Bumaba si Kaito ng hagdan nang masiguradong tulog ang dalaga. Sinulyapan niya ang sala at naroon si Landon, tumutungga ng alak.
"Mauna na ko," paalam niya at nilagay sa bulsa ng leather jacket ang dalawang kamay.
"Tulog na ba siya?" huminto siya sa paghakbang.
"Oo," iyon lang at tuluyan nang umalis si Kaito.
Si Landon naman ay nanatiling nakaupo, iniisip si Yvette na nanatiling nakakulong sa kwarto. Nasapo niya ang noo nang maalala ang binigay na kondisyon nito.
Hindi niya basta-basta puwedeng pabayaaan ang pamangkin.
Pero paano naman ang kasal nilang dalawa ng nobya?
Samantala, kitang-kita ni Megumi sa mga mata ang talim ng samurai na nasa leeg ng ama. "H-Huwag."
"Huwag."
"Papa!" iyak na sigaw niya at bumangon paupo. Agad siyang napatingin sa paligid. Nang makita ang mala-prinsesang kama ay alam na niya kung nasaan siya.
Itinaas niya ang tuhod at ipinatong sa tuhod nang hawiin ang buhok. Napatitig siya sa kawalan nang maalala ang nangyari kahapon.
Naalala niya si Gabriel, at ang pamilya nito. Nakadama siya ng konsensya at nadamay pa ang pamilyang tinulungan lang naman siya.
Nilingon niya ang mesa, kumurap ang mga mata niya nang makita ang litrato ng ama at ang urn nito.
Naalala niya si Kaito. Natatandaan niyang sa kauna-unahang beses ay nakalimutan niyang ilabas ang mga ito sa bag at natulog na.
Siguradong ito ang naglabas niyon at inilagay sa mesa.
Bumaba siya sa kama at hinawi ang kurtina. Naroon ang sinag ng araw na dapat maging magandang simula niya at magkaroon ng pag-asa pero hindi iyon ang nararamdaman niya.
Ano bang pag-asa niyang takasan ang hindi lang isa, kung di apat na lalakeng inaangkin siya bilang pamangkin.
Nang lumipas ang minuto na pagmuni-muni ay lumabas na ng kwarto si Megumi. Wala rin naman siyang pagpiliian- meron pala.
Iyon ang mabulok siya sa kwarto o lumabas, iyon lang.
Sa hagdan ay sinilip niya ang dining room. Walang tao at tahimik na tahimik ang buong bahay.
Tuluyan siyang bumaba ng hagdan. Akma siyang lalabas ng entrada nang makita sina Yvette at si Landon.
Dumikit siya roon at pinakinggan ang usapan ng mga ito.
"Wala talaga kasal?" tanong ng mangiyak-iyak pero tapang-tapangan pa rin ni Yvette.
"Bumalik si Megumi," tanging tugon ng seryosong si Landon.
"Oo nga. Sa tingin ko, siya talaga ang pinili mo-"
"Hindi totoo 'yan, Yvette."
"Kung 'di totoo? Bakit ako aalis?" Nagpakita na ang mga luha ng nobya ni Landon. "Bakit hindi matutuloy ang kasal natin?"
Humakbang si Landon pero umatras si Yvette. "Gusto pa rin kitang pakasalan," pag-amin ni Landon.
"Kung gusto mo talaga, paalisin mo ang batang babae na 'yan," determinadong wika ng nobya. Tumalikod at walang lingong likod na naglakad.
Dahan-dahang lumabas si Megumi sa entrada. Nakatalikod niyang pinagmamasdan si Landon.
At kitang-kita niya sa mga balikat nito ang bigat na nararamdaman.
Naapektuhan siya dahil doon.
Nalulungkot din siya.
Aaminin niyang, kung Uncle man niya ito o hindi. Nagmamalasakit na siya rito, at nasasaktan siya dahil nasasaktan din ito.
Maghapon siyang hindi lumabas ng kwarto. Iniisip ang dapat na gawin at ayusin.
Hanggang sa magtungo siya sa war room. Natigilan siya nang makita doon si Landon, nag-iinom ng alak.
Tahimik niyang inokupahan ang silya.
Tiningan naman ni Landon ang dalaga at ngumiti nang maliit. "Hindi ko alam kung maiintindihan mo ang nangyayari," simula ni Landon.
Nilinga ito ni Megumi. "Pero ako, wala akong masamang intensyon sa iyo. Hindi kita kailanman nakitang iba, kung di isang pamangkin na kailangan alagaan."
Kumurap ang mga mata niya nang makita ang mapait na ngiti ni Landon.
"Hindi ko alam, kung anong maling ikinilos ko. Pamangkin kita, at iyon lang ang paniniwalaan ko."
Naluluha niyang hinawakan ang kamay ng kanyang Uncle Landon. At alam niyang iyon din ang nararamdaman niya para rito.
Si Uncle Landon, ang nagpapatunay na pamangkin siya nito, umaabot iyon sa puso niya.
"Sorry, Uncle Landon. Nasira ko ang kasal mo-" umiling ito.
"Ayos lang-"
"Hindi iyon ayos. Ikakasal ka na dapat, masaya ka na dapat."
"Mas importante ang kaligtasan mo-"
"Ituloy mo ang kasal mo."
Napatitig ito sa kanya. Ngumiti naman siya rito. "Ituloy mo ang kasal mo sa babaeng gusto mo, Uncle Landon."
"Hindi pwede-"
"Aalis ako-"
"Mas lalong hindi pwede-"
"Puwede akong lumipat sa ibang bahay ng Uncle ko?" tanong niya.
Natigilan si Landon. Ngumiti ang may mga luhang si Megumi at hinawakan nang mahigpit ang kamay nito.
"Babalik si Auntie Yvette dito at matutuloy ang kasal niyo kung wala na ako rito."
"Megumi-"
"Ayos lang, Uncle. Magiging masaya ako, kung masaya ka."
Pinagkatitigan siya nito. "Kapag kinasal ka, magiging masaya ako para sa iyo."
"Gusto mo ba talagang umalis?" seryosong tanong ni Landon.
Pigil ang luha niya nang tumango. Kahit gusto niya sa piling ng kanyang Uncle Landon, ito naman ang magsasakripisyo ng buhay para sa kanya.
Si Uncle Landon niya ang unang nagbigay sa kanya ng pakiramdam na ligtas at mapagkakatiwalaan ito.
Kaya kung may kaya siyang pwedeng gawin dito, gagawin niya.
Tuluyang niyakap ni Megumi ang tiyuhin at tahimik na umiyak sa balikat nito.
"Congrats, Uncle Landon. Sabihin mo kay Auntie Yvette, kapag hindi ka niya inalagaan nang maayos. Babalik ako sa bahay mo," biro niya.
Naramdaman niya ang mahigpit na yapos ng tiyuhin. "Salamat, Megumi."
Habang yakap ni Landon ang pamangkin ay naalala niya si Subaru. Ang taong lagi rin handa na magsakripisyo para sa kanya. Hindi na siya magtataka kung bakit ganito kabuti ang puso ng pamangkin.
Dahil manang-mana ito sa ama niya.
Lumipas ang minuto ay hinatid na ni Landon si Megumi sa kwarto nito. Pagkatapos ay hinugot ang cellphone sa bulsa at tinapat sa tenga.
"Magkita-kita tayo bukas," anito at agad na binaba ang hawak.
Sandali nitong nilinga ang kwarto ng pamangkin bago ngumiti nang maliit.
Kinaumagahan ay nakatitig si Megumi sa harap ng salamin. Marahan ang pagsuklay niya sa buhok pagkatapos ay inayos ang kwelyo ng polo.
Nang marinig ang katok ng pinto ay huminga siya nang malalim. "Miss Megumi, hinihintay na po kayo ng kotse."
Kinuha niya ang bag at inilagay ang urn, ganoon na rin ang litrato ng ama na pinasok sa bag.
Nang lumabas at bumaba ng hagdan ay naghihintay ang kanyang Uncle Landon, nginitian niya ito. Lumapit ito at iginiya siyang maglakad.
Sa restaurant ang tungo nila, sa pangalawang palapag ay inokupahan nila ang isang mesa malapit sa glasswall.
"Megumi," napalingon siya at nakaupo na ang kanyang Uncle Silas sa kaharap niyang silya.
Tipid na ngiti ang ginawa niya. "Ayos ka lang?" pinagkatitigan niya ito.
Masasabi niyang kung may pagpipiliian man siyang pangalawang tiyuhin na sasamahan ay pipiliin niya ito.
Oo, hindi pa siya siguradong Uncle niya ang tatlo pa. Pero at least si Uncle Kaito Silas niya, mabait sa kanya, kahit kaunti.
"Galit ka pa rin ba?" mahinang tanong nito. "Kung anuman ang sinabi sa iyo ni Yvette, nadala lang 'yon ng problema nila ni Landon-"
"Ayos na 'yon, Uncle."
"Talaga?" paninigurado nito.
Tumango siya at muling ngumiti.
"Pamangkin!" magkapanunod na napalingon sila sa tawag na iyon. Naroon si Uncle Mason niya, kuntodo sunglasses at ngiting-ngiting.
Napailing na lang siya. Umupo ito sa tabi niya. "Pamangkin, nagbalik-loob ka na?"
"Hindi ka na nagwawala, ha?"
"Mabait ka na ulit?" akmang hahawakan nito ang ulo niya na parang isang bata. Pero iniwas niya iyon. "Hindi pa pala," kunyaring sumimangot ito at bumaling kay Silas.
"Anong meron? Bakit tayo pinatawag ni Landon?" tanong nito.
Bumaling si Megumi sa glasswall. At mula roon ay natanaw niya ang parating na motorosiklo ng kanyang Uncle Kaito.
Kumurap ang mga mata niya at sinundan iyon ng tingin.
Napaangat pa siya sa kinauupuan nang huminto iyon. Nang hubarin nito ang helmet ay marahan siyang napakapit sa glasswall.
Tanaw-tanaw niya mula sa itaas ang gwapo nitong mukha. At kahit malayo, umaabot ang dating nito sa kanya.
Nang tumingala si Kaito ay agad siyang umiwas ng tingin. Natataranta siyang nagbaling sa ibabaw ng mesa at huminga nang malalim.
Hanggang sa marinig na lang niya ang pagdating ni Kaito na kanina lang ay tinatanaw niya.
Itinaas ni Mason ang kamay kay Kaito. Hinila ng binata ang silya at umupo roon.
"Nasaan si Landon?" bumaling ito kay Mason.
"Ewan ko. Nagluluto pa yata ng ramen."
Sinulyapan ni Kaito ang dalaga na nasa sulok ng silya at nakatitig sa mesa. Sandali niya itong pinagmasdan. Bago dumating si Landon.
"Nandito na pala kayo," sambit nito at inokupahan ang silyang katabi ni Silas.
"Ano bang meron? Luto na ba ang ramen?" usisa ni Mason dito.
"May problema ba?" si Silas ang nagtanong.
"Well," simula ni Landon at tiningan si Megumi na tumango rito.
Lihim namang siniglayan ni Kaito ang dalaga bago nilingon si Landon.
"Matutuloy ang kasal ko at ni Yvette," dagdag ni Landon.
Si Mason ang tanging pumalakpak at tuwang-tuwang. Tumayo pa ito at inaabot ang kamay kay Landon.
"Congrats, brother."
Seryoso lang itong tinitigan ni Landon kaya natigilan at napatingin sa mga nasa mesa na nanatiling seryoso.
Dahan-dahang itong bumalik sa kinauupuan. "Seryoso niyo naman."
"Nagkaayos na kayo ni Yvette?" tanong ni Silas.
Tumango nang maliit si Landon. "Sila ni Megumi?" segunda agad ni Silas na nilingon ang dalaga.
Natahimik naman si Landon. "Hindi pa rin? Paano natuloy ang kasal mo?" nagtatakang dugtong ni Mason.
Dahil walang nagsasalita ay sandaling nilinis ni Megumi ang lalamunan. "Matutuloy ang kasal ni Uncle Landon at Auntie Yvette," nilinga siya ng tatlong tiyuhin.
Si Lanson ang tinitigan niya. "At aalis ako sa bahay nila."
Muling namayani ang katahimikan sa mesa nila. Hanggang magsalita si Mason. "Saan ka pupunta? Huwag ka nang umalis, nakita mo ang mga rider na humanap sa iyo? Ako ang nagbayad ng gasolina sa iyo-"
"Sa isa sa inyo siya mapupunta," putol ni Landon.
Napatingin si Kaito kay Megumi.
"Kapag kinasal na kami ni Yvette, kukumbinsihin ko siyang ibalik si Megumi sa bahay. Sa ngayon, isa sa inyong mga Uncle ang mangangalaga sa kanya."
Lihim ang buntong-hininga ni Megumi at tiningan isa-isa ang mukha ng nga tiyuhin. Hanggang sa huminto ang tingin kay Kaito.
Nagtama ang mga mata nila. Sandali iyong naghinang bago ito kaswal na umiwas.
"Ngayon, sino sa inyo ang pwedeng magdala sa kanya sa bahay?" tanong ni Landon.
"Sa akin na muna siya," seryosong sinulyapan ni Kaito si Silas na nagpresinta.
"Ako na ang bahala kay Megumi."
Ngumiti si Silas sa dalaga. "Ayos lang ba sa iyo, Uncle?"
"Oo naman. Ayos na ayos."
Tiningan ni Landon sina Mason at Kaito.
"Si Silas na muna ang bahala kay Megumi."
Tumango-tango naman si Mason. Sinulyapan ni Landon si Kaito na nanatiling seryoso.
"Wala bang tututol?" dagdag ni Landon.
Walang sumagot kaya tumango ito. "Okay, si Silas na muna ang bahala kay Megumi, simula ngayon."
Tumango si Megumi. "Megumi."
Lumipad ang atensyon niya kay Landon.
"Lumipat ka muna ng mesa may pag-uusapan lang kami ng mga Uncle mo."
"Sige, Uncle Landon."
Tumayo siya, kinuha ang bag at binitbit. Nang maglakad ay sinulyapan niya ang kanyang Uncle Kaito nang lampasan niya.
Sa kabilang mesa siya umupo. Nakatalikod ang Uncle Landon at Silas niya. Habang ang ang tanaw niya lang ay ang Uncle Kaito niya.
Ipinatong niya ang bag sa ibabaw ng mesa at sinulyapan ang litrato ng ama.
"Kung kay Silas, hindi ba delikado?" mahinang tanong ni Mason nang maiwan silang apat.
Seryosong bumaling si Landon kay Silas. "Kaya nga, Silas. Ikaw ang may responsibilidad sa kanya. Siguraduhin mo na hindi siya mapapahamak habang nasa bahay mo siya."
"Naiintindihan ko, Landon. Huwag kayong mag-aalala, hindi siya mapapahamak sa pangangalaga ko."
Nagkatitigan ang tatlo bago tumayo si Kaito. Napatingin si Megumi nang umupo ang tiyuhin sa silya.
Nagkatitigan sila bago siya umiwas. Bumalik ang atensyon niya sa inilagay nito sa mesa.
Iyon ang pocket knife na kinuha nito sa kanya. Sinalubong niya ang mga mata nito.
"Kailangan mo 'yan," anito.
Tumango siya at kinuha iyon. Nang hawakan ang pocket knife ay natigilan siya nang makita ang isang cellphone.
Napatitig siya roon. "Kung may problema, tumawag ka lang. Nariyan ang mga numero na kailangan mo."
"Tumawag ka, kahit anong oras at kahit anong sitwasyon. Nariyan din ang numero ko."
Nanatili siyang nakatitig doon nang tumayo at tumalikod na ang kanyang Uncle Kaito.
Nang maglakad ito palayo ay nasundan niya na lang ng tingin. Oo, masama si Uncle Kaito niya pero hindi niya maitatanggi na may nagagawa itong mabuti para sa kanya.