CHAPTER 2
BRIELLE’S POV
“Asan na ’yong papel?” tanong ni Sir Archie sa akin nang muli kaming magkausap.
“Alam mo, Sir. . . May pagkamakulit ka rin po, ano? Sinabi ko na nga po na ibinigay ko na iyon sa iyo noon pa. Hindi ko po alam kung saan mo inilagay! Hindi naman po ako twenty-four hours na naka-duty bilang secretary mo!”
Pinagdiinan ko ang salitang “Sir” dahil naiinis na ako sa ugali niya. Lagi na lang niyang hinahanap ang mga bagay na tapos ko nang ibigay sa kaniya.
Noong nakaraan ay ganoon din. Mayroon akong ibinigay na documents sa kaniya ngunit pagkaraan ng ilang araw ay hinahanap niya ulit sa akin.
Katakot-takot na sermon ang inabot ko sa hudyo nang araw na iyon. ’Yon pala ay naiwan lang niya sa bahay nila. Dumating si Ate Liezel bitbit ang mga documents na hinahanap niya sa akin.
“Hindi kita sinasahuran para sagut-sagotin lamang ako nang pabalang, Miss Lucasta! Natural lang na sa iyo ko hanapin dahil ikaw ang secretary ko!” mataas ang tonong wika ni Sir Archie.
“Alam ko po na kayo ang nagpapasuweldo sa akin. Hindi naman po kita sinasagot, eh! Ipinapaliwanag ko lang po ang side ko. At saka po ibinigay ko na talaga iyon sa iyo noong nakaraang araw pa po, Sir.”
“Where was it if you gave it to me? Sino ang kukuha noon? Multo?”
Siguro kung hindi lang ako babae ay baka ibinalibag na ako ng dragon kong boss.
“Hanapin na lang po natin, Sir! Hindi po natin iyon mahahanap kung pagtatalunan pa natin kung saan napunta.”
Hindi ko na siya hinintay pang sumagot. Lumapit na ako sa mga drawers kung saan maaari nitong nailagay ang dokumento. Isa-isa kong binuksan ang mga sulong at hinalughog ang mga files na naroon.
Napansin kong nakaupo lang ang aking boss. Sa itsura niya ay wala siyang balak tumulong sa paghahanap.
“Hay, kainis talaga ’tong tukmol na ’to! Kapag ako nakahanap ng bagong boss, nek-nek mong magtiis pa ako sa iyo! Sana Lord ay matanggap na ako sa bago kong ina-apply-an. Para hindi ko na makasama ang betlog na dragon na ito!” pabulong-bulong kong sambit.
“May sinasabi ka ba, Miss Lucasta? Kung may gusto kang sabihin ay ’wag kang parang bubuyog na bulong nang bulong diyan! Say it to my face!” kapos sa pasensiyang sabi niya sa akin.
“Wala naman akong ibinubulong, Sir Archie. Baka guni-guni mo lang po iyon. Saka napakaganda ko para ihalintulad mo sa isang bubuyog.”
Sinamaan niya ako ng tingin.
“Hindi ko alam na mahilig kang magbuhat ng sarili mong upuan, Miss!” uyam niya sa akin.
“Sino naman ang nagsabi sa iyo na maganda ka? Marahil ay malabo ang mata ng taong iyon,” pang-aasar pa niya sabay ngisi sa akin.
Naikuyom ko na lang ang aking mga kamao sa sobrang pagkayamot.
“Bilisan mong hanapin ang mga kailangan ko! Huwag kang basta tumunganga lang diyan,” walang pakundangang utos nito.
Tumalikod na lamang ako sa kaniya kasunod ang pagtirik ng aking mga mata. Dinampot ko ang huling folder na nasa loob ng drawer.
“Sana ito na!” piping dasal ko.
Dahan-dahan ko iyong binuksan at ganoon na lamang ang panginginang ng aking mga mata nang mabasa ang nakapaloob roon.
“Thanks, God! I found it!” sigaw ko.
Sa wakas ay nakita ko na rin ang ipinahahanap ng dragon.
“Dragon. . . I mean, Sir Archie! Nakita ko na po ang missing documents mo!” malawak ang ngiti kong sabi bago lumapit sa table niya.
Hindi niya ako pinansin, tila wala siyang pakialam kung nahanap ko na o hindi pa ang papel.
Kanina lang ay halos isumpa niya ako, ngayon naman ay parang may sarili itong mundo. “Ang sarap talagang dagukan,” bulong ko.
“Sir Archie!” untag kong muli.
Nilingon ako ni si Sir Archie ngunit nakabusangot ang pagmumukha niya na para bang pinaglilihian ako.
“Hindi mo ba nakikita na busy ako, Miss Lucasta? Kung nakita mo na ay ilagay mo na lang sa table ko! Puwede ka na ring lumabas ng opisina ko,” dagdag pa niya.
“Akala ko po ba importante ito kaya ipinahahanap mo sa akin?” Inilapag ko ang folder na kanina lang ay pinag-aawayan namin sa harapan niya. Walang paalam na lumabas na rin ako.
“May araw ka rin sa akin, hudyo ka! Siguro noong nagsaboy ng kasungitan at kapangitan ng ugali sa mundo ay nasalong lahat ng walang puso kong boss! Haist! Gusto ko na lang maging patatas para matapos na ang problema ko sa kaniya!” Sumubsob ako sa aking table at doon ibinuhos ang aking sama ng loob.
Pagkauwi sa bahay ay gusto ko nang magpahinga. Hindi ako nakapag-break time kanina dahil sa dami ng ipinagawa sa akin ni Sir Archie.
Nang umalis siya kanina ay nag-iwan ito ng mga gawain ko raw. Ibinilin niya na ayusin ang mga iyon at bukas na umaga ang ibinigay na deadline.
Ayaw ko lang kasing mag-stay sa bahay. Paniguradong kukulitin lang ako ng aking ina na sumunod na sa Canada once na malaman niya na walang magandang nangyayari sa buhay ko.
Noong wala akong trabaho ay pinasusunod na ako ng aking mga magulang doon. Ngunit ako lang ang ayaw, mas gusto kong dito na lamang sa Pinas tumira.
Mas masaya ako rito. Bukod sa may mga kaibigan ako rito, kahit paano ay kaya ko pa namang tiisin ang ugali ng aking amo. Sayang rin ang malaking sahod na matatanggap ko.
Taimtim akong nanalangin sa Maykapal na sana ay palarin na ako sa ibang company para hindi ko na makita ang pagmumukha niya, kahit
na aminado akong crush ko ang boss ko.
“Ano ang halaga ng crush kung araw-araw naman akong pinagagalitan na walang dahilan? Kung maaari lamang sana na ihulog siya sa malaking kawa na may kumukulong tubig para lumambot man lang ang mga buto niyang maitim kapares ng budhi niyang maitim rin ay ginawa ko na,” asar na kausap ko sa aking sarili.
“Hoy, Sandra! Tingnan mo si Brielle! Mukhang nababaliw na yata dahil sa stress sa boss niya,” rinig kong sabi ni Alexa na nagsalita sa bandang likuran ko.
Nilingon ko sila. Napatikhim ako nang mapagtanto na nakatingin pala sila sa akin.
“Agree! Tawagan na ba namin ang mental hospital upang sabihin na may isang babaeng baliw rito, Brielle?” natatawang tanong ni Sandra sa akin.
Sinimangutan ko sila. “Hindi ako baliw!”
Maya-maya pa ay umupo na silang dalawa sa tabi ko.
“Ano na naman ba ang ginawa ng boss mo sa iyo?” seryoso nang tanong ni Sandra.
“Pagod na pagod ang itsura mo,” segunda ni Alexa.
“Eh, ano pa nga ba? Pinahirapan lang naman niya ako! Nagtataka na nga ako dahil sa lahat ng employees roon ay ako lang ang palagi niyang sinusungitan!”
“Huwag mo na nga lang siyang pansinin. Baka may dalaw lang,” biro ni Alexa.
“Paanong hindi ko papansinin? Kami ang palaging magkasama!”
“Teka nga! Huwag na natin siyang pag-usapan. Ang mabuti pa ay kumain na lang tayong tatlo! Tamang-tama dahil nakapagluto na ako ng hapunan,” suhestiyon ni Sandra.
Nauna na itong tumuloy sa loob ng kusina. Sumunod na rin ako sa kanila.