PROLOGUE
Lakad takbo ang ginawa ni Jhanna habang binabagtas niya ang mahabang lobby ng St. Joseph Academy. Bawat estudyanteng nakakabangga niya ay sinisigawan at tinitingnan siya ng masama. Panay lang ang ngiti niya sa mga ito habang hindi pa rin siya tumitigil sa pagtakbo. Ilang sandali pa ay narating na niya ang third floor ng school building. Lumiko siya sa left wing ng third floor at tinumbok ang daan papunta sa science laboratory. Nabalitaan niya na may gulong nangyayari sa lugar na iyon kaya sumugod agad siya. Hindi naman siya nagkamali sa desisyon na pumunta doon dahil napatunayan niya na totoo nga ang balita, may trouble nga.
Sa eskwelahan nila ay hindi na bago ang mga trouble dahil sa bawat year level ay may mga kinatatakutang bully. Pero kung maraming bully ay mas marami rin ang mga duwag na takot lumaban sa mga iyon. Mas gugustuhin pa ng mga duwag na ibigay na lang ang gusto ng mga estudyanteng nambubully sa mga ito sa halip na lumaban.
Kagaya na lang nang nangyayari ngayon. Napapalatak si Jhanna nang marinig niya ang tawanan ng mga estudyante mula sa loob ng science laboratory. Sinipa niya ng malakas ang pinto at nang bumukas iyon ay bumulaga sa kaniya ang ginagawang kalokohan ng mga schoolmates niya. Nagtatawanan ang mga ito habang pinagkakaisahan ang lalaking mukhang nerd na namumutla na sa takot ng mga oras na iyon.
Masakit sa tenga ang tawa ng isa sa mga bully kaya napasimangot siya at madilim ang mukha na tiningnan ang mga ito. Mahigit anim ang bilang ng mga ito kaya hindi tama na pagkatuwaan ng grupo ang mahinang estudyante na wala namang kalaban laban.
“Anong ginagawa ninyo kay Topacio?” galit na tanong niya.
Ang lalaking mukhang nerd at may suot na makapal na eyeglasses ang tinutukoy niya. Hindi niya mapigilan ang mainis nang makita na may c***k na ang salamin nito sa mata. Nagusot na rin ang white polo nito at putok pa ang gilid ng labi.
"Ako ang sumapak kay Top,” sabi ni Jaycee at nakangising tiningnan siya.
Awtomatikong tumaas ang isang kilay niya. Magkaklase sila at minsan na itong nanligaw sa kaniya, pero dahil hindi naman niya ito gusto—dahil masyado itong mayabang—kaya tinanggihan at ipinahiya lang niya ito sa harap ng maraming estudyante.
Nanlisik ang mga mata niya at balak sanang sugurin ang grupo pero mabilis na inakabayan ni Jaycee si Top.
“Subukan mong lumapit, babasagin ko ang salamin niya sa mata sa oras na makialam ka pa.”
Natigilan siya at napilitang umatras. Hindi siya natatakot kay Jaycee o sa mga kasama nito pero alam niya ang kalakaran sa eskwelahan na iyon. Mayaman at maimpluwensiya ang pamilya ni Jaycee kaya pwede silang mapahamak ni Top sa oras na lumaki ang gulo at ang mga ito pa ang kampihan ng mga teacher. Wala siyang pakialam sa mangyayari sa kaniya dahil kahit noon pa man ay talagang sakit na siya ng ulo ng mga naging advicer niya.
Pero si Top ang iniisip niya at ang scholarship nito. Hindi ito pwedeng magkaroon ng bad record dahil baka makasama iyon sa image nito.
“Ano ba kasing nangyari, Top?” tanong niya.
Napilitan itong mag angat ng tingin sa kaniya. Naawa siya nang makitang nanginginig na ito sa takot habang pinipisil nito ang mga palad.
"U-umalis ka na na, Jhanna, o-okay lang naman ako 'eh. Huwag na rin sana itong makarating pa kay daddy.” Mahinang turan nito.
Naikuyom niya ang kaliwang palad at matagal na tiningnan si Top. Sa iisang village lang sila nakatira at magkaibigan ang mga pamilya nila. Pero hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na maging close dito dahil masyado itong mahiyain at palaging nagkukulong sa kwarto. Sa pag aaral lang nakasentro ang mundo nito kaya talagang hindi sila pwedeng magkasundo dahil magkaibang magkaiba sila ng mundo. Hindi niya hilig ang mag aral at kung hindi lang dahil sa panenermon ng ama ay baka matagal na siyang tumigil sa pag aaral.
"'di ba, baliw daw 'yan?”
Narinig niyang tanong ng isa sa mga bully na nakatayo sa mismong harapan niya. Nang subukan niya kasing lapitan si Top kanina ay may anim na lalaki ang humarang sa kaniya. Nakita niyang naging malikot ang mata ng mga ito nang marinig ang salitang ‘baliw’.
Napangisi siya. Sanay na siyang tawaging baliw dahil nga kakaiba siya sa lahat ng mga teenager. May sarili daw kasi siyang mundo. Hindi lang siguro alam ng mga ito ang salitang ‘eccentric’ kaya ang tingin ng lahat sa kaniya ay may sayad sa utak.
“Nagsasalita nga raw mag isa 'yan 'eh.”
Humalakhak siya. “Ngayon lang ninyo nalaman?” ngumisi siya nang nakakatakot at humakbang palapit sa mga ito.
Halatang natakot ang mga bully dahil biglang umatras ang mga ito at parang gusto nang kumaripas ng takbo. Sakto naman na naalala niya ang mga alaga niyang gagamba na inilagay niya sa pinagpatong patong na kahon ng posporo na ginawa niyang apartment. Nainggit siya sa mga batang kapitbahay niya na nakita niyang naglalaro ng mga gagamba kaya ginaya niya ang mga ito at nanghuli rin siya ng gagamba.
Isinuksok ni Jhanna ang kamay sa bulsa ng palda at saka inilabas ang bahay ng gagamba. Nanlaki ang mga mata nila Jaycee nang makita kung ano ang hawak niya. Hindi na siya nagtaka nang mapansin ang takot sa mukha ng mga ito. Palibhasa ay mga anak mayaman kaya hindi pa nakaranas na maglaro o humawak ng gagamba.
Binuksan niya ang mga kahon kaya naglabasan sa kaniya kaniyang bahay ang mga gagamba. Itinuro niya sa mga ito ang hawak niyang bahay ng gagamba at saka nagsalita.
“Titigilan na ba ninyo si Top o baka gusto ninyong ihagis ko ito sa inyo?” kinuha niya ang isang maliit na gagamba at inihagis iyon sa ere. Tumili ang isa sa mga ito nang bumagsak sa ilong nito ang maliit na gagamba. Dahil sa pagkataranta ay nagkaniya kaniyang takbuhan na ang mga ito palabas ng science laboratory. Tiningnan niya si Jaycee habang nakataas ang kamay niya at umaktong ibabato dito ang hawak niya.
Halos maihagis na nito si Top dahil sa matinding takot. Malakas na sumigaw ito at kumaripas na ng takbo. Humalakhak siya at ibinalik sa loob ng box ang mga alaga niyang gagamba. Nang sulyapan niya si Top ay hinaplos ng matinding awa ang puso niya nang makita itong nakaluhod at dinudukot sa bulsa ng slacks ang inhaler.
Malamang na inaatake na naman ito ng hika. Mabilis ang mga hakbang na tinawid ni Jhanna ang espasyo sa pagitan nilang dalawa at inalalayan itong maupo sa sahig. Habol nito ang paghinga sa hawak na inhaler habang nanginginig pa rin ang buong katawan nito.
Saglit na pinagmasdan niya ito. Mas matanda lang ito ng isang taon sa kaniya at pareho silang graduating na sa high school. Kung iniiwasan siya ng lahat dahil sa pagiging weird niya ay si Top naman ang paboritong lapitan ng mga schoolmates nila. Sobrang bait kasi nito, to the point na ginagawa na itong uto-uto ng ibang tao.
Hindi ito tumatanggi kapag may nagpapagawa dito ng project o assignment. Libre ang serbisyo nito kaya marami ang natutuwa dito. Pero marami ring mga bully sa school nila na sinasamantala ang kahinaan ng mga katulad nito.
“Gusto mo bang samahan kita sa clinic?” nag aalalang tanong niya kay Top.
Hinawakan niya ito sa kaliwang balikat. May namuong malalaking butil ng pawis sa noo nito na pinunasan niya ng likod ng palad niya. Halatang nagulat ito sa ginawa niya dahil napalingon ito sa kaniya.
“S-salamat pero hindi mo naman kailangang gawin 'yan, magiging okay rin naman ako mamaya kaya hindi na ako pupunta sa clinic.” Nahihiyang sabi nito nang bumalik na kahit paano sa normal ang paghinga nito.
Kung ibang tao lang siguro ang kaharap niya ay baka binatukan na niya dahil sa sobrang kashungahan. Pero si Top kasi ang kaharap niya ngayon at alam niyang abot hanggang langit ang kabaitan nito. Kaya kahit na gawan ito ng masama ay nakahanda pa rin itong magpatawad at kalimutan na lang ang nangyari.
"Talaga bang okay ka na? mukhang ilang beses ka nilang sinapak. Bakit hindi ka gumanti man lang?”
Umiling ito.
“Kapag gumanti ako, hindi na matatapos ang gulo.”
Hallelujah!
"Kaya nagpabugbog ka na lang?” tumikwas ang kilay niya at naupo sa tabi nito.
Naaawang tinapik niya ito sa balikat. Muli itong sumulyap sa kaniya at nang mapansin niya ang c***k sa salamin nito ay mahinang umungol siya dala ng matinding inis.
"Salamat, paano nga pala kita mababayaran?”
“H-ha?” gulat na tanong niya kay Top. “Bayad? Saan?”
“Sabi nila binabayaran ka daw ng ibang schoolmate natin para maitaboy mo palayo sa kanila ang mga bully. Katulad na lang nang ginawa mo sa akin ngayon.”
Kamuntik na siyang matawa sa tanong nito. Trabaho nga niya ang magtaboy ng mga bully dahil ang karamihan sa mga iyon ay natatakot sa isang weirdo na katulad niya. Napangiti na lang siya at mabagal ang ginawang pag iling.
"Huwag na, magkaibigan naman ang mga pamilya natin,”
“Ayokong magkaroon ng utang, bawal daw mangutang sabi ng lola ko.” Kontra nito.
Napalabi siya. “Oh, sige, makulit ka na rin lang 'eh. Marami akong pera ngayon kaya hindi ko kailangan ng pera mo. Ganito na lang, kapag tumanda na tayo at walang gustong magpakasal sa akin saka kita sisingilin.”
“Ha?”
“Ikaw ang magiging groom ko at ang gusto ko gothic ang theme ng wedding natin.”
"Ha?” napahawak ng mahigpit si Top sa inhaler at mukhang kinakapos na naman ito ng paghinga ng dahil sa kalokohan niya. “S-seryoso ka ba?”
Binalot ng malakas na halakhak ni Jhanna ang bawat sulok ng science laboratory. Hindi niya maipaliwanag ang reaksiyon nito, daig pa kasi nito ang natuklaw ng ahas. Hindi masasabing cute si Top dahil tipikal na nerd ang hitsura nito. Pero may kung anong epekto sa kaniya ang pagtatama ng mga mata nila. Kahit ngayon na magkatabi sila ay para siyang idinuduyan sa alapaap habang nalalanghap niya ang pinaghalong amoy ng pabango at natural na amoy ng katawan nito.
Nakita niya ang bag nito na nasa ilalim ng long table na malapit lang sa kinaroroonan nila. Mabilis na kumilos siya at kinuha ang bag saka iyon binuksan para kumuha ng ballpen at papel.
“A-anong ginagawa mo?”
Hindi siya umimik at inabala ang sarili sa pagsusulat. Nang matapos ay binasa niya sa harap ni Top ang sulat na ginawa niya.
“January twelve, year two thousand and two. Ako si Topacio Geronimo ay nangangako na kapag umabot kami ni Jhanna Nykole Diolan sa edad na thirty years old at pareho kaming single ay papayag akong magpakasal sa kaniya. Nangangako rin ako na hindi ako kokontra kahit na gothic ang theme ng kasal namin. Magsasama kami ng masaya at magkakaroon ng sampung mga anak.”
“Sampu?”
“Matalino ka 'di ba? siguradong magkakaroon ka ng magandang trabaho kaya yakang yaka mo ng bumuhay ng kahit isang dosenang anak pa.”
“Weird ka nga talaga.” Naiiling at gulat na bulalas ni Top.
Natawa siya at inabot sa lalaki ang papel. “Pirmahan mo na, ipapa-frame ko pa 'yan para kung sakaling kailanganin ko sa future ay mabilis kong mahahanap.”
Hindi na ito nakakontra pa sa kaniya. Pumirma nga ito kaya ibig sabihin ay sinakyan talaga nito ang trip niya. Gusto sana niyang tumawa ng malakas dahil sa ginawa nito pero sa huli ay natigilan lang siya. Sinakyan nito ang trip niya at sa totoo lang ay wala pang nakakagawa ng ganoon sa kaniya.
Ang sabi ng daddy niya ay hindi na dapat niyang pakawalan pa ang lalaking makakaintindi sa mga trip niya sa buhay dahil siguradong naiiba ito kumpara sa mga taong nahihirapan na makaintindi sa kaniya.
Si Top na ba ang tinutukoy ng daddy niya na ‘perfect man’ para sa kaniya?