nakuha na nito ng buong buo ang puso niya. Alam niyang hindi na siya natatakot sa pwedeng mangyari sa mga susunod na bukas dahil nasa mabuting mga kamay siya. Masuyong hinaplos niya ang pisngi ni Top. Nang maalala na pareho pa silang hindi kumakain ng gabihan ay nagpasiya na siyang bumangon para sana lumabas ng kwarto nito.
Saktong naisuot na niya ang pares ng tsinelas niya ay nagvibrate naman ang cellphone niya na nakapatong sa ibabaw ng bedside table. Lumabas na muna siya ng kwarto ni Top at nagmamadaling sinagot niya ang tawag nang malaman na si Roxanne ang tumatawag sa kaniya.
“Hello? Ano ka ba, bakit ngayon mo lang ako tinawagan? Nakakaloka ka! Ilang linggo kang nawala!”
“J-jhanna…”
Nataranta siya nang marinig ang malakas na pag iyak ng kaibigan niya sa kabilang linya. Natatarantang nagsalita siya.
“Kumalma ka nga, nasaan ka ba?”
“Nandito ako sa bahay, puntahan mo ako ngayon please?”
Sh~t! Ayaw niyang iwan na lang si Top pero hindi naman niya pwedeng pabayaan ang kaibigan niya.
“Okay sige, pupunta na ako diyan ngayon. Hintayin mo lang ako.”
Bahala na!
Mabilis ang mga hakbang na bumaba na siya ng hagdan. Ang plano niya ay magpaalam na lang kay lola Ignacia para ito na ang magsabi kay Top kung bakit bigla siyang umalis. Nasa gitna na siya ng hagdan nang marinig niya ang pamilyar na boses ng daddy niya at ni tito Herbert. Malamang na nasa sala ang mga ito kaya malinaw niyang naririnig ang malakas na tawanan ng dalawa.
Nakatalikod ang posisyon ng sala sa hagdan. May division ding mahabang salamin sa pagitan ng sala at hagdan kaya kahit bumaba pa siya ay hindi agad siya mapapansin ng mga ito. Hindi naman sana siya interesado sa pag uusap ng dalawa dahil kahit noon pa man ay alam na niyang nagkikita talaga ang mga ito kapag may bakanteng oras.
Hindi na bago iyon sa kaniya dahil minsan ay bumibisita rin naman sa kanila si tito Herbert. Kaya lang ay nakuha ng mga ito ang atensiyon niya nang marinig niyang binanggit ng daddy niya ang pangalan ni Top.
“Pasalamat na lang nga ako at nadaan naman sa pakiusap si Top—”
“Anong pakiusap? Ang sabihin mo sinumbatan mo ang anak ko kaya nakonsensiya ang pobre at nakumbinsi na pakasalan si Jhanna.”
“Aba! hindi lugi si Top sa anak ko, nakikita mo naman siguro na maganda ang anak ko at higit sa lahat, mataas ang IQ level kaya siguradong maibabalik niya sa dati ang publishing ng mommy niya.” Natatawang sabi ng daddy niya.
Nagulantang siya sa narinig. Wala siyang masyadong maintindihan maliban sa sinabi ni tito Herbert na sinumbatan ng daddy niya si Top kaya ito pumayag na magpakasal sa kaniya. Parang gustong sumabog ng ulo niya dahil sa biglang pagdagsa ng maraming tanong sa utak niya. Hindi na siya nakatiis pa at mabilis ang mga hakbang na bumaba siya at nilapitan ang dalawa.
“A-anak, gising ka na pala?” gulat na napatayo mula sa pagkakaupo sa sofa ang daddy niya at nilapitan siya. Tiningnan niya ng matalim ang ama.
“Oo, daddy, gising na gising na po ako at sa katunayan narinig ko ang pag uusap ninyo ni tito Herbert.”
“Jhanna…”
“Kailangan kong malaman ang totoo dahil wala akong masyadong maintindihan sa pinag uusapan ninyong dalawa.”
“Wala lang 'yun—”
“Daddy, please! Gusto kong malaman ang totoo kaya sana naman hayaan mo ako. Karapatan kong malaman kung ano ang ibig sabihin nang sinabi ni tito Herbert.” Hindi na niya napigilan pa ang biglang pagtaas ng boses niya.
Si lola Ignacia naman ay humahangos na lumapit sa kanila. May dala pa itong sandok nang lapitan siya nito.
“Ano ba ang nangyayari dito? Gising ka na pala, sandali na lang at matatapos na ako sa niluluto ko.”
Hindi niya pinansin ang sinabi ng matanda dahil nagpalipat lipat lang ang tingin niya sa daddy niya at kay tito Herbert. Hinihintay niyang may magsalita sa dalawa at magpaliwanag sa kaniya ng buong katotohanan.
“Pinuntahan ko si Top nang sabihin mo sa amin ng tita Sanya mo na magpapakasal na kayo. Sinabi niya sa akin na hindi niya alam kung bakit bigla ka na lang sumulpot at kinukulit ka pang magpakasal. Siyempre anak kita kaya gusto kitang tulungan, ngayon lang kita nakita na nagpursige sa isang bagay kaya gumawa ako ng paraan para hindi na siya makatanggi pa na pakasalan ka.”
“A-anong paraan?” halos hindi na humihingang tanong niya.
Bakit may pakiramdam siya na madudurog sa sakit ang puso niya sa kung ano man na ipagtatapat sa kaniya ng ama?
“Ako na ang magpapaliwanag,” singit naman ni tito Herbert kaya dito nabaling ang tingin niya. “Hindi maganda ang negosyo ko noon kaya naisipan kong lumapit sa tita Sanya mo. Hindi naman ako nabigo dahil pinahiram niya ako ng malaking pera kaya nakaligtas sa pagkalugi ang negosyo ko. Siguro kung hindi dahil sa tulong ng pamilya ninyo ay baka hindi ko nabigyan ng magandang buhay at napag aral sa magandang eskwelahan ang mga anak ko. Baka namamasukan na lang ako ngayon at hindi naging masagana ang buhay ng pamilya ko. Jhanna, kung ano man 'yung narinig mo kaninang pag uusap namin ng daddy mo, sana naman huwag mong masamain iyon.”
Mariing naipikit niya ang mga mata. Napasinghap ang mga ito ng hindi niya mapigilan ang mapaiyak. Nilapitan siya ng daddy niya pero umiwas siya at tiningnan lang ito ng masama. Hindi niya gusto ang ginawa nitong pakikialam sa mga plano niya. Bakit kailangan nitong pangunahan siya?
Bakit kung kailan inamin na niya sa sarili na natutunan na niyang mahalin si Top ay saka naman naging komplikado ang lahat? paano pa siya aasa na pareho lang sila nang nararamdaman kung para kay Top ay tumatanaw lang naman pala ito ng utang na loob sa pamilya niya?
“Nakakainis ka daddy! Nakakainis ka!” umiiyak na sigaw niya at iniwan na ang mga ito. Panay ang iyak niya hanggang sa makarating siya sa labas ng bahay nila Top. Sinundan naman siya ni lola Ignacia at nag aalalang niyakap siya nito.
“Hindi mo naman kailangang magalit sa daddy mo, naiintindihan ko ang ginawa niya. Tatay 'yun, natural lang na makialam sa mga desisyon mo.”
“Bakit ngayon pa siya nakialam, 'la? Bakit ngayon pa kung kailan umaasa na ako na pareho lang kami nang nararamdaman ni Top?”
“Pwede naman ninyong pag usapan ito, 'di ba?”
Humihikbing umiling siya at bumitiw kay lola Ignacia.
“Lola, pwede po ba na huwag na lang muna ninyong sabihin kay Top na alam ko na ang totoo? Ako na ang bahalang magsabi sa kaniya kapag nakausap ko na po siya.”
“S-sige, ako na ang bahalang magsabi sa dalawang mokong sa loob para hindi sila madulas kapag nagising na si Top.”
“Salamat po.”
“Naku, kayo talagang mga bata kayo. Ayusin ninyo 'yan, ha? tinanggap na kitang apo ko kaya hindi na pwedeng hindi matuloy ang kasal.”
Matipid na ngumiti na lang si Jhanna at nang makasakay na ng taxi ay muli niyang pinakawalan ang mahinang mga hikbi. Naiinis siya sa sarili niya dahil hindi niya alam kung bakit kailangan niyang umiyak ng ganoon. Ilang break up na ang pinagdaanan niya pero kahit isang beses ay walang pumatak na luha mula sa mga mata niya.
Natuto na talaga siyang magmahal. Ang masaklap lang ay hindi niya alam kung mahal rin ba siya ng lalaking minamahal niya.