"Kyrielle! Kyrielle, gising na. Tanghali na, ano ka ba naman? Gising na bilisan mo."
Nagitla si Kyrielle dahil sa boses na kanyang naririnig kasabay ng mahihinang pagyugyog sa kanya. Marahan niyang iminulat ang kanyang mga mata at bumungad sa kanya ang kaibigan niyang si Kikay.
"Ano ka ba naman? May lakad ka pala ngayon, tapos tanghali ka na gigising," panenermon pa nito sa kanya. Agad na kumunot ang kanyang noo dahil sa tinuran ng babae sa kanya.
"Huh?" tanong niya rito.
"Kanina pa nasa labas sina Caleb, hinihintay ka!" tugon ni Kikay na siyang nagpadilat ng husto sa kanyang mga mata. Agad din siyang napabangon dahil doon.
"S-Si... Caleb?" gulat na tanong niya. Naalala niyang pilit siyang niyayaya nito na umalis ngayon at sumama sa kanila ni Yana upang magsimba.
"Oo. Nasa labas siya. May kasama siyang napakagandang bata. Pinag-aalmusal sila ni Aling Tindeng. Mag-ayos ka na friend!" tugon ni Kikay sa kanya.
Tumalon sa tuwa ang puso niya nang malaman na kasama ng binata ang batang si Yana. Para siyang na-excite lalo bigla na makita ang dalawa. Kaya naman, dali-dali siyang tumayo at nagtungo sa banyo upang maghilamos. Pagkatapos ay nagsuklay siya ng buhok niya saka siya humarap sa kanyang mga bisita.
"Ate pretty!" masayang tawag sa kanya ng batang si Yana.
"Yana," masayang usal niya.
Sinalubong siya ng mahigpit na yakap ng bata na siyang nagpasaya ng husto sa puso niya. Marahan siyang pumantay sa bata saka niya ito marahan din na inihiwalay sa kanya.
"Bagong gising lang ako, Yana. Amoy higaan pa ako," nakangiting awat niya sa yakap sa kanya ni Yana.
"It's okay, ate pretty. Na-miss po kasi kita," malambing nitong sabi sa kanya saka siya muling niyakap.
Napangiti siya ng matamis. "Na-miss din kita, Yana," tugon niya sa batang si Yana at niyakap niya din ito pabalik.
"Sasama ka po ba sa amin?" at pagkuwan ay magiliw na tanong ni Yana nang humiwalay ito sa kanya.
"Huh?"
"Magchu-church po kasi kami ni Tito Caleb today. Are you joining us?" muling tanong ni Yana sa kanya.
"Uhm... ano, k-kasi, Yana, ano eh—" Magdadahilan pa lang sana siya nang bigla naman magsalita si Aling Tindeng.
"Sumama ka na, Kyrielle. Huwag mo na tanggihan ang magandang bata na iyan," nakangiting pag-uudyok sa kanya ni Aling Tindeng na aliw na aliw kay Yana.
"Pero—"
"Sige na po please, sama ka na sa amin. Para po mas masaya po. Tatlo po tayo magsisimba," pakiusap ni Yana sa kanya na siyang parang humahaplos sa puso niya. Nakaramdam siya ng tuwa dahil pakiramdam niya ay may kakayahan siyang maging dahilan ng kasiyahan ng bata. Hindi niya magawang tumanggi pa rito. Kaya kahit na ayaw niya at labag sa loob niya, ay napatango na lamang siya dito ng wala sa sarili. "Yehey!" masayang sigaw ni Yana habang tumatalon-talon pa ito sa tuwa.
Napangiti naman siya nang makita kung gaano kasaya ngayon si Yana. Bagay na siyang nagbibigay rin ng kakaibang kasiyahan sa kanyang puso. Natutuwa siyang makita na masaya si Yana. Natutuwa siya na siya ang dahilan ng kasiyahan ng bata ngayon.
Sinulyapan niya si Caleb na noo'y nakatingin at nakangiti sa kanila.
"O siya, kumain na tayo ng almusal para makapaghanda na kayo sa pag-alis ninyo," masayang turan ni Aling Tindeng sa kanila.
At nagsalo-salo nga sila sa agahan nang oras at nang araw na iyon. Pagkatapos ay mabilis na nag-ayos na si Kyrielle ng kanyang sarili. Nang matapos naman siya ay tuwang-tuwa si Yana na nakahawak pa sa kanyang kamay.
"I'm so excited po. Lagi kasi kaming dalawa lang ni Tito Caleb ang nagsisimba every sunday. Ngayon po ay tatlo na tayo!" masayang turan ni Yana. Napapangiti na lamang siya dahil sa pagiging masayahin nito.
"Mauna na po kami," magalang na pagpapaalam ni Caleb kina Aling Tindeng at Kikay.
"Sige. Mag-ingat kayo huh," nakangiting sabi naman ng matanda sa kanila
"Beshie, enjoy ha," bilin naman sa kanya ni Kikay na siyang ikinatawa na lamang niya bago siya tuluyang sumakay sa sasakyan ni Caleb.
Matapos ang ilang minutong biyahe ay narating na nga nila ang simbahan na sinasabi ni Caleb. Kumabog ng malakas ang dibdib niya nang mga sandaling iyon. Parang bigla siyang pinagpawisan ng malamig at hindi niya alam kung bakit kabadong-kabado siya.
Ni minsan, sa buong buhay niya ay hindi niya pa nararanasan ang magsimba sa kahit na anong klase ng simbahan. Sa lahat ng sakit at pangit na nangyari sa buhay niya ay laging ang Diyos lang ang sinisisi niya. Pero ito siya ngayon, nasa tapat ng bahay sambahan Nito. Ito siya ngayon at sa unang pagkakataon ay papasok sa sinasabi ng marami na sagradong lugar—sagrado sapagkat nagtitipon ang lahat ng tao sa lugar na ito upang bigyan ng kapurihan ang Diyos na Siyang palagi niyang sinisisi sa lahat ng kamalasang nangyayari sa kanya. Siguro, mabait ang Diyos sa mga taong nandito kaya pinupuri Ito ng mga ito.
Naibsan ang panlalamig ng kamay niya nang hawakan ito ni Caleb. Bahagya pa siyang nagulat sa ginawa ng lalaki sa kanya. "I'm just here," nakangiting sabi nito sa kanya. Muli siyang nagulat nang hawakan naman ni Yana ang kabilang kamay niya. Ngumiti ito sa kanya at dahil sa ginawa nilang iyon ay naibsan ang labis na kabang nararamdaman niya.
Nagsimula na silang humakbang papasok sa loob ng simbahan.
"Hi, welcome to our dearest church," nakangiting bungad sa kanila ng babaeng nasa may pintuan ng simbahan. Iniabot nito ang kamay nito at tinanggap niya naman iyon saka siya nakipagkamay dito.
Ganoon din ang ginawa ng ilang mga tao na nandoon sa loob. Panay ang pagbati at pagngiti ng mga ito sa kanila.
Sa unahang bahagi naupo si Caleb, tumabi siya dito at sa kabila niya naman naupo si Yana. Malakas ang pagkabog ng dibdib niya dahil hindi niya alam kung ano ba ang mga ginagawa ng mga tao tuwing nagsisimba. Kaya naman panay ang paglinga-linga niya sa kapaligiran at ang pangangapa niya.
"Good morning everyone," bati ng isang magandang babae sa may stage. "Maaari bang batiin mo din ang inyong katabi? Sabihin natin na congrats at nagtagumpay ka."
"Congrats po, Ate Pretty," nakangiting bati sa kanya ni Yana.
"Congrats," ganoon din si Caleb sa kanya.
Hindi nakapagsalita si Kyrielle, bagkus ay nakatingin lamang siya sa mga ito. Hindi niya din kasi maintindihan ang sinasabi ng babaeng nasa entablado.
"Ayan. Lahat tayo na nandito ngayon ay mananagumpay. Amen po ba?" sigaw no'ng babae.
"Amen!" sabay-sabay na sigaw din naman ng mga tao.
"Habang ang ibang mga tao ay abala sa pamamasyal sa mga malls, sa pag-attend sa kung ano mang mga pagdiriwang, habang ang ibang mga tao ay abala sa kani-kanilang buhay, mapalad tayo dahil pinagtagumpayan natin na dumalo sa lugar na ito, upang bigyan ng papuri ang ating Diyos na buhay!" Hindi niya alam kung bakit, pero nang mga sandaling iyon ay parang bigla siyang nakaramdam ng pananabik. Pananabik na marinig pang muli ang mga susunod na sasabihin ng babae na nasa entablado. "Can we all stand and continue to praise the Lord?" sabi pa nito.
Nagsitayuan naman ang mga tao, ganoon din sina Caleb at ang batang si Yana. Tumayo din naman siya at patuloy na pinagmamasdan ang mga nasa paligid niya. Lahat ng tao na naroon ay nakangiti at masasaya na para bang walang problema na dinadala.
Bumaba 'yong babaeng nagsasalita sa stage, tapos may isang lalaki at babae ang umakyat sa stage. Nagsimula na din na tumugtog 'yong banda na nasa likuran ng mga ito.
"Hello mga kapatid. God is good, Amen?" sabi no'ng lalaki.
"Amen!" masayang sigaw ulit ng mga tao.
"Sa kabila ng mga problema na ating hinaharap, sa kabila ng pagsubok, sakit at pagluha, nananatili Siyang tapat sa Kanyang mga Salita."
Parang may kung anong humaplos sa puso niya nang mga sandaling iyon. Tiningnan niya ang mga taong naroroon, nakapikit ang mga ito at bumubulong-bulong. Ganoon din naman si Caleb. Si Yana naman ay nakatingin lang sa unahan. May ilang mga tao ang nagtataas ng kanilang mga kamay habang nakapikit. Hindi niya alam kung bakit iyon ginagawa ng mga ito.
"Kapatid, hindi madali ang buhay. But I assure you, gagaan ang buhay mo kung si Jesus ang kasama mo," sabi ulit no'ng lalaki. At narinig niya ang muling pagsang-ayon ng mga taong nandoon. Nakapikit ang mga ito at nagdadasal sa Diyos—sa Diyos na ni minsan ay hindi niya pinagkatiwalaan. "Ang pagmulat ng iyong mga mata sa bawat araw ay isang napakagandang regalo na mula sa Kanya. Isang regalo na magkaroon ka ng panibagong pag-asa at pagkakataon. Hindi tayo karapat-dapat sa biyaya Niya ngunit dahil sa mahal Niya ako at ikaw, ay pinagpapala Niya tayo!"
"Oh we worship You oh, Lord," awit no'ng babae. "Thank You, Jesus."
Biglang nag-init ang magkabilang sulok ng mga mata niya. Hindi niya maintindihan kung ano ba 'yong nararamdaman niya. Para kasing may kung anong gustong lumabas sa loob niya. Parang biglang gusto niyang makalaya sa bigat ng kanyang nararamdaman.
'Im forgiven because You were forsaken
Im accepted, You were condemned
Im alive and well
Your spirit is within me
Because You died and rose again..'
Bigla na lang nag-ulap ang paningin ni Kyrielle. Ayaw niya man sana pero ramdam niya ang patuloy na paghaplos ng mga naririnig niya sa puso niya.
'Im forgiven because You were forsaken
Im accepted, You were condemned
Im alive and well
Your spirit is within me
because You died and rose again'
Amazing love, how can it be?
That You, my king would die for me
Amazing love, I know its true
Its my joy to honor You
In all I do
I honor You..'
Pinilit niyang tibayan ang loob niya para sana hindi matuloy ang pagpatak ng mga luha niya. Pero bigo siya, umalpas ang isang butil ng luha sa kaliwang mata niya. Agad niya naman iyong patagong pinunasan.
Pagkatapos ng mga kantahan ay naupo na ulit sila tapos may ilan ulit na mga kabataan ang nagsalita sa unahan. Pagkatapos no'n ay nagsalita na 'yong sinasabi nilang pastor.
"The bible says in John 3:16, for God so loved the world that He gave His only begotten Son, that whoever believes in Him should not perish but have everlasting life. Look what it says here. For.God.so.loved.the.world!" Binigyan nito ng diin 'yong mga huli nitong sinabi. "Kung ang nag-iisa Niyang anak ay nagawa Niyang ibigay para sayo at sa akin, ano pa ba ang hindi kayang gawin ng Diyos para sa atin? Wala na! Mahal ka ng Diyos, pero dahil sa binubulag ka ng mundo, hindi natin nakikita kung gaano Niya tayo kamahal at pinahahalagahan. Alam niyo mga kapatid, hindi ginusto kailanman ng Diyos na maging miserable ang mga buhay natin. Mayroong mabuti at magandang plano ang Diyos para sa ating lahat, ang kailangan lang ay magtiwala at manampalataya tayo sa Kanya!"
"You okay?" bulong ni Caleb kay Kyrielle. Tumango lang naman siya sa lalaki. Kahit na ang totoo ay gusto niya ng lumabas sa lugar na iyon. Feeling niya kasi anytime, babagsak na talaga ang mga luha niya dahil sa mga naririnig niya.
At isang bagay 'yong sobrang tumatak sa kanya na sinabi no'ng pastor...
"Nakita ni Lord ang worst mo, pero mas nakita Niya ang worth mo."