Onse

1882 Words
“Pinagalitan ako ng kapitan. Binulyawan. Pinaalis. Parang wala lang lahat ng training ko, lahat ng sakripisyo ko. Sa isang iglap… tapos lahat. Pangarap kong lumipad, literal—nabasag, nalaglag. Parang wala akong kwenta.” Tahimik pa rin si Trois. Pero nakita ko ang dahan-dahan niyang pagyuko ng ulo. Ramdam kong hindi siya basta nakikinig—damang-dama niya rin ang kwento ko. “Hindi ko pinagsisihan na pinagtanggol ko ang sarili ko,” dagdag ko, mas matatag ang boses ko ngayon. “Pero minsan iniisip ko… bakit parang ako pa rin ang talo sa huli?” Lumingon siya sa akin, at marahang tumango. “Hindi ikaw ang talo, Chas. Yung sistema lang talaga ang baluktot. Pero tandaan mo—hindi kasalanan ang lumaban. At mas lalong hindi kasalanan ang maging totoo sa sarili mo.” Napatitig ako sa kanya. Hindi ko inaasahan ‘yung mga salitang ‘yon. Pero parang tumama sa puso ko, diretso. “Salamat, Trois…” mahina kong sabi, pero totoo. Kasi sa gabing ‘to, kahit sa madilim na backstage… ramdam kong may liwanag pa rin akong mahahawakan. Napabuntong-hininga ako matapos ikuwento kay Trois ang sakit ng pagkawala ko sa airline. Pakiramdam ko, kahit papaano, gumaan ang loob ko. Pero bago pa man ako malunod sa lungkot ng sarili kong kwento, pinilit kong ngumiti. "By the way, ikaw naman ang magsalita, Trois! Puro ka biro eh!" sambit ko habang tinutulak siya ng bahagya sa braso. "Paano ka nga ba napasok dito sa bar, ha?" Natahimik siya. Ang usual na mapagbiro niyang mukha, biglang nagbago. Para bang may bigat sa puso niya na matagal nang kinikimkim. Yumuko siya ng bahagya, saka dahan-dahang nagsalita. "Dahil nawala ang scholarship ko," simula niya, at sa bawat salita niya’y ramdam ko ang lalim ng emosyon. "Dahil sa pamilya ni Jean." "Sino si Jean?" tanong ko, bahagyang nakakunot ang noo. Saglit siyang tumingin sa akin, tapos tumawa ng mapait. "Girlfriend ko noon," sagot niya. "Mahal na mahal ko siya, Chas. Siya lang ang una kong minahal ng ganun. Akala ko, siya na talaga." Hindi ako gumalaw. Hinayaan ko lang siyang magpatuloy. Sa likod ng konting ilaw ng backstage, tila naging mas malinaw ang anino ng lungkot sa mukha niya. "Nag-aaral ako noon sa isang private university, full scholar ako sa sayaw. Pero yung pamilya ni Jean... mayaman sila, influential. Ayaw nila sa ‘kin. Ayaw nila na isang katulad ko lang ang kasama ng anak nila." "One time, habang hinahatid ko pauwi si Jean, actually secret lang relasyon namin, so ayun hinatid ko na siya, nahuli kami ng magulang niya. Isang tingin pa lang sa akin, alam ko nang ayaw nila sa akin, lalo na nang makita ang luma at medyo punit kung damit sa araw na yun." Dito na nagsimulang manginig ang boses niya. Kitang-kita ko kung paano siya pilit pinipigilan ang pagbagsak ng luha. Pero hindi niya kinaya. Pumatak din iyon sa wakas. "Pagkatapos noon, nawalan ng trabaho ang tatay ko. Ang nanay ko naman, nagkasakit. Wala kaming pambayad sa renta, sa gamot, sa pagkain. Napilitan kaming lumipat sa Maynila, sumiksik sa maliit na barong-barong ng kamag-anak." Hindi ko na napigilan ang ilagay ang kamay ko sa kamay niya. Mahigpit ang kapit niya, para bang doon siya kumukuha ng lakas para ituloy ang kwento. "Tapos isang gabi, nadaan ako sa bar na ‘to. Wala akong alam sa ganitong mundo, pero alam ko kung paano gumalaw. Pumasok ako, nag-audition. At ayun… dito na ako napadpad. Dito ko natutunang ipagpatuloy ang sayaw, hindi na lang bilang passion, kundi para mabuhay. Para matulungan ang pamilya ko." Tahimik kami ng ilang segundo. Ang dating laging nakatawang si Trois… ngayon, isa palang lalaking puno ng sakit, ng sakripisyo, at ng tapang. "Trois…" mahina kong sabi. "Pasensya ka na kung pinilit pa kitang ikuwento yan. Hindi ko alam…" "Okay lang, Chas." Tumango siya, pilit ngumiti. "Alam mo, minsan okay din pala yung ganito—yung may nakikinig. Kasi bihira na ‘yan ngayon, diba?" Tumango ako, at sa katahimikan namin, may nabuong koneksyon—hindi lang dahil pareho kaming nasa iisang bar. Kundi dahil pareho kaming lumalaban, kahit sugatan, kahit pagod. "Basta tandaan mo ‘to," dagdag ni Trois, sabay tapik sa balikat ko. "Hindi tayo sinira ng mundo. Ginawa lang tayong mas matibay." Tahimik naming tinanaw ang magulong backstage—mga dancer na abala sa pag-ayos, mga ilaw na kumikislap mula sa stage, at ang faint na tunog ng bass mula sa malayong dancefloor. Pero sa gitna ng lahat ng iyon, para bang kami lang ni Trois ang naroon, nakakulong sa sarili naming mundo ng mga kwentong pilit tinatago sa likod ng musika. "Asan na si Jean ngayon?" tanong ko, dahan-dahan ang tono ng boses ko, parang ayokong makasakit ng damdamin. Napatingin siya sa akin. Sa sandaling iyon, kita ko ang konting panginginig sa labi niya, bago siya muling tumingin sa kawalan, sa parang imahinasyon ng isang babaeng hindi niya na hawak. "Hindi ko na alam," sagot niya, may lungkot sa bawat titik. "Ang huling balita ko, nagpunta raw siya sa ibang bansa ata. Doon na nagtatrabaho. Matagal na rin. Ilang taon na rin kaming hindi nagkikita." Tumahimik siya saglit, saka ngumiti—pero hindi yun yung tipong masayang ngiti. Isa yun sa mga ngiting may kirot sa ilalim, ngiting pilit pero totoo. "Kung magkikita kami ulit," patuloy niya, habang minamasahe ang kanyang mga palad na para bang nilalabanan ang kaba, "baka nga... baka kami talaga ang para sa isa’t isa. Pero kung hindi man, ayos lang din." Napatingin ako sa kanya. Sa lalim ng mata ni Trois, may halong pag-asa at pagtanggap. Halatang hindi pa siya tuluyang nakaka-move on, pero hindi rin siya umaasa ng sobra. "Basta... bahala na ang tadhana," bulong niya, halos hindi ko na marinig. Pinagmasdan ko siya ng ilang saglit, at doon ko na-realize kung gaano kalalim ang pinagdaanan niya. Isang lalaking may talento, pangarap, at pagmamahal… pero tinanggalan ng lahat ng sabay-sabay. At kahit ganun, he’s still here. Buhay. Lumalaban. May ngiti pa rin. "Alam mo, Trois," sabi ko, bahagyang pinisil ang kamay niya, "kung darating ulit si Jean, makikita niya kung gaano ka pa rin kabuti. Kung gaano ka nagsikap sa kabila ng lahat." Ngumiti siya sa akin, mas totoo na ngayon. "Salamat, Chas." sagot niya. "Hindi ko akalaing makakahanap ako ng kausap na kagaya mo dito." At sa likod ng ingay ng bar, ng kasayawan at ilaw, nagkaroon ng isang tahimik na sandali—punô ng emosyon, kwento, at posibilidad ng muling pagtayo, muli’t muling paglaban. Tahimik naming pinag-uusapan ni Trois ang nakaraan, hanggang sa biglang bumukas ang kurtina ng backstage. Mula sa liwanag ng hallway, isang babae ang pumasok—mataas ang hakbang, tuwid ang likod, at may kumpiyansa sa bawat galaw. Agad siyang lumapit sa amin. Para siyang hindi basta ordinaryong dancer—kundi isang taong alam ang lugar niya sa mundo. Makinis ang kanyang kutis, mapulang labi na parang laging nakangiti pero may bahid ng pangamba. Ang kanyang mahabang buhok ay nakapusod nang maayos, at kahit naka-crop top lang siya at leather pants, lutang na lutang ang kanyang presence. "Kuya Trois," sabay ngiti na parang may tinatago. "Bagong babae?" Napatingin ako sa kanya—matangkad siya, balingkinitan ang katawan, at may mga matang para bang binabasa ka. Hindi ako sigurado kung natutuwa siya o binabalaan ako. "Ah—oo, bagong dancer. Si Chasandria," sagot ni Trois, medyo alanganin ang tono niya. "Chas, si Serona." Tumango siya at lumapit pa. Parang may kakaibang lamig sa presensya niya, kahit nakangiti. Inabot niya ang kamay niya sa akin. "Serona. Manager na dancer, I guess?" sabay kindat niya. "Hindi ako basta-basta sumasayaw ngayon, pero pag kailangan, alam ko pa rin kung paano gumawa ng ingay sa entablado." Bahagya akong natahimik. Iba ang dating niya—may halong pagiging matapang, misteryosa, pero may pino rin na kilos. Sweet siyang magsalita, pero hindi mo maiwasang isipin kung ano ang kaya niyang gawin kapag napikon o nalagpasan mo ang limitasyon niya. "Nice to meet you po," sagot ko, mahina, habang pilit pinapakalma ang kabang nararamdaman ko. "Relax lang, girl," aniya, sabay tapik sa balikat ko. "I know how hard the first few days are. Kung kailangan mo ng tulong sa galaw, sa mga customer, or... sa pagtayo sa sarili mong character, you can talk to me." Ngumiti ako, kahit may kaba. Hindi ko pa alam kung kaibigan ba siya o isang panganib na kailangan kong bantayan. Pero isang bagay ang sigurado: sa bar na ito, lahat may kwento. At si Serona—isa siyang kwento na gusto kong unti-unting matuklasan. Nakatayo si Serona sa harap ko, nakaakbay ang isang leather jacket sa kanyang balikat habang ang isang kamay ay nakasalampak sa bewang. Malamig ang aircon sa backstage pero para bang siya lang ang may presence na kayang lampasan 'yon. Para siyang karakter sa pelikula—kakaiba ang awra, may halong misteryo at tapang. "Kamusta naman pamamalagi mo dito sa bar?" tanong niya sa isang tono na hindi ko agad mabasa—hindi siya sarcastic, pero hindi rin masyadong soft. Parang gusto niyang malaman kung lumalaban pa ba ako, o kung bibigay na lang ako. Napatingin ako sa kanya, saka ko ibinalik ang tingin sa hawak kong tuwalya habang pinupunasan ang pawis sa leeg ko. "Honestly?" simula ko, medyo huminga muna ako nang malalim bago nagsalita ulit. "Mahirap. Nakakapagod. Parang rollercoaster—iba’t ibang emosyon bawat gabi. Minsan gusto kong tumakbo palabas habang sumasayaw, pero… iniisip ko lagi ang dahilan kung bakit ako nandito." Tumango si Serona. Uupo na sana siya pero huminto sa gitna, parang na-curious siya sa sinabi ko. "Dahilan? Gusto ko 'yan. Ano nga ulit ‘yung dahilan mo?" Tiningnan ko siya sa mata, diretso. "Papa ko. Nasa ospital. Kailangan ng malaking pera para sa operasyon. At sa ngayon, ito lang ang alam kong paraan na kaya kong pagkakitaan agad." Medyo lumambot ang boses ko, pero pinilit kong hindi tumulo ang luha sa mata ko. Natahimik siya sandali, saka siya umupo sa may armrest ng isang sofa. Kumunot bahagya ang noo niya, parang hindi niya inaasahan 'yon. "Alam mo, karamihan ng babae dito may dahilan. Yung iba broken, yung iba tinapon ng mundo, yung iba nagtatago. Pero ikaw… may dahilan kang may puso." Pinagmasdan niya ako sandali. "At ang mga tulad mo… sila ‘yung kadalasang mas matagal ang tinatagal dito. Kasi hindi lang katawan ang puhunan—puso at prinsipyo." Nagulat ako sa sinabi niya. Akala ko itutulak niya akong mas lumandi pa, mas magpakita pa. Pero parang may respeto sa likod ng kanyang mga salita. "Basta tandaan mo ‘to, Chasandria," dagdag pa niya, "ang bar na 'to, hindi lang para sa mga babaeng gusto ng pansamantalang tagumpay. Nandito 'to para sa mga babaeng gusto ng pangmatagalang paninindigan. Kung gagamitin mo ang lugar na 'to para makabangon, susuportahan kita. Pero kung hahayaan mong lamunin ka ng sistema… hindi ka tatagal." Napakagat ako sa labi ko, ramdam ang bigat at katotohanan sa bawat salitang binitiwan niya. Tumayo na siya, inayos ang buhok niya na nakaponytail. "Kaya kung ako sayo, enjoy mo ang spotlight, pero wag mong kalimutang hawakan ang direksyon ng ilaw." At sa kanyang paglalakad palayo, iniwan niya akong muling puno ng tanong, pero may kakaibang apoy sa dibdib. Oo… hindi ako basta dancer. Isa akong anak na lumalaban para sa tatay niya. At wala akong balak bumitaw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD