AS USUAL, maliban sa baby powder ay kuntento na si Geraldine sa anyo niya. hindi siya ang klase ng babaeng inaabot ng oras sa harap ng salamin. Basta nakapaligo siya ay isusuot na niya ang damit na napili niyang isuot, magsusuklay at magpupulbos, and that’s it.
Confident siya sa suot niyang capri pants at cotton blouse. Sanay na siya sa ganoong getup. Walang makakapagsabi na iba ang lakad niya sa araw na iyon dahil mukha lang din siyang bababa sa Sweets at mag-oopisina sa maliit niyang space doon.
Pero iba ang araw na iyon. She had a date. Pagkatapos ng isang buong linggo na ginawa ni Matthew ang sarili na visible sa kanyang café at maging sa internet, at mas higit ay sa pangungulit sa kanya, nagpaunlak na rin siya sa imbita nitong lumabas sila.
Pero may kondisyon siya. She didn’t like a formal date.
Nang sunduin siya ni Matthew ay naka-denim pants at T-shirt na puti lang ito. Nasiyahan naman siya. Bagaman wala siyang ideya kung saan siya nito dadalhin at least sigurado siya, hotel and fine dining was out of the list.
Lumabas na siya ng silid upang harapin si Matthew na naghihintay sa sala niya.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagpapasok siya ng bisitang lalaki sa kanyang bahay. Dati-rati, pamilya lang niya ang nakakapanhik doon at si Eve at mga kaibigan pa niyang babae na ka-close na niyang talaga. Ang iba pa, ine-entertain niya sa office niya sa bakeshop.
Pero ang nakalipas na isang buong linggo ay tila sapat na upang magtiwala siya nang lubos kay Matthew. He was friendly and charming. Bagaman halos bumabad na ito sa shop niya ay hindi naman niya maisip na naabala na siya nito. In fact, she liked him around her. Talaga ngang may kaprangkahan ito pero ang paraan ng pagsasalita nito ay hindi nakakapikon. At hindi rin naman ito palaging prangkang magsalita. Natuklasan niyang may kakulitan din ito.
“HINDI ba puwedeng fresh flowers ang ilagay diyan?” tanong sa kanya ni Matthew three days ago.
Nasa kitchen siya at gumagawa ng two-tiered wedding cake. Gaya ng iba pa niyang ginawa noong una ay fondant finish din iyon. But she knew it would be elegant. Kapag natapos niya ang gumpaste flowers na siyang ilalagay niya sa paligid niyon, walang magsasabi na simple lang iyon.
Kanina, habang siya mismo ang nagsu-supervise sa delivery ng supplies niya ay nakita siya ni Matthew. Tinabihan siya nito at nagsimulang makipag-usap. Their chat went on hanggang sa makasama na niya ito sa kitchen at naging witness na niya sa cake na ginagawa niya.
Siguro ay tatlong oras na silang magkasama ni Matthew. Maliban naman sa dalawang tasang kapeng ipinainom niya dito ay tumatanggi na ito sa iba pang merienda na alok niya. sa tingin niya ay kuntento na ito sa kuwentuhan na nila at paminsan-minsan ay pakikialam nito sa ginagawa niya.
Oh, nakikitikim na rin. Tila ito bata na dinudutdot ang daliri sa mixture niya at saka isusubo sa bibig. Iba’t iba rin ang reaksyon. Nang tikman nito ang black chocolate niya, reklamo ang narinig niya dito. Ang pait naman daw. Pero hindi rin naman tumigil. Lahat ng klase ng asukal na nasa mesa ay tinikman din. At mukhang instant favorite nito ang confectioners’ sugar niya.
Iyong pinagtabasan ng fondant coating, pinapak din nito. Hindi yata nito pinapatawad pati mugmog ng minasang asukal.
“May lahi ba kayo na diabetic?” tanong niya.
“Wala, bakit?” tugon nito pero ang atensyon ay sa pagkain ng isang sugar flower.
Nagkamali siya ng mold doon kaya nasa tray na ng reject. At ang mga nandoon naman ang pinapakialaman ni Matthew. In fairness, bago naman nagsimula si Matthew sa pakikialam nito ay naghugas naman ito ng kamay. Naaliw pa nga siya sapagkat standard hand washing yata ng mga doktor ang ginawa nito.
“Baka lang kasi diabetic kayo. Sige lang, Matt. Basta kapag sa tingin mo’y pumipila na sa iyo ang mga langgam, tumigil ka na.”
Tumawa si Matt. “Iyong tanong ko, hindi mo pa sinasagot.” Malambing ang tono nito.
“Iyong date? Busy pa ako.”
“Hindi iyon. Nakikita ko naman na hindi ka lang gumagawa ng excuse tungkol doon. I’m asking about these flowers.” Inusod pa nito nang bahagya ang tray ng gumpaste na nabuo na niya. “Puwede bang fresh flowers na lang?”
“Puwede.” sagot niya. “Pero hindi lahat ng bulaklak, puwedeng ilagay sa cake.”
“Bakit?”
“Iyong ibang bulaklak, kahit na hugasan ng maayos, makakaapekto sa cake kasi hindi naman iyon nade-drain nang husto. Iyon namang iba, kapag hinugasan bago ipang-decorate sa cake, pumapangit na ang itsura. Saka hindi naman lahat ng bulaklak, tamang ilagay sa cake. Ewan ko sa iba, pero sa akin, wala pang special request ang customer ko na maglagay ako ng sampaguita sa order nila.”
“Bakit?”
“Hindi nila type. I showed them the samples then basta na lang sila pumili doon. Maliban sa color motif, wala nang iba pang binago. Madaling gawin.”
“Bakit?”
Nakahalata na siya. “Bakit ang kulit mo yata, Matt? Para kang bata.”
“Ayaw mo ba nang makulit? Tsk, kapag nagkaanak ka, tiyak na kukulitin ka. Di ba, normal nang scenario na kapag nasa kitchen ang mommy, nandoon din ang anak. Iyong pamangkin ko, minsan, gumawa ng baked mac ang sister in-law ko kaharap iyong bata. Lahat ng ginagawa niya sa preparation tinatanong ng bata. Then nu’ng magbubudbod na siya ng cheese, natahimik na. Nu’ng tumalikod siya para tingnan iyong oven pagtingin niya uli doon sa preparation niya, iba na ang itsura.”
“Ano ang nangyari?”
“Well, bukod sa cheese, may mga toppings na ring kung ano-ano. Pati nga foil ng cheese!”
Natawa siya. “Eh, bata iyon.”
Tumawa din si Matthew. “Mukhang tolerable ka naman pagdating sa bata.”
“Ewan ko. Hindi ko pa naranasan na palaging may bata sa paligid ko. Iyong anak ni Eve, nakakasama ko minsan, pero hindi iyong the whole day. Saka mabait naman si Sandra.”
“Matanong?”
“Minsan.”
“Alam mo, Din, sign daw ng intelligence ang curiosity ng isang bata. Kaya ikaw, be prepare. Gustuhin mo na tanong nang tanong sa iyo ang anak mo kaysa naman walang imik.”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Puwede ba, Matt, huwag mo akong lecture-an. Iyang pagkakaroon ng anak, malabo iyan.”
“Baog ka?”
Napamaang siya dito. Ang nasa isip niya ay nagtatalo kung magagalit o matatawa. Ginawa niya ang huli. “Siguro naman ay hindi. Wala naman sa lahi namin ang baog.”
“Iyon naman pala, eh. Bakit mo sinasabing malabo?”
“Hindi pa ako nag-aasawa, ‘no? At kung sa ngayon lang ay wala akong balak. Iyon po ang dahilan kaya malabo.”
“Kailan mo ba balak mag-asawa? Wala bang nag-aaya sa iyo?”
Umarko pa ang kilay niya. “Tinanong mo na ako kahapon kung may boyfriend ako, di ba? Sabi ko wala. So sino ang mag-aaya?”
“Malay mo naman, bigla na lang may mag-alo sa iyo ng kasal.”
“Baliw siguro siya.”
Tinitigan siya nito. “Baliw ba kung bigla na lang may ma-in love sa iyo nang todo at kasal na agad ang ialok sa iyo?”
He sounded so serious at sandali rin siyang natigilan. “Hay, naku! Kung saan-saan na napunta ang usapan natin.” Bigla na lang niyang tinampal ang kamay nito. “Tigilan mo iyan. Hindi iyan reject!”
“Ang sarap, eh. Gumawa ka na lang ng iba,” he said childishly.