“BRO, tuloy na tuloy na pala ang partnership n’yo ni Ate Francine,” sabi kay Lance ni Gabe habang kumakain sila sa O21 Bar and Restaurant. Pinsan ni Lance si Gabe at nakababatang kapatid ni Francine.
Nag-group text si Gabe kagabi at nagyayang maglaro ng basketball sa Friend Jungle nang umagang iyon. Pero silang dalawa lang ni Gabe ang sumipot kaya nauwi na lang sila sa pagji-gym. Pagkatapos ay nagtungo sila sa O21 Bar and Restraurant.
“Yup, tuloy na talaga dahil pinayagan na s’ya ng Papa Angelo n’yo na mag-resign sa Builders. Bukas bibisitahin namin ‘yung unit na possible naming rentahan sa Alegre Building.”
“Cool. If you need help in any form, magsabi lang kayo ni Ate Francine, bro. Susuportahan at tutulungan namin kayo ni Bel,” sabi ni Gabe.
“Thanks, bro,” nakangiting sabi ni Lance.
Si Bel ang asawa ni Gabe. Isa ring interior designer si Bel at papalit sa maiiwang posisyon ni Francine sa Builders. Ginulat ni Gabe ang lahat ilang taon na ang nakakaraan nang biglang nitong ideklara na mag-aasawa na ito at the age of twenty-three. Nabuntis kasi nito si Bel at handang pakasalan. Isa siya sa nagduda na hindi magtatagal ang pagsasama ng dalawa dahil kilala niya ang pinsan. Babaero din ito tulad niya. Pero pinatunayan ni Gabe na kaya nitong maging faithful at maging responsableng ama at asawa.
Kapagkuwan ay tumunog ang cell phone ni Gabe. Itinigil nito ang pagkain at kaagad sinagot ang tawag nang makitang si BJ ang caller.
“Pass, bro. Susunduin ko si Bel mamaya sa bahay ng kaibigan n’ya,” sabi ni Gabe. “Si Lance na lang. Kasama ko s’ya. Sige, bro. Sabihin ko. Bye!”
“Anong sabi ni BJ, bro?” tanong ni Lance matapos mailapag ni Gabe ang cell phone sa ibabaw ng mesa.
“Pinapapunta tayo ni BJ kina Paolo dahil may happenings doon ngayon. Kaya pala tayo lang ang sumipot sa Jungle kanina.”
“Talaga? Hindi naman nila sinabi kaagad.”
“Biglaan daw sabi ni BJ. Nandoon din daw si Tamara. Isinama ni Ethan. He must be serious with Tamara dahil ipinakilala na niya sa barkada.”
“What are you talking about?” naguguluhang sabi ni Lance. “Tamara who?”
“Hindi mo ba alam? Girlfriend na ni Ethan si Tamara Flores, the music goddess.”
“What?!” gulat na sabi ni Lance. Nagbakasyon siya sa Palawan ng ilang linggo at sinadyang hindi mag-online sa social media para lubos na makapagpahinga.
“Totoo, bro. Ang bilis din pala ni Ethan sa babae. Sila pa ni Celine pero may bago na s’ya. Kaibigan talaga natin ‘yun,” natatawang sabi ni Gabe.
Hindi naman nagustuhan ni Lance ang narinig. He was concern with Celine dahil niloloko ito ni Ethan. Hindi pa nakikipaghiwalay si Celine kay Ethan dahil umalis na naman ito patungong Italy at hindi pa nito nakausap nang personal si Ethan. Pero duda siya na gusto talaga ni Celine na makipaghiwalay kay Ethan para malaya na silang magkaroon ng relasyon.Si Ethan ang gusto ng pamilya nito. And Celine was a good daughter. Siguro ay nabigla lang ito sa mga sinabi nito sa kanya.
“So, pupunta ka kina Paolo mamaya?” tanong ni Gabe.
“Yup,” tugon ni Lance. Kailangan nilang mag-usap ni Ethan.
Sabay na lumabas ng resto-bar sina Gabe at Lance makalipas ang ilang minuto.
“Drive safely, bro,” paalala ni Gabe kay Lance. They had a bucket of beer pero hindi pa naman sila lasing.
“Ikaw rin, bro,” tugon ni Lance bago sila sumakay sa kani-kanilang mga kotse.
Dahil malapit lang sa Friend Jungle ang bahay ng mag-asawang Paolo at Jane, madaling nakarating doon si Lance. Kaagad na sinalubong ang binata ng mga pamangkin at inaanak nang makita siya ng mga ito. Ilang sandaling nakipaglaro si Lance sa mga bata pero nang matanaw niya sina Ethan at Tamara sa garden ay kaagad uminit ang kanyang ulo. Mabilis na nilapitan niya ang mga ito.
“Puwede ba tayong mag–usap, Ethan?” tanong ni Lance.
Halos na sabay na lumingon sina Ethan at Tamara kay Lance.
“I’m busy,” pabalewalang tugon ni Ethan at muling ibinalik ang tingin kay Tamara.
“I can see that.” Malisyosong hinangod niya ng tingin ang kabuuan ni Tamara. Tamara was beautiful pero masyado itong simple kung ikukumpara kay Celine.
“Importante yata ang sasabihin niya, Ethan,” sabi ni Tamara na halatang naasiwa sa ginawa niya. “Mag–usap muna kayo, doon na lang muna ako kina Ate Trisha.”
Reluctant na tumango si Ethan at binitiwan ang kamay ni Tamara.
“What do you want?” iritableng tanong ni Ethan nang balingan siya nito pagkaalis ni Tamara.
“Totoo bang girlfriend mo na si Tamara?”
“Yes,” walang gatol na tugon ni Ethan.
Hindi niya nagustuhan ang narinig. Itinaas niya ang kamao at sinuntok sa mukha si Ethan.
Nawalan ng panimbang si Ethan pero mabilis ding nakarecover. Dumurugo ang ilong na gumanti ito ng suntok kay Lance. Bahagya lang nailagan ni Lance ang malakas na suntok. Pumutok ang gilid ng kanyang labi at kaagad na nagdugo.
Nagsigawan ang mga bata na unang nakakita ng pangyayari. Nagpambuno sila ni Ethan at nagpagulong-gulong sa garden. Bago pa muling masuntok nina Lance at Ethan ang isa’t-isa ay mabilis na may umawat sa mga ito. Hinawakan si Ethan nina Jay-Jay at BJ sa magkabilang braso habang sina Gian at Ken naman ang humawak kay Lance.
“Stop it! Pag–usapan natin ito,” sigaw ni Fran na nakapamagitan sa dalawa. “Ano bang pinag–aawayan n’yo?”
“Bakit hindi mo tanungin ang kapatid mo?” galit na tugon ni Ethan.
Napatingin ang lahat kay Lance na noon ay patuloy pa ring nagpupumiglas sa mga humahawak dito.
“Pinagtatanggol ko lang si Celine dahil pinagsasabay n’ya sina Celine at Tamara,” katwiran ni Lance.
“We can talk this in private, not infront of the kids. Ayusin natin ‘to,” sabi naman ni Jay–Jay.
“Hindi na kailangan,” tanggi ni Lance.
“Ikaw pa mayabang ngayon?” hindi makapaniwalang sabi ni Ethan. “For you to know, I know your affair with Celine. I gave you a lot of time to tell me the truth, but you lost it. Sinayang mo lang ang mga taong pinagsamahan natin dahil sa panta–traydor mo!”
Hindi nakapagsalita ang lahat sa sinabi ni Ethan.
Sinamantala naman ni Ethan ang pagkakataon. Iginala nito ang tingin sa paligid at hinanap si Tamara. Nang makita ay hinawakan ito sa kamay ng binata at hinila palayo sa lahat.
Binitiwan na nina Ken at Gian si Lance.
“So, it is true, Lance. You’re having an affair with Celine? At trinaydor mo si Ethan?” galit na tanong ni Paolo.
Hindi nakasagot si Lance.
“Actually, we already knew about it kahit hindi mo na sagutin. Nagsabi na sa amin ni Ethan,” patuloy pa ni Paolo.
“It’s hard to explain, bro. Basta nangyari na lang. Hindi ko ginus –” Hindi na natapos ni Lance ang sasabihin dahil nasuntok na ito sa mukha ni Troy.
“Traydor!”
Mabilis namang hinila si Troy ng asawang si Faith at ng iba pa palayo kay Lance.
“Get out of here, Lance. Bago ka pa namin mabugbog. Wala kaming kaibigang traydor,” sabi ni Paolo. Halatang gusto rin nitong manuntok pero mahigpit itong yakap sa baywang ng asawang si Jane.
Sasagot pa sana si Lance. Pero mabilis na hinala na ito palayo nina Fran at BJ.