Dise Nuybe

1609 Words
“Pero nasaan na ‘yung pangako ko sa sarili ko?” sagot ko, halos maiyak na. “Nasaan na ‘yung linya ko na hanggang dito lang ako?” Sumingit si Lyka, tumigil sa pag-aayos ng buhok niya at lumapit. “Chas… minsan kailangan mong lampasan ang linya na ‘yan para mabuhay. Hindi kasi lahat ng linya, makatarungan. Minsan kailangan mong tumawid para sa mga taong mahal mo. At kahit anong sabihin ng iba—hindi ka masamang tao dahil doon.” Natahimik kami saglit. Nakatingin lang ako sa kanila. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko—lungkot, sakit, guilt, pero may halong kaunting ginhawa rin. Parang kahit papaano, naiintindihan nila ako. “Hindi ka nag-iisa,” dagdag ni Yllah. “Kami rin, may mga linya kaming tinawid. Pero ang mahalaga, nandito pa rin tayo. Lumalaban.” “Hindi man ito ang pangarap nating daan,” sabi ni Arya, “pero minsan, ito muna ang daang kailangan nating tahakin para makarating sa tamang direksyon.” Napaluha ako. Pero ngayon, sa gitna ng luha, may bahagyang tapang na akong nararamdaman. “Salamat,” mahina kong sabi. “Salamat kasi hindi n’yo ako hinusgahan.” Ngumiti si Lyka, “Hindi kami nandito para humusga, Chas. Nandito kami para magsama-sama… kahit gaano pa kahirap.” At sa munting kwarto na ‘yon, sa pagitan ng mga ilaw at salamin, sa likod ng kinang ng entablado—naramdaman ko ang tunay na kakampi. Nakatingin lang ako sa kisame ng dressing room, tahimik. Parang may malakas na bagyong dumaan sa loob ko, hindi ako makagalaw, hindi ko maipinta ang mukha ko—galit ba ‘to? Lungkot? O sakit? O baka lahat. Sa dami ng puwedeng mangyari sa akin, sa dami ng lalaking puwedeng maging una... bakit siya pa? Si Hendrix Zillman. Ang captain. Ang taong dahilan kung bakit nawala ako sa airline. Ang taong tumapos sa pangarap ko sa ere. Ang taong, kahit ayaw ko mang aminin, matagal ko nang ginagalang—minsan pa ngang hinangaan. Pero ngayon... siya rin ang unang lalaking nagpaalalang wala na ako sa mundo ng propesyonalismo, wala na ako sa mundo ng matinong pangarap. Nasa ilalim na ako ng liwanag ng bar. Sa entabladong walang uniforme, kundi hubad na katawan at maskarang nagtatago ng tunay kong pagkatao. Hinawakan ko ang laylayan ng suot kong damit, mahigpit. Napapikit ako, pilit pinipigilan ang luha pero kusa silang bumagsak sa pisngi ko. Bakit siya? Hindi ko alam kung aksidente ba ito, o sinadya ng tadhana. Kung ganti ba ito sa akin o kapalarang mapait. Naalala ko pa yung huling beses na nagkita kami—matulis ang tingin niya, walang emosyon, parang wala akong halaga. Isa lang akong empleyado na dapat tanggalin. At ngayon? Kanina lang, hawak niya ang katawan ko na para bang ako na ang pinakaimportanteng babae sa mundo sa mga oras na ‘yon. Mabilis ang pangyayari. Walang pangalan, walang pag-uusap. Pero nang magtama ang mga mata namin matapos ang lahat, doon ko lang muling nakita ang Hendrix na dati kong kilala—ang Hendrix na matapang, malamig, ngunit sa ilang segundo, may aninong pagkagulat sa mga mata niya. Parang may parte sa kanya na hindi rin makapaniwala. Ako ‘yong tinanggal niya sa trabaho. Ako rin ang unang babae sa ilalim ng maskarang ito na hindi niya namukhaan. Ako ang dancer na pinili niyang kamahin, hindi alam na ako rin ang babaeng tinulak niya palayo noon. At ngayon... nandito na ako. “Wala nang babalikan.” ‘Yan lang ang naisip ko habang nakayuko. Kasi kahit bumalik man siya sa akin bukas at sabihing nakilala na niya ako, hindi na kami pareho. Hindi na ako ‘yung flight attendant na minsang ngumiti sa kaniya sa cabin. Ako na ngayon si Chasandria—ang babae sa maskara, ang dancer sa entablado, ang binili ng sistema. Habang inaayos ko ang sarili ko sa harap ng salamin—binubura ang mga bahid ng mascara sa pisngi, inaayos ang magulong buhok, at pilit pinapanatili ang lakas ng loob—bigla na lang bumukas ang pinto ng dressing room. "Woii! Bastos ka!" sigaw ko habang agad kong tinakpan ang sarili ko gamit ang tuwalya. Pero imbes na umalis o mag-sorry, lumapit siya nang nakangisi. Si Trois. Walang preno. Walang takot. Mapagbiro gaya ng dati. "Hindi ka pa naman hubad ah!" sabi niya sabay tawa, at bago ko pa siya mapigilan, niyakap niya ako ng mahigpit, parang batang sabik sa matagal nang kaibigan. "Yakapin lang kita! Miss ko na si Jane eh! Hahahaha!" dagdag niya, may halong biro ang tinig niya, pero ramdam ko rin ang lambing at malasakit sa kilos niya. Napabuntong-hininga ako, napangiti sa kabila ng lahat. Kahit may lungkot pa rin sa dibdib ko, hindi ko maiwasang matawa sa pag-uugali niya. "Ikaw talaga... parang walang pinagdadaanan," bulong ko habang sinasaway siya nang mahina. "Meron no! Pinagdadaanan ko ‘yung hindi ako makayakap kay Jane... kaya ikaw na lang muna!" muling biro niya, sabay turo sa dibdib niya na kunyari’y nasasaktan. Pabirong sinuntok ko ang balikat niya. "Loko ka talaga." "Pero seryoso, Chas..." bigla niyang sabi, medyo bumaba ang tono ng boses niya, "Ayos ka lang ba?" Natahimik ako saglit. Tumingin ako sa kanya—doon ko lang nakita na kahit mapagbiro si Trois, marunong din siyang makiramdam. Nandito siya hindi lang para magpatawa, kundi para masiguradong buo pa ako. At sa yakap niyang ‘yon... kahit paano, parang naging magaan ang bigat sa dibdib ko. "Oo naman, hehe..." sagot ko habang pilit na ngumiti. Umiwas ako ng tingin, ayaw kong makita niya sa mga mata ko na kahit ngumiti ako, may bahid ng lungkot sa loob. Ramdam kong hindi siya kumbinsido, pero hindi na rin siya nagtanong pa. Bigla siyang ngumiti at iniabot ang kamay niya sa akin. "Tara, sayaw tayo. Baka makatulong 'to sa bigat ng dibdib mo." Hindi ko alam kung bakit pero napapayag ako. Hinawakan ko ang kamay niya, sabay lakad papunta sa maliit na practice room sa likod ng dressing area. Nasa loob pa lang kami, nagsimula na siyang sumabay sa mabagal na beat ng music na tumutugtog. Habang umiikot kami sa ilalim ng ilaw na malamlam, naramdaman kong dahan-dahan siyang naging seryoso. Hindi ko inaasahan na sa gitna ng sayaw, bibitiw siya ng tanong na ’yon. "Nabanggit ni Yllah at Arya... si Zillman pala ang una mong naka-VIP." Tahimik niyang sinabi, halos pabulong pero ramdam kong mabigat. "Okay ka lang ba talaga? Yung lalaking sumira ng pangarap mo... siya pa ang una mong naging customer?" Bigla akong napatigil. Tumigil ang paa ko sa paggalaw. Napakapit ako sa braso niya, parang gusto kong bumitaw pero hindi ko kaya. Lahat ng alaala—yung mga oras na pinagpawisan ako sa eroplano, pinagalitan dahil sa bagay na hindi ko naman kasalanan, ang pagbagsak ng mundo ko sa isang kisapmata—bumalik lahat. "Para sa pera," sagot ko, desperado, halos pabulong pero ramdam ang bigat. "Wala akong choice, Trois... pumayag ako kasi kailangan kong mabayaran 'yung advance ko sa bar. At... at kailangan kong makakuha ng pera para sa gamot ni Papa. Maintenance niya, dialysis, lahat-lahat. Kung hindi ko ginawa ’yon, baka..." Hindi ko na natuloy. Napasinghap ako. Napayuko. Ramdam kong nanginginig na ang boses ko, at kahit pilit kong pinipigilan, unti-unting tumulo ang luha sa pisngi ko. Hindi na siya nagsalita. Tahimik lang siyang nakatayo sa harap ko, hinawakan ang balikat ko at hinila ako pabalik sa sayaw, marahan, walang pilit. Niyakap niya ako habang kami’y sumasayaw, parang sinasabi sa akin na naiintindihan kita. Hindi mo kailangang magsalita pa. At doon ko naramdaman, kahit nasa lugar ako na puno ng ilaw, halakhak, at pagkukunwari—may isa pa ring taong nakakaintindi. Tahimik pa rin kaming sumasayaw sa marahang beat ng music sa practice room. Ramdam ko ang init ng ilaw sa taas pero mas ramdam ko ang kabigat ng mga salitang sinabi ko kay Trois. Napalunok ako, pilit na nilulunok ang kirot sa dibdib. Maya-maya, bumulong siya sa tenga ko habang marahan pa rin kaming gumagalaw. "Kung kailangan mo ng pera, mayroon ako, Chas." Mahina pero buo ang boses niya. "Hindi man kalakihan, pero ipapahiram ko. Para magamit mo muna. At hindi lang ako... magpapahiram din sina Yllah, si Arya… marami kaming tutulong sa’yo." Napatigil ako. Napatingin ako sa kanya. Gusto kong magsalita pero wala akong masabi. Naipit ang luha ko sa lalamunan. "Trois..." mahinang sabi ko, pero pinigilan niya ako. "Huwag ka na magpaliwanag. Hindi mo kailangang magpaliwanag, okay?" Nilagay niya ang palad niya sa likod ko, marahang hinihimas. "Naiintindihan ka namin. At ayaw naming mag-isa kang lumaban." Napahawak ako sa braso niya, mahigpit. "Hindi ko alam kung paano ko kayo mapapasalamatan..." nanginginig kong sambit. "Walang 'pagsusukli' dito, Chas," sabi niya, at ngumiti ng marahan. "Hindi kami ganon. Pamilya tayo rito, ‘di ba? Baka nga hindi lang natin pansin pero unti-unti nang nabubuo ‘yung suporta na wala tayo dati." "Pero hindi ba ako mahina kasi... kasi bumigay ako kay Zillman?" tanong ko, halos hindi ko na madinig ang sarili ko. "Hindi. Hindi ka mahina. Alam mo kung sino ang mahina? 'Yung mga sumusuko." Tinapik niya ang balikat ko. "Ikaw? Lumaban ka. Wala kang ginawa kundi lumaban. Dahil sa tatay mo. At para sa sarili mo. Kaya huwag mong husgahan ang sarili mo sa mga pinilit mong gawin para mabuhay." Bigla na lang akong napaiyak. Hindi ko na kayang pigilan pa. Niyakap ko siya nang mahigpit. "Salamat, Trois... salamat talaga..." "Sige lang, umiyak ka lang... tapos pagkatapos nito, sabay tayong lalaban ulit. Hindi mo kailangang mag-isa." Sa mga salitang 'yon, kahit pa nasa gitna kami ng mundo ng kasinungalingan at pagtatago, doon ko lang ulit naramdaman — totoo pa rin pala ang malasakit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD