Mayroon na si Anastasia ng halos lahat ng bagay na hahangarin ng isang tao. Malaking mansyon, mamahaling mga sasakyan, naggagandahang mga damit at sapatos, koleksyon ng mamahaling bag at pabango, alahas at napakaraming oras . Bukod sa marangyang buhay ay pinagkalooban din ng kaakit-akit na kagandahan si Anastasia. Pero pakiramdam niya ang may kulang sa buhay niya. Pakiramdam niya ay paulit-ulit lang ang nangyayari sa kanya, at hindi niya gusto iyon. Gusto niyang bigyan ng kulay ang buhay niya sa pamamagitan ng mga pakikipagsapalaran na nababasa niya sa mga paborito niyang libro. Hanggang sa nadamay siya sa tangkang pagpatay sa kanyang ama na magbabago ng buhay magpakailan man.
Si Lucas ay anak ng dating lider ng isang vigilante group, na para sa iba ay grupo lamang ng mga kriminal o gangster. Pero ang totoo, ay walang sawang tumutulong ang grupo nila sa mahihirap na mamamayan na pinagkakaitan ng hustisya. Pero namatay ang ama ni Lucas sa isang aksidente. Hindi naniniwala si Lucas doon. Malakas ang kutob niya na pinatay ang ama para makuha ang liderato nito sa grupo. At nang mapalitan ang kanyang ama ay natuluyan ng naging grupo ng mga kriminal ang Vindicta.
Hanggang sa pinagtagpo ng tadhana sila Anastasia at Lucas. Ipinapatay sa grupo ng Vindicta sila Anastasia at ang ama nito. At agad na nanlaban si Lucas nang malaman iyon dahil napakalaki ng utang na loob ng grupo sa ama ni Anastasia. Kaya naman sinubukan niyang iligtas ang mga ito. Subalit nabigo siyang iligtas ang ama ng dalaga. Tanging si Anastasia lang ang nailigtas niya at agad na nahuhulog ang loob niya sa napakagandang dalaga. Mabubuo ang pag-iibigan nila habang itinatago ni Lucas si Anastasia. Pero mapupuno ng agam-agam ang dalaga tungkol sa layunin ni Lucas sa kanya lalo na nang malaman niya ang tunay nitong pagkatao.
May pag-asa ba ang pag-iibigan na nabuo nila? Lalo na ngayong hinahadlangan sila ng kani-kanilang katauhan at nang mismong mundo na kanilang ginagalawan.