Kabanata 13

1945 Words
"Ito 'yong antibiotics na kailangan mong inumin para gumaling agad ang mga sugat at pasa mo." "Wala po ba kayo nito dito?" tanong ni Caleb. "Naubusan na kami eh," tugon ng lalaking kausap nito. "Okay sige po. Thank you po," wika ni Caleb saka siya nito iginiya palabas ng clinic. "Caleb," marahang pagtawag niya rito. "Bakit?" malambing naman na balin nito sa kanya. "Iuwi mo na ako." "Kailangan pa natin humanap ng gamot mo," anito sa kanya. "May sinat pa si Yana, hindi ba? Siya dapat ang inuuna mo hindi ako. Malayo naman sa bituka itong mga pasa at sugat ko. Ikaw nga ang mas dapat na magpagamot kaysa sa akin," pahayag niya sa lalaki. "Pero, Kyrielle—" "Sige na. Umuwi ka na. Okay lang ako," pagpupumilit niya sa lalaki. "No. May madadaanan naman tayong drugstore. Bibili tayo ng gamot mo tapos saka lang tayo uuwi. Promise," giit ng lalaki at iginiya na nga siya nito papasok ng sasakyan nito. Binuhay ni Caleb ang sasakyan nito saka ito agad na pinaandar. Ilang sandali lang ay itinigil rin nito sa tapat ng isang drugstore ang sasakyan. Bumaba ito at nagmamadali na pumasok sa loob ng drugstore na iyon. Nang mga sandaling iyon ay hindi mawala-wala sa isipan ni Kyrielle si Yana. Hindi niya alam kung bakit labis siyang nag-aalala para sa bata. Para bang ayaw niya na naiiwan itong mag-isa. Naaawa siya para sa bata. Ayaw niyang makaramdam ito ng lungkot sa tuwing mag-isa lamang ito. Dahil doon, hindi niya maiwasan na hindi mainis sa kanyang sarili. Dahil naiiwanan ito lagi ng mag-isa ni Caleb nang dahil lamang sa kanya. Nang bumalik si Caleb sa sasakyan ay may dala na itong mga gamot. Pagkuwan ay agad na din nitong pinatakbo muli ang sasakyan. Sa byahe ay tahimik lamang si Kyrielle na nag-iisip tungkol kay Yana. Pero natigilan siya nang mapansin niyang iba na ang daan na tinatahak nila. Pabalik na ito sa bahay nina Caleb. "Sandali, ibaba mo na lang ako sa may kanto. May masasakyan na ako doon," saad niya sa lalaki. "No. Masyado nang delikado para bumyahe ka pa mag-isa," tugon nito sa kanya. "Eh saan mo ako dadalhin?" tanong niya. "Sa bahay," kampante nitong sagot sa kanya na bahagya niyang ikinagulat. "A-Ano? Hindi puwede. Uuwi na ako." "Sa akin ka na uuwi, Kyrielle. Hindi ako mapapanatag kung iisipin ko na sa iisang bubong pa din kayo magsasama ng lalaki na iyon. Baka kung ano lang ulit ang gawin niya sa'yo," wika nito sa kanya. "A-Ano? Seryoso ka ba sa mga sinasabi mo?" hindi niya makapaniwalang tanong sa lalaki. "Yes." "Pero Caleb—" "Let me take care of you from now on, Kyrielle. Don't worry, I'll behave. I promise," sabi nito at isang ngiti ang ibinigay nito sa kanya. Gusto niya sanang umangal nang mga sandali na iyon, pero hindi niya makitaan ng pagtutol ang sarili niya. Nang dahil sa mga sinabi ng lalaki sa kanya ay para ba siyang nakampante pa. Bagay na labis niyang hindi maunawaan sa kanyang sarili. Ilang sandali pa ay narating na nga nila ulit ang bahay ng binata, kung saan ay naroon din ang batang si Yana na hindi na naalis pa sa kanyang isipan. Hindi niya alam kung bakit niya nagagawang lubusang magtiwala sa lalaking kasama niya ngayon. Pagkadating nila sa mansyon na bahay nito ay dinala siya nito sa isa sa mga kwarto doon. At ayon sa lalaki ay ito daw ang guest room nila. Sa tapat ng kwartong iyon ay nandoon ang kwarto ni Yana. Tumalon ang puso niya sa isipin na iyon. Malapit lang sa kanya ang bata. "Magpalit ka na muna ng damit," nakangiting usal sa kanya ni Caleb. "Ito oh, pasensya ka na dyan. Bukas ay bibilhan kita ng mas maaayos na damit," dagdag pa nito sa kanya. Isang asul na T-shirt ang iniabot nito sa kanya at isang pajamas. Malalaki ang mga ito kaya wari niyang sa binata ang mga iyon. Napangiti siya ng lihim. "Salamat," marahan na tugon niya. "You're always welcome," nakangiti naman nitong sabi sa kanya. Hindi ba ito napapagod sa kakangiti? "Kapag nagutom ka ay may mga pagkain sa fridge. At kapag may kailangan ka naman, katukin mo lang ako. Okay?" pagbibilin pa nito sa kanya. Tumango naman siya bilang pagtugon sa binata. Ang kwarto nito ay nasa tabi ng kwarto ni Yana. "Good night. Sleep well, my princess," nakangiti na naman nitong sabi sa kanya. Pumasok na siya sa loob ng kwarto at isinara niya na ang pinto doon. Ni Hindi man lang niya inabala pa ang sarili upang mag-good night din kay Caleb. Hindi kasi siya sanay sa ganoon. Ngayon lang naman kasi may nagtrato ng tama sa kanya. At sa halip na sakit na naman ang maramdaman niya, ay ibang klaseng tuwa ang hatid no’n sa kanya. Hindi niya alam. Kinikilig yata siya. Naglinis siya ng katawan niya at nagpalit na ng damit. Saka siya komportableng nahiga sa kama. Ipinikit niya ang mga mata niya at tuluyan na nga siyang hinila ng kanyang antok. Nagising siya dahil sa maliliit na boses na naririnig niya. Marahan niyang iminulat ang mga mata niya. Napalingon siya sa bintana sa tabi niya. Umaga na. Napahimbing ang tulog niya. "Turuan mo kasi ako magluto niyan para kay Yana." "Hindi pwede, kaya nga mas love ako ni Yana kaysa sa'yo dahil dito eh." Marahang bumangon si Kyrielle upang sundan kung saan nagmumula ang mga tinig na iyon. "Ang damot naman nito," pagmamaktol ng boses na naririnig niya. "Iba na lang ang ituturo ko sa'yo," tinig ng isang masayang babae. "Ate Arkysha, turuan mo po muna siya paano maghugas ng plates ng wala pong nababasag." Nang sumilip siya mula sa may hagdan, ay nakita niya ang tatlong tao. Si Caleb, si Yana at ang isang pamilyar na babae. Oo pamilyar ito sa kanya. Para bang nakita niya na ito noon sa kung saan. Tinitigan niya pa ito ng mabuti hanggang sa maalala na niya kung saan niya ito unang nakita. Ito 'yong magandang babae na nakita niya dati na kasama ni Yana sa Mall. Kung ganoon ay ito pala si Arkysha. Masaya silang nagtatawanang tatlo habang nagluluto si Arkysha at pinapanood siya nina Caleb at Yana. Kung titingnan ang mga ito ay para silang isang masayang pamilya. May kung anong kumurot sa loob niya—masayang pamilya. Bagay na kahit na kailan ay hindi siya nagkaroon. "Marami pa pala talaga akong kailangan na ituro sa'yo. Sabihin ko na kaya kina Mommy na dito na din 'yong mga gamit ko?" masayang turan ni Arkysha. Bakit parang ang sakit para sa kanya ng masayang pag-uusap nito at ni Caleb? Magsasalita pa sana si Caleb nang biglang magawi sa kanya ang tingin ni Yana at nakita nga siya ng bata. "Ate pretty! You're awake!" masaya at excited na sigaw ni Yana sa kanya. Nabalin sa kanya pati ang atensyon nina Caleb at Arkysha. Nakita niya ang unti-unting pagpanaw ng mga ngiti ni Arkysha nang makita siya nito. "Kyrielle," malambing na pagbanggit ni Caleb sa kanyang pangalan. Mabilis itong lumapit sa kanya at inalalayan siya sa pagbaba ng tuluyan sa hagdan. "Nakatulog ka ba ng maayos? Kumusta ang pakiramdam mo?" sunod-sunod na tanong ng gwapong si Caleb sa kanya. Parang may kung anong nagbara sa lalamunan niya. Hindi siya makasagot ng deretsyo sa binata. Sinulyapan niya si Arkysha na siyang nag-iwas naman ng tingin sa kanya. Bakit parang ang bigat ng presensya niya para sa babae? "Kyrielle?" Hinawakan ni Caleb ang kamay niya. "Uhmm. Okay lang naman ako. Oo nakatulog naman ako ng maayos," tugon niya. "Nagugutom ka na ba? Nagluluto si Kysha ng breakfast natin," nakangiting sabi pa ni Caleb sa kanya. "Busog pa naman ako. Uhmm. Pwede ba akong makiligo?" tanong niya rito. "Sure. Binilhan na din kita ng mga damit mo," nakangiting wika ni Caleb sa kanya habang kinukuha ang mga supot na nasa sofa. "Si Yana ang pumili ng mga ito," masayang dagdag pa nito nang maiabot sa kanya ang mga supot. "Hope you'll like that, Ate Pretty," nakangiting sabi sa kanya ni Yana. Nginitian niya rin ito pabalik. "Sure akong magugustuhan ko ito," tugon niya sa bata. "Uhm... 'yong shower room na lang sa kwarto mo ang gamitin mo," sabi ni Caleb. Tumango naman siya dito. "Thank you," aniya. Tumalikod na nga siya sa mga ito at dumeretsyo na sa kwarto na pinanggalingan niya kanina upang maligo. Nang makapag-ayos na siya ng kanyang sarili ay bumaba na ulit siya. Nadatnan niya si Yana na naglalaro ng gadget nito habang nakaupo sa sofa. "Hi, Ate Pretty!" bati sa kanya ni Yana. "Mas pretty ka kaysa sa akin," nakangiti niyang sabi kay Yana. "Siguro po mana lang ako sa'yo," pambobola ng bata sa kanya. Biglang tumalon sa tuwa ang puso niya nang sabihin nito iyon sa kanya. "Sana po kasing ganda mo ang tunay kong mommy," dagdag pa ng bata na siyang agad na nagpatigil sa kanya. "Anong ibig mong sabihin?" kunot-noong tanong niya rito. "I am adopted," deretsyo nitong sabi sa kanya. "N-Nasaan na ang mga magulang mo?" gulat na tanong niya dito. "Hindi ko po alam. Kahit si Tito, hindi niya din po alam," malungkot na tugon ng bata sa kanya. Marahan siyang ngumiti dito. "Pero, nandyan naman ang tito Caleb mo. Love na love ka niya, hindi ba?" "Yes po. Siya lagi ang nag-aalaga sa akin pati si ate Arkysha," tugon ni Yana. Bigla naman siyang nakaramdam ng selos nang banggitin nito si Arkysha. "Gano'n ba," nabigkas niya na lamang. "Kumain ka na po ba? Masarap po 'yong niluto ni ate Arkysha," masayang sabi pa ni Yana sa kanya. "Mamaya na lang ako kakain," tugon niya sa bata. "Okay po. Sasabihan ko sila na magtira ng foods for you." "Ang sweet mo talaga," nakangiti niyang sabi kay Yana. "Siya nga pala, nasaan ba ang tito mo?" "Baka po nasa garden siya," sagot ni Yana. "Sige, puntahan ko lang siya saglit huh," paalam niya sa bata. "Sure, Ate Pretty!" Lumabas nga siya para hanapin si Caleb. Nakita niya ito sa likod ng bahay, tatawagin niya sana ito nang mapansin niyang hindi ito mag-isa dahil kasama nito si Arkysha. "Tingin mo tama 'yang ginagawa mo? Kahit ano pang sabihin mo, pangit pa din tingnan na magkasama kayo sa iisang bahay. Saan mo ba nakilala ang babaeng 'yon? Gaano ka ba nakakasiguro sa kanya?" sunod-sunod na tanong ni Arkysha kay Caleb. "Mabuti siyang tao. Kilala ko si Kyrielle." "Come on, Caleb! Bakit ka ba nagkakaganyan? At talagang gusto mo pang itira dito ang babaeng 'yon kasama si Yana? Baka mamaya kung ano pa ang ituro no'n sa bata!" Parang saksak sa kanya ang mga sinabing iyon ni Arkysha. Hindi pa man din siya nito kilala ay nahusgahan na siya agad nito. Gusto niya sana itong sugurin at sigawan sa mga panghuhusga nito sa kanya. Pero higit na mas masakit para sa kanya ang isipin na ipinagpapaalam pa ni Caleb ang pagtira niya sa babaeng kausap nito ngayon. Ano bang mayroon sa kanila? Tinalikuran niya ang dalawa at saka siya naglakad na papalayo. Ramdam niya ang pamumuo ng mga luha niya sa mga mata niya na gusto nang pumatak. Kahit na naiinis siya kay Arkysha ay tama naman ang mga sinabi nito. Pangit tingnan na titira siya sa bahay ng binata. At nakakahiya lamang kay Yana kapag nalaman nito kung anong klaseng babae siya. Tama nga naman si Arkysha na wala siyang maituturong maganda at tama sa bata. Sa sobrang sakit ng nararamdaman niya ay nagdere-deretsyo siyang lumabas ng gate sa mansyon nina Caleb. Kung saan siya patungo ay hindi niya alam. Basta ang alam niya lang sa ngayon ay nasasaktan siya at gusto niyang makaalis sa lugar na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD