LARA
“Ate!” Tawag sa akin ng aking bunsong kapatid.
Mabilis kong ibinaba ang aking dalang bag sa papag at pinuntahan ko Lira pagpasok ko sa gate ng bahay namin. Namamasa sa pawis ang likuran ng aking kapatid at namumuo ang polbo sa kanyang leeg. Sumulyap ako sa cellphone na nasa gitna ng ring light sa kanyang harapan at nakita kong mahigit isang oras na siyang naka-live pero dadalawa pa lang ang nag-mine sa kanyang binebenta.
Naawa ako sa aking kapatid. Sa mura niyang edad ay natutunan na niyang rumaket buhat nang maisama ako sa ni-lay off na mga empleyado sa Laoag International Airport nang rumagasa ang Covid-19 sa bansa. Nawalan din ng trabaho ang aming panganay at hindi naman maasahan ang aming stepfather upang buhayin kami. Sa kasamaang palad ay maaga kaming iniwan ng aming ina at wala kaming ibang pagpipilian kundi ang tumira sa puder ng pangalawang asawa ng aming nag-iisang magulang. Kahit na sinasaktan niya kami sa tuwing umuuwi ito ng lasing ay pinagtitiisan na lang namin dahil wala pa kaming sapat na pera upang makalayas sa tahanan nito.
“Lira, okay na ‘yan. Patayin mo na. Tignan mo oh, pawis na pawis ka na.”
“Hindi puwede, ate. W-Wala pa akong benta…”
“Okay na ‘yan. Hayaan mo na, ako na ang bahala.”
“P-Pero—”
Ako na mismo ang pumatay sa kanyang cellphone. Umupo ito ng malungkot sa papag at hinaplos ang dahon ng Monstera adansonii sa kanyang tabi.
“Dati-rati, ang lakas ng bentahan natin ate…” Mabigat ang loob nitong wika.
Napabuntung-hininga ako sa kanyang tinuran. Nang pumutok ang epidemya sa bansa ay kung ano-ano ang aming natutunang gawin upang mairaos namin ang aming pamilya. Kahit lahat kami ay mga babae, naging Food Panda at pasabuy riders kami ni ate, taga-lako ng pagkain, at iba pa. Sinuong namin ang panganib ng epidemya sa daan dahil mas takot kaming mabugbog sa ama namin kung uuwi kaming walang dalang pera.
Nang pumatok ang pagtitinda ng halaman ay kahit papaano ay dito kami nakabawi. Malakas ang bentahan noon at malaki ang kita. Ngunit nang bumalik na sa normal ang lahat ay humupa na rin ang interes ng mga tao sa libangang ito.
Mabuti na lamang at nakahanap ng trabaho sa isang kapehan si ate Lena sa Malolos City ngunit ako naman ang hindi pinalad. High school na si Lira at sari-sari na rin ang gastusin niya sa pag-aaral kaya sa halip na nagpapahinga ito pagkatapos niyang mag-schooling ay ginugugol nito ang oras niya sa pagtitinda ng ornamental plants sa f*******:. Ngunit gaya nga ng kanyang nabanggit, matumal na ang bentahan dito.
“Magkano ba ang kailangan mo?” Tanong ko sa kanya.
Napatingin siya sa akin. Umiling ito at ngumiti.
“W-Wala ate. Gusto ko lang talagang makatulong kaya ako nagbebenta.”
Tumayo na ito at nagsimulang iligpit ang mga pasong idinisplay niya bilang background sa kanyang live stream kanina. Hinawakan ko ang kanyang kamay at iniharap ko siya sa akin.
“Lira, ‘yung totoo.” Sambit ko.
Pinisil niya ang aking palad at tumawa.
“Wala nga. Ayaw mo bang kumita ako? Siyempre gusto ko ring may panggastos. Nakalimutan ko na kaya ang lasa ng Mocha Frappuccino.” Biro nito sa akin.
Kinutos ko siya sa ulo.
“Hindi kita tinuruang magsinungaling, bata ka. Tsaka ang mahal-mahal ‘nun. Dalawang kilong bigas na ang katumbas ng matamis na inuming ‘yun.”
“Aray ko naman ate! Yeah, yeah, I know! Kaya lang siyempre sa edad kong ‘to, dapat na-eexplore ko ang iba’t ibang—”
“E-explorin ko rin ang mukha mo sa tampal ko kapag hindi ka nagsabi ng totoo. May project ka ba? Dapat na bayaran? Sabihin mo. Sayang ang pagiging Valedictorian mo ano ka ba! Kailangan mo akong makapagtapos! Tignan mo ako, tapos na ako ng pag-aaral pero hirap pa ring makahanap ng matinong trabaho!” Singhal ko sa kanya.
Dahan-dahan siyang yumuko. Alam kong nag-aalinlangan pa rin siyang magkuwento dahil nakikita kong nakalapat pa rin ang kanyang dalawang kamay sa isa’t isa pero tinabihan ko pa rin siya at kinulit.
“May project ka ba?”
“Ate…”
“Sabihin mo na.”
“… May… field trip kasi kami sa susunod na linggo sa Maynila…”
“Magkano ang kailangan mo?”
“Ano ate… May P1,200.00 daw na bayad… Wala pa dito ang pagkain… P-Pero ate, hindi ko naman kailangang sumama. Konting dagdag points lang naman iyon sa final grades at—”
Kinuha ko ang aking wallet sa bag. Binuksan ko ito at may nahanap akong dalawang libong piso—ang kahuli-hulihang perang papel na mayroon ako. Ngunit kahit ganoon ay hindi ako nagdalawang-isip na ibigay ito kay Lira. Binuksan ko ang kanyang palad at inilagay ang pera sa kanyang kamay.
“Lira, pagbutihin mo ang pag-aaral mo ha. Huwag mong isipin ang gastos. Kakayanin namin ng ate Lena mo ang lahat basta makapagtapos ka lang ng pag-aaral, okay?”
Nangilid ang luha ng aming bunso. Hinaplos ko ang kanyang pisngi at umiling ako.
“Huwag. Wala tayong energy para sa iyakan moments. Magbihis ka na dyan at gawin ang mga homework mo. Ako’y magmamaganda muna sa labas.”
Tumawa ang aking kapatid at nagsimulang sabayan ang aking biro.
“Kakadating mo lang, ate. Saan ka na naman maglalamyerda?”
“Anufa! Eh ‘di maghahanap ng sugar daddy!” Tugon ko at nag-pose-pose ako sa papag.
Humalakhak kami pareho at nag-apiran. Inakbayan ko siya at sabay kaming pumasok sa bahay. Masaya itong dumiretso sa kanyang kuwarto at ako naman ay naiwang nakatunganga sa harapan ng CR. Bumuntung-hininga ako at nag-isip ng malalim.
“Oo, Lira. Totoo ang lahat ng sinabi ko. Ganda ang puhunan ko sa bago kong trabaho.” Bulong ko sa aking sarili.
Kinuha ko ang aking phone at tinignan ang notes ko. Ngayong araw ang huling date namin ni Sir Allan. Ito na ang last day ko sa kanya bilang nirentahan niyang girlfriend. Ngayong araw na namin isasagawa ang huling balak namin at matatanggap ko na ang full payment ko sa kanya.
“Maligo ka na, Lara. Magpaganda ka ng husto ngayon.
---
BLAKE
“T-Taxi?”
“Ha?” Sagot ng magandang babae sa akin.
What the hell. Ang dami kong puwedeng sabihin para pormahan siya, taxi pa talaga ang aking nasabi.
Napahawak ako ng mahigpit sa manibela at lumunok para humugot ng lakas ng loob.
“G-Grab taxi driver ako, Ma’am. N-Naghahanap ka ng taxi?” Nauutal kong tanong sa kanya.
Tinitigan niya ako ng mabuti. Alam kong hindi ito kumbinsido dahil sa aking ayos. Ngunit hindi ko talaga matanggal ang suot kong shades dahil lalo itong hindi maniniwala sa akin kapag nakita niya ang bughaw na kulay ng mga mata ko.
Yes, I don't look like a Grab driver with what I'm wearing, but I'll take the risk. It's the first time I've met a woman who caught my eye and stirred my emotions. So even though I'm at a disadvantage, I'll gather my courage. It's now or never.
“S-Sasakay ka ba, Ma’am?” Pagbabaka-sakali ko.
Kumunot ang kanyang noo at sumulyap ulit sa kalsada. Binubusinahan na ako ng mga kotse sa likuran ko dahil nasa gitna ako ng daan. Dahil sa kanya ay panandalian akong nakalimot na ako’y isang pulis na nagbibigay ng tamang serbisyo sa mga tao.
“Come on, please.” Pagsusumamo ng aking puso.
Laking pasasalamat ko dahil wala talaga siyang mahagilap na taxi at sumakay na lang ito sa passenger seat. Yumuko ako ng mabilis dahil hindi ko mabura ang ngiti ko sa aking labi.
“Saan po tayo, Ma’am?” Usisa ko.
Napatingin siya sa akin. Inayos niya ang kanyang pagkakaupo ng patagilid upang takpan ang kanyang mga hita sa above-the-knee nitong red cocktail dress.
“Sa Malolos Resort Club Royale Manong.” Malambing na tugon nito.
Umigting ang mga panga ko dahil tinawag niya akong ‘Manong.’ Muntikan ko nang tanggalin ang shades ko para ipakita sa kanya ang hitsura ko pero pinigilan ko ang aking sarili. Umusad na kami papunta sa lokasyong ibinigay niya at palinga-linga ito sa kalsada at hindi mapakali. Ako naman itong nabighani ng husto ay nagkaroon ng pagkakataong sulyapan siya sa rearview mirror.
Napakakinis ng kanyang balat. Bagay na bagay ang mahahaba niyang pilik-mata sa hazel-brown eyes niyang tila humuhugot sa aking kaluluwa. Napakarami ko nang nakitang mga babae na umaligid sa aming magkakapatid pero ngayon lang ako kinabahan ng husto sa presensya ng isang dalaga.
Bumaba ang aking paningin sa kanyang legs at wala akong makitang kapintasan. Mahaba ang kanyang mga binti at bagay na bagay sa kanya ang suot niyang black strappy heels. Sexy ang kabuuan ng pananamit nito pero may class at sopistikadang tignan. Sa tantya ko ay nasa early 20s pa lang ito at nagmumukha akong kuya dahil sa pagkasariwa ng kanyang hitsura.
Sa pagbababad ko sa kanya ay hindi ko namalayan na nag-red na pala ang stoplight sa aking harapan. Bigla akong napayapak sa preno at muntikan na itong masubsob sa kambyo. Dinilatan niya ako ng mga mata at pinaulanan ng mga salita.
“Manong!!! Jusmiyo ka! Ang dami ko pang pangarap sa buhay! Ang lapit-lapit ko na lang oh! Tsutsugihin mo pa ba ako? Hay mamang ‘to, oo! Magkano ba ang bayad at bababa na ako!”
Wala akong ibang nagawa kundi ang ngumanga. Kahit na galit na siya ay para pa rin akong hinehele ng boses niya.
Lumingon siya sa aking dashboard at wala itong nakitang taximeter. Lalong nanlaki ang mga mata niya at alam kong natakot na ito sa akin dahil bistado ang pagpapanggap ko.
“A-Ah—I’m sorry, Ma’am! A-Ano! N-Nasira kasi ang metro ko kaninang umaga! Hindi ko pa naibabalik. Kung—kung gusto mo Ma’am ano—uhm, free! Free na lang po! Sorry!” Taranta kong sabi sa kanya.
Nagmadaling isinabit ni Miss Beautiful ang kanyang bag sa balikat at bumaba sa kotse ng walang paalam. Sa lakas ng kabog ng dibdib ko ay naiparada ko sa tabing kalsada ang aking sasakyan pagbalik ng green signal sa stoplight. Napahawak ako sa aking dibdib at napasukob sa manibela.
"Damn, that woman! She's got crazy appeal! I feel like a jittery teenager crushing hard for the first time." Sigaw ng puso ko.
Ngunit lalo akong nagulat nang balikan niya ako at kinatok sa glass window. Kaagad ko naman siyang pinagbuksan dahil akala ko ay may nakalimutan ito sa loob ng kotse.
“Salamat, Manong Pogi!” Mutawi nito at ako’y kanyang nginitian.
Natulala ako. Nawalan ulit ako ng kakayahang magsalita at hindi nakatugon hanggang sa makita ko siyang pumasok sa hotel resort.
“P-Pogi?” Nauutal kong kausap sa aking sarili.