CHAPTER 3
BRIELLE’S POV
Hindi ko namalayan na lumipas na pala ang maraming araw, linggo, at buwan. Isang taon na pala akong nagtitiis bilang secretary ng isang dragon. And it makes me proud na natagalan ko ang ugali ni Sir Archie na ipinaglihi yata sa sama ng loob.
Lumipas na ang isang taon ngunit walang pagbabago. Ganoon pa rin ang trato niya sa akin. Mas lumala pa nga ang masamang ugali niya.
Kung noon ay documents lang ang madalas mawala. . . Ngayon pati pen, reading glasses, mouse ng laptop, at kahit anong bagay sa loob ng office nito na nawawala ay ipinahahanap na sa akin. Minsan naiisip ko na mali yata ako ng trabahong napasukan.
“Brielle!” Natigilan ako sa aking paglalakad papunta sa cafeteria.
Lunch time na at doon ko balak kumain. Sa office ako madalas kumain ngunit nakalimutan ko ang baon na ginawa para sa akin ni Alexa.
Nagmadali ako sa pag-alis kanina dahil late na akong nagising. Tinapos ko kagabing panoorin ang buong series ng isang sikat na Korean drama. Wala naman akong balak na magpuyat, ngunit nang mapanood ko na ay ayaw ko nang tigilan.
“Oh, Benny! Ikaw pala! Bakit?” tanong ko nang makalapit siya sa ’kin.
“Mag-l-lunch ka na rin ba? Sa cafeteria ka ba papunta?”
“Ah, oo.”
“Sabay na tayo! Doon din naman ang punta ko!” Ngumiti siya sa akin, sinabayan niya ako paglakad.
“S-sige.”
Marami-rami na ang tao nang makarating kami sa cafeteria. Agad kaming pumila upang makabili ng aming pagkain.
“Ako na ang magbabayad,” biglang sabi ni Benny sabay abot ng pera sa cashier.
“Ha? H-huwag na! Nakakahiya naman, Benny!” tanggi ko.
Akmang mag-aabot na rin ako ng bayad ngunit hinila niya ang kamay ko palayo sa cashier.
“Hindi, ayos lang! Ngayon lang tayo nagkasabay na kumain kaya libre ko na!” katuwiran ni Benny.
Napakibit na lamang ako ng balikat. “Sige, ikaw na nga ang bahala. Ngunit babawi ako next time!”
Matagal nang nanliligaw si Benny sa akin ngunit hanggang kaibigan o kapatid lang ang turing ko sa kaniya. Ilang buwan pa lang ako sa company ay napapansin ko na palagi ko siyang nakakasabay sa pag-park ng sasakyan.
Madalas din kaming magkasabay sa elevator. Hanggang isang araw ay nagkalakas ako ng loob na kausapin siya. Doon nagsimula ang aming paglalapit.
One day, niyaya niya akong lumabas. Nang araw din na ’yon ay nagtapat siya kung puwede raw ba niya akong ligawan. Ayaw ko siyang paasahin at ayaw ko pa rin naman na pumasok sa isang relasyon kaya nagtapat akong hanggang kaibigan lang ang kaya kong ibigay.
“Salamat muli sa free lunch, Benny!” nakangiting sabi ko kay Benny habang naghihintay ng elevator para makabalik na kami sa kaniya-kaniya naming trabaho.
“Wala iyon! Minsan lang naman kita makasabay na mag-lunch,” galak na tugon naman ni Benny.
Magsasalita sana ulit ako ngunit dagli rin natigilan nang mahagip ng aking paningin si Sir Archie na ipinaglihi sa sama ng loob. Mayroon itong kasamang lalaki. Isa iyon sa malalapit na kaibigan ng boss ko.
Lahat ng nag-aabang sa elevator ay gumilid upang bigyang espasyo ang boss namin. Kahit ako ay gumilid din at yumuko na lang dahil ayaw kong mapansin ako ng boss ko. Oras-oras na lang kasi siyang galit sa akin.
“Tatayo ka na lang ba riyan, Miss Lucasta?” tanong ng isang baritonong boses na nagpaangat sa aking tingin.
Si Sir Archie, seryosong nakatingin sa akin. Ako naman ay nagtataka kung bakit.
“Hindi ka pa ba sasakay? Tapos na ang lunch break. Marami ka pang trabahong dapat tapusin,” kulang sa emosyon nitong saad.
Nagpaalam muna ako kay Benny, tinanguan lang naman niya ako. Pumasok na ako sa elevator dahil baka mabugahan na naman ako ng galit ng dragon kung magpapabagal-bagal pa ako. Masiyado itong bugnutin kahit sa maliit na bagay.
Nasa likuran ko si Sir Archie at ang kasama nitong kaibigan. Maya-maya ay nagsalita ang kaibigan ni Sir.
“Boyfriend mo ba ang kasama mo kanina, Miss Lucasta?” usisa nito.
Sinulyapan ko ito sabay angat ng isang kilay. Akala ko ay babae lang ang tsismosa, may lalaki rin pala.
“Iyong lalaking kasabay mo kanina, boyfriend mo ba?” ulit nito sa tanong.
“Hindi, Sir. Kaibigan ko po!” magalang na sagot ko.
“Ah, kaibigan pala. Pero nanligaw sa iyo?” pangungulit nito.
Tsismoso!
“A-ah. . . Nanliligaw po, Sir!” Nagpakawala ako ng awkward na tawa.
“Sinagot mo na ba?” pangatlong tanong nito. Lihim ko na lang pinaikot ang aking mga mata.
“Hindi nga po, Sir!”
“Panay ka naman Sir, eh! Puwede mo naman akong tawagin sa pangalan ko. Jefferson na lang, hindi mo naman ako boss!” sabi nito suot ang mapaglarong ngiti sa labi sabay lahad ng kamay sa akin.
Napahawak ako sa aking batok dahil hindi ko alam kung tatanggapin ko ba ang kamay nito o hindi. Nag-aalangan ako lalo’t nasa tabi lang nito ang aking boss.
I don’t want him to think na nilalandi ko ang kaibigan niya. Tatanggapin ko na sana ang kamay ni Jefferson ngunit nagbukas na ang pinto ng elevator. Dumaan sa harapan ko si Sir at tuloy-tuloy na lumabas.
Nasagi pa nga niya ang balikat ko ngunit hindi man lang siya nag-atubiling mag-sorry o tingnan ako kung ayos lang ba ako.
Napailing na lamang ako. “Mukhang wala sa mood ang boss mo,” puna ni Jefferson sa inasal ni Sir Archie.
“Sanay na po ako sa kaniya, Sir Jeff.”
“Nariyan ka na naman! Puwede naman tayong maging magkaibigan, ’di ba? At saka sabi ko nga sa iyo na huwag nang Sir. Jeff na lang kung nahahabaan ka sa pangalan ko.”
“Sige po, Si--- I mean Jeff.” Tumawa ako nang mahina.
“Ayon! Mas okay kahit Jeff na lang!”
“Sala---” Magsasalita sana ulit ako nang biglang sumingit si Dragon.
“Miss Lucasta, nasaan na iyong presentation na ibinigay ko sa iyo? Tapos na ba ’yon?” iritableng tanong nito.
“Kailangan ko iyon ngayon din!”
“Sir, hindi pa po ako tapos! Kabibigay mo lang po sa akin ng presentation kaninang umaga,” kalmadong sagot ko.
“What? Ibig sabihin ay ngayon mo pa lang gagawin? Inuuna mo kasi ang pakikipaglandian kaysa trabaho! Hindi kita sinasahuran para makipaglandian!”
Natameme ako sa mga sinabi niya ngunit agad din nakabawi.
“Mawalang galang na, Sir Archie! Itatama ko lang po ang paratang mo! Hindi po ako nakikipaglandian tulad ng iniisip mo! May respeto akong tao kaya kinakausap ko po nang maayos ang kaibigan mo. You are crossing the line!”
Siya naman ang nawalan ng imik. Ginamit ko ang pagkakataon na iyon para ipagtanggol ang aking sarili.
“Isa pa, kanina mo lang ibinigay sa akin ang document na iyon. Wala kang sinabi sa akin na kailangan kong i-rush ang presentation since may iba ka pang ipinagagawa tulad ng paghanap niyang pen mo na palaging nawawala!” mangiyak-ngiyak kong katuwiran.
Marahas siyang bumuntonghininga, masama akong tinitigan. Kulang na lang ay lamunin ako ng buo.
“I need that file bago ka umuwi!” walang gatol nitong sabi.
Hindi ako nagpasindak sa kaniya. Sa loob ng isang taon kong pagtatrabaho bilang secretary niya ay nasanay na ako sa pagtataas niya ng boses sa akin.
“Sir, hindi ako puwedeng mag-overtime! May kailangan po akong puntahan mamaya!” tanggi ko sa nais niya.
“No! Tapusin mo ’yang ipinagagawa ko! Wala akong pakialam kung may lakad ka o kung saang lupalop ka makikipagkita. Ang gusto ko ay tapusin mo ang mga files na kailangan ko!” galit na wika niya sabay talikod sa akin.
Pabalibag na isinarado niya ang pinto ng office. Mariin ko na lang ipinikit ang aking mga mata. Gusto kong sumigaw dahil sa sobrang inis at gigil.
“Kailangan kong makauwi nang maaaga! May pupuntahan ako na importante,” bulong ko.