Nag-init ang sulok ng mga mata ni Urduja. Habang nakahiga siya sa kama ay patuloy pa ring binabalikan ng utak niya ang mga nangyari nang araw na iyon. Animo sirang plakang paulit-ulit sa tainga niya ang mga katagang ibinato sa kanya ng abogado. Hindi siya makatulog. Hindi siya mapakali. Nababalisa siya.
Bakit ganoon katalim ang tonong ginagamit ni Anthoine tuwing nakikipag-usap ito sa kanya? Lahat yata ng kilos niya ay masakit sa mata nito. Sinasadya ba nitong magsuplado at magsungit para siya na ang kusang dumistansiya rito?
Huminga siya nang malalim, pinuno ng hangin ang dibdib. Ramdam niyang hindi likas na masama ang ugali ng binata. Kaya lang magaspang ang pakikitungo nito sa kanya ay dahil kontra ito sa ipinipilit dito ng mga magulang na lumagay na sa tahimik at bumuo na ng sarili nitong pamilya. Naiintindihan naman niya ito. Hindi rin siya nito kilala nang lubusan, at malaki pa ang agwat ng edad nila. Iniisip nitong hindi sila magkakasundong dalawa.
Puwes, patutunayan niya ritong kahit disiotso anyos pa lamang siya ay hindi siya magiging alangang tumayo sa tabi nito bilang mabuting maybahay. Kung kikilalanin lang siya nito nang husto ay natitiyak niyang posibleng magustuhan siya nito. Sa lugar nila sa Siquijor ay maraming kabinataan ang nagkakagusto sa kanya, gabi-gabing humaharana kahit moderno na ang panahon ngayon, at nagpapabatid ng intensiyong hingin ang kamay niya.
Isa iyon sa dahilan kung bakit sinuhestiyon ni Lola Apolonia na manirahan siya sa Maynila. Gustung-gusto ng matanda na siya ang maging asawa ng apo nito. Pagdating niya naman sa malaking bahay ng mag-asawang La Guarcho ay mainit ang naging pagtanggap ng mga ito sa kanya. Natuwa siya sapagkat nagustuhan din siya ng mga magulang ng binata para sa nag-iisang anak ng mga ito.
Hindi niya akalaing ang magiging problema ay sa mismong taong gustong ipagkasundo sa kanya—si Anthoine.
Ayaw nito sa kanya.
Hindi siya nito gusto.
Ipinilig niya ang ulo. Di bale, kapag nakita nito ang kabutihan ng puso niya ay posibleng magkagusto rin ito sa kanya. Lumaki siyang matatag. Hindi siya basta-bastang bibigay o susuko na lamang.
Ilang araw siyang tahimik lang at pinag-aaralan ang araw-araw na daloy ng aktibidad ng binata. Hindi rin naman ito umiimik. Balewala rito ang pananahimik niya. Mas pabor pa nga yata rito ang hindi niya pag-imik. Patuloy lang siya nitong iniignora at dinadaan-daanan na parang hangin.
Nasasaktan siya, at sa bawat pagkakataong ni ayaw siya nito tapunan ng tingin ay humahapdi at nagsisikip ang lalamunan niya. Gayunman ay pilit pa rin niyang tinatamnan ng positibong isipin ang utak.
Inobserbahan niya ang mga kilos ng lalaki. Sa umaga ay nagbi-blend ito ng green apple, kalahating pipino, kalahating lemon, spinach, at isang cup ng tubig. Minsan ay kumakain ito ng itlog, pero may mga araw na hindi talaga ito nag-aalmusal. Ang dami nitong ginagawa. Tama ang mga magulang nito—si Anthoine ay sobrang subsob sa trabaho.
Sa totoo lang ay nag-aalala siya rito, ngunit hindi naman niya maisatinig ang nararamdaman dahil ibubuka pa lang niya ang bibig, matalim na kaagad ang tinging isinisibat nito sa kanya. Nakikita niyang bumabawi naman ito kapag nakaluwag sa oras. Nag-iehersisyo ito at maganang kumain ng mga gulay at prutas.
Nang araw na iyon ay maagang gumising si Anthoine. Nakaupo siya sa dining, kumakain ng niluto niyang lugaw. Dumiretso ito sa fridge. Alam na niyang mapu-frustrate ito oras na matantong wala itong mahahagip na green juice.
“D*mn, I forgot to blend the greens,” anas nito sa sarili.
Tumayo siya at humarap dito. “Naipag-blend na kita kanina,” aniya.
Nagsalubong ang mga kilay nito.
Nang walang salitang lumabas sa bibig ng binata ay lumapit na siya sa under-counter storage at inilabas ang lalagyan ng green juice. “Ahm… ito po.”
“Thank you,” ang sabi lang nito—matabang at malamig.
“Ahh, Señorito, may nilaga po pala akong itlog.” Inabot niya rito ang tinakpan niyang mangkok na naglalaman ng dalawang itlog.
“Salamat,” sabi nito, tinanggap ang mangkok at tumalikod. Bumalik ito sa loob ng kuwarto nito.
Kahit walang nakuhang ngiti si Urduja ay kinilig pa rin siya. Kinilig siya dahil tinanggap nito ang green juice at nilagang itlog na galing sa kanya. Marahil ay nagugutom at nauuhaw talaga ito.
Makaraan ang humigit-kumulang isang oras ay lumabas ulit ito ng kuwarto. Bitbit nito ang wala nang lamang bote at mangkok.
Mula sa pagkakaupo sa sofa ay mabilis siyang tumayo at nilapitan ang binata. “Ako na po ang maghuhugas, Señorito,” presenta niya, nagkukumislap ang mga mata.
“I will only say yes because I’m really busy today.”
“Ay, opo, naiintindihan ko po. Wala rin naman ho kasi akong ginagawa,” aniya.
Tumango ito at ibinigay na sa kanya ang reusable glass bottle at mangkok. Muli itong humakbang pabalik sa pribado nitong silid. Sinundan na lang ng tingin ni Urduja ang binata, nakatutok ang mga mata niya sa malapad nitong likod hanggang sa lumapat na pasara ang dahon ng pinto.
Napangiti siya, bumaba ang tingin sa bote. Hindi niya mapigilan ang utak na maglumikot—naiisip niya na kanina ay pumulupot sa boteng iyon ang mahahabang daliri ng binata. Ang ganda pa naman ng hugis ng mga daliri nito. Mahaba at malinis. Masayaran lang siya ng kahit dulo ng hintuturo nito, baka mangisay na siya sa kilig at tuwa.
Hinaplos niya ang katawan ng bote. Pakiramdam niya ay naglapat na rin ang mga kamay nila ng lalaki. Natawa siya sa sarili. Pero ano nga kaya ang pakiramdam na makahawak-kamay ang binatang abogado? Ang liit ng kamay niya kumpara rito. Tiyak na kapag hinawakan nito ang kamay niya, masasakop nito iyon nang buong-buo.
Lalong lumalim ang ngising umukit sa mga labi niya.
Mainit kaya ang palad ni Anthoine? Paano kaya kung maglakbay pa ang kamay nito sa ibang parte ng katawan niya?
Napasinghap siya sa naisip at biglang nag-init ang magkabilang pisngi niya. Ang layo na ng naabot ng pilya niyang utak.
“What are you doing?”
Napaigtad sa labis na pagkagulat si Urduja nang marinig ang malamig na boses ni Anthoine. Lumabas pala ito ng kuwarto at ngayon ay nakatingin sa kanya at sa hawak niyang bote. Nakasandal ang gilid ng katawan nito sa hamba ng pintuan.
“S-señorito…” Napalunok siya, dali-daling ibinaba sa lababo ang glass bottle.
“Kailangan ko bang ulitin ang tanong ko? Ano ang ginagawa mo?”
“H-hinuhugasan ho ang… ang bote at ang m-mangkok…” nauutal niyang tugon. Nakita kaya ng binata ang parang timang niyang pagngisi sa hangin habang tila pinagnanasahan ang katawan ng bote? Nahuhulaan kaya nito na pinapantasya niya ito?
“You can wash those without grinning,” anito.
Napaubo siya. Nakita nga nito ang pagngisi niya sa kawalan. “Ano po kasi, may… may—”
“You don’t have to explain. Tapusin mo na iyang ginagawa mo,” sabi lang nito.
“Hindi ka po ba galit?” nag-aalangan niyang tanong.
“Why should I be angry? Were you fantasizing about me while washing the bowl and bottle?”
“Ay, hindi po!” mulagat ang mga matang pagsisinungaling niya. Hinding-hindi siya aamin kahit parang may naka-plaster na plaka sa mukha niya kung saan nakasulat ang katagang 'guilty.' Kapag natuklasan nito kung ano ang tumatakbo sa loob ng utak niya, baka ito na ang mag-empake ng mga gamit niya at mapaaga ang paghatid nito sa kanya pabalik sa poder ng mga magulang nito.
“Okay. Good.”