Matapos ang ilang minuto ay naubos na nila ang pagkain. Tumingin si Estong sa kaniya pero nagpatay-malisya lang siya at hindi nag-atubiling tumingin pabalik sa lalaki. Ilang minuto niya itong hinayaang tumitig sa kaniya pero hindi na siya nakatiis lalo't umiinit ang pisngi niya sa tagal ng titig nito. "Kumanta ka," sulsol niya. Inabot niya ang isang inumin at sumimsim. Pinagmasdan lang niya ang pagkuha nito sa remote control at pagpindot ng keys. Hindi nagtagal ay narinig niya ang saliw ng isang pamilyar na musika. Lihim na napangiti si Rowena. Ang kantang pinili ni Estong ay ang kantang sabay nilang kinabisado nang mga bata pa sila. 'Yon ang paborito niyang kanta na palaging kinakanta ni Estong sa kaniya. Alam niyang tinutukso lang siya nito kaya binabato niya nang pabiro ang lalaki.

