WALANG duda na tanggap na tanggap ng pamilya niya si Matthew. At bagaman natutuwa siya ay nalulungkot din. Hindi niya nakakalimutang palabas lang iyon. at malamang, kapag nawala na sa eksena ang binata, pati pamilya ay mukhang masasaktan din.
Kung gaano kagiliw ang papang niya sa magiging manugang nito na si Bremond ay ganoon din naman ang pagtanggap nito kay Matthew. Ang mamang niya ay ganoon din. Ang normal na oras ng paghahapunan ay tumagal nang labis kaysa sa nakasanayan. Darating na rin doon ang iba pa nilang kamag-anak na tinawagan ng mamang niya upang makilala rin si Matthew.
“Malaki ang lahi namin, hijo. Sa side ko ay pito kaming magkakapatid,” wika ni Dr. Fernando Jimenez. “Diyan naman sa mamang ninyo, walo silang magkakapatid. Isipin mo na lang kung gaano karami ang magpipinsan kapag nagkita-kita? Nag-family planning na ang lahat. Pinakamarami na iyong may tatlong anak. Pero malaki pa rin kapag nagkasama-sama.”
Ngumiti lang si Matthew. “Mainam nga po iyon, masaya. Dalawa lang po kami ng Kuya ko. Solong anak po ang mommy ko at ang kaisa-isang kapatid naman po ng daddy ko ay nakabase sa America. Kung hindi pa po kami dumalaw doon ay hindi kami magkikita-kita.”
“Dapat pala, eh, painumin ka namin ng Bonamine,” tudyo ni Nancy. “Baka pag nagdatingan ang mga pinsan namin ay mahilo ka. Buti na lang itong si Bremond, dati nang nakasanayan kung gaano kagulo ang lahi namin.” Humilig pa ito sa mapapangasawa.
“Hindi bale, di kay Bremond siguro ako magpapaalalay kung paano humarap sa maraming magpipinsan,” game namang sagot ng binata at nginitian pa ang lalaki.
Muntik namang masamid si Geraldine. Kanina lang ay hindi maipinta ang mukha ni Matthew sa pagwawala dahil kay Bremond pero ngayon ay sinusuklian na nito ang magandang pakita dito ng lalaki.
At wala siyang isinasatinig anuman. Hinahayaang niyang si Matthew ang sumagot sa mga “pangangaliskis” ng kanyang pamilya. Naririto ang limelight at wala siyang balak na agawin iyon. Isa pa, ang mga isinasagot nito ay impormasyong ngayon lang din niya naririnig. Hindi nga lang niya alam kung tunay nga ba iyon o bahagi lang ng script.
“Naiintindihan ko na ngayon kung bakit kayo nagkakasundo ng anak ko,” wika muli ng papang niya. “Pareho kayong nasa negosyo ang interes. Ako, bukod sa pagiging padre de familia ay ang pagiging beterinaryo ang interes ko. Sa amin dito, iyang si Nancy lang ang maski paano ay may alam sa negosyo palibhasa’y sa bangko pumapasok.”
“Papang,” masuyong sabad ng kanyang ina sa asawa. “Math ang major ko. Of course, kapag walang math, imposible yata ang business.”
Napatingin siya kay Mrs. Jimenez na napansin niyang hindi yata magsalita ngayon. Sa tuwina ay ito ang mas maraming tanong pero naisip niyang baka ibinibigay nito ang pagkakataon sa papang nila lalo at pareho namang lalaki ito at si Matthew. Pero hindi, kapag ganitong tila tipid magsalita ang mamang niya, dapat ay kabahan siya. At iyon nga ang naramdaman niya ngayon.
“Ano nga pala ang negosyo mo, hijo?” baling uli ng papang niya sa binata. “Balita ko’y palabas-labas ka ng bansa.”
“Family business po, sir. Nasa manufacturing po kami ng mga animal feeds.”
“Manufacturing?” si Nancy. “Di, corporation na iyon. Hindi na basta business.”
Ngumiti lang si Matthew.
“Animal feeds.” Tila lumiwanag pa ang anyo ni Dr. Jimenez. “May kaugnayan din sa akin dahil vet ako. Ano ba ang brand name ng produkto ninyo?”
May sinabing pangalan si Matthew. At dahil ang papang niya ang higit na aware sa mga iyon, halatang lalo pa itong na-impress sa narinig. Hindi ito agad nakapagsalita at tinitigan ang binata.
“Para sa isang taong nagmamay-ari ng ganoon kalaking kumpanya ay napakasimple mong kumilos, hijo.”
“He’s humble just what I told to all of you,” dagdag pa ng mamang niya. “Hindi ba’t parehong masuwerte ang mga anak natin sa pinili nilang lalaki?” Tumingin ito sa kanila ni Nancy bago binalingan ang dalawang lalaki. “At hindi sa katayuan ninyo sa buhay ang ibig kong sabihin, mga hijo. Nasisinag kong mabuti kayong tao at naniniwala akong mahal ninyo ang mga anak ko. Sana lang, hindi nga ako nagkakamali, Bremond, Matthew.”
“Hindi ko po sasaktan si Nancy.” Si Bremond.
“I’ll make her happy.” Si Matthew at mabilis ding bumaling ang tingin sa kanya.
“Mabuti naman,” wika ni Mrs. Jimenez. “So, Matthew, kailan naman kayo mamanhikan dito sa amin?”
Napasinghap siya, kulang na lang ay panlakihan ng mga mata si Matthew. Tila hindi naman siya nito napansin—o baka sadyang hindi siya pinansin. Nakangiti itong bumaling sa mga magulang niya. Yet he looked serious.
“Hindi po ba’t kasabihan nang hindi maganda ang sukob sa taon? Kung ano po ang posibleng pinakamaagang petsa sa susunod na taon, magpapakasal po kami.”
“Matthew!” piyok niya.
“Tubig, Ate. Mukhang hihimatayin ka.” Iniabot sa kanya ni Nancy ang tubig at napansin niya ito lang ang nagbigay ng atensyon sa kanya.
Ang mga magulang niya ay Matthew nakatingin. “Good,” wika uli ng mamang niya. “Siguro ay ngayon na ako maniniwala na ang anak ko lang ang talagang ayaw pang magpakasal. Idinadahilan niya sa akin ang pagiging busy ninyong dalawa.”
“Totoo po iyon. We’re busy but then, we’re not too busy kung kasal na namin ang pag-uusapan.”
“I-set na lang natin ang pamanhikan pagkatapos ng kasal ni Nancy,” wika naman ni Dr. Jimenez, walang dudang nasisiyahan. “At ngayon pa lang, hijo, magsanay ka nang tawagin kaming Papang at Mamang. Para ilang buwan na lang naman at magpapalit na ang taon ay magiging manugang ka na rin namin.”
“Nandito na kami!!!” wika ng tila kayraming tinig buhat sa labas ng bahay.
“Sina Betty!” wika ni Nancy.
At nakita na lang ni Dindin n tila napuno ang bahay nila. Dumating na ang mga kamag-anak niya.
“Guess what?” tuwang wika ni Nancy na sinalubong ang mga ito. “Ikakasal na rin si Ate. Next year!”
Kulang na lang ay matanggal ang balikat niya. Pero ang mga mata niya, matalim na sumisibat kay Matthew. At ito naman ay ngumiti pa sa kanya na tila maligayang-maligaya.
Humanda ka sa akin mamaya!