“KUMUSTA, Dindin?” masiglang tawag sa kanya ni Eve nang mabosesan na agad siya sa telepono.
“Okay na okay. Smooth ang negosyo, eh,” tawa niya. “Ano, wala ba tayong order diyan?”
“Meron siyempre, kaya nga ako tumawag, eh. Type ng kliyente ko iyong cake number 12 dito sa album na ipinadala mo. Kaya lang kung possible daw, kulay pink ang fondant coating. Tapos white ang lace appliqué at gagawing three-tiered. Magkano ang additional na bayad? Five weeks from now ang kasal. Ako na ang bahalang magpa-pick-up diyan.”
Habang nagsasalita si Eve ay nasa harap na rin niya ang kamukhang album. Sa estilo ng cake na pinili, iyong base layer niyon ang magiging second layer. “Sandali lang, ha? Ico-compute ko.” Mabilis naman siyang natapos magpipindot sa calculator. “Sige, puwede na iyong two-three na additional charge. Pick-up iyan, ha?”
“Oo. Ano, kukunin mo ba dito iyong down o ipapadala ko diyan? May for collection ka pa dito para doon sa naunang tatlong cake.”
“Ako na lang ang pupunta para makita rin kita. Titingnan ko kung nag-loose weight ka na. Mukhang mahihirapan kang ibalik ang figure mo dahil kay Blue, ah? Noong kay Sandra, slim ka agad.”
“Heh! Sinabi mo pa,” natatawang sabi ni Eve. “Malapad na nga ang balakang ko, eh. Balewala naman kay Ryan. Mainam nga raw iyon, mas spacious para sa susunod naming anak.”
“Don’t tell me buntis ka na naman? Di ba, four months pa lang ang bunso mo?”
Tumawa pa si Eve. “Well, hindi pa naman. Pero sa ginagawa ng asawa ko, hindi na ako magtataka kung bigla na lang akong ma-delayed.”
“Basta ako, ang alam ko lang na inaanak ko ay si Sandra. Pero sa tingin ko, pati si Blue, makiki-Ninang ng tawag sa akin.” Bago pa man napangasawa ni Eve si Ryan ay isa na siya sa wedding suppliers ng Romantic Events ni Eve. Dahil nga naging magkaibigan na rin sila, halos alam na rin niya ang love story nito. At alam niya, maligayang-maligaya ngayon si Eve sa married life nito.
“At baka iyong mga kasunod pa.”
“Mga? Wala kayong balak mag-family planning?”
“Ang family planning namin, lima hanggang anim na anak ang gusto ni Ryan. Hangga’t kaya daw ng matris ko.”
“Anim? As in kalahating dosena? Family planning ba ang tawag dun?”
Humalakhak si Eve. “Hay, naku! Dindin, kung ako sa iyo, mag-asawa ka na rin. Isang taon lang ang tanda ko sa iyo, ah? Look, malamang ay makatatlo na ako before the end of this year.”
Tumikhim siya nang eksaherado. “Oh, please. Huwag ka nang gumaya sa pamilya ko, Eve. Wala nang ginawa kung magreto ng kung sinu-sino. Minsan, bigla pang may luluwas dito para makipagkilala sa akin. Minsan naman, nagte-text at tumatawag. Pikon na pikon na nga ako, eh.” Dahil nga close na siya kay Eve, ikunuwento na rin niya ang hinabi niyang istorya.
“Luka-luka! Paano kung matandang hukluban na pala iyong Matthew Beltran na iyon? Magsasabi ka na lang ng pangalan, iyon pang hindi Zobel o kaya Ayala o kaya Cojuangco.”
“Nye! Ayoko nga. Kanina nga, medyo na-guilty na ako sa kung sino mang Matthew Beltran na iyon, eh. Anyway, ginawa ko lang naman iyon para tantanan na nila ako, ‘no? Nakakapikon na, eh.”
“Hmmm, nakakapikon o hanggang ngayon ay masama pa rin ang loob mo dahil imbes na ikaw ay si Nancy ang pakakasalan ng Bremond na iyon?” Nanunudyo pero may kaprangkahan na rin ang tono ni Eve.
“Excuse me, ‘no!” mataray na sabi niya.
“Gaga!” aliw na wika sa kanya ni Eve. Palibhasa ay marami na itong alam tungkol sa kanya kaya mabilis itong makapag-react sa mga sinasabi niya. “Pag-usapan man natin o hindi, wala kang magagawa. Kapag nagpakasal iyong dalawa, part na rin ng pamilya ninyo si Bremond. At sorry na lang sa iyo, kasi imbes na ikaw ang maging wife, hanggang sa pagiging in-laws na lang kayo.”
“Hindi ko na mahal si Bremond,” walang tonong wika niya.
“Ows?”
“Hindi na nga. Ano ka ba?” tila batang sagot niya.
“Of course. Natutuwa nga ako nagalit ka sa iyong past love. Di kung hindi, hindi ka maluluwas ng Manila at hindi kita makikilala. Hindi tayo magiging friends at wala ka rin sigurong Sweet Creations.”
She rolled her eyes. “Opo na po. Pumunta na lang kayo ako diyan sa shop mo imbes na nagsusunog tayo ng linya ng telepono?”
“Kung wala ka bang gagawin, di pumunta ka na nga rito. Magpasalubong ka na rin ng choco fudge para masarap ang kuwentuhan. Ako na ang sagot sa kape.”
“Okay!”
GABI NA at naghahanda na sa pagtulog si Geraldine nang tumunog ang telepono. Nang iangat niya iyon, hindi pa man siya nakakapiyok man lang ay narinig na niya ang tinig ni Nancy.
“Naku, Ate! Ikaw nga ang magsabi dito kina Papang at Mamang na may fiancé ka na diyan. Nag-iimbento lang daw ako para matuloy na ang pamamanhikan nina Bremond sa akin.”
“Nancy—”
“Dindin, si Mamang mo ito,” wika ng nasa linya, si Mrs. Lina Jimenez. “Kumusta ka na riyan, anak?”
Gusto niyang matawa. Kahit kailan ay iyon ang pambungad ng kanyang mamang. “Okay lang, ‘Mang. Maganda ang kita ng mga munti kong negosyo.”
“Munti pa ba ang tawag mo sa mga naipundar mo? Hindi ba’t nakabili ka na ng kotse dahil sa negosyo mong iyan? At nababasa ko na sa mga sosyal na magazine ang tungkol sa café mo. Noong minsan, iyong cake na naka-feature sa bridal article ng isang broadsheet, ikaw pala ang may gawa niyon.”
“Publicity iyon, ‘Mang. Para mas maraming magpagawa. Kapag napi-feature ang Romantic Events ni Eve sa media, idinadamay niya kaming mga supplier niya para maging known din ang business namin.”
“Hay, naku, anak! Proud na proud kami sa iyo dito. Alam mo bang dinala ko pa nga sa high school iyong magazine? Ipinakita ko pa sa mga co-teachers ko.”
Natuwa naman siya. Kapag ganoon ang tono ng ina ay nami-miss niya ito kahit na nga ba minsan sa isang buwan ay lumuluwas naman ito para dalawin siya. Bihira siyang umuwi sa Montilla. Mula nang maging busy siya sa negosyo, ang mamang na lang niya ang lumuluwas upang magkita naman sila.
“Dindin,” mayamaya ay narinig niyang pormal na wika nito. “Totoo ba ang sinasabi nitong kapatid mo? May boyfriend ka na raw diyan at ikakasal na rin? Matthew nga ba?”
Naitirik niya ang mata sa kisame. “’Mang, hindi pa ako ikakasal.”
“Pero fiancé mo raw. Di pag fiancé, siyempre, may wedding plans na. Ano ka ba naman, Dindin. Bakit hindi mo man lang sinasabi sa amin? Ang dami pa naman naming kakilala dito na interesado sa iyo. Nakakahiya naman. Kung alam lang namin ang tungkol diyan, di pahihindian na namin iyong mga lalaking may interes sa iyo.”
She made face. Talaga namang hindi aamin ang mamang niya na minsan—o baka madalas pa nga ay ito ang nagrereto sa kanya ng mga lalaki. In fairness, mabuting lalaki naman ang mga nais nitong makipaglapit sa kanya. May mga pinag-aralan at guwapo rin. Iyon nga lang, hindi naman niya type.
“’Mang, ganito na lang, ha? Please, huwag ninyo nang ibigay kung kani-kanino riyan ang number ko. Nakakasawa na ring magpalit ng SIM card kapag umiiwas ako sa mga makukulit na texter at caller. Iyong sinabi ni Nancy sa akin kanina na mag-aasawa na siya, payagan na ninyo kaysa naman magtanan pa iyan.”
“At iyon pa nga pala,” biglang kumambiyo ang tinig nito at naging seryoso. “Wala naman kaming tutol kay Bremond, ano? Ang totoo ay kinausap na nga rin kami ng Papang mo. Gusto na nga raw niyang pakasalan si Nancy natin. Biglang-bigla nga ako kaya sinekreto ko si Nancy dahil baka buntis kaya nag-aapura. Hindi naman daw. Talagang gusto nang magpakasal.”
“Iyon naman pala, eh. Bakit hindi ninyo ipakasal?”
“Anak, ikaw ang inaalala namin. Alam mo naman ang pamahiin. Subok na natin iyan sa pamilya natin. Ang Auntie Letty mo, hindi ba’t tumanda nang dalaga dahil nauna akong mag-asawa. Ganoon din sa pinsan mong si Vicky. Tingnan mo at forty plus na’y hindi pa makapag-asawa. Paano’y inunahan din ng mas bata niyang kapatid.”
“’Mang, hindi mangyayari sa akin iyon, don’t worry. Nagkataon lang iyon. Saka si Auntie Letty, masyado kasi siyang naniwala sa pamahiin kaya siya rin ang nag-attract ng negative vibrations na hindi na siya makakapag-asawa. At si Vicky naman, hindi niya kasi mapatawad ang mga kapatid niya na pinag-aral niya pero magsisipag-asawa pala agad matapos maka-graduate. Kaya iyon, sumobra ang kasungitan. Wala nang nagtangkang lumigaw. Sa amin ni Nancy, hindi iyong mangyayari. Bukal sa loob ko na mauna siyang mag-asawa kaysa sa akin.”
“Eh, Dindin, tutal ay may boyfriend ka na pala diyan, palalagpasin ko nang inilihim mo iyan sa amin. Mayroon lang sana akong nais hilingin sa iyo.”
“Ano, ‘Mang?” She hated to answer like that dahil naririnig pa lang niya ang salita ng ina ay kinabahan na siya.
“Kung mauna na kaya kayo ng Matthew na iyan na magpakasal? Sa January ko na lang ipapakasal sina Nancy at Matthew para hindi kayo sukob sa taon.”
Sinasabi ko na nga ba! “Mamang, sina Nancy ang nag-aapura na mag-asawa. Hayaan mo sila.”
“Pero kung may balak man kayo ni Matthew na magpakasal, di mauna na kayo. Tutal nagkakaedad ka na rin. Mas dapat lang na mauna ka nang mag-asawa.”
“Hindi puwede,” naiiritang wika niya. “Busy siya, busy rin ako.”
“Lahat ng tao, busy. Nasa setting of priorities lang iyan.”
“Mamang, nasa abroad si Matthew. Pinaka-masuwerte nang mag-stay siya dito ng isang linggo at nasa abroad na naman.”
“Abroad? Pabalik-balik sa abroad ang Matthew na iyan?” bakas ang pagkagulat na wika ng ina niya. “Mayaman?”
Natahimik siya. Ngayon lang din niya na-realize kung ano ang sinabi niya. Kung bakit naman kasi mas madalas ay mas nauuna pang lumabas sa bibig niya ang mga salita bago pa man niya ito lubos na mapag-isipan.
“M-mayaman. Busy siya sa mga business trips abroad.”
“Naku naman, anak. Hindi tayo bagay sa mga ganyang tao. Alam mo namang hindi tayo mayaman. Edukasyon lang ang ipinamana sa amin ng mga magulang namin at kapirasong lupa. Baka hindi kayo magkasundo niyan. Hindi naman kita pinalaki sa kapritso. Saka mahirap lang tayo.”
Hindi niya alam kung bubunghalit ng tawa dahil sa reaksyon ng ina. Oo nga’t hindi sila lumaki sa luho at ubod ng yaman, but they lived comfortably. Wala siyang natatandaang sumala sila sa pagkain at kinapos sa damit na isusuot. Their home was an old house passed on to generation. Kagaya na lang din ng lupa at building na kinalalagyan ng negosyo niya sa Maynila ay minana rin iyon sa ninuno. They belonged to the Jimenez clan na bago pa siya naging tao ay tinitingala na’t nirerespeto sa bayan nila.
Mathematics Department Head sa high school ang mamang niya, may master’s degree at nagtatapos ng doctorate degree nito. Her father was the town’s known and trusted veterinarian. Kahit pa sa presidente ng kahit na anong bansa sila humarap, wala silang ikakahiya.
“Mamang, hindi nakakahiya ang buhay natin,” she said.
“Oo nga. Pero, hija, kung mayaman iyang mapapangasawa mo, baka naman maalangan tayo nang husto.”
“Mababang-loob siya. Walang ere sa katawan…” And before she knew it, kung anu-ano nang magandang katangian ang sinasabi niya. At nang ganap niyang matanto ang mga iyon ay napailing na lang siya. Ewan niya kung may lalaki bang nabubuhay na ayon sa description niya.
Kung meron man, tsk! malamang na hanapin niya at siya na ang mismong manligaw. Bah, halos perpekto na yata ang mga katangiang pinag-duklay-duklay niya sa ina. Kung magiging guwapo pa iyon, no wonder iyon na nga ang ideal man niya.
“Dindin, ipakilala mo sa amin ang lalaking iyan,” narinig na lang niya na wika ng kanyang ina. Sa tono ay kumbinsidong-kumbinsido nga ito.
Napanganga siya. saan naman siya kukuha ng lalaking eksakto sa id-in-escribe niya samantalang kathang-isip nga lang niya iyon?
“Busy siya, Mamang. Saka busy rin ako.”
“Ang ibig kong sabihin isama mo siya sa kasal ng kapatid mo.”
Napanganga na naman siya. “Payag na kayo ngayon na maunang mag-asawa kaysa sa akin si Nancy?”
“Oo, payag na ako. Saka sa boses mo naman ay mukhang in love na in love ka rin kaya wala na rin siguro akong dapat na ipag-alala.”
Nang tapusin ng mamang niya ang usapan nila ay nawala na rin ang antok niya. At bagaman nag-iisa ay tumawa siya nang malakas. Hindi siya makapaniwalang makukumbinse niya ang ina sa mga kasinungalingan niya. And what more, halata daw na in love siya! Susmaryosep!