Kahit kinakabahan. Agad akong bumaba at pumunta sa harap ng kotse.
“Sorry…” nauutal kong sabi sa lalaki.
Nagsisimula na siyang tumayo.
Kaagad akong yumukod. Inalalayan siya. Pinagpag ko ang damit niyang nakapitan ng alikabok. Muling nag-sorry. “May masakit ba sa’yo?” tanong ko habang sinusuri siya. Tiningnan ang braso niya kung may sugat ba, may pasa o gasgas.
Pero pahapyaw na tawa ang sagot niya. Nagulat ako. Nag-angat ng tingin. Kunot-noo ko siyang tinitigan.
“Nabangga ka na nga, nakuha mo pang tumawa.”
“Ayos lang po ako,” sagot niya. Inunat ang mga braso.
“Anong ayos ka? Nabangga ka...Halika, dadalhin kita sa hospital.” Hinawakan ko siya.
Bumaba ang tingin niya sa kamay kong hawak ang braso niya. Maya maya ay nag-angat siya ng tingin. Dahan-dahan hanggang sa mag tama ang aming mga mata. Nagkatitigan kami. Matagal.
“Doktora Cherry?" Ngumiti siya. Matamis.
Kinunutan ko siya ng noo. “Kilala mo ako? Pasyente ba kita?"
“Ang bilis mo naman makalimot, doc." Bahagya siyang humakbang palapit sa akin. Parang gusto niyang makita ko ang mukha niya ng malapitan.
Lalo lang kumunot ang noo ko. Hindi ko siya maalala. Pamilyar siya, oo...kaya lang hindi ko matandaan kung saan ko siya nakita. Baka isa nga siya sa mga pasyente ko.
“Reynan Cueves…brother-in-law ni Atty. Onse Lazaro na friend mo.” Pagpapakilala niya. Ngumiti na naman siya. Kinamot ang ulo.
"Naintindihan ko kung hindi mo ako maalala...madaling araw no'ng una nating kita. May emergency ang kapatid ko. At may sakit ako no'ng nagkita ulit tayo. Haggard face no'n... hindi gaya ngayon..."
Umawang ang labi ko. Inaalala ang madaling araw na sinasabi niya.
Umiling-iling siya. Pero ngumiti. Hinawakan ang kamay ko at giniya ako papunta sa kotse. Pinagbuksan niya ako ng pinto.
Parang wala sa sarili akong sumunod. Umupo ako at hinayaan siyang ikabit ang seatbelt ko. “Teka, kotse ko ‘to!” Para namang nahimasmasan ako nang magsimula siyang magmaneho.
"Hindi ko naman inangkin..." sandali siyang sumulyap sa akin. Saka itinuon ang tingin sa kalsada.
“Saan mo ba ako dadalhin?”
“Sa lugar na makapagpapaalala sa’yo ng nakaraan natin,” pilyong sabi niya. Kinindatan ako.
Ewan ko naman sa sarili ko, at hindi na ako nagreklamo. Siguro dahil sa ganap ng buhay ko kaya ako nagkaganito. Nawala ang kakayahan kong tumanggi, at protektahan ang sarili ko.
Habang sakay ng kotse, wala sa isip akong napatitig sa kanya. Bukod sa guwapo, mukha rin siyang mabait at desente. Hindi siguro naman siya masamang tao. At saka kilala nga niya ako.
“Dok, alam kong guwapo ako, but please, tama na ang titig, na-di-distruct po ako ‘e.”
Napaismid ako. “Mukhang desente nga, mahangin naman,” pabulong kong sabi sabay ang pag-iwas ng tingin. Ipinikit ko na lang ang mga mata.
Ilang sandali pa ay naramdaman ko na ang pagtigil ng kotse. Agad akong dumilat. Iginala ang paningin sa paligid.
“Naalala mo na?” tanong niya nang makababa kami ng kotse. Ngayon ay nakatayo na kami sa harap ng isang bahay na alam ko nga kung kanino.
Tipid akong ngumiti at tumango. “Reynan Cuevas…Ikaw ‘yong masungit at supladong kapatid ni Daisy…” sabi ko na ikinakamot nito sa ulo.
Nahiya pa ‘e. Pero kanina kung hawakan ang kamay ko at hilahin ako, parang ang close namin.
“May pinagdadaanan lang noon, kaya masungit at suplado. Pero ngayon, hindi na. Nagbago na kaya ako. ‘Di mo ba pansin, ang bait ko na kaya, lalo na sa gaya mong maganda na mabait pa.”
Natawa ako. Sadya nga lang. Loko-loko kasi itong si Reynan ‘e. Pero in-fairness hah, ang lungkot-lungkot ko kanina, nanghihina, at parang nawawalan ng pag-asa. Pero nagawa niya akong patawanin.
“Nagbago ka na nga, dati masungit at suplado ka, ngayon ay mahangin at bolero na!”
“Oy! ‘Di ‘yon bola ‘no. Totoong maganda ka.” Matiim na titig ang tumapos sa salita niya. Saka tipid na ngumiti. “Lalo na kung hindi mugto ang mga mata mo, at hindi pilit ang ngiti.”
Napayuko ako. Nahiya ako. Nagkunwari akong walang pinagdadaanan. Nagkunwaring hindi malungkot. Pangiti-ngiti pa nga ako, pero hindi pala maipagkakaila sa hitsura ko na may mabigat akong dinadala. Kaya siguro nag-effort siya na patawanin at pasayahin ako, kasi alam niya, iyon ang kailangan ko.
“Halika na nga nang lalo mo pa akong maalala kapag nasa loob na tayo.” Hinawakan na naman niya ang kamay ko. Giniya papasok sa bahay nila.
“Bakit walang tao?” tanong ko. Napalinga-linga. Akala ko maraming tao kaya niya ako dinala rito. Nag-aalangan tuloy akong tumuloy. Hindi rin ako umalis sa bungad ng pinto.
“Tingin mo sa akin, unggoy?” ngisi niyang sagot.
Inismiran ko siya. Puro kalokohin ‘e.
“Pasok na, mabait akong unggoy. Hindi ako nangangagat, nanghahalik lang!”
“Mas nakakatakot pala kung gano’n!”
“Umupo ka na nga. Noon nga na masungit at suplado pa ako, hindi ka natatakot. Pumunta ka pa rin dito at alagaan ako. Ngayong mabait na ako, matatakot ka?” Iniwan niya ako matapos sabihin ‘yon, kaya tumuloy na lang ako at umupo.
Naalala ko, tinawagan nga ako ni Onse noon, nag-request na puntahan ko raw ang brother-in-law niya. May sakit raw at ayaw magpa-checkup. Matigas ang ulo. Nagpunta ako na walang abiso, at si Reynan lang din mag-isa no’ng araw na ‘yon. At tama siya, hindi ako nakaramdam ng takot noon kahit ang sungit niya. Ayaw pahawak. Pabalang pa kung sumagot. Parang galit sa mundo.
“Naalala mo na kung paano mo ako alagaan noon?” Tanong niya, sabay lapag sa bote ng red wine at dalawang wine glass sa mesa.
“Oo, naalala ko na…kung gaano katigas ang ulo mo noon.”
“Puro ka naman noon ‘e! Oh, uminom ka na nga lang nang mailabas mo ang problema mo.”
Mapait akong napangiti. “Reynan, hindi naman tayo close, at ngayon lang ulit tayo nagkita, pero bakit mo ‘to ginagawa? Bakit ang bait mo sa akin?”
“Ginagawa ko ‘to kasi mabait ka rin sa akin noon, sa amin ni Daisy. Tinulungan mo ako, inalagaan, ginamot na walang hinihinging kapalit. Hindi mo rin ako kilala noon, pero nag-effort ka pa rin na alagaan ako. So, binabalik ko lang ang kabaitan mo.”
“Ah, dahil lang pala sa utang na loob kaya ka mabait.”
“Hindi ah, talagang mabait ako. Hindi lang halata.” Ngumiti na naman siya ng matamis, at inangat ang hawak na wine glass.
Kinuha ko na rin ang isang wine glass, sabay sabi, “cheers para sa ating mga mababait.”
“Cheers para sa mga babae na katulad mong nasasaktan na nga, kumakapit pa rin.”
“Bakit ba ang dami mong alam?” Inisahang lagok ko ang wine. Uminit ang tainga ko sa sinabi niya. Hindi ako galit, pero nasapol niya ako. Diretsong tumama sa puso ko ang sinabi niya.
“Marami akong alam, kasi napagdaan ko na rin ‘yan.” Inisahang lagok niya rin ang wine niya at mapait na ngumiti.
Na-curious ako sa sinabi niya. Kaya ba siya masungit noon kasi bigo rin siya sa pag-ibig? “Sure kaba na pareho tayo ng pinagdadaanan?”
“Hindi ako sure kung pareho, pero ang sigurado ako, nasasaktan ka gaya ko noon.”
Nag-iwas ako ng tingin. Bwesit ‘tong luha ko. Kahit anong pigil ko, kumakawala pa rin.
Itong si Reynan kasi, alam niya kung paano ako patatawanin, alam niya rin kung paano ako paiiyakin. Pinahid ko ang luha ko, at mapaklang tumawa.
“Ikaw ang may kasalanan nito ‘e! Pinaiyak mo ako.”
“Pinaiyak nga kita, para gumaan ang pakiramdam mo at makapag-isip ng tama.”
“Nag-iisip naman ako. Alam ko rin kung ano ang tama! Nakikita ko ang mga kahayopan niya. Ang mga mali niya. Kaya lang, mahal ko ‘yong hayop na ‘yon, Reynan.”
“Mahal mo? Siya ba, mahal ka?”
Naitakip ko ang mga palad ko sa mukha, at hindi na sumagot. Malinaw naman kasi ang sagot, hindi na niya ako mahal, matagal na.
“ ‘Yang pinagdadaanan mo ngayon, choice mo ‘yan, Dok. Pwede kang kumawala, pwede mong tapusin ang paghihirap mo, pero pinili mong magdusa at masaktan ng paulit-ulit.”
“Ang galing mong magsalita ah. Ikaw ba bumitiw na?"
"Hindi lang bitiw ang ginawa ko. Talagang tinapos ko ang kalbaryong pinagdaanan ko.”
Mapait akong ngumiti. Nagtagay ng wine at inisahang lagok pa rin. “Paano mo tinapos?"
“Simple lang, pinili kong maging masaya at ni-let go ang mga taong nagdulot sa akin ng pighati. Kaya heto, masaya na ako. Hindi na masungit. Hindi na suplado, kasi pinalaya ko na ang sarili ko."
"Gusto ko rin namang lumaya. Kaya umalis na ako. Iniwan ko na siya, pero hindi ko alam kung kailan ko kakayanin na hindi siya kasama.”
"Kakayanin mo, tutulungan kita—tutulungan kitang kalimutan siya.”
"Paano, Reynan? Anong tulong ang gagawin mo sa babaeng tanga na gaya ko na isang lalaki lang ang mahal?”
“Bago ko sasagutin ang tanong mo, tanong ko muna ang sagutin mo. Willing ka na bang mag-let go? Handa mo bang gawin lahat, makawala lang sa anino ng boyfriend mo?”
"Pagod na ako, Reynan. Ubos na ubos na ako, kaya oo…handa na akong e-let go siya.”
"Ayos!” masigla niyang sabi, kinuha ang cellphone at mabilis na nagtipa ng mensahe.
Nagtataka naman akong napatitig sa kanya, pero nanatili na lang akong tahimik.
“Maya maya ay nandito na ‘yong uutusan kong mag-draft ng ating kontrata."
"Kontrata?”
Tumango siya. Ngumiti at nagtagay ng wine. “Kontrata para sa ating kasal.”