NAPALUNOK si Geraldine nang makitang hindi lang si Nancy ang nag-aabang sa pagdating nila. Kasama nito si Bremond. Pumipindot sa cell phone si Nancy habang ito naman ay nakatuon sa papalapit nilang sasakyan.
Maliban sa maturity ng itsura ni Bremond ay ito pa rin ang dating Bremond na natatandaan niya. Habang papalapit ay dito siya nakatutok ng tingin. He was still gorgeous, katangiang lahat yata ng kadalagahan sa Montilla ay hindi kokontrahin. And she felt she was lucky nang sa kanya matuon ang pansin nito. Pero akala lang pala niya iyon.
“I don’t want to commit myself to you, Dindin,” wika sa kanya ni Bremond isang beses na mahigit nang isang buwan ang kanilang relasyon. “Malaki ang inaasahan sa akin ng pamilya ko. I can’t afford to be serious with a woman. Baka dahil sa isang babae ay makalimutan ko ang mga obligasyon ko sa pamilya ko.”
Hindi niya iyon naintindihan noong una. “Hindi naman ako magiging hadlang sa mga plano mo, Bremond. Susuportahan pa nga kita.”
At ganoon na lang ang gulat at sakit na naramdaman niya nang prangkahin siya nito. “Dindin, kailangan na nating maghiwalay. Pupunta ako sa Australia para magtrabaho doon. Ayokong may naghihintay sa akin dito. Humanap ka na lang ng iba.”
Napaiyak siya sa sama ng loob. Hindi niya akalaing ganoon ang maririnig niya. Gumuho ang ilusyon niya. Nang ligawan siya ni Bremond, nabuo na rin sa isip niya na ito ang mapapangasawa niya. Mabuti na lang at inilihim niya sa lahat ang tungkol sa kanila ni Bremond. Ang alam ng lahat ay malapit lang silang magkaibigan ng lalaki. Kung hindi ay mapapahiya siya nang husto.
Ang sama ng loob ang nagtulak sa kanya upang umalis sa Montilla. Ginawa niyang dahilan ang pag-aari nila sa Maynila. Kinumbinse niya ang mga magulang na bigyan siya ng pagkakataon na sinupin iyon pero ang mas matimbang na dahilan ay ang lumayo.
Bago pa nakaalis si Bremond patungong Australia ay nasa Maynila na siya. Noong isang tao lang ito bumalik ng bansa ayon sa kanyang mamang. Nang bumalik ito ay naging madalas sa kanila. At sa mga sumunod na pag-uusap nila ni Nancy, nalaman na lang niya na ito na ang magkasintahan.
Nagulat siya pero hindi siya nagkomento. Assurance na sa kanya ang mga salita ng mamang niya at ni Nancy na seryoso naman si Bremond sa kapatid niya. At kung para sa kaligayahan ni Nancy, anumang nakaraan nila ni Bremond ay kayang-kaya niyang kalimutan.
At ngayon nga ay alam niyang bahagi na lang ng kahapon ang lahat. Anumang damdamin niya kay Bremond ay lumipas na. Sinulyapan niya ang katabi—ang lalaking mahal niya ngayon.
“Iyan ang kapatid ko saka ang m-mapapangasawa niya,” wika niya kay Matthew.
Tumango lang ito. Itinago niya ang pagngiti. Naisip na marahil ay ngayon ito kinakabahan sa gagawing pagpapanggap. Kabaligtaran naman niya. She felt so at eased. Dahil siguro sa mahal na niya si Matthew ay hindi na ito mahirap gawin. Ang iisipin lang niya ay tunay ngang fiancé niya si Matthew at suot pa niya ang singsing na galing dito.
Bukas, sa pagbalik nila ni Matthew sa Maynila ay saka na lang siya mag-iisip ng iba. Sa ngayon, hahayaan niyang lumigaya ang puso niya sa isang pagpapanggap.
“Ate!!!” tili ni Nancy nang salubungin siya nito. Mahigpit silang nagyakap at kung hindi pa niya napansin si Matthew sa tabi ay hindi pa sila agad magbibitiw. “Siya ba si Matthew?” Puno ng interes na baling dito ni Nancy. “Bayaw!” At pati ang binata ay niyakap din nito.
“Dindin,” wika sa kanya ni Bremond. “Kumusta ka na?” Yumuko ito upang hagkan siya sa kanyang pisngi.
“Mabuti,” kaswal na sagot niya. “Ingatan mo si Nancy.” She said the words in almost a motherly tone.
Tumango ito. “Gusto sana kitang kausapin noong dumating ako pero bihirang-bihira ka palang umuwi dito.”
Ang lapit lang ng Maynila kung gusto mo talaga akong puntahan, sagot niya sa isip. “Bremond.”
“Babe, hindi mo ba ako ipapakilala?” nakangiting sabad ni Matthew at sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niyang hindi nadamay ang mga mata nito sa pagngiting iyon.
Mabilis siyang tumango. “Bremond, si Matthew.”
“Her fiancé, pare,” agap ni Matthew at inilahad ang kamay nito sa lalaki. Tila kay higpit ng pakikipagkamay ni Matthew dito. Wala iyong bakas ng handshake na naka-impress noon sa kanya. At ewan niya kung dahil iyon sa pagiging parehong lalaki ng mga ito o dahil may ibang pakahulugan doon si Matthew.
“Nancy, sina Papang at Mamang?” baling niya sa kapatid.
“Nasa simbahan si Mamang. Alam mo naman iyon, pakialamera sa lahat. Pati iyong pag-aayos ng bulaklak doon, gusto niyang i-supervise. Si Papang, as usual, on call sa pagiging vet niya. pero babalik din ang mga iyon. Nai-text ko na sa kanila na nandito kayo. Si Elsa nga lang ang kasama namin dito. Nasa likod, namamalantsa.” Bumaba ang tingin nito na tila may hinahanap. At bigla itong nagtitili at inabot ang kamay niya. “Wow na wow na wow! Ang taray ng engagement ring mo, Ate!”
Nilinga niya si Matthew na nakatingin lang sa kanila. “Siyempre naman. Ibang magmahal sa akin si Matthew, eh,” sambit niya.
“Iyo na palang cake ko, Ate? Nasaan?”
“Nasa sasakyan, siyempre,” naaaliw na sagot niya.
“Bremond, tayo na ang kumuha!” at nilagpasan na sila nito.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin?” tanong sa kanya ni Matthew.
“Ang alin?”
Tila naningkit ang mga mata nito sa kanya. “Ang lalaking iyon, dati mong boyfriend, di ba?”
GULAT na gulat si Geraldine. Hindi niya akalaing ganito katalas ang pakiramdam ni Matthew. Sa pagkakatanda niya, wala siyang ginawang kilos upang may mahalata ang kahit na sino tungkol sa nakaraan nila ni Bremond. Even the kiss he gave to her, dama niyang wala iyong malisya at pagbati lang sa kanya bilang magiging hipag.
“Ano bang sinasabi mo?” paiwas na wika niya. “Tulungan natin silang ibaba iyong cake. Baka masira pa iyon.” Pumihit siya upang bumalik sa sasakyan.
“Dindin,” pigil nito sa kanya. At bago pa natapos sa isip niya ang hinuhulaang gagawin nito ay ginagawa na nga nito iyon.
She was stunned at the intensity of his kiss. Ilang beses na bang nangyari sa kanilang magsalo sa isang halik pero hindi kagaya ng ginawa nito ngayon. He was kissing her hotly, na tila ang tanging intensyon ay makalimutan niya ang lahat.
And she did. Napatangay siya sa mahika ng halik nito. She felt the uncoiling of a sensation she recognized as intense physical desire. Her normal female instinct was stirred. Nang hapitin ni Matthew ang bewang niya, siya na mismo ang tila nagligis ng sariling katawan dito.
“Aay! Inggit ako!”
Kinikilig na boses ni Nancy ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. Bigla siyang humiwalay kay Matthew pero may hangganan ang pagbibigay nito sa kanya. Ang kamay nitong nakakulong pa rin sa kanyang bewang ang tila nagdidikta na huwag siyang bibitiw dito. Na siya rin naman niyang gusto. Sumiksik pa siya sa tabi nito.
“Ang sweet!” bulalas pa ni Nancy at nilingon ang mapapangasawa. “Nakita mo iyon, Brem? Ako din ganoon mamaya, ha?”
Lumipad ang tingin niya sa lalaki. Hindi niya alam kung ano ang kahulugan ng matipid na ngiting nasa mga labi nito. “Nancy, iingatan mo iyang hawak mo,” baling niya sa kapatid. “Matt, ibaba na rin natin iyong iba pang gamit.”
“Ate, nasunod ba ang request ko?” tanong ni Nancy.
“Oo. Ingatan mo ang pagbababa, ha? May finishing touches pa akong gagawin diyan.” Nang lumayo si Nancy kasama si Bremond ay saka niya hinarap si Matthew. “Bakit mo ginawa iyon?”
Tumikwas ang sulok ng mga labi nito. “Hindi ba, engaged tayo? I’m sure, kumbinsido na sila ngayon. Lalong-lalo na ang ex mo.”
She sighed. “Please, Matt. Huwag mong gagawin iyon sa harap ng parents ko. Maeeskandalo sila.”
“Maeeskandalo sila na makitang ganoon palang humalik ang anak nila?” he mocked.
Tumikom ang mga labi niya. Isang matalim na sulyap ang ipinukol niya rito at saka ibinaba ang gamit niya.