"What?! Natiyempuhan ka ng grupo nila Tanus?" gulat na tanong ni John. "Oo, Pards. Muntikan na ako kagabi," nangingiting sabi ni Zach sabay naupo sa ibabaw ng mesa. Kasalukuyan sila noong nakatambay sa study area malapit sa classroom nila. Napakunot ang noo ni John. "Bakit nangingiti ka pa? May kulang yata sa kwento mo, ah?" Natawa si Zach. "Ano'ng kulang?" aniya nang bumaling kay John. Naupo na rin kasi ito sa tabi niya. "Paano mo sila nalusutan?" "Nakita kami ni Sab," pigil ang ngiting sabi niya. Gumuhit ang nakalolokong ngiti sa pisngi ni John. "Kaya naman pala. Muntikan ka nang malumpo, nakakangiti ka pa. Buti ganyan lang ang inabot mo?" ani John habang pinapasadahan ng tingin ang mukha niya. Ngingitingiti lang si Zach habang nakatanaw sa hallway. "Hinihintay mo si Sab, noh?"

