MAKALIPAS ang ilang minuto matapos makaalis nina Tamara at Ethan ay in-off na ni Laura ang laptop. Palabas na siya ng kusina nang makasalubong niya si ‘Nay Iska.
“Okay lang ho kayo, ‘Nay Iska?” nakakunot ang noong tanong ni Laura nang mapansing balisa ito.
“Si ‘Tay Nato mo kasi malalala na yata ang katarata n’ya sa mata. Halos hindi na raw makakita ‘yung kanang mata n’ya at malabo na rin daw ‘yung kaliwa. Maaari ba kaming umalis ngayon para maipatingin sa doktor ‘yung mga mata n’ya.”
“Oo naman ho. Sasamahan ko na ho kayo sa doktor,” mabilis na desisyon ni Laura.
“Pero ‘di ba hindi ka pa gaanong nakapagpahinga. Kaya na siguro namin ni ‘Tay Nato mo na magpunta sa doctor.”
“Mas mabuti, ‘Nay na kasama n’yo ako. Magbibihis na ho ako. Maghanda na rin ho kayo,” sabi ni Laura at kaagad nang nagtungo sa kwarto.
Naghihintay na sa garahe si ‘Nay Iska at ‘Tay Nato nang bumaba si Laura.
Napailing ang dalaga nang makita ang pamumuti sa mga mata ni ‘Tay Nato. “Naku, ‘Tay malamang maoperahan ‘yang mga mata mo.”
“Naku! huwag naman sana. May phobia ako sa karayom.”
Hindi maiwasang matawa ni Laura sa narinig. Ilang sandali pa ay nagbiyahe na sina Laura patungo sa ospital.
“Naku! Mahal doon ‘di ba?” nag-aalalang sabi ni ‘Nay Iska nang sabihin ni Laura na sa St.Francis General Hospital sila pupunta.
“Huwag ho kayong mag-alala, ‘Nay. Ako ang bahala sa lahat ng gagastusin. Ang mahalaga gumaling kaagad ang mga mata ni ‘Tay Nato.” Sa tagal ng paglilingkod at malasakit ng mag-asawa sa kanilang pamilya, balewala ang gagastusin sa ospital.
Pinaplano na rin niyang ikuha ng health card at life insurance ang mag-asawa tutal wala naman siyang gaanong pinagkakagastusan.
“Maraming salamat, Laura.” Halos sabay na tugon nina ‘Tay Nato at ‘Nay Iska kay Laura.
“Welcome po. Basta, ‘Tay. Lakasan mo ang loob mo sa injection, ha?” pagbibiro ni Laura.
“Oo, lalakasan ko talaga ang loob ko. Nakakahiya naman sa ‘yo kung aarte ako sa ospital.”
Ilang sandali pa ay nakarating na sina Laura sa ospital. Dumiretso sila sa eye clinic. Matapos ang sandaling paghihintay ay tinignan na ng eye doctor ang mga mata ni ‘Tay Nato. Tulad ng hinala ni Laura, sinabi ng doktor na kailangang maoperahan ang mga mata ni ‘Tay Nato. Kahit na kinakabahan ay pumayag kaagad si ‘Tay Nato. Pero kailangan muna nitong kumuha ng clearance sa internal medicine doctor at sumailalim sa ilang diagnostic test bago maitakda ang araw ng operasyon.
Katatapos lang magbayad ni Laura sa cashier at patungo na siya laboratory kung saan naghihintay sina ‘Tay Nato at ‘Nay Iska nang mapatingin siya sa isang grupo na nagtatalo sa kabilang bahagi ng maluwang na pasilyo ilang metro ang layo sa kinaroroonan niya.
Nagulat si Laura nang makita si Lance. Napapalibutan ito ng tatlong lalaki at isang babae at iritableng-iretable. Base sa hitsura ni Lance, mukhang galing ito sa pakikipag-away o naaksidente dahil sa mga pasa at sugat sa mukha nito. Ilang sandaling hindi malaman ni Laura ang gagawin. Nais niyang lapitan ito at alamin kung ano ang nangyari dito subalit nang maalala ang ginawa nito sa kanya ay nagbago ang kanyang isip. Tapos na sila ng binata at nagmo-move on na siya. Hindi niya magagawang mag-move on kung lalapitan pa niya ito at kakausapin.
Gayunman, hindi napigilan ni Laura ang sarili na mag-usyoso. Nagkubli siya sa isang poste at nakinig sa pakikipag-usap ni Lance sa mga kasama nito.
“I’m okay, Ate. Hindi ko na kailangan ng CT scan. Hindi na nga tayo dapat nagpunta dito,” iritableng sabi ni Lance sa babaeng kaharap nito.
Kaagad na nakilala ni Laura ang babae na nakatatanda at nag-iisang kapatid na babae ni Lance – si Denise Ocampo - Narvantez. Bukod sa nakita niya ito sa mga post ni Lance sa social media accounts nito, sikat na volleyball player at product endorser din ang babae.
“Huwag ka na ngang kumontra, Lance,” sabi naman ng isang lalaki na pamilyar kay Laura. “Nakita kong nauntog ang ulo mo sa flower box kanina. Kailangan mong ma-eksamin. Isa pang kontra mo at papuntahin ko na talaga sina mommy at daddy dito.” Kumilos ang lalaki at nakita ni Laura ang mukha nito. Kaagad niyang nakilala si Fran na na-meet niya sa resort sa Palawan at dating kaklase ni Tamara.
Hindi na sumagot si Lance. Nang hawakan ito ni Denise sa braso at hilahin patungo sa direksyon ni Laura ay dali-dali siyang umalis sa pinagkukublihan at nagtungo na sa kinaroroonan nina ‘Tay Nato at ‘Nay Iska.
HAPON na nang makauwi sina Laura. Nagulat siya nang madatnan si Tamara sa kanyang silid. Halos nakahiga nang nakaupo ito sa sofa at nakatitig sa kawalan.
“Ang aga mo yatang umuwi,” nakakunot ang noong tanong niya. Actually, kahit hindi nagsabi si Tamara, inaasahan na niyang bukas pa ito uuwi at sa bahay nina Ethan matutulog.
“Umuwi na tayo sa London,” basag ang tinig na tugon ni Tamara.
“What? What happened? Nasaan si Ethan?” Tinabihan niya ito sa sofa.
“H-hindi pa pala break sina Ethan at Celine. Pinagsasabay kami ni Ethan,” sabi ni Tamara kasunod ng pagtulo ng mga luha.
“What?!” bulalas niya. “Nasaan ang lalaking ‘yon. Sasapakin ko!”
“Umalis na. Nagpahatid lang ako dito tapos pinaalis ko na. Nasa ibang bansa pa raw si Celine kaya hindi pa raw niya hinihiwalayan. He can’t do it on the phone daw.”
“But he did it to you!”
“Exactly. Kaya nga ang sama ng loob ko, eh. Ayoko na muna siya makita. Bumalik na tayo sa London or pumunta tayo somewhere.”
“All right. Pagkatapos ng surgery ni ‘Tay Nato, babalik na tayo sa London.”
“Ano’ng nangyari kay ‘Tay Nato?”
Mabilis na nagkuwento si Laura.
“All right. Kapag okay na si ‘Tay Nato saka tayo umalis. Pero kapag nakita mo si Ethan huwag mo s’yang sasapakin, ha? Siguradong pupunta ulit ‘yun dito. Sa tingin ko naman hindi n’ya talaga intensiyong pagsabayin kami ni Celine.”
“Kita mo ‘to. Niloko ka na nga n’ya ipinagtatanggol mo pa s’ya.”
“May black eye na kasi siya at mga sugat. Kawawa naman kung dadagdagan mo pa.”
“What? Ginulpi mo s’ya?”
“Of course not. Hanggang sampal lang ang kaya kong gawin sa kanya. Si Lance ang may gawa no’n sa kanya.”
“Si Lance?!”
“Yup. Bigla na lang dumating si Lance sa bahay ng pinsan ni Ethan na si Paolo at inaway si Ethan dahil pinagsasabay n’ya raw kami ni Celine. Kaya ko nalaman ang totoo.”
“Nakita ko si Lance sa ospital kanina kasama ng mga kapatid niya. Mukha s’yang nabugbog. ‘Yun pala nakipag-away siya kay Ethan.”
“Ano’ng ginawa mo nung makita mo s’ya? Nilapitan mo ba s’ya?”
“Of course not. We’re over. He really love that woman. Dahil nagawa niyang traydurin si Ethan at ngayon inaway pa n’ya dahil sa ginawa ni Ethan kay Celine. You were right after all, sasaktan lang ako ni Lance.”
Inakbayan ni Tamara si Laura at ipinatong ang mukha sa balikat nito. “You will be fine. Makaka-move on ka rin. Basta huwag mong kalilimutan that I’m always here for you.”
“I know, Tam. I know.”