"Hindi po ako makakasama, 'Ma, sa event," agad na bungad niya sa ina pagpasok pa lang niya sa kanilang bahay.
Salubong agad ang kilay na nilingon siya ng ina. Madilim ang mukha nito at halata ang pagkadisgusto sa sinabi niya. Tinatagan niya ang loob at pinandigan ang sinabi niya. "May kailangan kaming tapusin ng classmate ko."
"No! You're coming with us. Huwag mo akong ginagalit, Olivia, kung ayaw mong putulin ko ang lahat ng credit cards mo!" banta nito.
"But-"
Pinanlakihan siya nito ng mata at parang anumang oras ay sisigawan siya nito. Naninibughong kumuyom ang mga kamao niya para pigilan ang sariling umiyak sa harapan nito. Bakit ba kailangan pa siyang isama? Puwede namang hindi at magdahilan na lamang na may ginagawa siya at hindi nakasama sa kanila 'pag tinanong ng kakilala nila. Hindi ba at ginagamit lang siya para ipakitang perpekto silang magulang? Nakakaumay nalang na kailangan pa niyang umaktong isang mabuti at masunuring anak. Kung puwede lang na isigaw niya sa buong mundo na magulo ang pamilya nila ay nagawa na niya.
"Go upstair and prepare yourself. Ikaw na lang ang hinihintay namin ng Papa mo. At bilisan mo, ayaw ko ang pinaghihintay," pandidismis nito sa kanya.
Nagkukukot ang kalooban na pumanhik siya sa taas. Parang gusto niyang magwala sa inis. Padarag na binuksan niya ang pinto at inihagis ang bag sa kama. Napasabunot din siya sa buhok at nagpapadyak sa pagkayamot. Lahat ng meron sa pamilyang 'to ay puro pagkukunwari lang.
Tamad na inalis niya ang damit at pumasok sa banyo para maligo. Pagkatapos ay inayos niya ang sarili at pumanaog na. Naabutan niya ang magulang na naiinip na naghihintay sa kanya sa malawak na sala ng kanilang bahay.
"Wala ka bang ibibilis sa kilos mong 'yan?" masungit na sita ng kanyang ama sa kanya.
Hindi siya umimik at basta na lang sumunod sa magulang nang lumabas ang mga ito. Huminga siya ng malalim bago sumakay ng kotse. Kinuha niya sa purse ang cellphone at tinext si Shanna na hindi na siya matutuloy na pumunta sa bahay nila. Pagkatapos ay kinuha niya ang headset sa bag at ikinabit sa cellphone niya at nakinig ng kanta.
Magtitiis na naman siyang panoorin ang drama ng kanyang magulang sa dadaluhan nilang event. Tatlumpong minuto lang ang binyahe nila at nakarating agad sila sa hotel kung saan ang pagtitipon. Marami na ang tao roon nang pumasok sila. Gusto niyang paikutin ang mata nang magsimulang mag-drama ang kanyang magulang. Kumapit ang kanyang ina sa braso ng kanyang ama at parehong nagplaster ng matamis na ngiti sa labi nang salubungin sila ng mga kakilala nito sa business world. Parang gusto niyang pumalakpak at puriin ang dalawa.
"Kumusta ka na amiga? It's been a while," bati ng kanyang ina sa isang ginang.
Bago pa siya mabuwisit na panoorin ang pakikipag-plastikan nito sa kausap ay pasimple siyang lumayo sa kanila. Lumabas siya at pumunta sa may garden ng hotel. Pahinamad siyang umupo sa isang bench at kinalma ang sarili. Gusto niyang umalis at iwan ang magulang dito pero oras na ginawa niya ay sermon na naman ang aabutin niya.
"I guess, we're the same, nabobore na rin sa event na 'to. Dapat nasa Rainbow Club ako ngayon at hindi rito. Umiinom at nakatingin sa mga waitress doon," wika ng isang baritonong tinig. Nilinga agad niya ang nagsalita.
"What are you doing here?" bored na tanong niya kay JJ na kaswal na nakatayo malapit sa kinauupuan niya.
"Ang pamilya ko ang nag-organize ng event na 'to," kibit-balikat na saad nito at naupo isang dipa ang layo sa kanya.
"Kung gan'on, bakit nandito ka? Hindi ba dapat nasa tabi ka ng magulang mo?" kunot-noong bigkas niya.
Umarko ang kilay nito. "Can I also ask you the same question?"
Nag-iwas siya ng tingin at kumuyom ang kamao. "Mind your own business!" mataray na sikmat niya rito pagkaraan ng ilang minutong pananahimik.
Napakislot siya nang abutin nito ang nakakuyom na kamao niya. Parang napasong binawi niya ang kamay at matalim na tinignan ito. "What do you think you're doing?" Nanginig ang mga kamay niya sa pagkakadaiti ng kamay nila.
"Kawawa naman ng kamay mo," sempling wika nito.
"What do you care-" Namanhid ang buong katawan niya at hindi nakakilos nang mabilis na hinila siya palapit sa katawan nito at halikan siya sa labi. Naparalisa ang buong kalamnan niya at hindi nakagalaw. Kahit pa nang gumalaw ang labi ni JJ ay para siyang estatwang nakaupo lamang doon.
Nang marahang kagatin nito ang labi niya ay nagising ang buong diwa niya. Naitulak niya ito at napalayo agad dito. Namumutla siya at pilit na kinokontrol ang sarili para hindi sumigaw.
"How dare you!!" galit na dinuro niya ito.
Mariing ikinuyom niya ang nanginginig na kamay. Lalo pang kumulo ang dugo niya dahil sa malawak na ngiti nito. Tumayo ito at humakbang palapit sa kanya. Bago pa siya makapag-isip ng tama ay sumalubong ang palad niya sa pisngi nito.
Huminto ito sa paghakbang at gulat ang mukhang tinignan siya. Napaatras siya at hindi malaman kung ano ang gagawin.
"I..." Isinubo niya ang hintuturo at kinagat ang kuko. Isa iyon sa manerism niya na hindi niya magawang maalis. Bata pa lamang siya ay ugali na niyang kagatin ang kuko 'pag guilty, nababahala at natatakot siya na ayaw niyang ipahalata.
Mabilis na tinabig niya ang kamay nito nang sinubukan nitong hawakan siya. Mariing kinagat niya ang labi dahil may biglang nag-flash sa balintataw niya. Natulala siya at nanlamig sa eksenang naglaro sa utak niya. Pinagpawisan na rin siya ng malapot dahil sa takot.
"Olivia!" untag ni JJ sa kanya.
"D-dont!!" nanlalaki ang matang sambit niya.
Mariing umiling siya para mabura ang eksenang 'yun bago lakad-takbong iniwan ang binata. Hindi na niya napansin ang pagkalito at pagtataka sa mukha nito nang iwan niya ito roon.
Bumalik siya sa loob at lumapit sa magulang na nakikipag-kuwentuhan sa mga kakilala nila.
"Oh! Nandito na pala ang unica hija namin," nakangiting wika ni Amelia.
Hindi siya umimik nang makita ang pag-ngiti ng ginang sa kanya. Sinuklian lang niya ito ng tipid na ngiti.
"Hija, meet my amiga, Gina Cheng. Ito naman ang Tito Fernando mo. And this is my unica hija, Olivia," pakilala ng kanyang ina sa mag-asawang kausap ng kanyang magulang.
"Hello po. Nice meeting you po," kiming wika niya at humalik sa pisngi ng ginang habang nakipagkamay naman sa asawa nito. Iniwasan niya ang ipahalata ang panginginig niya ng mag-daop ang kamay nila.
"Me too, hija," nakangiting sambit ng ginang.
"Nasaan ba ang anak mong 'yun, sweetheart? Oh, 'yun naman pala siya. Son, come here!" tawag nito sa taong kahit hindi na niya lingunin ay kilala na niya.
"Yes, Dad."
Nilinga niya si JJ na nakangiti sa kanila. Agad nag-flash sa isip ang ginawa nito kanina. Malakas na kumabog ang dibdib niya at pasimpleng umiwas ng tingin.
"I want you to meet the daughter of your Tita Amelia. This is Olivia," nakangiting saad ng matandang lalaki.
"Hello again, Olivia!" bati nito. Lumapit sa kanya at hinalikan ang sulok ng bibig niya. Hindi siya sigurado kung nakita ng mga magulang nila ang ginawa nito dahil nagkatawanan pa sila.
"Magkakilala pala kayo," masayang bulalas ng mama nito.
"Yes, 'Ma. Regular costumer siya ng Sweet JJ's. Kung hindi ko siguro pinatayo iyon at nakakulong sa office ko sa CU ay hindi ko siya makikilala." Naglalaro sa kapilyuhan ang mata nitong nakatingin sa kanya.
Ngumiti si Gina. "Kung ganoon, Hijo, ayain mong magsayaw si Olivia," saad ni Gina.
Lumunok siya at napaurong. Hindi nito pinansin ang pagtalim ng mata niya at inilahad pa ang kamay. Nang hindi siya kumilos para tanggapin 'yun ay tumikhim ang kanyang ina. Atubling tinanggap niya ang kamay nito. Ewan niya kung naramdaman nito ang panginginig ng kanyang kamay dahil hinigpitan nito ang paghawak doon.
Pumunta sila sa gitna ng dance floor. Ikinawit nito ang kamay sa baywang niya habang siya ay ipinatong naman sa balikat nito ang palad niya.
"I'm sorry about earlier!" bulong nito.
Naninigas ang likod na inirapan niya ito. "Sorry! 'Di dapat hindi mo na ginawa kung magso-sorry ka lang din."
"Yeah, that's true. But I really want to taste your lips so-" ngumisi ito.
Mariing hinawakan niya ang balikat nito. "Shut up!"
"At bakit ba naninigas ka? Wala akong gagawin sa'yo! Relax!"
"Relax? Paano ako magre-relax kung 'yang kamay mo ay humahaplos sa likod ko?" gigil na asik niya.
Ngumiti ito at parang nang-aasar na tumaas ang kamay at marahang pisilin ang kanyang baywang. Napaiktad siya sa gulat. Naniningkit ang matang tinapakan niya ang paa nito. At nang mabitawan siya ay nagmartsa siya palayo rito at umalis ng bulwagan. Naiwan itong nakauklo at nakahawak sa paa. Pinagtitinginan din ito ng mga tao at tinatanong kung okay lang ito.
Hindi niya ito nilingon at binalikan. Deretso siyang umalis at walang pakialam kung napahiya ito. Basta sa kanya lang ay makalayo sa lalaki at baka kung ano pa ang hahawakan nitong parte ng katawan niya.