CHAPTER FOUR
LUMINGON pa sa kaliwa at kanan niya si Ally pero pinigilan siya ni Gael sa balikat at hinuli ang mga mata niya. Lumukso na naman ang puso niya.
"Wala na 'kong ibang nakikita sa harap ko kundi ikaw lang," sabi pa nito.
Nakakakiliti ang simpleng paghawak na iyon ni Gael sa balikat niya. Parang gustong isubsob ni Ally ang sarili sa malapad na dibdib nito para maranasan niya ang makulong sa mga bisig ng lalaki. Paano nga lang siya maniniwala rito? He was too serious. Gaano ba kalaki ang mawawala rito kung ngingiti ito? Like, duh!
"Hindi ka naman mukhang sincere."
"Hindi ko kailangang maging sincere sa mga taong hindi ko naman kaibigan."
"At hindi ko hinahayaang hawakan ako ng hindi ko naman mga kaibigan," Ally said dryly. Pumiksi siya at inalis naman ni Gael ang mga kamay nito sa balikat niya. Sayang. Umasa pa naman siya nang slight na babait din ito sa kanya. "Pwede ka na bang tumabi?"
Tumabi si Gael pero hindi naman siya nito iniwan.
"Ganda talaga, o..."
Akmang hahawakan niya ang litrato nang palisin ni Gael ang kamay niya.
"Ano ba?" hindi napigilang angil niya at nasapo ang isang kamay nang maramdaman ang pagdaloy ng tila maliliit na boltahe ng kuryente doon.
"Plano kong bilhin kay Arnold 'yan. Pwede kang tumingin pero bawal hawakan."
Napamaang si Ally.
"Ano'ng bibilhin? Magkaibigan kami ni Arnold at pumayag siyang ibigay sa 'kin 'to. Mamili ka na nga lang ng iba, huwag lang 'to."
Umangat ang isang sulok ng mga labi ni Gael.
"Ganyan kagandang photograph, hihingin mo lang?"
Natigilan tuloy siya. Arnold's photographs are precious. Pero dahil magkaibigan naman sila, okay lang dito na hingin niya iyon. Nakakainis na lalaking ito, grabe rin mangonsensiya. Natakot na tuloy siyang hawakan iyon.
"Panalo ka na." With one last sad look, tinalikuran niya ang pinakamamahal niyang The Ruins.
NAWALAN na ng gana si Ally na makipaghalubilo sa mga bisita ni Arnold. Sinira ni Gael ang gabi niya. Sasabihin nito sa una na maganda siya tapos susupalpalin din pala. Malaki talaga ang problema ng lalaking iyon.
Lumabas na lang siya ng studio at tumambay sa labas. Sumandal siya sa railings at tiningnan ang kanyang cellphone. Wala siyang natanggap ni isa mang text galing kay Gino. Ano kaya ang ginagawa nito? Kahit naman gaano ito ka-busy sa bar at banda, nakukuha pa rin naman nitong magparamdam sa kanya.
Tumingin na lang siya kalangitan. Wala rin siyang napala dahil wala rin siyang makitang mga bituin.
"I'm sorry."
Nagulat siya nang marinig ang boses ni Gael sa kanyang likuran. Hindi napigilang kumunot ng noo niya. Sinadya ba nitong sundan siya?
"Ano?"
"That was rude of me."
Nagkibit-balikat naman si Ally. "Totoo naman, eh. Inaamin ko naman na abusada akong klase ng kaibigan."
"Hindi kasi ako sanay na nakukuha ang mga bagay na gusto ko nang libre. I believed everything comes with a price."
Napatitig siya sa gwapong mukha ni Gael. Ilang sandali pa ay napailing siya at pumalatak pa.
"Kayong mayayaman talaga. Anyway, tinatanggap ko pa rin ang apology mo. Pwede ka nang bumalik sa loob."
"Gusto kong pag-usapan natin sina Ghia at Gino," sabi pa nito.
Kumunot na naman ang noo niya.
"Hindi na nga sila nagkikita, 'di ba?"
"Pero hindi ibig sabihin n'on na hiwalay na sila. Kinakabahan ako sa kapatid ko. Alam kong hindi siya papayag na magkahiwalay sila ng bestfriend mo."
"So, ano ngayon ang sinasabi mo?"
"May pakiramdam akong may pinaplano sila."
"At ano naman ang planong 'yon?"
"'Yon ang hindi ko alam. Kaya kinakabahan ako. Kung ano man 'yon, alam kong hindi 'yon magugustuhan ng mga magulang namin. Kailangan mong bantayan ang bestfriend mo na 'yon kung ayaw niyang pagsisihan ang gagawin niya. Huwag mo na siyang palalapitin kay Ghia."
Mapaklang tumawa si Ally. Kasu-sorry lang nito sa kanya pero gumagawa na naman ng panibagong atraso.
"Gael, your parents need to grow up. Kahit anong gawin nila, may sariling isip na si Ghia at si Gino. Mahal na mahal nila ang isa't isa na kamatayan lang ang pwedeng magpahiwalay sa kanila. Unless, okay lang sa mga magulang mo ang maging mamamatay-tao. Alam mo kung ano ang sa tingin ko? Ang mga magulang mo dapat ang bantayan mo. Kailangan nila ng seryosong leksiyon tungkol sa pag-ibig."
"Wala akong alam sa pag-ibig, Ally. Lalong walang lugar sa 'kin 'yon," sa halip ay tugon ni Gael.
Ang sarap naman sa pandinig ang pagbanggit nito sa pangalan niya.
"Turuan kita, gusto mo?"
Kitang-kita niya ang pagkagulat ni Gael. Agad naman itong nakabawi pero hindi pa rin napigilan ni Ally ang mapabungisngis. Napatakip pa siya sa kanyang bibig at nag-iwas ng tingin. Mahirap na at baka uminit na naman ang ulo nito sa kanya.
"Hindi ako galit. Nakakatawa naman talaga, eh," seryosong anito. Napatukod na rin ito sa barandilya.
Sobrang lapit nila ni Gael sa isa't isa at halos magkiskisan na ang mga siko nila. Langhap na langhap din niya ang amoy nito. Ang sarap sigurong makulong sa mga yakap nito. Hindi lang iyon, sigurado siyang masarap damhin sa kanyang mga kamay ang mga matitigas nitong muscles.
Ally, manyak ka, 'Te?
"No wonder ayaw pakawalan ni Ghia si Gino," sumeryosong sabi niya. "He was her happiness. Alam ko 'yon. Palagi kong nakikita sa mga mata nila kung gaano nila kamahal ang isa't isa. I don't think ipaglalaban nila ang nararamdaman nila kung hindi lang din sila sigurado. Mayaman na kayo, Gael. Kayang-kayang buhayin ni Gino si Ghia. Kayang-kayang ibigay ng kaibigan ko ang lahat ng pangangailangan ng kapatid mo. Mabuti rin siyang tao. Ano'ng klase ng mga magulang ang ipagkakait sa anak nila ang kaligayahan nito?"
"Ang gusto lang namin ay ang makakabuti para kay Ghia."
"Ano'ng alam n'yo sa makakabuti kay Ghia? Sanggol pa ba siya? Paulit-ulit naman tayo, eh. My gosh." Hindi napigilang iikot ni Ally ang mga mata. Ang hirap talagang makipag-usap sa mga taong hindi bukas ang pag-iisip.
"Hindi mo alam kung ano ang pakiramdam na maging kabilang sa pamilya namin."
"Hindi ko rin papangarapin na maging kabilang pamiya ninyo, huwag kang mag-alala," walang gatol na tugol naman ni Ally.
"Bantayan mong mabuti ang kabigan mo, Ally."
"Wala silang masamang ginagawa ni Ghia."
"I'm leaving."
Napatingala sa kalangitan si Ally at nangalumbaba.
"Ingat."
Nagulat pa siya nang maramdaman ang kung anong isinabit ni Gael sa mga balikat niya. Ang coat nito! Hindi agad siya nakahuma. Nasundan na lang niya ang papalayong lalaki. Hindi makapaniwalang hinaplos niya ang tela ng coat habang malakas ang kabog ng kanyang dibdib. Hinapit niya iyon palapit sa katawan niya. Pakiramdam ni Ally ay nakayakap na rin sa kanya si Gael. Hindi niya naitago ang kanyang ngiti. Kinikilig siya sa ginawa nito.