Kabanata 17

1978 Words
"Mukhang maganda ang gising natin ngayon ah," nakangising bungad ni Kikay kay Kyrielle. Saka niya namalayan na nakangiti pala siya habang nag-aayos at nagliligpit ng hinigaan nila. "Kumusta? Bakit ginabi na kayo ng uwi kagabi? Kayo huh!" panunukso pa ni Kikay sa kanya. "Alam mo kung ano man 'yang iniisip mo, mali 'yan. Tigilan mo nga ako," natatawa niyang sabi dito. "Asus. Halata naman kasi talaga, Anak, na iba ang awra mo ngayon. Kahit walang makeup ang mukha mo, lalong kumikinang ang kagandahan mo," sabat naman sa kanila ni Aling Tindeng na nakikinig pala sa usapan nila ni Kikay. "Nay, maganda naman po kasi talaga ako," mayabang na tugon niya. "Pero 'yang mga ngiti mong 'yan, ngayon ko lang nakita. Sa wari ko ay may nagpapatibok na ng iyong puso," sabi ng Ginang sa kanya. "Naks! Ang lalim naman ho no'n Aling Tindeng," saad naman ni Kikay. Naputol ang tawanan at kwentuhan nilang tatlo, nang may marinig silang mga maliliit na katok mula sa gate. Masyado pa kasi maaga kaya hindi pa nagbubukas ng karenderya si Aling Tindeng. "Ako na po ang titingin," boluntaryo niya. "Asus! Excited! Baka kasi si Pogi 'yan," pang-aasar pa ni Kikay sa kanya na siyang tinawanan na lamang niya saka siya nagtungo sa labas. Ang kaninang matatamis na ngiti sa mga labi niya ay kaagad na nawala nang makita niya kung sino ang taong nasa harapan niya ngayon. Agad na nag-ulap ang paningin niya at nanikip ang kanyang dibdib. Sa lahat ng tao, ito 'yong hindi niya inaasahan na makikita niya. Sana hindi na lang 'to totoo. Sana hindi totoo na nasa harapan niya ngayon ang taong matagal niya nang ibinaon sa limot. Ang taong ni minsan ay hindi niya pinangarap na makita pang muli. Ang taong labis niyang kinamumuhian. "K-Kyrielle?" bigkas nito sa kanyang pangalan. Naramdaman niya ang mabilis na pagtakas ng mga butil ng luha niya sa kanyang mga mata. "I-Ikaw nga. Kyrielle, Anak!" Galit. Hindi siya makahinga dahil sa galit na nararamdaman niyang unti-unting bumabalot sa puso niya ngayon. Anong karapatan nitong tawagin siyang anak? Kailan ba ito naging isang ina para sa kanya? "Anak, kamusta ka na?" tanong nito sabay pagtangka na hawak sa kanya. Agad siyang lumayo mula dito. Nangingitim ang paligid ng mga mata nito. Labis din ang ikinapayat nito, dahilan para maging lubog ang magkabilang pisngi nito. Bitbit nito ang isang malaking bag, habang marumi ang mga kasuotan at sira ang mga panyapak. Malayong-malayo ang itsura nito ngayon sa itsura nito noon. "Anak," muling sambit ng babae sa kanyang harapan. Nakita ni Kyrielle ang pangingilid ng mga luha ng babae. Ano ito? Naiiyak ito dahil nagkita silang ulit? Napaka-plastik! "Huwag mo akong tawaging anak dahil hindi bagay sa'yo," matigas niyang sabi habang patuloy sa pagpatak ang mga luha niya. Humakbang ito papalapit sa kanya at muling nagtangka na hawakan siya, pero mabilis ulit siyang umiwas at lumayo mula dito. "Alam kong malaki ang galit mo sa akin. Patawarin mo ako kung hindi ako naging mabuting ina sa'yo. Patawarin mo ako sa lahat ng naging pagkukulang ko," umiiyak nitong sabi sa kanyang harapan. Nakaramdam ng matinding pagkirot ang puso niya. Nasa harapan niya ngayon ang taong dapat ay kauna-unahang magpoprotekta sa kanya, pero hindi gano'n ang ginawa nito. Binalewala siya nito at pinabayaan. "Hinanap mo talaga ako para humingi ng tawad?" tanong niya sa babae. "Kyrielle, matagal kitang hinanap. Mula nang mamatay ang iyong ama ay hinanap kita. Hindi ko alam na dito lang pala kita matatagpuan." "Wala na siya?" mapait na tanong niya. Walang tigil sa pagpatak ang mga luha niya. "Talaga bang... w-wala na siya?" Napahikbi siya. "Wala na siya? Paano siya namatay?" Ang sama niya ba kung hindi man lang siya nalungkot sa balitang patay na ang kanyang ama? Pero iyon ang totoong nararamdaman niya. Hindi siya nakaramdam ng lungkot kahit na kaunti para dito. "Nabaril siya ng mga pulis dahil sa paglaban niya dahil sa droga." "Anak, sino 'yang tao diyan?" tanong ni Aling Tindeng sa kanya habang ang mga yabag ay papalapit sa kanya. "Sino ba 'yang dumating—" Ngunit natigilan ito nang makita ang taong nasa harap niya. "M-Medelin?" "Tindeng." Magkakilala sila? Nagpalipat-lipat ang mga tingin niya kay Aling Tindeng at sa kanyang ina. Bakit magkakilala ang mga ito? "Magkakilala kayo?" nagtatakang tanong niya sa mga ito. "A-Anong ginagawa mo dito?" tanong ni Aling Tindeng sa kanyang ina. "B-Bakit n’yo ho siya kilala? Bakit n’yo kilala ang nanay ko?" tanong niya kay Aling Tindeng. "Siya ang iyong ina?" gulat na tanong din naman ni Aling Tindeng sa kanya. Marahan siyang tumango sa Ginang bilang pagtugon. Natutop ni Aling Tindeng ang kanyang bibig at para bang gulat na gulat ito sa mga nalaman. "B-Bakit ho? Bakit kayo magkakilala?" muli ay tanong ni Kyrielle sa Ginang. "Diyos ko!" nasambit ni Aling Tindeng na siyang nagpakabog sa dibdib niya. "Medelin, siya ba?" at pagkuwan ay tanong ni Aling Tindeng sa kanyang ina, habang ang mga mata ay nakatutok lamang sa kanya. "Oo, siya nga. Siya ang anak mo," sagot ng kanyang ina kay Aling Tindeng na siyang nagpagulo ng mundo niya. Hindi niya maunawaan ang mga sinabi ng kanyang ina kay Aling Tindeng. Napahagulgol si Aling Tindeng habang mariin na napapikit. "A-Anong sinasabi niyo?" naguguluhan niyang tanong sa dalawang Ginang na nasa harapan niya. "Kyrielle, Anak, makinig ka." Hinarap siya ng kanyang ina. "Panahon na siguro para malaman mo ang totoo. Hindi ko alam kung bakit o kung paano na magkasama kayong dalawa. Siguro ay tadhana na ang nagdala sa iyo sa kanya. Pero, Anak, siya... siya ang iyong tunay na ina." Nagpatuloy sa paglandas ang mga luha niya. Nanghina ang mga tuhod niya. Hindi mag-sink in sa kanya ang mga sinasabi ng kanyang ina sa kanya. "Si Nanay Tindeng… ang tunay kong ina? B-Bakit? P-Paano nangyari?" "Patawarin mo ako, Kyrielle. Patawarin mo ako, Anak ko!" hagulgol ni Aling Tindeng sa kanya. Hinawakan niya sa magkabilang braso si Tindeng. "Nay, h-hindi ko ho maintindihan. Paanong ikaw ang tunay kong ina?" Naramdaman niya ang pagdating ni Kikay na may pag-aalala at pagtataka sa kung ano man ang nangyayari ngayon sa kanila. "Bakit kayo nag-iiyakan? Juice color! Anong mayroon?" tanong pa nito sa kanila. "Nagtrabaho ako noon bilang kasambahay at... g-ginahasa ako ng amo kong kano," pag-amin ni Tindeng sa kanya habang umiiyak. Binitawan niya ang Ginang mula sa pagkakahawak niya dito kanina. "Anak, patawarin mo ako. Hindi ko alam kung paano kita bubuhayin noon. May nobyo ako noon at hindi niya tanggap ang pagbubuntis ko sa'yo—" "Kaya minabuti mong... ipamigay na lang ako?" mapait na tanong niya dito. "Alam kong walang kapatawaran ang ginawa kong pag-iwan sa'yo. Patawarin mo ako, Anak ko," hagulgol ng Ginang sa kanyang harapan. Tuluyang nawasak ang puso niya dahil doon. "Alam mo ba kung... ano 'yong naging buhay ko dahil sa ginawa mong pag-iwan sa akin? Nasira ang buhay ko." Sobrang sakit. Hindi niya alam kung matatanggap niya ba 'to lahat. "Alam ko. Alam ko ang mga naging paghihirap mo. Kasalanan ko ang lahat," mapait na hagulgol ng Ginang. "Naiintindihan kong para sa'yo, bunga lang ako ng kasalanan," matigas na sabi niya sa Ginang. Masakit isipin na 'yong taong umaruga sa kanya at nagmahal sa kanya, ay ang taong may dahilan kung bakit naranasan niya ang lahat ng hirap at sakit sa buhay niya. "Pero sana—hindi mo na lang ako hinayaan na mabuhay." Sa sobrang sakit ng nararamdaman niya, gusto niya na lang na maglaho. "Sana pinatay mo na lang ako no'ng nasa sinapupunan mo pa lang ako. Para hindi naging impyerno ang buhay ko!" galit na sigaw niya habang patuloy sa paglalandas ang mga luha niya. Pagkasabi niya no'n ay kusang kumilos ang mga paa niya palayo sa lugar na 'yon. "Kyrielle! Anak!" "Kyrielle! Sandali, Kyrielle!" Narinig niya ang pagtawag ng mga ito sa kanya ngunit patuloy lamang siya sa pagtakbo palayo sa mga ito. Palayo sa taong tinanggap siya at minahal siya. Palayo sa taong naging dahilan ng lahat ng kasawian niya sa buhay. Patuloy sa paglandas ang mga luha niya habang patuloy rin sa pagkapunit ang puso niya. Hindi niya matanggap ang katotohanan. Bakit sa dinami-dami ng tao sa mundo, bakit si Aling Tindeng pa? Bakit ito pa? Bakit 'yong taong akala niya totoong nagmamalasakit sa kanya, 'yon pala, ito ang nagdala sa kanya sa impyernong buhay niya na ito. Bakit ang unfair ng Diyos? Bakit hindi Siya napapagod na gawing miserable ang buhay niya? Bakit patuloy siya Nitong sinasaktan? Bakit hinayaan Nitong makilala niya sa ibang paraan ang tunay niyang ina? Bakit napakalupit Nito sa kanya? Kaya ba naging impyerno ang buhay niya sa mundong ito, dahil bunga lamang siya ng isang kasalanan at pagkakamali? Sana una pa lang, hindi na hinayaan ng Diyos na mabuhay pa siya! Sana una pa lang pinatay na lang siya ng Diyos! Para hindi ganito kasakit lahat. Bakit ang lupit-lupit ng Diyos sa kanya? Patuloy lamang sa pagkilos ang mga paa niya. Walang kasiguraduhan kung saan siya tutungo. Basta ang nais niya lamang ay ang makalayo. Makalayo sa sakit. Makalayo sa katotohanan. Habang patuloy siya sa paglayo at pagtakas, hindi niya namalayan na sa impyerno pa rin pala siya babagsak. "Tingnan mo nga naman talaga kapag sinuswerte ka." Natigilan siya sa pagkilos at parang gusto niya na lamang na kainin siya ng lupa ng mga sandaling iyon. "Kusa ka din palang lilitaw," nakangising wika sa kanya ni Murphy. Nakaramdam siya ng matinding takot. Takot para sa sarili niyang buhay. Takot na baka hindi niya na tuluyang makita at makasama ang kanyang anak. Isang madilim na ngisi ang ibinigay sa kanya ni Murphy. At mabilis siyang kinain ng takot dahil doon. Agad na hinuli ni Murphy ang kanyang palapulsuhan at walang ingat na hinila siya nito. "Bitiwan mo ako!" buong lakas na sigaw at pagpupumiglas niya. "Hayop ka! Pagkakamali mo na nagpakita ka pa sa akin! Sisiguraduhin kong magsisisi ka!" tungyaw ng galit na galit na si Murphy sa kanya. Kinaladkad siya ni Murphy pauwi sa kanilang dating bahay at ibinalibag siya nito nang makapasok sila sa loob. "M-Maawa ka..." umiiyak na pagmamakaawa niya sa dati niyang kinakasama. Isinara ng lalaki ang pinto at agad na lumapit sa kanya. Hinila nito ang buhok niya habang ang isang kamay nito ay nakapisil sa magkabilang pisngi niya. "Talagang sumama ka sa lalaki mo? Huh?!" gigil nitong sigaw sa kanya na nanlilisik pa ang mga mata. "Hindi ba't ilang beses kong sinabi sa'yo na akin ka lang?! Bakit ginagalit mo ako lagi?!" "N-Nasasaktan ako, Murphy," daing niya dahil sa sakit na ginagawa ng lalaki sa kanya. "Talagang masasaktan ka!" Pilit siya nitong itinayo at hinila papunta sa kwarto. "Please, Murphy," patuloy siya sa pag-iyak. Malakas na sampal ang natanggap niya mula sa lalaki, dahilan para tumilapon siya sa kama. Hindi pa man siya nakakabawi mula sa malakas na pagsampal nito sa kanya ay muli na naman siya nitong sinaktan. Hinila nito ang buhok niya upang mailapit siya dito. "Pinagmamalaki mo ang lalaki mong 'yon? Bakit, Kyrielle?! Dahil may pera siya? Huh?!" galit nitong sigaw sa kanya. "T-Tama na, Murphy. Please!" iyak niya. "Sa tingin mo ba ay seseryosohin ka no'n? Pusang ina mo! Wala ng magseseryoso sa'yo! Alam mo kung bakit? Dahil sirang-sira ka na! Gagamitin ka lang din no'n at pagsasawaan!" "Huwag mong itulad si Caleb sa'yo! Demonyo ka, Murphy! At hindi siya katulad mo!" sigaw niya pabalik sa lalaki. Tumawa ng malakas si Murphy na para bang isang nababaliw. Pagkatapos ay sinakal siya nito. "Talagang inilalaban mo ang lalaking 'yon? Eh kung patayin ko kaya siya? Ano pang iyayabang mo? Huh?! Ano pang ipagmamalaki mo kung burahin ko sa mundo ang gagong 'yon?!" pagbabanta ni Murphy sa kanya. Kahit na hinang-hina siya ay pinilit niyang maigalaw ang mga paa niya upang masipa niya ito, dahilan upang mabitawan siya nito mula sa pagkakasakal sa kanya. Habol niya ang hininga habang pilit na lumalayo sa demonyong lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD