CHAPTER TWO
MARAHAS namang inayos ng lalaki ang coat nito kahit hindi naman talaga iyon nagusot. Lihim siyang napaismid. Ang presko rin nito. Akala mo kung sino. Mabait naman ang pagkakakilala niya kay Ghia at hindi mata-pobre.
"Hindi ka pwedeng umalis hangga't hindi mo sinasabi sa 'kin kung saan dinala ng kaibigan mong 'yon ang kapatid ko," hindi kumukurap na anang lalaki.
Tumaas na naman ang kilay ni Ally.
"Sino'ng may sabi? Ikaw? Bakit? Boss ba kita? At kahit boss pa kita, magkapantay lang ang karapatang pantao natin. Huwag mo ngang gamitin sa 'kin 'yang attitude mo. Hindi 'yan uobra sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng tao," hindi napigilang pagtataray niya.
Natigilan si Gael pero saglit lang iyon. Tumalim uli ang tingin nito sa kanya. Hindi naman napigilan ni Ally ang sarili na hagurin ng tingin ang mukha nito. Wala itong pores pero may mga nunal ito sa mukha partikular sa gilid ng mga mata. Magkakaiba ang hugis at lapad ng mga iyon at bumagay iyon sa aroganteng facial features nito.
Hayun nga at hindi napigilang sundan pa ng hinlalaki niya ang korte ng ibabang labi nito na mamula-mula at parang ang sarap halikan. Mas tamang sabihing na-hypnotise si Ally rito. Napakislot si Gael pero wala itong ano mang sinabi. Lalo nga lang dumilim ang anyo nito.
"Gwapo ka sana, eh. Pero mukhang gwapo ka lang naman. Sayang."
Sinamantala niya ang pagkagulat sa mukha ni Gael at mabilis na tumalilis palabas ng bar. Hindi siya nito pwedeng maabutan. Bwisit na lalaki. Bad trip na nga siya kay Gino, dadagdag pa ito.
HANGGANG sa nakapasok na si Ally sa opisina niya nang umagang iyon ay wala na siyang narinig na ano man mula kay Gino. Ini-expect pa naman niyang tatawag ito matapos niya itong sabihan sa text na umalis na siya ng restaurant at hinahanap ang mga ito ni Gael.
Abala siya sa pagle-lay out ng manuscript sa computer niya nang mag-ring ang cellphone niya. Si Gino ang tumatawag.
"Aba, salamat naman at naisipan din akong tawagan ng magaling kong kaibigan." Sinagot niya iyon. "Hay, Gino, naalala mo rin akong tawagan sa wakas!"
"Ally, puntahan mo naman ako, o. Nandito ako sa ospital."
Malakas siyang napasinghap.
"A-ano'ng ginagawa mo riyan sa ospital?" Ang tampo niya rito ay basta-basta na lang napalitan ng pag-aalala.
Hindi na nagsayang pa ng oras si Ally. Iniwan na niya kay Ninny ang trabaho niya at nagmaneho papuntang ospital. Kaya raw hindi na ito nakatawag sa kanya kahapon ay naka-off ang cellphone nito at ni Ghia para hindi ma-track ang kinaroroonan ng mga ito. Ang sabi pa ni Gino, bumangga raw ang sasakyan nito sa centre island matapos makipaghabulan sa kanila ni Ghia ang mga tauhan ng mga magulang ng babae. Nakuha naman ng kaibigan niya na makapagmaneho sa ospital nang ligtas. Minor lang din daw ang sugat na natamo ng mga ito. Pero halos atakehin pa rin siya sa pag-aalala rito. Pasalamat talaga si Gino at iyon lang ang natamo ng mga ito. Paano kung mas malala na sa susunod? Idu-double dead talaga niya ito!
Nanginginig at may pagmamadali sa mga hakbang ni Ally na hinanap niya ang hospital room na kinaroroonan ni Gino. Malalagot talaga ang kaibigan niyang iyon kapag nakita na niya ito.
"Ally."
Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman nang makita si Gino na nasa kama at merong malaking bandage sa ulo at braso.
"Okay ka lang ba?" mangiyak-ngiyak na tanong niya. "A-ano pang masakit sa'yo? Napano 'yang braso mo?"
"Na-dislocate lang ang balikat ko pero okay na 'ko. Maraming salamat sa pagpunta. At pasensiya na sa abala. Alam kong marami kang trabaho sa opisina. Hindi ko kasi kayang ipaalam kina Mama at Papa, eh. Ikaw lang ang alam kong makakaintindi sa 'kin. At pasensiya rin sa hindi ko pagsipot kahapon. Ayaw na ayaw mo pa namang pinaghihintay. Sorry talaga."
Marahas naman siyang nagbuntong-hininga at napameywang.
"Abusado ka rin kasi minsan, Gino, eh! Ano ba naman kasi 'tong pinasok mo? Tama pa ba 'to? Isusugal mo talaga ang buhay mo?" hindi napigilang litanya niya.
Parang gustong sumabog ng puso niya. Gustong-gusto na niyang sabihin na hiwalayan na lang nito si Ghia para hindi na malagay sa panganib ang buhay nito. Pero paano? Kitang-kita niya sa mukha ni Gino na hindi nito alintana ang nangyari.
"Ally, kung mahal mo ang isang tao, bale-wala na sa'yo ang buhay mo basta makasama mo lang siya. Kapag na-in love ka na, maiintindihan mo rin ako."
Tarantado talaga ito! Ipinapangalandakan nito sa buong mundo ang pagmamahal para kay Ghia pero manhid naman ito pagdating sa nararamdaman niya. Gusto sana niyang isapak sa pagmumukha nito ang katotohanan na matagal na niya itong mahal pero wala rin namang magbabago. Nakapili na si Gino ng pag-aalalayan ng buhay nito.
"Hindi na ako magtataka kung ikamatay mo na 'yan sa susunod," paismid pang sabi niya.
Napangisi na parang bata si Gino.
"Nasa'n si Ghia?" pag-iiba niya.
"Nasa kabilang kwarto. Ayaw akong palapitin ng kuya niya," malungkot na sagot nito.
"Nandito rin si Gael?" gulat na tanong niya.
"Bukod sa'yo, si Gael lang din ang may alam na naaksidente kami."
"Wala akong tiwala sa kanya, Gino. Ako na ang nakikiusap sa'yo, huwag na muna kayong magkita ni Ghia kahit pansamantala lang. Palamigin n'yo na muna ang sitwasyon. Mainit ka na sa pamilya niya. Hindi ka ba natatakot sa kayang gawin nila sa'yo?"
"Bakit naman ako matatakot? Mahal namin ni Ghia ang isa't isa, Ally," kumpiyansang sagot naman ni Gino.
"Baliw ka na talaga, Gino," napailing pang sabi ni Ally. "Ise-settle ko na muna ang bills mo para makalabas ka na."
Akmang tatalikuran na niya si Gino nang bigla siya nitong pigilan sa pulsuhan at pinisil iyon.
"Thank you, Ally. You're really the best," nakangiti pang sabi nito.
Tipid na ngiti naman ang tugon niya at tinanguan lang ang kaibigan. Kaibigan. Pilit nagsusumiksik ang katotohanan na pagiging kaibigan lang ang tanging papel niya sa buhay ni Gino.