Isang linggo na ang lumipas mula noong eksena sa hotel. At heto pa rin ako. Pinili ko pa rin siyang patawarin. Pinili kong manatili sa tabi niya.
Napangiti ako habang marahang inilalapag ang cake sa gitna ng mesa. Panay ang tingin ko sa orasan. Maya maya ay darating na si George. Ikalimang anibersaryo namin ngayon. Kaya naman nang hindi natuloy ang medical mission, nagmadali akong umuwi para ipaghanda siya ng munting surpresa. Isang huling tangka, na maibalik ang dating kami.
Narinig ko ang busina sa labas. Kasunod no’n ang pagbukas ng gate. Kaagad akong tumayo, sumilip mula sa pinto, at nagtago. Mahigpit ang hawak ko sa party popper habang pinipigilan ang mabilis na t***k ng puso.
“Surprise!” bulalas ko sabay ang pagliparan ng confetti sa hangin. Ngunit ang ngiting nakahanda sa labi ko ay agad napawi.
Hindi kasiyahan ang nakita ko sa mukha niya—kundi gulat...galit.
“Anong ginagawa mo rito?” malamig niyang tanong, sabay sa pagbagsak ng mga confetti sa kanyang balikat.
“Hindi natuloy ang medical mission, kaya umuwi ako—” sagot ko, ngunit nabitin ang salita ko nang mapansin ko ang babaing kasama niya.
Mapait akong napangiti. Kilala ko siya—siya ang babaing kasama ni George sa hotel.
“Bakit mo siya dinala rito?” tanong ko, halos hindi lumalabas ang boses ko.
“Wala kang pakialam!” singhal niya. Walang alinlangang winaksi ang braso ko at ginabayan ang babae papasok ng bahay. Tinulungan pa niya itong umupo sa dining table na ako mismo ang nag-ayos para sa aming dalawa.
Nakagat ko ang labi ko. Pinipigil ang sariling huwag tumulo ang luha.
“Ano pa ang tinatayo-tayo mo riyan?” singhal niya.
Napaigtad ako at lumapit sa mesa. Nanginginig ang mga daliri ko habang akmang hihilahin ang isang upuan.
“Sinabi ko bang umupo ka?”
Napalunok ako. Napabitaw sa upuan. Napatingin lang ako sa kanya, sinusubukang intindihin kung anong mali ang nagawa ko. Kung bakit kailangang ganito kabigat ang pagtrato niya sa akin.
“Ilabas mo ang pinakamahal na wine sa koleksyon ko,” utos niya habang abala sa paghiwa ng steak para sa babae.
Hindi ako agad nakagalaw. Napako ang paningin ko sa babae na tila nagyayabang, nakangiting tinikman ang niluto ko—na para sana kay George. Lalong bumigat ang dibdib ko nang makita kong may ngiti pa siyang inukol sa akin—ngiting mapanukso, pinamumukha sa akin na nanalo siya sa isang larong alam na alam kong talo na ako.
“Bingi ka ba? Kilos na!” sigaw ni George.
Parang may sariling isip ang katawan kong gumalaw. Mabigat ang mga hakbang papunta sa wine rack. Isa-isa kong hinaplos ang mga bote hanggang sa maabot ko ang pinakamahal sa koleksyon niya—red wine na nagkakahalaga ng animnapu’t limang libo. Naalala ko pa kung paanong tuwing gusto kong tikman ‘to, pero ayaw niya. Kahit anong lambing ko, hindi siya pumapayag. Ni ayaw niyang hawakan ko ang bote na ito. Pero ngayon, handa siyang buksan para sa ibang babae.
Nilapag ko iyon sa mesa. “Heto na ang wine,” mahina kong sabi.
Kinuha niya agad, binuksan, at sinalinan ang dalawang baso. “Try this,” sabi niya sa babae, puno ng lambing ang tinig na dati’y ako lang ang nakakarinig.
“Thank you, George,” pa-sweet na sagot nito, sabay nilang itinaas ang baso para mag-cheers. Para bang wala ako roon.
Nakangiti akong tumalikod, pero sa likod ng ngiting iyon ay ang tuluyang pagguho ng lakas kong kumapit.
“Saan ka pupunta?” tawag niya.
Nilingon ko siya. “Aalis…giving you some privacy.”
“Umupo ka. Don’t ruin the mood, Cherry!” singhal niya. Itinaas pa ang hawak na steak knife, itinuro sa akin na parang gusto akong tusukin.
Mapakla akong natawa. “The moment you entered the house with that woman, sira na ang mood, George.”
“Tumahimik ka! ‘Wag kang gumawa ng eksena.”
“Ako ba ang gumagawa ng eksena?” Tinakpan ko ang bibig ko. Hindi ko kasi napigilan ang panginginig ng tinig ko. “Nagdala ka ng ibang babae sa bahay natin, George. What do you expect? Tatahimik lang ako?”
“Pamamahay ko ’to. Pwede kong dalhin ang kahit sinong gusto ko!”
Tumango ako. “Oo nga naman... pamamahay mo nga pala 'to.” Pinahid ko ang luha na ayaw nang tumigil. “Pakasaya kayo.”
Iniwan ko sila sa sala, umakyat sa kuwarto namin. Nanginginig ang kamay ko habang pinipilit impakehin ang mga gamit. Kasabay ng bawat tiklop ng damit ay ang pagtiklop ng mga alaala—mga sandaling ako lang ang mahal niya—ako lang ang pinakamagandang babae sa paningin niya…panahong hindi pa ako isang estranghero sa sariling tahanan.
Nagulantang ako nang bumukas ang pinto.
Pumasok si George, nanlilisik ang mga mata, hinawakan ang braso ko. “Anong drama ‘to?”
“Drama? Tingin mo, nagda-drama lang ako?”
“Pinahiya mo ako sa bisita!”
“Pero ako? Ako ba? Ilang beses mo na akong pinahiya, George! Harap-harapan pa nga! Pero tahimik lang ako kasi mahal kita!” Tinulak ko siya, humagulgol. “Alam mo ba kung anong araw ngayon, George? Anibersaryo natin!”
Napatigil siya. Sandaling tila natauhan. Ngunit hindi rin nagtagal, muling humigpit ang panga niya.
Mapait akong tumawa. “Pati pala ‘yon, nakalimutan mo na.”
“Stop this act, Cherry. Bumaba ka at mag-sorry kay Marriane.”
Napatigil ako. “Bakit ako mag-so-sorry? Ako ba ang makapal ang mukha na pumatol sa lalaking taken na—”
Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ko. Natahimik ang paligid. Nanginig ang katawan ko.
Hinaplos ko ang aking pisnging nanlalagkit sa luha at sakit.
“Lahat ng pag-insulto mo, tinitiis ko. Lahat ng pagtataksil mo, pinalalagpas ko. Kasi mahal kita, George. Pero gusto mo bang pati katawan ko, mamanhid na rin sa pananakit mo?”
“You asked for it!”
“Sinong babae ba ang gustong masaktan, George?” Napasabunot ako sa buhok ko. “Pagod na pagod na ako!”
“Kaya mo? Makikipaghiwalay ka?” mayabang niyang tanong.
Napangiti ako nang mapait, ngunit yumuyugyog naman ang katawan ko. Napaupo ako sa kama. Tumutulo ang luha, parang ulan na ayaw tumigil.
“I knew it,” sabi niya, puno ng yabang. “You can’t leave without me.”
Tumingala ako. Tumitig sa kanya. “Kaya mo ba ako ginaganito kasi alam mong hindi ko kayang wala ka?”
“Ano sa tingin mo?” Inilapit niya ang mukha sa akin, pinisil ang pisngi ko. “Walang-wala ka noon. Lahat ng meron ka, galing sa akin.”
Winaksi ko ang kamay niya. “Hindi mo na kailangang ipamukha sa akin.”
Nginisihan lang niya ako. “Fix yourself. Sundin mo ang utos ko.” Pabagsak niyang isinara ang pinto.
Naiwan akong napasalampak sa sahig, niyakap ang sarili at tahimik na umiyak. “Bakit ba tayo umabot sa ganito, George…”
Maya maya, dahan-dahan akong gumapang papunta sa luggage ko. Tinuloy ang pag-iimpake. Mga damit na akin, mga gamit na pinaghirapan ko. Ang lahat ng bigay niya—iniiwan ko.
Pababa na ako ng hagdan, bitbit ang mabigat na luggage, kasabay ng bigat sa dibdib ko. Naabutan ko sila sa sala. Naglalampungan pa rin. Napatigil sila nang makita ako. Nag-ayos ng sarili. Pero hindi ko na sila pinansin.
“Oras na lalabas ka ng pinto, hindi ka na puwedeng bumalik!” singhal ni George.
Saglit akong tumigil. Tiningnan ko sila—ang lalaking mahal ko at ang babaing ipinalit niya. Pero walang salitang lumabas sa bibig ko. Nagpatuloy lang ako sa paglalakad.
Binuksan ko ang pinto. Lumabas ng bahay. Nilagay sa trunk ang gamit ko, sinenyasan ang guard na buksan ang gate. At pagbukas—pinaharurot ko ang kotse.
Gusto kong makalayo agad. Kahit saan. Basta malayo sa bahay na puno ng sakit.
Habang umaandar, lalo akong lumulubog sa pag-iyak. Namumugto na ang mga mata ko, nanlalabo ang paningin, nanginginig ang mga kamay. Hindi ko alam kung saan ako papunta. Ang alam ko lang—pagod na ako—ubos na ako.
Maging ang mga paa ko parang nawalan na rin ng lakas. Bumagal ang takbo ng kotse.
Then—
Isang kalabog.
Nabigla ako. Napakapit sa manibela.
Huminto ang kotse.
Napatitig ako sa windshield.
Nanlalaki ang mata ko. Kumakabog ang dibdib.
May nabangga ako...