"P*t*ng *n* mo!" tungayaw ni Murphy kay Kyrielle at muli ay inabot siya nito at sinampal. Naramdaman ni Kyrielle ang paghapdi ng kanyang kaliwang pisngi at nalasahan niya ang sarili niyang dugo mula sa kanyang ibabang labi. "Ipapakita ko sa'yo kung saan ka nababagay! Ipapakita ko sa'yo kung ano ka lang!" galit na sigaw ni Murphy sa kanya.
Muli siyang inihagis ni Murphy sa kama. Pilit siyang tumayo ngunit halos mawalan siya ng ulirat nang suntukin siya nito sa kanyang sikmura. Halos dumoble ang paningin niya sa sobrang pagkahilo nang sikmuraan siya ni Murphy. Namimilipit siya sa sakit at parang gusto niya na lang na mawalan ng malay. Panay ang pagmumura nito sa kanya na halos hindi niya na din maintindihan pa. Ang sumunod na pangyayari ay naramdaman niya na lang ito na nakadagan sa kanya.
Marahas nitong hinakawan ang magkabilang palapulsuhan niya at pilit na itinataas ito papunta sa kanyang ulohan.
"B-Bitawan mo ako!" Gusto niyang sumigaw pero tila ba napaos siya at wala siyang mapagkuhanan ng lakas para makapagsalita ng maayos.
"Ipapaalala ko sa'yo kung anong klaseng babae ka lang, Kyrielle!" sigaw ni Muprhy sa kanya. Pilit niyang nilalabanan at itinutulak si Murphy palayo sa kanya ngunit bigo siya. Hinang-hina ang buong katawan niya dahil na rin sa ilang ulit na pananakit nito sa kanya. "Huwag mo akong artehan! Hindi ba't sarap na sarap ka kapag ginagawa natin 'to?!" mapanuyang sigaw sa kanya ni Murphy.
Pagkasabi nito no'n ay naramdaman niya na lang ang mga labi nito sa kanyang leeg. Bigla siyang nakaramdam ng matinding pandidiri sa ginagawa nito sa kanya.
"Huwag please! Bitiwan mo ako!" pagsisisigaw niya. Sa wakas ay nakasigaw na rin siya. Buong lakas niyang itinulak ang lalaki pero bahagya lamang ang dating no'n dito.
"Hayop ka talaga!" tungayaw nitong muli sa kanya at sa inis nito ay muli siya nitong sinampal.
Awang-awa na siya sa kanyang sarili dahil sa karahasan na ginagawa ng lalaki sa kanya. Gusto niyang humingi ng tulong ngunit hindi niya alam kung may makakatulong pa ba sa kanya sa sitwasyon niya ngayon. Wala siyang ibang magawa kung 'di ang umiyak at magmakaawa na lamang sa demonyong lalaki na nasa harapan niya.
Bakit niya nga ba ito kailangan paulit-ulit na maranasan? Hindi pa ba sapat ang mga sakit at hirap na dinanas niya noon? Kulang pa ba ang lahat ng iyon? Bakit ganito kalupit at kasama sa kanya ang kapalaran?
Walang pag-iingat na hinila at pinunit ni Murphy ang suot niyang damit. Kahit anong pigil niya sa ginagawa nito sa kanya ay wala siyang laban.
"M-Maawa ka please!" iyak niya habang pilit na tinatakpan ang halos hubad na niyang katawan.
Pilit namang inaalis ng lalaki ang mga kamay niya sa pagtatakip niya ng kanyang sarili. Ibinaba nito ang strap ng bra niya pagkatapos ay hinalikan siya nitong muli sa leeg papunta sa kanyang balikat. "Sinabi ko naman sa'yo na akin ka lang," bulong nito sa kanyang tainga. "Magaling ba ang lalaki mo? Pwes, mas gagalingan ko ngayon. Sisiguraduhin kong hahanapin-hanapin mo 'tong sa akin," nakangising sabi ng lalaki sa kanya.
Mas lalo pang hinila ni Murphy pababa ang strap ng bra niya, dahilan para tuluyang mahubaran siya.
"Huwag!" iyak niya. Pagmamakaawa niya. Sigaw niya.
"Hayop ka! Bitiwan mo ang anak ko!"
Isang malakas na ingay ang narinig niya bago niya marinig ang pamilyar na boses na iyon. Bumagsak si Murphy sa sahig mula sa kama habang hawak-hawak ang kanyang ulo at iniinda ito.
Bumungad sa harapan niya si Aling Tindeng na may hawak na kahoy. Napahagulgol siyang lalo nang makita niya ang Ginang. Para ba siyang nakakita ng kakampi at pag-asa.
"Diyos ko! Anak!" iyak ng Ginang sabay bitiw sa hawak nitong panghataw at lapit sa kanya. Tinulungan siya ng Ginang na makabangon, pagkatapos ay inayos nito ang sira niyang damit upang matakpan ang katawan niyang halos hubad na. Pinahid nito ang mga luha niya at niyakap siya ng mahigpit. "Patawarin mo ako, Anak ko," umiiyak na sabi ng Ginang sa kanya.
Sa unang pagkakataon. Napunan ang pangungulila sa puso niya sa kanyang ina. Sa kanyang tunay na ina. Lalong naglandas ang mga luha niya at labis na nakaramdam ng ginhawa ang puso niya dahil sa mahigpit na yakap na iginawad ng Ginang sa kanya.
"Bwisit kang matanda ka!" sigaw ni Murphy at akmang susugod sa kanila.
Mabilis siyang itinayo ni Aling Tindeng at naitago sa likuran nito. Pinaghahampas ng Ginang si Murphy gamit ang sariling mga kamay nito. Sinalag-salag lang naman iyon ni Murphy at panay ang pagmumura sa kanilang dalawa.
"Anak, tumakas ka na. Bilisan mo lumabas ka na!" utos sa kanya ni Aling Tindeng habang nakikipaglaban kay Murphy.
"H-Hindi ako aalis ng hindi ka kasama," takot na tugon niya sa kanyang tunay na ina.
Lumingon siya sa paligid at sakto na may nakita siyang walis tambo. Kinuha niya iyon at pinaghahampas niya si Murphy gamit 'yon. Nang mapuruhan niya ito ay agad itong bumagsak sa sahig. Binitiwan niya ang hawak niyang tambo at mabilis silang lumabas ng kwarto ng kanyang tunay na ina, pero nabigla siya sa sumunod na pangyayari. Hindi niya iyon napaghandaan at hindi niya iyon inasahan.
Hinila ni Murphy ang buhok niya at nang mapaharap siya sa lalaki ay nakita niya ang kutsilyong hawak na nito na itatama nito sa kanyang dibdib. Pero sa halip na siya ang makatanggap no'n ay mabilis na hinarang ni Aling Tindeng ang kanyang sarili, dahilan para ito ang makatanggap ng saksak.
Halos tumigil ang mundo niya nang makita niya ang duguan nitong dibdib. Maging si Murphy ay nagulat din sa nagawa nito.
"A-Anak, t-takbo na," mahinang wika ng kanyang ina sa kanya. Napailing siya at muli na naman na bumuhos ang kanyang mga luha.
"Kyrielle–" tawag ni Kikay papasok ng bahay. "Oh my gosh!" gulat nitong bulalas nang makitang duguan ang Ginang. "T-Tulong! Tulong!" malakas na sigaw niya at paghingi ng tulong sa mga kapitbahay.
Mabilis na tumakbo si Murphy palabas ng bahay at naiwan silang tatlo doon. Bumagsak si Aling Tindeng at agad niya iyong sinalo. "N-Nay!" iyak niya.
Walang tigil ang paglabas ng mga dugo sa sugat ng kanyang ina. Maya-maya pa ay may dumating ng mga tao upang tulungan sila. Hawak niya ng mahigpit ang mga kamay ni Aling Tindeng habang taimtim niyang hinihiling, na sana ay maging okay ang kanyang ina. Hindi niya yata kakayanin kapag nawala ito sa kanya. Galit siya sa ginawa nitong pagpapaampon sa kanya, ngunit mahal niya ang Ginang. Ayaw niyang mawala ito ng tuluyan sa kanya. Hindi niya kakayanin!
Kaya pala una pa lang ay magaan na ang loob niya sa Ginang. Kaya pala una pa lang, naramdaman niya na ang pagiging ina nito sa kanya. Dahil ito ang tunay niyang ina. Ito ang nagluwal sa kanya. At hindi niya kakayanin na may mangyaring masama sa kanyang ina.
***
"MAGPAHINGA ka na muna, ako na muna ang bahala dito," saad ni Kikay kay Kyrielle.
Agad naman na umiling lamang ang dalaga sa kaibigan. Ayos lang siya at nais niya na siya ang magbantay sa kanyang ina. "S-Sorry," muli ay sabi pa ng kaibigan niya sa kanya. Nilingon niya ito at nakita niya ang mga luhang nagbabantang tumulo mula sa mga mata nito.
"Bakit ka humihingi ng tawad?" marahan na tanong niya kay Kikay.
"Nahuli kasi ako ng dating. Ang bilis naman kasi ni Aling Tindeng tumakbo. Pinagtanong-tanong kasi namin kung may nakakita ba sa'yo tapos sabi nila kasama mo daw si Murphy. No'ng malaman 'yon ni Aling Tindeng, mabilis na siyang tumakbo at iniwan ako. Kaya nahuli ako. Kung mas binilisan ko lang sana ang pagdating, hindi 'to mangyayari sa kanya—"
"Wala kang kasalanan," putol niya kay Kikay sabay hawak sa mga kamay nito.
Kasulukuyan silang nasa hospital kung saan nila dinala si Aling Tindeng. Nagamot na rin naman ito ng Doktor at ngayon ay nagpapahinga na dito sa isang kwarto. Mabuti na lang daw at mababaw lamang ang sugat na natamo nito. Wala naman daw dapat na ipag-alala pa sabi ng Doktor.
Nakapagpalit na rin siya ng damit na binigay ni Kikay sa kanya kanina. Nag-report rin sila sa mga pulis dahil sa nangyari. At sa ngayon ay hinahanap na ng mga pulis si Murphy.
"Ano na ang plano mo ngayon?" tanong sa kanya ni Kikay. "Hindi ba't ang sabi mo, ayaw mong isumbong sa mga pulis si Murphy dahil baka mapahamak ang anak mo?"
"Pero hind ko palalagpasin ang ginawa niya sa Nanay ko. At kung hawak man niya ang anak ko, alam kong gagamitin niya 'yon na pang blackmail sa akin. At sisiguraduhin ko na maililigtas ko ang anak ko. Hindi na ako makakapayag pa na saktan niya ang mga taong mahal ko," matigas na tugon niya. Buo na ang desisyon niya na labanan si Murphy hanggang sa makakaya niya. Wala na siyang pakialam pa kahit buhay niya ang maging kapalit no'n. Basta sisiguraduhin niyang maililigtas niya ang buhay ng kanyang anak.
"Ibig mong sabihin, kaya mo ginigipit si Murphy para ilabas niya ang anak ninyo?" tanong ulit ni Kikay sa kanya.
"Anak ko lang," tugon niya. "At oo tama ka. Ito na lang ang nakikita kong paraan para ilabas niya ang anak ko."
"Hindi ba’t parang ang delikado naman nyan?"
"Wala na akong ibang choice."
Naputol ang usapan nila ng kaibigan niya nang biglang dumating si Caleb.
"Kyrielle!"
Napako lamang ang mga tingin niya sa binata. Labis na pag-aalala ang bungad ng mukha nito sa kanya. Pawisan ito na tila ba galing sa mahabang pagtakbo.
Caleb. Na-miss ko siya.
Lumapit ang lalaki sa kanya at tumayo siya upang salubungin sana ito pero mabilis siya nitong hinagkan ng mahigpit.
"Oops! Maiwan ko na muna kayo," ani Kikay sabay labas ng silid.
"I'm so sorry, Kyrielle. Sorry kung wala ako sa tabi mo. I'm so sorry," nanginginig na wika ng lalaki habang nakayakap pa rin sa kanya.
May kung anong humaplos sa puso niya nang marinig niya ang boses nito na punong-puno ng pag-aalala. Ang sarap-sarap pala talaga sa pakiramdam ng may taong nag-aalala para sa'yo. Niyakap niya ito pabalik at hinimas ang likod nito.
"Okay lang ako," payak na tugon niya sa lalaki.
Mas lalo nitong hinigpitan ang mga yakap nito sa kanya. Tila ba sising-sisi ito na wala ito sa tabi niya nang mga oras na 'yon. At sobrang nagpapasalamat siya sa mga oras na 'to na muli ay kasama niya na ito. Ang buong akala niya kanina ay hindi niya na ito muling makikita pa at makakasama.
"Wala man lang akong nagawa. Kung hindi pa ako tawagan ni Kikay ay hindi ko malalaman na napahamak ka na pala. I'm so sorry," mangiyak-ngiyak na sabi ng binata sa kanya.
"Ano ka ba? Ayos lang ako," nakangiting tugon niya.
"Natakot ako." Nanginginig pa din ang boses nito. "Sobrang natakot ako."
"Ako rin," usal niya. May tumakas na luha mula sa kanang mata niya. "Natakot rin ako na baka may mangyari sa akin tapos hindi ko na makita ang anak ko. Natakot ako kasi... baka hindi na rin kita makita." Pagkasabi niya no'n ay maingat na inihiwalay na bahagya ni Caleb ang sarili sa kanya at mainam siyang pinagmasdan. "Akala ko hindi na kita makikita. A-Akala ko... mamamatay ako ng hindi ko man lang nasasabi sa'yo na... na sobrang saya ko mula nang makilala kita," saad niya sa lalaki. Pinahid ni Caleb ang mga luhang isa-isang naglalandas mula sa kanyang mga mata.
"Kyrielle, I love you."
"Thank you for loving me, Caleb."
At muli ay hinagkan nila ang isa't-isa.