Chapter 11.2

1710 Words
Pagkasara ni Reyna ng pintuan ng kaniyang bagong uwarto, saka naman may malakas na kumalabog sa di kalayuan na kuwarto. Hindi pa man siya tumitingin, alam niyang si Carlos 'yong nagdadabog. Nang nagkasalubong ang mga mata nila, hindi maiwasang mapangisi ni Reyna. Umaga pa lang pero umuusok na ang ilong nito. Alam naman ni Reyna ang pinagpuputok ng butsi nito. Nakuha kasi niya ang master bedroom na dating kuwarto ng Don. Hirap na kasi mag-akyat panaog ang Don kaya nasa baba na ang kuwarto nito. At itong kapatid niyang si Carlos, mas piniling kunin ang kuwarto niya para ro'n gawin ang kahalayan nito. At hindi siya papayag na matutulog pa ro'n muli kaya pinakiusap niya sa Don na sa kaniya na ang master bedroom na agad naman siyang pinagbigyan nito. Dinaanan siya ni Carlos na parang asong umaangil. Hindi na lamang ito pinatulan ni Reyna at inayos na lang ang damit niya. Nakapolo shirt siya na nakaipit sa loob ng pantalon niyang hapit sa baywang hanggang binti at nakasuot ng bota. Dadalawin niya ang hacienda at farm nila ngayon. Dumiretso si Reyna sa dining room kung saan naroong naghihintay sina Don Martin at Carlos. Umupo naman agad si Reyna para daluhan sa agahan sila. "Kumain na tayo," turan ni Don Martin. Nakahain sa hapag ang masasarap na ulam sa almusal: pork and beans, sunny side up eggs, tocino, tomato and cucumber salad, French toast, fried garlic rice, at fresh milk. Naalala ni Reyna ang dalawang bata dahil siguradong matutuwa ang mga iyon kung... Sinaway ni Reyna ang sarili na alalahanin pa sila dahil hindi sila tunay niyang pamilya. Tinuon na lamang niya ang pansin sa pagkain na sa pakiramdam niya'y walang lasa ang mga 'yon. "Siya nga pala, Reyna, mamayang gabi na ang welcome party mo. Handa ka na ba?" tanong ng Don pagkatapos malunok ang kinakain nitong salad. "Handang-handa na, Don," sagot agad ni Reyna. Tumayo naman bigla si Carlos. "Tapos na ako," inis niyang sabi at umalis na. Sinundan lang ng tingin ni Don Martin ang anak niyang lalaki at saka binalingan ang anak niyang babae. "Pupunta ka ba sa hacienda ngayon?" tanong niya. "Bibisitahin ko lang nang mabilis. Babalik din ako agad," sabi ni Reyna nang hindi inaalis ang tingin sa pinggan niyang mauubos na ang laman dahil kaunti lang ang nilagay niya. "Magpasama ka sa tauhan natin," utos ni Don Martin. "Kaya ko ang sarili ko," buong kumpiyansang sabi ni Reyna. "Iba na ang naniniguro," katuwiran ni Don Martin. Binaba niya ang kaniyang kutsara at tinidor. "Ramos," malakas na tawag niya. Natigilan sa pag-inom ng fresh milk si Reyna. Tiningnan ang lalaking dumating na nakatayo sa gilid ng Don. Hindi nga siya nagkakamali, heto nga si Ramos na nakasama niya ro'n sa Isla. Hindi nga sinunod nito ang sabi niyang 'wag nang bumalik pa rito. Pero ang mas pinagtataka niya ay kung bakit buhay pa rin ito. Mahigpit na pinatutupad ng Don sa mga miyembro ng Pahimakas ang patakarang, kamatayan ang kapalit ng pagkabigo sa misyon. "Nagkaroon kami ng kasunduan," sagot ni Don Martin matapos mabasa ang nasa isip ng anak niya. "Sabi niya, babalik ka raw rito dahil nakaligtas ka sa pagsabog ng yate. Nang oras na 'yon, mahirap pa 'yong paniwalaan. Kaya pinahirapan siya hanggang sa makabalik ka," dagdag pa niya. Kita nga sa mukha ni Ramos ang pagpapahirap; pikit ang isang mata nito at sariwa pa ang tahi sa noo nito. Gayumpaman, nakangiti itong nakatingin kay Reyna. "Siya ang isama mo. Kabisado niya ang hacienda," pagtatapos sa usapan ni Don Martin. Dinampot niya ulit ang kutsara at tinidor at nagpatuloy sa pagkain. Tumango na lang si Reyna at tumayo nang tapos na siya. Sumunod naman si Ramos na iika-ika sa paglakad. Nang nasa labas na sila, iikot sana si Reyna sa likod para pumunta sa kuwadra pero nagsalita bigla si Ramos. "Wala na'ng kuwadra," agap na sabi ni Ramos. "Matagal nang pinagiba 'yon ni Boss Carlos." Bakit nga ba hindi gigibain 'yon ni Carlos gayong alam nito na mahilig siyang sumakay sa kabayo papuntang hacienda? Mukhang gusto talaga ng mahal niyang kapatid na burahin lahat ng alaala niya rito. Pero ngayong nandito na siya, ipapaalala niyang muli sa kapatid kung sino ang mas nakatataas sa kanilang dalawa. Kailangang maging lider siya ng Pahimakas para madali lang niya itong mapababagsak. "Sa kotse na lang tayo sumakay, Ma'am Reyna," sabi ni Ramos. Agad namang may lumapit na kotse sa harap nila. Bunuksan ni Ramos ang pinto ng kotse at pumasok na si Reyna sa back seat. Sa unahan umupo si Ramos kasama ang driver. Sa pag-andar ng kotse, nakatingin sa labas ng bintana si Reyna. Ang dating kapatagan na napaliligiran lamang ng damo at puno ay napalitan na ng mga gusali na ngayon lamang nakita ni Reyna. Ang bawat gusaling madaanan nila ay pinaliliwang ni Ramos kung ano 'yon at para saan. Katulad na lamang ng pribadong hospital na para lamang sa mga tauhan ng Don. Naikuwento rin ni Ramos na isa rin pala siyang doktor. "Doktor ngunit kumikitil ng buhay. How ironic," sarkastikong komento ni Reyna na nanatiling nakatitig sa labas ng bintana. Kunwaring hindi na lang 'yon narinig ni Ramos at pinagpatuloy ang pagsasabi kay Reyna tungkol sa mga bagong gusali. 'Yong vet shop kung saan dinadala ang mga may sakit na hayop sa farm, 'yong training center kung saan ginagawa ang pagsasanay sa pagbaril o sa anumang uri ng armas, 'yong armory facility kung saan nakatago lahat ng mga armas, 'yong mga barrack ng mga miyembro ng Pahimakas, at 'yong cabana kung saan madalas nagliliwaliw sina Carlos at ibang barkada nito. Ang sumunod ay training ground na ng mga bagong recruit ng Pahimakas. Imbes na huminto ang sasakyan nang makapasok sa hacienda, dire-diretso pa rin ito. Hindi nakaligtas sa mga mata ni Reyna ang sira-sira na ang kahoy na arko kung saan nakalagay ang pangalan na Hacienda Dela Reyna. Tanging 'yong pangalan na "Hacienda" ang buong nandoon. Siguradong kagagawan na naman 'yon ng kapatid niyang si Carlos. Ang pamilyar na nagsisitaasan na malawak na pananim ng tubuhan ang napagmasdan niyang muli. Dahil hindi na sementado ang daan, medyo naging maalog na sa loob at maalikabok naman sa labas. May mga iilan na mga trabahador siyang nakita pero ang nakatawag pansin sa kaniya ay ang mga armadong tauhan ng Pahimakas na tila nagbabantay ro'n. "Bakit pati rito nagbabantay sila?" tanong ni Reyna kay Carlos. "Utos ni Boss Carlos," maikling sagot ni Ramos. Gusto pa sanang magtanong ni Reyna pero may kasama silang driver at naisip niyang baka mag-report pa ito kay Carlos ng pag-uusisa niya. "Gusto mo bang huminto para pormal kang maipakilala na bagong tagapamahala ng Hacienda?" suhestiyon ni Carlos. "Sa susunod na," sabi ni Reyna. Pagkatapos pa ng welcome party opisyal na magsisimula ang pamamahala niya ng Hacienda kaya hindi pa maaari. At saka gusto niya lang bumisita rito. Kalapit lang ng hacienda ang farm nila. Pinahinto ni Reyna ang sasakyan at pinuntahan ang kuwadra ng mga kabayo. Nadismaya lamang siya nang malaman na apat na lamang ang natitirang kabayo at 'yong paborito niyang kabayo na si Kulog ay binenta agad ni Carlos. Naglalakad pabalik sa sasakyan sila nang biglang huminto si Reyna. "Bakit bumalik ka pa rito?" Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Reyna. "Ito ang tahanan ko, Ma'am Reyna," sinsero sagot ni Ramos. "At si Asyo?" Tanda pa ni Reyna na dalawa silang nakaligtas sa pagsabog ng yate. "Masunurin 'yon sa 'yo," ang makahulugang sabi ni Ramos. Nainitindihan naman ni Reyna na sinunod ni Asyo ang payo niyang 'wag nang bumalik at magbagong-buhay. "Buti pa si Asyo, ginamit ang utak niya," komento niya. Napangiti lamang si Ramos dahil alam niyang pinaparinggan siya nito. "Pareho tayong bumalik kaya..." sindya na niyang 'wag ituloy ang sasabihin. Hindi siya magtatangkang diretsahang insultuhin ang Reyna. "Mabuti hindi mo na tinuloy, kundi parehong pikit na 'yang dalawang mata mo," pagbabanta ni Reyna. Wala naman siyang planong gawin 'yon pero mas mabuti nang takot ito sa kaniya. Yumuko na lang si Ramos at napakamot sa batok. Ang dami na niyang pasa sa katawan, wala na siyang balak na dagdagan pa 'yon. "Pinasama ka ba ng Don sa misyon sa Isla upang manmanan ang bawat galaw?" tanong ni Reyna habang tinatapunan ng mapanuring titig. Tumango lang si Ramos. "Walang pwedeng bumali ng utos ng Don." Naintindihan ni Reyna na nasa Don ang katapatan nito. "Tayo na," sabi na lang niya sabay talikod na rito. "Pero nasa Reyna na ang buo kong katapatan," sabi ni Ramos na siyang nagpatigil sa paghakbang sa Reyna. "Pa'no ako makasisigurong nagsasabi ka ng totoo?" tanong ni Reyna nang hinarap niyo ito ulit. "Utang ko sa 'yo ang buhay ko. Kung ang Don 'yon, pinabayaan na niya akong mapahamak," sabi ni Ramos nang hindi na nakayuko. Kita ni Reyna sa mga mata nito ang sinseridad sa binitawan nitong mga salita. Pero hindi agad niya ito pagkakatiwalaan. Mabuti na ang nag-iingat lalo na't para siyang nasa kagubatan na anumang oras ay may tutuklaw na ahas sa kaniya. Tumango si Reyna at lumakad na ulit. "Bakit pinababantayan ni Carlos ang mga trabahador?" tanong niya kay Ramos na nakasunod sa kaniya. "Marami nang mga trabahador ang tumakas dahil sa hindi magandang pamamalakad ni Boss--" "Carlos," pagtatama niya rito. Kung may boss man ito, walang iba 'yon kundi siya lang. "A oo, si Carlos," pagtalima niya agad rito. "'Yong mga nahuhuli niya, pinapapatay niya. Kakaunti na lang ang mga trabahador at napipilitan lang silang manatili at magtrabaho dahil sa takot kay Carlos," pagkukwento pa niya. "At 'yong farm naman?" pag-uusisa pa ni Reyna. "Kakaunti na lang ang mga hayop. Gusto na nga ipabenta ni Carlos ang lahat na hayop perp ayaw lang ng Don, " sagot naman agad ni Ramos. Naintindihan na ni Reyna kung bakit sa kaniya binigay ng Don itong hacienda at farm. Pabagsak na ito dahil sa hindi tamang pamamahala rito ni Carlos. Kunsabagay mahina naman talaga ang kapatid niya pagdating sa paghawak ng negosyo, puro paglustay lang kasi ang alam nito. Hindi katulad niya na nakapagtapos ng Management course sa isang prestisyosong kolehiyo sa Amerika. Mukhang gusto pa ng Don na siya ang maglinis ng ginawang kalat ng magaling niyang kapatid. Pero patutunayan niya sa Don at sa kapatid niya na kayang-kaya niyang ibangon at payabungin ang Hacienda dela Reyna at ang farm.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD