KAGAGALING lang ni Geraldine sa bangko at ipinarada ang dalang kotse sa harap ng Sweet Creations. Pero hindi siya agad na bumaba. Pinagmasdan niya ang magkatabing puwesto sa harapan. Ang isang panig ay Internet shop. Ang isa naman ay ang bakeshop na may sosyal na paskil na Sweet Creations. May ilang mesa sa loob niyon para sa gustong kumain.
Sa gitna ng magkatabing puwesto ay may connecting door para sa mga nag-i-internet na nais magmeryenda. Nang mapansin niyang malakas ang hatak ng bakeshop mula sa mga customer na nag-i-internet, pina-renovate niya ang bakeshop at naging coffee shop na rin iyon.
Dahil sa kape, nadagdagan na rin ang baked products niya. pinag-aralan niyang mabuti ang paggawa ng croissants at iyon ngayon ang paboritong combination ng mga customer sa kape nito. And of course, mga baked products pa rin niya ang pinakamahal niya sa negosyo niya—kahit na nga ba pare-pareho lang nag-aakyat ng pera ang negosyong hawak niya.
Pinagmasdan niya ang bank passbooks na hawak niya. Tatlo iyon. Isa para sa pasok ng pera buhat sa internet na pag-aari din niya at tig-isa ang para sa bakeshop at kita niya sa mga specialty cakes. Ang huli ang pinakamarami ang laman. Dahil naroroon na rin ang savings niya. Isa pa, ang mga paggawa rin ng specialty cakes—majority ang wedding cakes ang pinakagustong niyang gawin. Doon niya naibubuhos nang husto ang passion niya sa art at bukod pa sa talaga namang hilig niya ang baking sa lahat ng kategorya ng pagluluto.
Nang bumaba siya ng kotse ay sa internet siya pumasok. Kaagad siyang binati ng assistant niya roon.
“Kumusta dito?” tanong niya.
“Okay na okay, Ma’am. Wala halos nababakante sa mga unit. Minsan, mga five minutes lang pagkaalis ng naunang customer, may kapalit na uli. Mukhang dapat na yata kayong magdagdag pa ng unit.”
Ngumiti lang siya. Wala sa plano niya iyon para sa pinakahuli niyang business venture. Malaki ang puhunan sa mga computers at regular din ang pagpapa-upgrade niya sa mga iyon. Malaki na nga ang perang ipinasok niya sa negosyong iyon. Isinugal niya ang naipon niya buhat sa kinita ng bakeshop at buti na lang na nag-click. Sa ngayon ay kuntento na siya sa sampung PC na naroroon—oh, labing-isa pala dahil ang server ay siyang monitor din ng assistant niya. Suggestion iyon ng technician niya at siyempre, medyo sosyal na rin. Pero para masulit, sa unit na rin na iyon ginagawa ang mga paper works ng bakeshop at pati file niya.
“Wala bang reklamo ang mga customers? I mean, iyong pumapasok dito para mag-rent tapos wala palang unit?”
“Paminsan-minsan lang, ma’am. Iyong iba, tinatanong ko kung matagal gagamit lalo at may customer ngang susunod. Kapag mabilis lang at willing maghintay iyong isa, diyan muna sa kabila tumatambay. Nagkakape.”
Napatango siya at nasiyahan. Siyempre, siya pa rin ang kikita sa ganoon. “Okay, ikaw na ang bahala dito. Sa kabila na ako.”
Iyong connecting door na ang tinungo niya. Sa pagtulak niya niyon ay nasagi ng dahon ng pinto ang isang lalaki na tila uupo sa kalapit na mesa. Natapon sa tray na hawak nito ang isang tasa ng kape.
“Oh, my!” singhap niya. “I’m so sorry, mister,” sinserong wika niya. Ang tingin niya ay nakatutok sa tray na naglalawa ngayon sa umuusok pang likido. Mabilis niyang kinuha iyon. “A-ako na ang bahala dito, mister. Papalitan ko na lang. Maupo na kayo. M-mabilis lang ito.” She hated her stammering. Pero may pagkakataon talaga na nagkakagayon siya.
“Miss,” he said in a deep masculine voice. “It’s all right. No problem.”
Tila noon pa lang niya naisip na mag-angat ng tingin sa kaharap. At parang gusto niyang magsisi na ngayon lang niya iyon ginawa. The man was tall, fit and handsome. He had black eyes and not-so-thick brows, malantik ang mga pilik. Matangos ang ilong at manipis ang mga labi. It was also rosy, mukhang hindi nasasayaran ng sigarilyo.
“Miss, sabi ko okay lang,” untag nito sa kanya.
“Kasalanan ko,” mahinang sabi niya at nais makadama ng pagkapahiya. Nababasa niya sa mga mata nito ang tila panunudyo dahil sa matagal na pagkakatitig niya dito. She made a quick breath at dalawang kamay nang hinawakan ang maliit na tray. “Papalitan ko.”
“No,” tila may diin na wika ng lalaki. “Okay lang sa akin, miss. Excuse me.” Ngumiti ito sa kanya at bumalik na sa counter ng bakeshop.
Mabilis na rin siyang sumunod dito. Bago pa nakapaglabas ng pambayad ang lalaki ay nagawa na niyang lapitan ang kahera niya. “That’s on the house, Tess.”
“Yes, ma’am,” wika nito. “Just a while, sir,” at inihanda na nito ang kapalit na kape.
Alam na niyang babaling sa kanya ang lalaki kaya nakapaghanda na siya. sa palagay nga niya, pati ang ngiting ipinagkit niya sa mga labi ay preparado na rin.
“So you own this,” flat na wika nito. Walang shock, walang excitement. Just stating a matter-of-factly.
At hindi rin naman siya umaasa na kikislap ang mga mata nito sa gulat. Banayad siyang tumango. “Let’s say that’s my one way of taking care of my customers. Actually, naisip ko ngang ipapa-serve na lang sa iyo iyong kape pero—”
“Nag-insist ako,” he said.
“Yes.”
“I’m Matthew,” he introduced without warning. At bago pa siya makahuma sa pagkagulat ay nakita na niya ang kamay nitong nakalahad sa kanya.
“Geraldine,” sagot niya. Tinanggap niya ang pakikipag-kamay nito. At kung mayroon man sigurong subject na “Handshakes 101” siguro ay ito ang pinakamataas ang grado. He shook her hand briskly and firmly without crushing. Subalit nadama rin niya ang sinseridad nito sa pakikipagkilalang iyon.
“Sir, your coffee,” wika ni Tess na nagpabaling ng atensyon nito.
Nang kunin ni Matthew ang tray ay kusa na rin siyang lumigid sa daraan nito. subalit hindi naman ito humakbang. Minsan pa at ngumiti ito sa kanya—not a killer smile but polite. “Salamat.”
Ngumiti rin siya. “Enjoy your coffee.”
He nodded. “Nice meeting you.”
KANINA pa lumipas ang manipis na usok ng kapeng nasa harap ni Matthew pero hindi pa rin niya iyon iniinom. Nag-iisip kung paano nangyari na halos anim na buwan na siyang regular customer ng café na iyon pero ngayon lang niya nakita ang babae na dili iba’t ang mismong may-ari ng negosyong iyon.
Regular customer ng café na iyon pero ngayon lang niya nakita ang babae na dili iba’t ang mismong may-ari ng negosyong iyon.
Kanina nang mabunggo siya nito—nang mabunggo siya ng dahon ng pinto dahil sa biglang pagbubukas nito ay muntik na siyang magalit. He was wearing white at kung hindi niya naagapan ay malamang na sa damit niya bumuhos ang kape at mabanlian pa siya.
But when the woman approached him at halos magkabulol-bulol sa paghingi ng paumanhin, tila bulang naglaho ang galit na aalsa sana sa kanya. She was pretty—not beautiful nor sophisticated. Just the type of beauty he always wanted.
And he couldn’t believe it. For three months, buhat nang maging madalas siya mine-maintain na kanyang condo unit na kahilera ng bakeshop ay iyon na ang parang naging McDo at Jollibee sa kanya. Hindi lang siya regular customer doon bagkus ay very regular. Na-order na niya ang lahat ng pastries at cake at pati palabok at spaghetti na isine-serve doon. Tatlong beses na rin siyang nagpagawa ng special cake para sa iba’t ibang okasyong pinuntahan niya. At madalas din siya sa katabing internet dahil mas mabilis ang server niyon kaysa sa server ng kanya.
Sa loob ng anim na buwan, hindi siya nag-interes na itanong kung sino ang may-ari ng dalawang business na iyon. Hindi niya maisip na kailangan niyang magtanong. He was satisfied in the food as well as in the service. At siya ay kagaya lang ibang customer na hahanapin ang may-ari kapag may irereklamo.
Pero ngayon ay hahanapin niyang tiyak ang may-ari. Ang reklamo niya? Irereklamo niya na dapat ay naroroon palagi ang may-ari dahil iyon pala ang gandang hinahanap niya.
He wanted to grin pero sa halip ay dinampot na niya ang tasa ng kape at nilagok iyon. Oo nga pala, pati kape roon ay masarap. At naisip niya, bakit nga ba hindi siya gumaya sa daddy niya na kahit kape lang ang inorder sa isang restaurant ay tinatanong pa kung sino ang may-ari para lang purihin ang lasa ng isang tasang kape? Di sana’y noon pa ay nakilala na niya si Geraldine.
Luminga siya. Nang hindi na makita ang babae ay napailing na lang. “Elusive woman,” he breathed at humigop uli ng kape.