Kabanata 14

1903 Words
"Juice ko! Aling Tindeng, nandito si Kyrielle!" malakas na sigaw ni Kikay. "Kyrielle, anak!" Patakbong sinalubong ni Tindeng at ni Kikay si Kyrielle at isang mahigpit na yakap ang ibinigay ng mga ito sa dalaga. Agad namang nakaramdam si Kyrielle ng pagka-miss sa dalawang iyon nang mga sandaling iyon. At nakaramdam ng ibang saya ang puso niya. "Kumusta ka na, Anak? Bakit ngayon ka lang dumaan dito? Alam mo bang nag-aalala ako sa'yo ng sobra. Ilang beses kitang pinuntahan sa club pero natataon na wala ka doon lagi, tapos tinataboy naman ako ni Murphy kapag nagpupunta ako sa bahay niyo," pagsusumbong sa kanya ni Tindeng. "Pasensya na po, Nay. Miss na miss ko po kayo. Sorry kung napag-alala ko kayo. Sorry din kung ngayon na lang ulit ako nakapunta dito," saad niya sa matandang babae. "Tara sa loob at maupo na muna tayo doon," yaya naman sa kanila ni Kikay. Hindi naman humihiwalay sa kanya si Tindeng hanggang sa makapasok na nga sila nang tuluyan sa loob ng bahay nito. "Kikay, ikaw na muna ang tumao sa labas," utos ni Tindeng kay Kikay. Tinutukoy ang karenderya. "Sige po, Aling Tindeng," tugon ni Kikay. "Oy babaita. Madami tayong pagchi-chikahan mamaya huh," bulong naman nito sa kanya. Sumenyas lamang siya dito ng okay. "Kumusta ka na? Ano na bang nangyari sa'yong bata ka?" tanong ni Tindeng sa kanya nang maiwanan na silang dalawa doon. Bakas sa mukha nito ang labis na pag-aalala para sa kanya. "Pasensya na po talaga. Pero huwag na kayo mag-alala sa akin," tanging naging tugon niya sa kanyang nanay-nanayan. "Pwede bang hindi ako mag-alala sa'yo? Sabi ko naman kasi sa iyo na iwanan mo na si Murphy at ang trabaho mo. Nakahanda naman ako na kupkupin ka," saad ni Tindeng sa kanya. "Alam ko po, Nay. At sobrang nagpapasalamat po ako sa inyo. Pero, alam n’yo naman po kung bakit hindi ko maiwanan si Murphy. Alam niya kung nasaan ang anak ko," pagdadahilan at pagtanggi niya sa tulong na iniaalok sa kanya ni Tindeng. "Pwede naman natin isumbong si Murphy sa mga pulis at paaminin kung nasaan na ang bata." "Opo, pero lagi akong pinagbabantaan ni Murphy noon." "Eh ano na bang plano mo ngayon?" tanong ng matanda sa kanya. "Umalis na po ako kay Murphy ngayon, Nay." "Huh? Talaga? Mabuti kung ganoon!" "Pero natatakot po ako. Sigurado ako na hahanapin ako no'n at sasaktan na naman niya ako kapag nakita niya ako," marahan na tugon niya dito. "Ay, hindi na ako papayag niyan. Talagang tatawag na ako ng pulis, subukan lang niya!" Makikita naman sa mukha ngayon ni Tindeng ang labis na pagkagalit at pagkasuklam sa lalaking dati niyang kinakasama. Napangiti siya dahil doon. Ramdam na ramdam kasi niya ang concern at ang pagmamahal sa kanya ng matanda. Kahit na hindi naman siya nito tunay na anak ay nagmamalasakit pa rin ito ng totoo sa kanya. "Dito ka na muna umuwi sa akin. Tapos, ihahanap kita ng matutuluyan na medyo malayo dito. Alam ni Murphy ito at malaki ang posibilidad na hanapin ka niya dito," dagdag pa ng matanda sa kanya. Marahan na tumango naman siya dito bilang pagsang-ayon sa nais at suhestiyon nito. Tama ito. Naisip niyang mas mabuti pa nga siguro na dito na muna siya tumira pansamantala, kaysa kina Caleb. Hindi naman niya kaano-ano ang lalaki para kupkupin siya nito, unlike kay Tindeng, itinuturing niya naman itong ina niya. Pagkatapos ng kwentuhan nila ni Tindeng ay si Kikay naman ang nangulit sa kanya. Ilang ulit na ipinahayag ni Kikay sa kanya na labis itong natutuwa ngayon dahil doon na siya uuwi ngayon. At panay din naman ang pagkukwento nito sa kanya tungkol sa love story nila ni Gales. Lumipas ang maghapon at sumapit na nga ang gabi. Hindi niya alam pero bigla niyang naalala si Caleb. At hindi niya maitatanggi na nami-miss niya ito. Nami-miss niya ang mga titig at pagngiti nito sa kanya. Ano na nga kaya ang ginagawa ng lalaki sa mga oras na ito? Siguro kasama pa rin nito si Arkysha habang inaalagaan ng mga ito si Yana. Bigla na naman siyang nakaramdam ng lungkot at sakit. At habang nag-eemote siya ay bigla siyang tinawag ni Tindeng. "Kyrielle! Ija, may naghahanap sa'yo," nakangiting tawag nito sa kanya. "Sino naman po?" kunot-noo na tanong niya sa matanda. "Gwapo at maputing lalaki, anak. Kaibigan mo raw. Caleb ang pangalan," masayang wika ni Tindeng sa kanya na agad na nagpakabog ng malakas sa dibdib niya. "H-Ho? B-Bakit siya nandito?" gulat na tanong niya. "Aba'y hindi ko alam. Harapin mo na siya doon. Lakad na," utos sa kanya ni Tindeng. At sa huli ay wala na nga siyang ibang nagawa pa kung 'di ang lumabas at harapin na nga lamang si Caleb. Mabilis at malakas ang pagkabog ng dibdib niya nang matanaw niya agad ang lalaki. Marahan siyang lumapit dito habang may seryosong tingin sa kanya ang lalaki. "A-Anong ginagawa mo dito? Paano mo nalaman ito?" nauutal na tanong niya kay Caleb. Na kanina lamang ay nami-miss niya at iniisip kung ano ang ginagawa ngayon. Heto at nasa harapan na niya ngayon. "Kay Michelle, pinuntahan ko siya at kinulit," sagot ni Caleb sa kanya. "G-Ganoon ba." "Bakit ka umalis ng hindi nagsasabi?" bigla ay mapait na tanong nito sa kanya. Nakita niya ang pagguhit ng sakit sa mga mata nito. Maging ang tinig nito ay nababahiran din ng sakit at pagkadismaya dahil sa kanya. "Huh? Uhm... a-ano kasi..." "Bakit ka umalis, Kyrielle? May nagawa ba ako? Akala ko ba okay tayo?" sunod-sunod na tanong ng lalaki sa kanya. "Hindi ko kayang tumira kasama ka. Isa pa, wala ka namang responsibilidad sa akin. Kaya hindi mo ako kailangan tulungan—" "Akala ko ba malinaw na sa'yo lahat? Na gusto kita. Hindi ba't sinabi ko naman sa'yo na hayaan mo akong alagaan at mahalin ka?" pagputol nito sa sinasabi niya. "Pero mali. Hindi ba't ayaw ni Arkysha na tumira ako sa inyo? Tama naman siya. Hindi mo ako lubusang kilala. Baka kung ano lang din ang ituro ko sa pamangkin mo—" Hindi niya na naman natapos ulit ang sinasabi niya dahil nabigla siya nang yakapin siya ng lalaki. Oo, niyakap niya ni Caleb! At dahil sa yakap na iyon, nagwala na naman ang puso niya. "Nagseselos ka ba kay Kysha?" marahan at malambing na tanong ni Caleb sa kanya habang yakap-yakap siya. "H-Huh?" Tila ba para siyang naestatwa at hindi niya malaman kung paano ba gagalaw. "Wala kang dapat na ipagselos sa kanya. Kaibigan ko lamang siya at wala akong ibang nararamdaman para sa kanya," pagpapaliwanag nito habang nakayakap sa kanya. At talagang hinahayaan niya lang naman na yakapin siya nito. Bakit pakiramdam niya ay unti-unti siyang rumurupok ng dahil sa lalaki? "H-Hindi naman ako nagseselos," nauutal na tugon niya. At sana ay mapaniwala niya ito. "Pinag-alala mo ako. Hindi mo alam kung gaano ako nag-alala nang mawala ka. Si Yana din hinahanap ka ng paulit-ulit sa akin." "S-Sorry," mahinang usal niya rito. Marahang inihiwalay ni Caleb ang sarili nito sa kanya. Saka siya mainam na tinitigan sa kanyang mga mata. "Huwag mo na ulit ako iiwan ng basta na lang. Okay?" bilin ni Caleb sa kanya na para bang isang malambot na bagay na paulit-ulit na humahaplos sa kanyang puso. Dahil doon ay marahan siyang tumango bilang pagtugon sa binata. "Mahal kita, Kyrielle," pagkuwan ay malambing na sabi pa nito sa kanya. Hindi niya malaman ang sasabihin niya pabalik sa lalaki. Gusto niyang sabihin na mahal na rin niya ito, pero wala pa siyang lakas ng loob para aminin iyon sa lalaki. Kaya naman, tanging ngiti na lamang ang nagawa niyang pagtugon dito. "Excuse muna sa inyo! Ija, kumain na ba 'yang bisita mo? Papasukin mo dito. Huwag kayo diyan sa dilim! Mga batang ito," narinig nilang tawag sa kanila ni Tindeng. Kapwa naman silang bahagyang natawa ni Caleb at sa huli ay isinama niya na nga ito sa loob ng bahay nina Tindeng. "Caleb, si Nanay Tindeng pala. Siya na 'yong kinikilala kong ina. Tapos, si Kikay naman. Kaibigan ko. Inay, Kikay, si Caleb po. Kaibigan ko," pagpapakilala niya sa mga ito. "Magandang gabi po sa inyo," magalang na bati ni Caleb kay Tindeng at kay Kikay. Nagmano pa si Caleb kay Tindeng at pagkatapos ay nakipag-shake hands naman ito kay Kikay. Ngiting-ngiti naman si Kikay saka siya makahulugang tinapunan ng tingin. "Ano ba ang sadya mo, Ijo at gabi na ay napadpad ka pa dito? Kumain ka na ba?" tanong ni Tindeng kay Caleb. "Uhm... hinahanap ko po kasi talaga si Kyrielle. Hindi pa nga po ako nakakakain dahil sa paghahanap ko po sa kanya," magalang na tugon ni Caleb. "O siya, dito ka na kumain ng hapunan." Nang gabi ngang iyon ay payak silang nagsalo-salo sa hapunan. Panay ang pagkukuwento at pagdaldal ni Kikay kay Caleb ng kung ano-ano. Tuwang-tuwa at aliw na aliw naman si Caleb sa mga kwento ni Kikay at ni Aling Tindeng. Nang mga sandaling iyon ay labis na kasiyahan ang naramdaman ni Kyrielle. Masaya siya na kasama ang mga taong mahal niya, isa na lang ang kulang—ang anak niya. Mas masaya siguro kung kapiling niya rin ito ngayon. Kasamang kumakain at tumatawa. Kailan nga ba niya makakasama ang kanyang anak? O may pagkakataon pa nga ba na makasama niyo ito? Pagkatapos nilang kumain ay nagpaalam na din si Caleb sa kanila. Kailangan na nitong umuwi para kay Yana. "Sure ka ba na ayaw mong sumama sa akin?" tanong ni Caleb kay Kyrielle. "Oo. Dito na muna ako kina Nanay," tugon naman ni Kyrielle. "Okay sige. Bukas babalik ako dito. Tamang-tama at linggo bukas. Isasama ko si Yana, at kung okay lang sa'yo ay sumama ka na rin sa amin na magsimba," nakangiting sabi ni Caleb sa kanya. "M-Magsimba?" utal niyang tanong kay Caleb. Hindi niya alam kung tama nga ba ang pagkakarinig niya dito. "Oo. Samahan mo kami ni Yana bukas na magsimba," malambing na hiling sa kanya ni Caleb. "Baka kasi samahan ko si Nanay Tindeng sa pamamalengke bukas," pagdadahilan niya dito. "Hindi naman kayo buong araw mamamalengke, hindi ba?" "H-Hindi nga." "So, sama ka na?" Sandali siyang natigilan at napakurap-kurap sa harapan ng binata. "Please?" pangungulit ni Caleb sa kanya. Napahigit siya ng malalim na paghinga. "Caleb, alam mo naman na hindi ako nagsisimba, hindi ba?" "Yes. Kaya nga sasamahan mo kami, para makasimba ka." "Alam mong ayaw ko," deretsyo niyang sabi dito. "Ayaw mo kahit alam mong kailangan mo," tugon nito sa kanya at bigla siyang parang natauhan sa sinabi nito. "Aalis na ako. See you tomorrow! Good night, my princess," malambing na paalam sa kanya ni Caleb saka ito sumakay sa sasakyan nito at tuluyan na ngang umalis. Naiwanan tuloy siyang nakatulala dahil sa mga huling sinabi nito sa kanya. All these years, lagi siyang nagmamatigas. Lagi niyang iniisip na hindi niya kailangan ang Diyos. Lagi niyang iniisip na kawawa siya at miserable ang buhay niya dahil iyon ang gusto ng Diyos para sa kanya. Pero 'yong totoo? Sobrang bigat ng nararamdaman niya. Oo, alam niyang kailangan niya ang Diyos pero ayaw niya. Ayaw niyang tanggapin ang katotohanan na kailangan niya talaga 'yong sinisisi niya sa lahat ng kamalasan na nangyayari sa buhay niya. Sa huli ay pumasok na siya sa bahay at nahiga na sa higaan na inihanda ni Aling Tindeng para sa kanya. Ipinikit niya ang mga mata niya at tuluyan na nga siyang hinila ng antok at pagod.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD