Part 19

2099 Words
“MAGTATAKA ang staff ko, Matt,” nag-aalalang wika niya habang nagbibihis. Hindi niya alam kung saan hinagilap ni Matthew ang damit niya. Nang lumabas siya ng banyo ay magkakasama na ang mga iyon sa isang silya. “Huwag mo silang isipin,” tila balewala namang sabi nito. “Anong huwag? Baka nag-aalala na rin ang mga iyon sa akin. Tanghali na’y hindi pa nila ako nakikita. Malamang, umakyat na si Maita para katukin ako. Worst, giniba na nila ang pinto ko dahil baka inisip nilang binangungot na ako.” He just grinned. “You were moaning, minutes ago. Pero hindi iyon ungol ng binabangungot.” Inirapan niya ito. “Huwag mo na lang akong ihatid. Malalaman pa nilang wala naman pala ako sa bahay ko.” “Nahihiya ka bang makita nilang magkasama tayo?” he asked. She sighed. “Hindi naman sa ganoon. I just want to be discreet.” “Ihahatid kita, okay?” he said with finality. MARAMING tao sa Sweet Creation. Nakita niyang abala si Maita sa pagsaludar sa customer at ganoon din naman ang iba niyang staff. Biglang bumilis ang hakbang niya at binalak na huwag mapansin ng kahit sino hanggang sa makaakyat siya sa bahay niya subalit humigpit ang hawak sa kanya ni Matthew. “Dindin,” may diing wika nito. “Huwag kang umaktong parang bata.” Sa halip na sumunod, pumiksi siya at tinakbo ang maikling distansya. Isinusuksok na niya ang susi sa keyhole nang makalapit sa kanya si Matthew. “You don’t understand me,” seryoso ring wika niya dito. “Staff ko sila. Ayokong mag-isip sila nang hindi maganda tungkol sa akin.” “Hindi maganda iyong nangyari sa atin?” ulos ni Matthew. “Alam mong hindi iyon ang ibig kong sabihin,” mataas din ang tinig na sabi niya at padabog na itinulak ang pinto. “Kung ginawa mong maging discreet sa mga magulang ko, bakit sa staff ko parang gusto mong ipagsigawan na natulog ako sa bahay mo?” “Hindi tayo basta natulog lang.” “All right, we had sex.” “We made love.” “Whatever you may want to call it,” she snapped. Pinindot niya ng buton ng kanyang answering machine. Nang mabosesan si Eve, hindi na siya nag-aksaya ng sandali at tinawagan ito. Mas gusto niyang ibaling sa iba ang atensyon kaysa ma-torture sa tensyong bigla na lang nabuhay sa pagitan nila. “Dindin.” Matthew called her. Mag-aangat sana siya ng tingin pero sumagot na si Eve sa kabilang linya. “Eve, kailan ang kasal para sa inorder mong cake?” she said. Sa memo pad na palaging nasa mesita ay nagsimula na siyang magsulat. Talagang itinuon niya ang buong atensyon kay Eve. Nang matapos ang pakikipag-usap niya dito ay saka lang niya uli inisip si Matt. “Matt!” she called. Pero ni anino nito ay hindi na niya nakita. “ANG GANDA-GANDA pala sa Punta Fuego, Ate! Feeling ko, sosi rin ako nu’ng mapunta ako dun. May write-up akong nabasa dati, si Kris Aquino pala nanggaling na rin doon. Ipinakita pa kamo sa amin nu’ng staff iyong mismong place na tinuluyan niya. Pero, ate, mas nag-enjoy ako siyempre sa honeymoon. Juice ko, sis! Heaven. Heaven na, cloud nine pa! At hindi ako hinika. Effective pala sa akin iyong… s*x! Siyeeettttt!” Nakinig lang siya sa mga sinasabi ni Nancy. Obvious naman na maligayang-maligaya ito. At kung hindi lang siguro siya namomroblema ngayon, malamang pati siya ay kinikilig na rin sa kuwento nito. “Oist, Ate! Tapos na ang honeymoon ko. I mean, nandito na kami uli sa Montilla. Puwede ninyo nang i-schedule ni Matthew iyong pamamanhikan sa iyo. Bilis na, excited na ko!” “B-busy pa kami. Alam mo namang pagdating dito sa Manila, ang dami naming ginagawa,” pagdadahilan niya. Eksaktong tatlong linggo nang hindi sila nagkikita ni Matthew. Buhat nang araw na bigla na lang siya nitong iwan ay hindi na niya ito nakita. Ni hindi rin tumatawag. At nasasaktan siya. Ngayon niya iniisip kung hindi kaya niloko lang siya ni Matthew? Paano kung hindi pala totoong mahal siya nito? Napatitig siya sa daliring hubad sa singsing. Pagkatapos ng tatlong araw na wala kahit anong pagpaparamdam sa kanya si Matthew ay inihubad niya ang singsing. Balak sana niyang ibalik iyon sa binata subalit parang hindi rin naman niya magawa. Isa pa, paano niya gagawin iyon na hindi siya ang gumagawa ng unang hakbang para magkausap sila? Hindi siya tumatawag dito. At kahit na iilang yarda lang naman ang layo ng condo nito ay wala rin siyang balak na pumunta doon. Wala siyang balak na masabihang naghahabol dito. Masakit mang tanggapin, she felt she only need to do one thing. Charge everything to experience. “Ano ba namang busy? Si Matthew pa ang mismong nagsabi na anytime, ready silang mamanhikan, di ba?” “Nancy, busy siya saka busy rin ako, okay?” Nagsisimula na siyang mairita sa kakulitan nito. “Hmp, busy? Kahit bilhin ko iyan, ewan ko kung papasa iyan kay mamang. Ako nga ang tinatanong dito, eh. Tiyak, tatawagan ka rin niyon.” “A-ako na lang ang tatawag sa inyo, okay? Sabihin mo kay Mamang, huwag nang tawag nang tawag dito. Ang laki na ng phone bills ninyo diyan.” Tumawa si Nancy. “Alam mo namang hindi nag-iintindi si Mamang sa bill basta ikaw ang kausap. Well, basta sinabi ko na sa iyo na kauwi na kami. Bye, sis! Ipagluluto ko pa rin Bremond, eh. Feel na feel kong maging wife. Babu!” PAGKABABA ng telepono ay mabilis niyang kinuha ang bag. Nagbilin lang siya sa staff niya at sumakay na sa kotse. Bago iyon paandarin ay pinatay muna niya ang cell phone. Baka mamaya ay tumawag nga agad ang mamang niya. nagpapasalamat na nga siya na nitong huling tawag nito ay hindi na siya kinukulit sa pamanhikan. She made a deep breath. Mayamaya pa, patungo na siya sa Romantic Events. “Hmm, may masamang hangin na nagtaboy sa iyo dito,” tudyo nito nang makita siya. “Masama ba namang dumalaw?” aniya na pinasigla ang tinig. “Hello, Lorelle. Mabuti at narito ka na. Nasa iyo na iyong hiniram kong props, ‘no?” “Oo naman,” sagot nito sa kanya. Lorelle was blooming. Kagaya ni Eve ay tila nahiyang dito ang panganganak. “Alam mo, speaking of the devil ka. Ikaw ang topic namin ni Eve, eh.” Pabagsak siyang naupo sa harapan ng mga ito. “Pinagtsitsismisan ninyo ko. Hindi ko igagawa ng cake ang mga anak ninyo sa birthday nila.” “Di, huwag. Ang dami namang baker diyan,” kunwa ay irap pa ni Eve. “O, ano ang nangyari sa iyo? Ilang linggo ka nang wala sa limelight, ah? Kuwentuhan mo kami diyan sa Matthew Beltran na iyan.” She sighed. “Wala na. Gone with the wind.” “Don’t say that!” ani Lorelle. “Linya iyan ni Scarlett. Alam mo naman iyon, feeling niya siya si Scarlett O’Hara, palibhasa’y magkapangalan sila. Oo nga pala, mukhang mental case si Scarlett lately, ah? Nabanggit sa akin ni Rod na bukod sa mga bulaklak, iyong Chad O’Hara na iyon ang pinagkakaabalahan.” Sandaling nabaling ang pansin ni Eve kay Lorelle. “Rod? Iyong pinsan mo? Magkakilala sila ni Scarlett?” “Oo naman. Si Rod ang suki ng mama ni Scarlett sa mga alahas. Noong kasal ko, nagkagulatan pa nga iyong dalawa kasi dati nang magkakilala. Di ba’t hindi naman kami madalas magkita ni Scarlett? So mas maraming alam si Rod tungkol sa kanya.” “Nililigawan ni Rod si Scarlett?” “Ewan ko. Pero hindi siguro. Sino kaya ang magkakagusto sa pinsan kong iyon ay likas na alaskador. Alam mo iyang si Rod, ang alam ko, nagiging seryoso lang ang taong iyon kapag alahas niya ang pinag-uusapan. O kaya iyong maniningil siya ng pautang niya. Pero kapag sa babae na, tsk! Hindi ko ma-imagine.” “Baka bakla?” “May bakla bang hindi nawawalan ng babae sa bahay niya? Wala iyong interes mag-aksaya ng effort na manligaw. Ang alam ko dun, kung sino ang babaeng lumalapit sa kanya, iyon ang wine-welcome niya.” “Ah,” sambit ni Eve at binalingan uli siya. “O, ikaw naman, Dindin, paano naging wala na kayo ng Matthew na iyan? Nagde-date na nga kayo, di ba? What happened?” “What happened?” ulit niya at nag-isip sandali. “I called you. I asked you about the cake you were telling on my answering machine.” Nagkatinginan sina Eve at Lorelle. “May logic ba iyon?” tanong ng mga ito sa isa’t isa. Hindi na siya nakapagpigil at napabunghalit na ng iyak. “May argument kami. Hindi naman mabigat basta hindi ko lang alam kung ano pa ang sasabihin ko. I couldn’t stand the pressure.” Sumulyap siya kay Eve. “Tinawagan na lang kita. After I called you, wala na si Matt. T-twenty days nang wala kaming contact.” “Iyon lang?” ani Lorelle. “Para iyon lang? Hmm, very petty. Bakit hindi ikaw ang tumawag sa kanya?” “Ayoko. M-may nangyari na sa amin. Ayokong isipin niya na komo may nangyari na sa amin, kapit- tuko na ako sa kanya.” Sa pagkakataong iyon ay si Eve naman ang nag-react. “Oh, parang may kilala akong ganyan.” At nanunuksong sumulyap ito kay Lorelle. “Excuse me. Bakit nga ba tayo maghahabol? Bahala sila sa buhay nila,” sambit ni Lorelle. Ilang sandali pa siyang umiyak. Pahikbi-hikbi pa siya nang magsalita uli. Kaibigan naman niya ang dalawa kaya hindi na siya nagdalawang-isip. Isa pa, kailangan talaga niya ng makakausap kaya nga siya nagpunta doon. “Puwede bang… puwede bang mabuntis kahit one-night stand lang?” tanong niya, itinapon na sa bintana ang natitirang kahihiyan. Napaubo si Eve, halatang peke. “Am, Lorelle, parang ikaw yata ang mas makakasagot sa tanong ni Dindin.” Dumukwang sa kanya si Lorelle. “You know, Dindin, sa ganyan nabuo si Lance ko.” Nanlaki ang mga mata niya, napaawang ang mga labi at pagkatapos ay umiyak na naman. “Tumahan ka na, Dindin,” wika ni Lorelle na nangingiti. “Hindi naman end of the world iyang problema mo. Kung halimbawa ngang buntis ka, okay lang iyon. Ako nga, eh, manganganak na lang, wala pang pakialam kung may-asawa ako o hindi, eh. Well, good thing na nagtagpo uli ang landas namin ni Zach. Ibig sabihin lang, we’re meant to be.” “Mahal ko si Matt,” hikbi niya. “Mahal mo, bakit ka umiyak diyan? Hindi ba’t malapit lang ang condo niya sa iyo? Di, puntahan mo,” wika ni Eve. “Kapag ayaw lumapit, ikaw ang lumapit. Tell you what, dalhan mo ng mga reject na sugar flowers.” Napatingin siya dito. Eve smiled wide. “Alam mo pala iyon?” Itinirik ni Eve ang mga mata. “Parang ako ang living diary mo sa Matt na iyon, di ba? Nagtataka nga lang ako this past few weeks dahil bigla ka na lang hindi nagkuwento.” Buhat sa dalang bag ay may inilabas si Lorelle. “Wedding rings. Gamitin mo muna, baka kailangan mo ng props. Kapag okay na ang lahat, sabihin mo sa kanya, sa akin magpagawa ng wedding rings ninyo. Ako mismo ang gagawa, Dindin.” Hindi niya alam kung nagpapatawa lang ang dalawa pero tumahan na rin siya. “Sige na, kumilos ka na,” tulak sa kanya ni Eve. “Baka nga buntis ka na. Huwag ka nang gumaya pa dito kay Lorelle na gusto pang sa hospital room ikasal.” “Hey, ikinasal din naman ako uli, ah?” nakatawang depensa nito. Isang paghinga ang ginawa niya. “I’m going.” “Good luck,” sabay na wika ng dalawa. At bumaling si Eve kay Lorelle. “Mukhang may kasal na naman sa sirkulo ng suppliers ko.” “Suppliers, agh! That sounds so technical, Eve,” wika ni Lorelle. “Why don’t we call ourselves wedding girls? Very romantic sounding at bagay na bagay pa sa ating lahat.” “Yeah, why not? So, wedding girl Dindin, what are you waiting for? Go and find your groom to-be. Magsisimula na ako ng mag-conceptualize ng theme wedding for you.” Nagkaroon ng alinlangan ang puso niya. “What if, ayaw na sa akin ni Matt?” “W-what if, nagpapataasan lang kayo ng pride ng Matt na iyan at ikaw lang ang hinihintay niya?” hamon naman sa kanya ni Lorelle. “Think positive, girl,” wika naman sa kanya ni Eve.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD