Aaminin ni Chino na talagang nasaktan siya nang tanggihan siya ni Althea kahapon sa kaniyang alok dito. Akala niya kasi okay na sila nito dahil ilang linggo na rin naman siyang hindi inaaway nito. Plus the fact na hindi ito umaangal sa kaniya kapag tinatawag niya itong ‘Love’. Pati ang paghalik at paghawak niya rito ay hindi rin nagpoprotesta si Althea. Kaya labis ang kaniyang panlulumo no’ng sabihin nitong hindi pa ito handa para sa kanila. Siguro nga ay masyadong malalim ang sugat na iniwan niya rito, kaya naman hanggang ngayon ay hindi pa rin nito magawang kalimutan iyon. “‘Tol, mukhang ang lalim ng iniisip mo ah,” puna sa kaniya ni Lester matapos nilang kumain ng tanghaliang miryenda. Nasa veranda sila ngayon habang si Althea naman ay nag-aayos ng mga gamit ng mga ito sa kuwarto.

