"Ijo, maraming salamat sa paghatid sa amin," nakangiting pagpapasalamat ni Aling Tindeng kay Caleb.
"Wala po iyon," magalang na tugon naman ni Caleb sa Ginang.
Tatlong araw ang matulin na lumipas mula nang masaksak ni Murphy si Aling Tindeng, at sa wakas ay nakalabas na rin ito ngayon sa hospital. Humihilom na ang sugat nito at nakakabawi na rin ito sa lakas.
Hinatid ni Caleb sina Kyrielle pauwi sa kanilang tahanan. Ang gusto kasi ni Aling Tindeng ay doon na manatili si Kyrielle sa bahay nito sapagkat wala naman nang rason para umalis pa siya roon. Hindi na makapapayag pa ang Ginang na masaktan o matakot pa siyang muli ni Murphy. Masaya naman si Caleb para kay Kyrielle nang malaman nito ang kwento ng dalaga na si Aling Tindeng pala talaga ang tunay niyang ina.
Sa totoo lang, hindi madali para kay Kyrielle na kalimutan na lang ang lahat ng sama ng loob na mayroon siya. Pero noong mga oras na makita niya si Aling Tindeng na duguan at nakayakap sa kanya, doon parang biglang lumambot ang puso niya. Tila ba sa isang iglap, ang lahat ng galit na mayroon siya ay naglaho ng kusa.
Mula nang makilala niya si Aling Tindeng ay naging mabuti na itong tao at ina para sa kanya. Isa ito sa naging dahilan kung bakit pinilit niyang lumaban para mabuhay sa kamay ni Murphy. Maraming beses na siyang sumuko noon pero lagi nitong pinalalakas ang loob niya at binibigyan siya ng pag-asa na balang araw ay giginhawa din ang buhay niya at makakasama niya din ang anak niya.
At ang katotohanan na ito pala ang tunay niyang ina, somewhat makes her feel so happy. Nasaktan siya oo, kasi tinalikuran siya nito noon. Iniwan siya nito sa mga walang pusong tao na siyang nagpahirap sa kanya at nagbigay ng impyernong buhay sa kanya. Pero sa kabilang banda ay nauunawaan naman niya kung bakit nagawa iyon ng Ginang.
Bunga siya ng pananamantala sa Ginang at hindi din tanggap ng kasintahan nito noon ang pagbubuntis nito sa kanya.
Sa totoo lang, lately ay napapaisip siya sa naging sitwasyon noon ng kanyang ina. At naisip niya na halos pareho pala sila. Nagkaanak dahil sa pananamantala sa kanila at may rason kung bakit pinili nila na malayo sa kanilang anak. Pero hindi ibig sabihin no'n ay hindi na nila mahal ang mga anak nila. Naniniwala siya na katulad niya ay mahal na mahal at labis na nangulila rin si Aling Tindeng ng mawalay siya dito. Pero wala itong choice, dahil tulad niya ay ginawa nito lamang ang lahat ng iyon dahil sa pagmamahal nito sa kanya.
"Ang mabuti pa ay dito ka na maghapunan," yaya ni Aling Tindeng kay Caleb.
"Gusto ko nga po sana, kaso lang ay kailangan ko na din pong umuwi. Wala kasing naiwan kay Yana," magalang na tugon ng binata sa Ginang.
"Nay, hayaan na po natin na umuwi si Caleb para makapagpahinga na rin po siya. Sa ibang araw na lang po natin siya imbitahan kasama si Yana," saad naman ni Kyrielle sa kanyang ina.
"Ay sige. Sa bagay at kawawa naman ang magandang bata na iyon. Talagang ikaw na ang nagpalaki sa kanya? Wala ka bang balita sa mga magulang niya?" tanong pa ng Ginang kay Caleb.
Nakamasid lamang si Kyrielle kay Caleb at naghihintay ng sagot nito. Nasaan nga kaya ang mga tunay na magulang ni Yana?
"Hindi ko po talaga kilala ang kanyang mga magulang. Pero kung dumating man po ang araw na kunin na siya sa akin, wala naman po akong magagawa kung hindi ang ibigay siya sa mga tunay na nagmamay-ari sa kanya," tugon ni Caleb sa Ginang.
"Napakaswerteng bata ni Yana at sa'yo siya napunta," nakangiting wika ng Ginang sa gwapong binata na si Caleb.
Tama ang Ginang. Mapalad si Yana dahil ang katulad ni Caleb ang nag-aruga at nagmahal dito. Dahil doon ay lihim siyang napahiling na sana ay katulad din ni Caleb ang nag-aalaga sa anak niya ngayon. Na sana ay nasa mabuting kalagayan din ang anak niya. Na sana ay nakatatanggap rin ito ng pagmamahal kahit na hindi ito totoong kadugo ng mga kumupkop dito.
Bilang isang ina, nais na gawin ni Kyrielle ang lahat ng makakaya niyang gawin para sa sariling niyang anak. Kaya naman sa huling pagkakataon, itataya niya ang sarili niya para sa anak niyang matagal nang nawalay sa kanya.
Sa huli ay nagpaalam na si Caleb kay Aling Tindeng at kay Kikay, tapos ay sinamahan ito ni Kyrielle palabas ng gate, papunta sa sasakyan ng binata.
"Thank you for this day," nakangiti at malambing na wika ni Caleb sa kanya.
"Ako ang dapat na magpasalamat sa'yo. Salamat sa lahat-lahat," nakangiting tugon niya sa binata.
Inabot ni Caleb ang mga kamay niya at mahigpit at masuyo iyon na hinawakan. At pagkuwan ay mainam itong tumingin sa mga mata niya at ramdam na ramdam niya ang malakas na pagtibok ng puso niya dahil sa maiinit na kamay ng binata na nakahawak sa mga kamay niya ngayon. At dahil na rin sa mga titig nito sa kanya na para bang siya lamang ang tanging nakikitang mahalaga ng mga mata nito.
"Alam ko ang nasa isip mo. Nami-miss mo ang anak mo, right?" tanong ng binata sa kanya.
"Gustong-gusto ko na siyang makita at makasama," marahan at malungkot na tugon naman niya sa binata.
"Don't worry. Ipinahahanap ko na siya at sinisiguro ko sa'yo na malapit mo na siyang makasama," nakangiti nitong sabi at tila ba pinakakampante ang loob niya.
Ngumiti siya pabalik dito at hindi niya napigilan pa ang kanyang sarili na yakapin ang binata. Oo. Niyakap niya si Caleb habang pigil-pigil niya ang mga luhang nagbabantang tumulo mula sa kanyang mga mata.
"H-Hey—" tila ay nagulat ang binata sa ginawa niya.
"Thank you, Caleb. Salamat dahil nakilala kita. Salamat dahil dumating ka sa buhay ko," taos-pusong pasasalamat niya sa lalaking tanging nagbigay at nagpadama sa kanya ng pagmamahal at kahalagahan. Naramdaman niya ang malalim na paghinga nito sa may batok niya. Tapos hinimas nito ang likod niya. Niyakap siya nitong pabalik na siyang nagpakilig sa puso niya. "Masaya ako na nakilala kita, Caleb. Hinding-hindi ko makakalimutan ang lahat ng ginawa at ginagawa mo para sa akin," wika niya habang nakayakap pa rin sa lalaki.
"Bakit ganyan ang mga sinasabi mo?" pagtatakang tanong ng lalaki sa kanya.
"Masaya lang ako. Sobrang saya ko dahil nakilala kita. At sa unang pagkakataon sa buhay ko, ngayon lang ako magpapasalamat sa Diyos. Salamat sa Kanya dahil mayroong ikaw na dumating sa buhay ko," saad niya. Hindi niya na napigilan pa ang sarili at tinakasan na nga siya ng maliliit na butil ng luha.
Marahan siyang inihiwalay ni Caleb sa sarili saka masuring tiningnan. Labis ang pagtataka nito dahil sa mga sinabi niya. "Kyrielle..." punong-puno ng sinseridad ang tinig nito. Marahan nitong pinahid ang mga luha niya saka muling nagsalita. "Mangako ka sa akin na hindi mo ako iiwan."
"Huh?"
"Sa pananalita mo kasi ay parang iiwan mo ako. Masaya ako na nagiging thankful ka sa Lord, pero nababahala ako. Para kasing—anytime iiwanan mo ako," saad ng binata sa kanya. Parang may kung ano namang tumusok sa dibdib niya dahil doon. Kinagat niya ang ibabang labi niya at pilit na pinipigilan ang halo-halong emosyon na nararamdaman niya ngayon.
"Kung mawawala man ako, tandaan mo na hindi ko 'yon gusto," tumawa siya ng marahan sa binata pagkasabi niya no'n.
"Hindi nakakatawa, Kyrielle," seryosong sabi naman sa kanya ni Caleb habang may seryosong tingin sa kanya.
"Hay, ano ka ba?" prente niyang tanong sabay tapik ng mahina sa balikat nito. "Nagbibiro lang naman ako, huwag ka ngang seryoso diyan." Tumawa ulit siya.
"Hindi magandang biro," seryoso pa rin na sabi ni Caleb sa kanya.
"Hay. Ang seryoso talaga." Nanatili lamang ang seryosong tingin ni Caleb sa kanya. Tila ba ay binabasa nito ang kanyang isip. Napalunok siya saka muling nagsalita, "O siya sige na. Lumalalim na ang gabi. Umuwi ka na nang makapagpahinga ka—" Hindi niya natapos ang sinasabi niya dahil bigla siya nitong niyakap.
"I love you," bulong nito sa kanya habang nakayakap.
Gusto niya sana itong sagutin. Gusto niya sanang sabihin na mahal niya na rin ito pero natatakot siya. Natatakot siya na masaktan ito. Lalo pa at buo na ang desisyon niya na—sumama kay Murphy kapalit ang anak niya.
Nakipagpalitan ng mensahe si Murphy sa kanya sa cellphone. Inalok siya nito na ibibigay na nito ang anak niya, kapalit ay ang pagsama niya dito.
Alam ni Kikay ang lahat ng ito. Nangako sa kanya si Murphy na hahayaan na nito ang anak nila basta ay sumama lamang siya dito. Ibinilin niya kay Kikay na ito na ang bahala sa anak niya kapag nakuha niya na ito kay Murphy at ito na din ang bahalang magpaliwanag sa kanyang Ina.
Mas mapapanatag ang loob niya kung ang sarili niyang ina ang mag-aalaga sa anak niya. Kahit ang kapalit nito ay ang habang buhay niyang pamumuhay sa piling ni Murphy ay ayos lang. Basta maayos lang ang anak niya. Lahat ay gagawin niya para sa kanyang anak. Nakatitiyak siyang hinding-hindi ito pababayaan ng kanyang Ina at ng kanyang kaibigan na si Kikay.
Bagama’t hindi sang-ayon sa plano niya si Kikay ay wala din naman itong nagawa para pigilan siya sa desisyon niya. Para dito ay mas makabubuti daw kung sasabihin na lang nila ito sa mga pulis at sa kanyang Ina na si Tindeng. Bagay na hindi niya magawa. Dahil natatakot siyang mapahamak ang kanyang anak.
At si Caleb? Mas mabuti na siguro kung hahayaan niya itong mabuhay at mapunta kay Arkysha. Mas nararapat ito sa pag-ibig nito kumpara sa kanya. Sa madaling salita ay suko na siya. Tinatanggap na niya na habang buhay siyang talunan. Tinatanggap na niya na ito ang masaklap na kapalaran niya.
Pagod na siyang sisihin pa ang Diyos. Pagod na siyang magalit pa sa Diyos dahil nakita niya na may mga bagay rin pala siya na dapat niyang ipagpasalamat mula Dito. Na sa kabila ng maraming kapintasan niya, heto at may mga tao paring nagmamahal sa kanya at tanggap siya ng buo. Hindi niya alam kung ano ang plano ng Diyos o kung ano ang dahilan kung bakit ganito ang mga nararanasan niya. Hindi niya alam at pagod na siyang sisihin ang Diyos at paulit-ulit na magalit Dito.
Bakit?
Kasi dahil sa pagmamahal na ibinibigay sa kanya ni Caleb, napagtanto niya na dapat niyang ipagpasalamat iyon sa Diyos, dahil ipinahintulot Nito na makilala niya si Caleb. Dahil ipinahintulot Nito na dumating sa buhay niya si Caleb.
Humiwalay siya sa yakap ni Caleb pagkatapos ay mabilis niyang inilapat ang mga labi niya sa mga labi nito. Nagulat ito sa ginawa niya pero nakaramdam ng saya ang puso niya. Nanatili ang mga titig sa kanya ni Caleb at para ba siyang nalulunod sa mga titig nito sa kanya. Tila ba ay may malalim itong iniisip at labis ang pagpipigil nito sa sarili.
Maya-maya pa ay narinig niya ang malalim na pagbuntong-hininga nito bago ito nagsalita. "Huwag mo nang uulitin, Kyrielle," tila banta nito sa kanya.
"Huh?" gulat naman niyang tanong sa binata.
"Sa pangatlong beses na hahalikan mo ako, nasa simbahan na tayo at nasa harap ng pastor na magkakasal sa atin," seryoso at malambing na sabi nito sa kanya.
"Kailan naman kaya 'yon mangyayari?" pagkuwan ay natatawang tanong na lamang niya sa binata.
Ayaw niyang umasa sa sinabing iyon ni Caleb. Lalo pa ngayon sa sitwasyon niya. Kaya sana lang ay mapatawad siya ng binata sa gagawin niyang pagsama kay Murphy. Sana ay matagpuan ng binata ang babaeng para talaga dito.
"Gusto mo ay bukas na?" paghahamon ni Caleb sa kanya.
Sana nga. Sana nga ay pwede niyang pakasalan ang binata bukas. Sana nga pwede niyang piliin ang happy ending, kung saan ay makakasama niya ito habang-buhay. Kaso hindi, hindi niya makakayang piliin ang sarili niyang kaligayahan kapalit ng kaligtasan ng kanyang anak. Hindi niya kayang piliin ang lalaking minamahal niya.
Masakit man ngunit iyon ang totoo. At sana ay mapatawad siya nito.
"Umuwi ka na nga. Kung ano-ano na 'yang mga sinasabi mo eh," nakangiting sabi niya na lamang sa binata kahit na ang totoo ay gusto niyang maiyak.
Alam kasi niya na kapag umalis na ito ngayon ay hinding-hindi niya na ito muling makikita pa. At ang isipin na iyon ang patuloy na dumudurog sa puso niya.