NAKATUNGO lang si Ally habang naglalakad sa hallway. Hindi niya alam kung paano pa mapapanatag ang loob sa mga pwede pang mangyari kay Gino sa mga susunod na araw kung hindi nito hihiwalayan si Ghia. Hindi na niya napapansin ang paligid niya. Kaya hindi agad siya nakapaghanda nang bigla na lang may humablot sa braso niya. Natagpuan na lang niya ang sariling nakasandal sa dingding at ang seryosong mukha ni Gael ay nakatunghay sa kanya.
Nanlaki ang mga mata niya at pakiramdam niya ay may mga kabayong nagkakarera sa kanyang dibdib nang magtama ang kanilang mga mata.
"A-anong—bitiwan mo nga 'ko!" angil niya nang makabawi pero ang puso niya ay hindi pa rin bumabalik sa normal.
Nang sinubukan niyang kumawala rito ay iniharang pa ni Gael ang isang braso nito sa gilid ng beywang niya at ang kabila naman ay nasa bandang balikat niya. Kinailangan pa nitong yumuko nang husto para magpantay ang kanilang mga mukha.
Parang gusto na lang magpaubaya ng katawan niya nang malanghap ang pamilyar na pabango nito. Nang mga sandaling iyon lang niya na-realize na hinahanap-hanap ng ilong niya ang amoy nito kahit kahapon lang naman sila nagkakilala. Hindi nga lang sa pormal na paraan.
"Nakita mo na ang nangyari?" anito sa umiigting na panga. "Kung sinabi mo lang sa akin kahapon kung nasaan ang magaling mong kaibigan, hindi na sana kailangan pang umabot sa ganito. Kamuntikan na silang mamatay!"
Kung nakamamatay lang ang tingin, baka naging mas malamig pa siya sa yelo. Pero hindi magpapasindak si Ally kay Gael. Lalo na at kung makapagsalita ito ay para bang gusto nitong palabasin na siya ang may kasalanan.
Pinagkrus niya ang mga braso sa tapat ng kanyang dibdib at nagtaas-noo.
"Nakita mo na ang nangyari?" panggagaya pa niya sa tono nito. "Kung hinayaan na lang sana ng mga magulang n'yo na malayang magmahalan si Gino at ang kapatid mo, hindi na sana nila kinailangang magtago, tumakas at madisgrasya. You saw it yourself. Kamuntikan na silang mamatay! Hinding-hindi ko mapapatawad ang buong angkan n'yo kapag merong nangyari sa best friend ko."
At wala ring balak magpatinag si Gael sa kanya.
"Hindi ang lalaking iyon ang dapat na pakasalan ni Ghia. Hindi siya kabilang sa mundong ginagalawan namin."
"Exactly! And Ghia is sick and tired of it. Mga halimaw kayo pagdating sa pera. Ano ba ang pakialam mo sa nararamdaman niya? Takot kayo na baka perahan lang siya ni Gino? Sino ngayon ang mas mukhang pera?"
Lalo siyang napaatras nang ilapit ni Gael ang mukha nito sa kanya.
"Hindi mo kami kilala," sabi nito sa mahina pero mariing tono. At parang gusto nitong matakot siya.
Sorry na lang ito dahil siya si Ally Punzalan, anak ng mamahayag, walang inuurungan.
"Hindi mo rin naman kami kilala. Quits lang tayo. Huwag kang umasta na parang pagmamay-ari mo ang mundo. Like, duh?"
"You have a serious problem with your mouth, lady."
"Sana ma-realize mo na ikaw rin."
"Pagsabihan mo 'yang best friend mo na layuan na ang kapatid ko. Walang magagawa ang pagmamahalan nila. Pera at kapangyarihan ang nagpapaikot sa mundo."
"Ikaw lang ang naniniwala riyan. Good luck na lang sa'yo kung mapapaghiwalay mo nga sila. Ngayon, kung ayaw mong ibalandra ang pagmumukha at pangalan mo sa mga dyaryo at radyo, lalayuan mo 'ko bago pa 'ko sumigaw ng s****l harassment."
Gael's luscious lips curved into a sexy kind of smirk.
"You're not serious, are you?"
Pinaglandas nito ang mga mata sa kabuuan ng kanyang mukha partikular na sa mga labi niya. Sa totoo lang, mas nangingibabaw ang pagkailang kaysa sa pagkairitang nararamdaman niya para sa lalaki. Ganoon sila kalapit sa isa't isa. Nagbabangayan pa sila sa lagay na iyon, ha!
Napalunok siya. How dare he look at her that way! Hindi sila close. Nunca siyang susunod sa gusto nito! Hindi siya madaling matukso sa mga gwapo! Hindi talaga!
Nang layuan siya ni Gael ay mabilis niya itong iniwan. Malakas siyang bumuntong-hininga. Pesteng lalaking iyon, gusto pa yatang magkaproblema siya sa baga! At puso.
INIHATID muna niya si Gino sa bahay ng mga ito pagkagaling nila sa ospital bago siya bumalik ng opisina. Kahit nga ba hindi naman naging malala ang natamong injury nito at ni Ghia ay kailangan pa rin nitong magpahinga para hindi maapektuhan ang performance nito sa banda.
Hindi na nga sila halos nakapag-usap habang nasa biyahe. Hindi na kailangang sabihin pa ni Gino. Halata naman kasi sa mukha at ikinikilos nito na nag-alala ang kaibigan niya sa posibleng magiging kahahantungan ng relasyon nito kay Ghia. At nahihirapan din naman siya. Matigas kasi ang ulo ni Gino. Tiyak na gagawa at gagawa ito ng paraan para makasama si Ghia.
At isama pa ang Kuya Gael nito. Nakakadagdag ito sa sakit ng ulo niya. Mukhang ang lalaking iyon pa ang lalong makakadagdag sa pinuproblema niya. At bakit nga ba kailangan niyang masangkot sa gulong iyon? Dakilang best friend lang naman ang role niya, ah?
"Wala siyang idini-date? 'Di nga?"
Hindi makapaniwala si Ally sa ginagawa niya. She was actually stalking Gael Guidicelli. Well, not really. Hindi naman niya h-in-ack ang website ng Sought-After magazine para lang malaman ang ilang impormasyon tungkol kay Gael. Libre namang mabibisita ang site ng sino mang merong stable internet connection.
Binasa niya ang ilang basic information nito, kung saan ito nag-aral at ang mga hilig nito. Yummy ang mga picture ni Gael mula sa mga pinupuntahan nitong events pero madamot ito pagdating sa pagngiti.
No wonder, wala itong idini-date kahit gwapo ito. Boring na nga, masama pa ang ugali. Kaya wala talagang babaeng makakatagal dito. Parang mas gusto pa nitong maka-date ang mga tambak na trabaho sa opisina kaysa ang makipag-date sa mga totoong tao.
Kawawa talaga ito. Mali pala. Buti nga rito. Mas mabuti pa sa lalaking iyon na huwag na lang mag-asawa. Magiging miserable lang ang magiging buhay ng babe at ng magiging anak nito.
Hindi ako nagiging judgemental. Alam ko lang talaga ang mangyayari!
"Pero sayang talaga siya, eh," sa huli ay napalatak na sabi niya.