Walang pag-alinlangang pinindot ni Carlos ang kulay pulang button na katabi lang ng switch ng ilaw. Sunod-sunod na malalakas na alarma ang umalingawngaw sa buong mansiyon. Pagkatapos no'n, nagsisitakbuhan na mga lalaki ang pumasok sa kuwarto.
"Barilin mo ang babaeng 'yan, Roman," utos ni Carlos sa pinagkakatiwalaan niyang tauhan matapos tumigil ang pagtunog ng alarma.
Si Roman na parang bloke ng bato ang katawan ay nanatiling nakatitig sa babaeng nakaupo na hindi man lang nakakitaan ng pangamba sa utos ni Carlos. Iisang babae lang ang kilala ni Roman na kayang makipagsukatan ng titig nang walang takot kay Carlos, sa kaniya, o maging sa Don. Si Reyna Valmorida lang 'yon.
"Ano pang tinatanga mo? Barilin mo na," galit na bulyaw ni Carlos.
"Duwag ka pa rin, Carlos," malamig na turan ni Reyna. "Hanggang ngayon, inaasa mo pa rin kay Roman ang di mo kayang gawin," dagdag pa niya.
Mas lalong uminit ang ulo ni Carlos. Tinangka niyang kunin ang baril na nakasukbit sa baywang ni Roman pero pinigilan siya nito.
Umiling si Roman. "Ang Don..." 'yon lang ang tanging nasambit niya para balaan ito na magagalit si Don Martin oras na saktan nito si Reyna.
Pero ayaw magpa-awat ni Carlos. Tinangka naman niyang kunin ang hawak na baril ng isang tauhan na nasa likod ni Roman. Hinarang ni Roman ang sarili niya at kahit anong tulak ang gawin ni Carlos dito ay hindi ito matinag-tinag na parang pader.
"Tumabi ka, Roman," utos ni Carlos habang patuloy niya itong tinutulak. Nang napagtanto niyang hindi walang balak itong sundin siya, binalingan niya ang ibang tauhan. "Kayo, barilin n'yo ang babaeng 'yan, kung hindi kayo ang papapatayin ko."
Tiningnan sila ni Roman at umiling. Kanina pa naguguluhan 'yong mga tauhan sa nangyayari. Hindi nila kilala ang babae pero sa tono ng pananalita nito, alam nilang hindi ito ordinaryong tao lang. At heto rin ang unang beses na harap-harapang sinaway ni Roman ang kanilang boss na si Carlos.
"Ano ang kaguluhang ito?" sabi ng maawtoridad na tinig na papalapit sa kuwarto kasabay ang madiin na tunog ng pagtama ng baston sa sahig.
Hindi pa man nakikita ni Reyna 'yong nagsasalita, alam na niya kung sino 'yon. Walang iba kundi ang Don. Agad na nagbigay daan ang mga tauhan upang makapasok ito sa loob. Tumabi rin si Roman habang nakayuko ang ulo at tumigil sa pagsisigaw si Carlos.
Walang may naglakas ng loob na sumagot sa Don. Hindi na naman kailangan pa dahil nahanap ng Don ang kasagutan nang masilayan si Reyna na nanatiling nakaupo. Maging ang Don ay nabigla, hindi inaasahan niyang kusang pupunta ito rito pagkatapos ng nangyari sa nabigong transaksiyon.
"Reyna," tawag ni Don Martin sa kaniyang anak.
Tumayo na si Reyna at bahagyang yumuko para magbigay galang sa Don. "Nagbalik na ako," sabi ni Reyna nang diretsang tinitingnan sa mga mata ang Don.
Sapat ana ang mga katagang 'yon para ganap na mapaniwala si Don Martin na si Reyna na ang kaharap niya ngayon at hindi 'yong mahinang babae na asawa ng kung sinong pipitsuging pulis.
"Kung gano'n, maligayang pagbabalik, anak kong Reyna," bati ng Don ng may kasamang pagngisi. "Halika, mag-usap tayo ro'n sa study room," sabi pa niya nang nakalahad ang kamay.
Hindi nagdalawang isip si Reyna na hawakan ang magaspang nitong kamay, na siyang mas nagpalad ng pagngisi ng Don.
"At ikaw, magbihis ka na at sumunod sa amin pagkatapos," utos ni Don Martin kay Carlos na nakatapis pa rin ng tuwalya.
Imbes na pumunta sila na master bedroom kung saan katabi no'n ang study room ng Don, iginiya si Reyna ng Don pababa ng hagdan. Nagugulumihanan man si Reyna, nagpatianod lang siya sa pag-akay ng Don sa kaniya.
Hawak-hawak pa rin ng Din ang kamay ni Reyna hanggang sa makababa sila ng hagdan kahit na medyo hirap itong maglakad. Kung noon, di mapagsidlan siya ng tuwa sa tuwing hinahawakan siya ng ganito ng Don dahil pakiramdam niya'y parang ama niya itong inaalalayan siya, pero ngayo'y namumuhi siya dahil animo'y kamay na bakal 'yon na kinokontrol ang bawat galaw niya.
Nang nasa baba na sila, diretso silang pumunta sa pagkakatanda ni Reyna na drawing room kung saan doon pinapapunta ang importanteng panauhin para kausapin ng Don. Pero ngayon, study room na 'yon ng Don.
Pagpasok nila, binitawan na siya ng Don at tinuro ang upuan sa harap ng malawak na lamesa na gawa sa mahogany. Sumunod naman siya at umupo samantalang ang Don ay umupo sa likod ng lamesa.
"Ginulat mo ako, Reyna. Akala ko kailangan pa kitang ipahanap muli," diretsahang turan ni Don Martin.
"Tumutupad ako sa ating kasunduan," pagpapa-alala ni Reyna sa Don. Ang kasunduang napilitan siyang tanggapin para sa kaligtasan ng pamilya niya na isa pa lang huwad.
Medyo nadisimulado si Don Martin. Mukhang hindi pa pala tuluyang nabura ang mahinang babae na si Lyra sa katauhan ng anak niyang si Reyna. Pero hindi na mahalaga 'yon sa ngayon. Basta't ang mahalaga nasa poder na niya ito.
"Pero sa pagkakatanda ko, kailangang magtagumpay ka sa misyong binigay ko sa 'yo kapalit ng kaligtasan ng itinuturing mong pamilya," sabi ni Don Martin nang nakasalikop ang mga kamay habang nakapatong ang dalawang braso sa magkabilang patungan ng upuan.
Bago pa makapagsalita si Reyna, biglang bumukas ang pinto at pumasok si Carlos. Umupo ito sa kabilang upuan nang hindi tinatapunan ng tingin. Bastos pa rin ito kagaya ng dati.
Matalim ang pinupukol na titig ni Carlos sa kaharap niyang si Reyna. Hindi niya alam kung saang lungga nagtago ito sa loob ng sampung taon at wala rin siyang balak alamin. Iisa lang ang tumatakbo sa isip niya. Sisiguraduhin niyang pagsisisihan nito ang ginawang pagbabalik.
"Inaako ko ang kasalanan sa nabigong transaksiyon. At sana mapatawad ako ng Don sa nangyari," sabi ni Reyna nang buong pagpapakumbaba. "Tatanggapin ko ang anumang kaparusahan na ibibigay n'yo sa akin " dagdag pa niya.
Suminghal nang malakas si Carlos. "Ang kabiguan ay kamatayan," may diin na sabi ni Carlos. "Iyon ang pinaniniwalaan natin sa Pahimakas," dagdag pa niya. Wala siyang alam sa pinagsasabi nitong transaksiyon, pero natutuwa siya dahil pumalpak na ito. Baka hindi na ito katulad ng dati na pulido at sigurado kung magplano kaya kahit kailan hindi pa pumalpak noon.
"Tumigil ka, Carlos. Kung mahigpit kong sinusunod 'yon, baka matagal o ilang beses ka nang napatay," malamig na turan ni Don Martin, na siya namang nagpatahimik agad kay Carlos.
Umangat ang dulong labi ni Reyna. Kahit noon pa, palpak na ito kung kumilos. Hanggang sa salita lang ito, kulang sa gawa. Kaya hindi na nagtataka si Reyna kung bakit ayaw ibigay ng Don dito ang pagiging lider ng Pahimakas.
"Bueno, hindi mo naman kasalanan ang lahat, Reyna May isang nagtraydor kaya nalaman ng pulis ang tungkol sa transaksiyon. Pero sapantaha ko na may kasama silang mga agent. Hindi maglalakas-loob ang mga probinsyanong pulis na kalabanin ang Pahimakas kung wala silang kasamang mga agent," mahabang turan ni Don Martin.
Ngayon lang naliwanagan si Reyna. Kaya pala nalaman ng mga pulis at agent kung nasaan ang kargamento. May traydor pala. Kahit papaano, hindi sa kaniya mabubuhos lahat ng sisi. Mabuti na lang din na hindi niya sinabi sa Don na may mga agent, baka malaman pa nito na ang kinasama niyang pulis ay isa palang agent. Baka hindi na siya tanggapin ng Don at hindi na pagkatiwalaan pa.
"Pero naging padalos-dalos ka, Reyna. Kinailangan ko pang linisin ang kalat mo," may himig na pagkadismaya na turan ni Don Martin. "Mabuti na lang at maagap ako. Patay na ang traydor at nasunog na ang lahat ng ebidensiya na magtuturo sa iyong sangkot ka sa transaksiyon na 'yon," sabi niya nang nakasandal na sa upuan.
"Humihingi ako ulit ng kapatawaran, Don. At pinapangako ko sa inyo na hindi na 'yon mauulit pa," sabi ni Reyna nang sinasalubong ang mapanuring titig ng Don.
"Dapat lang, Reyna," turan ni Don Martin nang may himig na pagbabanta. Malaking pera rina ng nawala sa Pahimakas dahil sa nabigong transaksiyon na 'yon. "Iniisip ko na lamang na nangangalawang ka pa dahil matagal ka na ring hindi nakasabak sa misyon."
"Makakaasa kang hindi ko na kayo bibuguin pang muli," pangako ni Reyna.
"Tingnan natin," pasaring ni Carlos.
Hindi na pinansin ni Don Martin ang anak niyang si Carlos at nanatiling nakatingin sa isa pa niyang anak na si Reyna. "At ngayong nandito ka na, nararapat lamang na magdaos tayo ng malaking piging upang ipagdiwang ang pagbabalik mo. Mainam din 'yon upang malaman ng nakararami na nakabalik ka nang muli," turan ng Don.
Alam ni Reyna ang tunay na motibo ng piging na 'yon. Gustong ianunsiyo ng Don sa mga mahigpit nitong kalaban kasama na ang mga agent na nasa poder na niya ulit ang Reyna ng Pahimakas.
"Masusunod ang gusto n'yo, Don" sabi ni Reyna kahit na gusto niyang tumanggi. Susundin niya ang gustong mangyari ng Don upang makuhang muli ang tiwala nito.
Tumayo naman si Carlos. "Kung wala naman kayong sasabihin sa akin, aalis na ako, Papa," sabi niya na may halong pagka-irita. Wala siyang balak marinig ang plano nila sa party na para sa babaeng iyon.
"May mahalaga pa akong sasabihin kaya umupo ka na ulit" sabi ni Don Martin. Agad naman itong tumalima. "Ngayong nandito na si Reyna, naisip kong hayaan na kayong dalawa na paghatian na pamahalaan ang ating mga negosyo."
Nagsalubong agad ang mga kilay ni Carlos. "Ano'ng ibig mong sabihin, Papa?"
"Wala na akong hahawakan na kahit na anumang negosyo natin. Ipauubaya ko na 'yon sa inyong dalawa," deklara ni Don Martin na parehong ikinabigla ng dalawa niyang anak.
"Akala ko ba pinababalik mo ako para palitan kang lider ng Pahimakas?" diretsahang sabi ni Reyna.
"P*tang ina! Magkakamatayan muna tayo, Reyna, bago mo makuha ang pagiging lider," pagbabanta ni Carlos sa malakas na boses.
Ngumisi si Reyna. "Bakit hindi natin subukan ngayon? Tingnan natin kung hanggang saan ang tapang mo, Carlos," paghahamon niya.
Galit na tumayo si Carlos at binunot ang baril na nakasukbit sa pantalon niya at agad tinutukan si Reyna. "Isang kalabit ko lang 'to, patay ka na," sabi ni Carlos.
"Gawin mo, 'wag kang puro dada," matapang na sabi ni Reyna. Kumpiyansa siyang hindi siya bababarilin nito dahil kung talagang may balak ito, kanina pa sana nito ginawa.
Nagkasukatan sila ng titigan, nanglilisik ang mga mata ni Carlos samantalang walang bahid na emosyon ang mga mata ni Reyna. Wala ni isa sa kanila ang may balak na bumawi ng tingin.
“Ibaba mo na ‘yan, Carlos,” utos ni Don Martin, pero nanatiling nakatutok ang baril nito kay Reyna. “Ngayon na, Carlos,” may diin nang turan niya.
Binaba rin naman ni Carlos ang baril niya pero humarap siya sa ama niya. “Bakit mo sa kaniya ibibigay? Ako itong nanatili sa poder mo at nanatiling tapat sa ‘yo, tapos sa gagawin mong lider itong babaeng na tinalikuran ka at ang Pahimakas,” dismayadong sabi niya.
“Kumalma ka at umupo ka na muna,” kalmadong turan ni Don Martin.
Kahit na halatang-halata sa mukha ni Carlos ang inis at dismaya, sinunod pa rin niya ang Don. Sinukbit din niyang ulit sa pantalon ang baril niya.
“Ibibigay ko sa ‘yo Carlos ang pamamahala ng ating resort, casino, at kasa,” turan ni Don Martin. Siya ang namamahala ro’n at hindi niya ‘yon binibigay kay Carlos kasi baka pumalpak ito sa pamamahala. Pero ngayon, napag-isipan niyang panahaon na para gantimpalaan niya ito sa kaniyang katapatan.
Nawala ang simangot ni Carlos at napalitan ‘yon ng pagngisi. Isa lang ang ibig sabihin ng desisyon ng Don, mas pinagkakatiwalaan siya nito kaysa kay Reyna.
“Ano pa pala ang silbi ng pagbabalik ko rito?” tanong ni Reyna na halata ang pagkadismaya.
“Pagkatapos ng nangyari, hindi ko maiwasan ang mag-alala kung nararapat nga ba kitang gawing tagapagmana ng Pahimakas, Reyna” tapat na sagot ni Don Martin. “Kung kaya’t sa iyo ko ibibigay, Reyna, ang pamamahala ng ating hacienda at farm. At ‘yong club, ikaw na rin ang bahala ro’n,” turan ni Don Martin. ‘Yon ang mga dating pinamamahalaan ni Carlos at malaki ang tiwala ni Don Martin na mas uunlad ‘yon kung si Reyna ang hahawak.
Tumayo si Don Martin at nilapag ang mga palad nito sa lamesa habang tinitingnan ang dalawa niyang anak. “Ipinagkakatiwala ko ‘yon sa inyong dalawa upang aking makita kung sino sa inyong dalawa ang karapat-dapat na maging susunod na Don ng Pahimakas. Kaya pagbutihin ninyong dalawa,” turan ni Don Martin.