Kabanata 6.1: Rowena

1027 Words
Maganda ang araw para kay Rowena. Malaki ang ngiti sa mga labi niya habang sinusuklay niya ang hanggang balikat na buhok. Inayos din niya ang bangs at ngumiti sa salamin. Kagabi, kumatok si Estong sa bahay nila at may binigay itong mga mansanitas. Nakalagay ang mansanitas sa isang munting basket. Ang sabi nito, para sa kaniya ang mga 'yon. Nalimutan daw nito ang mansanitas noong nakaraan kaya gustong bumawi ng kababata niya. Mas lalong lumapad ang ngiti sa mga labi niya. Pinagbuti niya ang pagsusuklay sa maiksing buhok habang may ngiting nakapaskil sa mga labi. Sa gano'ng akto siya naratnan ng kaniyang kuya. "Ginagawa mo?" tanong nito sa kaniya. Ngumuso siya at sinundan ng tingin ang kuya niya. Papunta ito sa kusina. Tumayo siya at sumunod dito. "Nakautang ka, Kuya?" "Hindi." Huminto ito sa lababo para kumuha ng pitsel at baso. Nagsalin ito ng tubig. "Kuripot 'yong ninang mo." "Ano na namang ginawa no'n sa 'yo?" Sumulyap ito saglit sa kaniya sabay lagok sa baso. Pinahid nito ang gilid ng labi at binaba ang hawak. "Binato ako ng kaldero." Ngumisi siya. "Nasapol ba?" Nagusot ang mukha ng kuya niya at iniwan siya sa kusina. Natawa si Rowena. Hindi na siya magugulat kung may bukol 'yon sa noo mamaya. Alam na niya kasi ang ugali ng Ninang Florida niya. Nambabato talaga 'yon sa mga taong makukulit na gaya ng kuya niya. "Sinabi ko na, di ba?" Sumunod siya rito pabalik sa sala. "Wag na kasi magbisyo, Kuya. Wala kang pera para ipampusta sa tini-TB mong manok." "Ingay mo." "Araw-araw mo pang hinihithitan ng usok ng sigarilyo. Naku, inuubo na 'yang manok mo. Isang sipa lang ng kalaban, siguradong tigok! Kita nalang kayo sa langit." "Tumahimik ka kung 'di ikaw ang ipampusta ko!" pikon nitong saway sa kaniya. Humalakhak siya. Kinuha niya ang backpack sa upuan saka nagpaalam sa kuya niya. "Wag ka na raw magpunta sa sabungan sabi ni Mama. Kung hindi ka raw makikinig, 'yang tini-TB mong manok ang magiging ulam mamayang hapunan!" "Rowena!" angil nito sa kaniya. Natatawa siyang nanakbo palabas ng bahay. Wala ang mama niya dahil rumaraket na ito sa trabaho. 'Yong Papa niya naman, nasa kabilang Sitio para mamasada ng tricycle na hiniram pa nito sa kaibigan nitong kano. 'Yong kuya niya naman, ayun, isang malaking tambay. Ewan ba niya kung bakit ayaw nitong maghanap ng trabaho. Palagi naman itong sinusulsulan ng ina para maghanap ng raket para makauwi naman ng pera kahit papaano. Pero pinaglihi yata sa bakal ang kuya niya sa tigas ng ulo, at kasing kapal ng balat ng buwaya ang mukha dahil araw-araw nitong pangungutang sa kapitbahay at mga kakilala. Balita nga niya, iniiwasan na ito ng mga kaibigan dahil walang ni isang minutong hindi ito umuutang sa kanila. Napabuga siya ng hangin. Matagal nang tanggap ng ina niyang patapon talaga ang buhay ng kuya niya. Wala namang sinasabi ang Papa niya dahil masyado itong abala sa pamamasada na hindi na niya ito naaabutan sa gabi, at alas-tres pa ng madaling araw ay nakaalis na ito ng bahay. Araw ng linggo lang yata ang libre nitong oras. Pero hindi rin niya nakakausap dahil abala ito sa pag-uusap sa kaibigan nitong kano sa telepono. Nahinto siya sa paghakbang nang matanaw niya si Estong sa unahan. Tahimik itong naglalakad papasok sa eskwela. Napangiti siya. "Estong!" tawag niya. Huminto ang binatilyo at lumingon sa kaniya. Mas lalong lumapad ang ngiti sa mga labi ni Rowena. Kumaway ito sa kaniya. Tumakbo siya palapit dito at huminto sa harapan nito. "Wala kang kasama?" Ngumisi si Estong. "May nakikita ka ba, Wena?" Umiling siya at natawa. Natawa rin si Estong at ginulo ang buhok niya. Napanguso siya at marahas na tinabig ang kamay nito. "'Wag mo ngang guluhin 'yan," sita niya. "Ilang minuto ko kayang sinuklay ang buhok ko!" "Mas bagay sa 'yong magulo ang buhok." "Ayan ka naman." Nameywang siya. "Nang-iinis ka na naman." Natawa na naman si Estong. "Maayos naman ang buhok mo nang wala pang bangs. Saka magugulo lang din ng hangin ang buhok mo kaya uunahan ko na." "Estong!" simangot niyang saad. Pero ang totoo ay kanina pa kumakabog nang mabilis ang puso niya. Ginugusot lang niya ang mukha at pinapakitang naiinis siya sa sinasabi nito para pagtakpan ang nagrurumentado niyang puso tuwing kaharap si Estong. Noong mga bata pa sila ay wala naman ang ganitong pakiramdam. Nagsimula ito nang naglaro sila ng patintero noong nakaraang taon. Si Estong ang taya at kailangan siya nitong mahuli. Binigay niya ang lahat ng lakas sa pagtakbo palampas kay Estong pero sa kasamaang palad ay nahuli siya nito. Pero dahil malakas ang pwersang pinakawalan niya sa pagtakbo ay kapwa sila napahiga sa lupa. Siya sa ibabaw at sa ilalim si Estong. Doon niya napagtantong nakayakap sa kaniya si Estong para hindi siya gumulong sa gilid. Bumilis ang t***k ng puso niya habang gulat na nakatitig sa mukha ni Estong. Malinaw pa sa ala-ala niya ang pagngiwi nito dahil sa nahigaang matigas na bato. Simula noon ay palagi nalang bumibilis ang t***k ng puso niya sa tuwing nakikita niya ang kababata. Sa una ay parang wala lang 'yon sa kaniya, pero habang tumatagal ay mas lalo lang lumalakas ang kabog na minsan ay hindi na niya napapansing natutulala na siya sa mukha nito at nalilimutan na niya kung paano huminga. "Rowena," pukaw ni Estong sa kaniya. Napapitlag siya. "H-Ha?" "Natulala ka," natatawa nitong saad. "Kailangan na nating maglakad papunta sa eskwelahan. Malapit nang alas-siyete." "A-Ah. Oo naman! Ayoko namang mahuli dahil sa 'yo, no? Hmmp!" Hinawi niya ito at naunang maglakad habang kagat-kagat ang labi. Narinig niya ang tawa ni Estong habang sumusunod ito sa kaniya. "Walang humahabol sa 'yo. Ba't ka tumatakbo, Rowena?" Doon niya napansing tumatakbo na siya. Pumikit siya nang mariin. Ano bang pinag-iisip niya? Sobrang sabaw niya naman yata at para siyang tangang tumatakbo kahit pa alam niyang kalahating kilometro pa ang lalakarin niya bago marating ang paaralan. "Sabi mong mahuhuli na tayo sa klase kaya kailangan kong tumakbo!" palusot niya. "Mapapagod ka lang!" sigaw ni Estong. "Pumara tayo ng traysikel!" "H-Hindi na! Kaya kong tumakbo!" Narinig na naman niya ang halakhak ni Estong. "Amoy-pawis ka na pagdating doon. Sige ka!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD