Nabitin ang akmang paghakbang ni Anthoine patungong kusina nang makitang may nakahain nang mga pagkain sa mesa. Kagigising niya lang. Napuyat siya sa pagbabasa ng mga transaction documents. Iyon ang mga legal na dokumentong magpapatunay na lehitimo at hindi huwad ang property deal. Ang mayorya sa mga propiedad na tinatrabaho niya ay pagmamay-ari ni Keaton Grey. The man was among the most powerful hotel moguls in the world. Bukod sa pagiging kliyente ay kaibigan niya rin ito—ang lalaking may misteryosong bughaw na mga mata at nakapag-asawa ng albularya.
“Señorito, maupo ka na po. Tamang-tama ang gising mo dahil handa na ang mga niluto ko.” Malapad at maaliwalas ang ngiti ni Urduja sa umaga. Nagkukumislap ang mga mata nito.
Pinaraanan niya ng tingin ang mga nakalapag sa mesa. Mayroong nag-uusok pa sa init na sinangag, may tocino, may tatlong pritong itlog na malasado, may corned beef na maraming sibuyas at patatas, at mayroon ding atsara.
“Pinagtimpla na rin ho kita ng kape, Señorito,” sabi pa nito.
Imbes na lumapit sa mesa ay tinungo niya ang fridge. He opened the double doors and took out a bottle of green juice. Sa gilid ng mga mata niya, nahagip niya ang pagsunod ng tingin ni Urduja sa direksiyon niya.
“Señorito, hindi ka po ba kakain?” tanong nito.
“I don’t eat breakfast,” tipid niyang wika, walang emosyon.
“Eh, kape po?”
Inangat niya ang hawak na green juice. “This is what I drink in the morning,” aniya.
Nanlumo ang dalaga. Wala sa loob na sinuyod nito ng tingin ang mga pagkaing nakalatag sa hapag. “P-pero nagluto po ako—”
“Puwede mo namang kainin ang mga iyan. Kung kaya mong ubusin, ubusin mo. I already told you yesterday that you don’t have to do anything for me. Huwag mo akong ipagluto o ipagtimpla ng kape.”
“Akala ko po kasi…” Hindi na nito itinuloy ang gustong sabihin nang makita ang pagguhit ng malamig na ekspresyon sa anyo ng kanyang mukha. Napayuko na lang ito. “Pasensiya na po.”
“It’s fine. Kumain ka na lang muna riyan,” aniya at tumalikod na. “Marami akong kailangang tapusing trabaho ngayon. I also have a scheduled video conference with one of my clients this morning, kaya huwag kang kakatok sa silid ko at huwag ka ring mag-ingay dito sa labas,” aniya sa dalaga bago tuluyang pinihit ang doorknob ng pinto sa kuwarto niya.
_____
NAGSALUBONG ang mga kilay ni Anthoine nang may mapansin siya sa mga dokumentong binabasa. Wala iyong kinalaman kay Keaton. Ang mga nakalatag ngayon sa ibabaw ng kanyang mesa ay sa bago niyang kliyente. Ang nakakuha sa pansin niya ay dahil pamilyar na sa kanya ang property. Siya rin ang nag-asikaso sa first purchase niyon para sa dati niyang kliyente. That previous client was a name connected to a well-known politician in the country.
Muli, sinuri niyang mabuti ang mga impormasyong nakasulat sa hawak na papel, na nagpapakita ng history of ownership ng luxury condo. Masyadong mabilis ang pagsasalin-salin ng pagmamay-ari. Hindi iyon normal.
Napailing siya, napabuga ng hangin. “This could be another property used in a money laundering case,” aniya sa sarili. Nasapo niya ang ulo, hinubad ang suot na salamin sa mata, at pinisil ang tulay ng matangos niyang ilong.
Mukhang madaragdagan pa ang trabaho niya. He needed to investigate and verify. Hindi naman din puwedeng magpadalus-dalos na lang siya. Mabuti na lang at tapos na ang video conference kaya maaari na siyang magpahinga saglit.
Inabot niya ang baso ng juice na nakalapag sa mesa niya, pero wala na palang laman iyon. Ni hindi niya namalayang naubos na pala niya ang iniinom. Tumayo siya at lumabas ng silid. Wala na ang mga pagkaing nakalatag kanina sa mesa. Wala rin doon ang dalaga. Kunot-noong lumingap siya sa paligid. Wala ni anino nito.
Saan kaya nagpunta si Urduja?
Tumungo siya sa sala at pinindot ang video intercom na nakakabit sa dingding. Konektado iyon sa lobby.
“Mr. La Guarcho?” tugon agad ng naka-duty sa reception desk.
“I have notified property management that someone will be staying with me for a period of time.”
“Ah, yes, Mr. La Guarcho. Nasa record na po namin.”
“Then I suppose that means you know the woman who is temporarily living with me now? Gusto kong malaman kung dumaan ba siya riyan sa lobby?”
“Ay, opo.”
“Nandiyan siya ngayon?” tanong niya.
“Nandito po. Namigay ho siya ng pagkain.”
“Alright. Thank you.” Kinapa niya ang phone na nakasuksok sa bulsa. Tatawagan niya sana si Urduja, pero naalala niyang hindi nga pala niya hiningi ang contact number nito. Muntik na siyang mapaungol dahil dumagdag pa ang dalaga sa kailangan niyang isipin.
Bumaba si Anthoine sa lobby nang hindi pa rin bumabalik sa unit ang dalaga makaraan ang sampung minuto. Madilim na agad ang anyo ng kanyang mukha, subalit nang makita niya ang tapat ng entrada ay mas dumoble ang pagdidilim ng kanyang mukha—dahil kitang-kita niya ang kaswal na pagngiti ni Urduja sa isang lalaki. Nasa labas ng condo building ang mga ito, sa harapan mismo ng main entrance.
Wala sa loob na kumilos ang mga paa niya. Malalaki ang kanyang mga hakbang palapit sa babae, at mahigpit niyang hinawakan ang isang kamay nito.
Nagulat si Urduja. Napatingala ito sa kanya. “S-señorito? Bakit ho?”
Imbes na sumagot ay sinibat niya lang ng matalim na tingin ang lalaking kausap ng dalaga bago niya hinatak padistansiya sa estranghero si Urduja.
Nagulat din ang mga nasa front desk, pero hindi naman na nagkomento pa lalo na sapagkat malinaw pa sa sikat ng mainit na araw na iritado siya. His brows were firmly furrowed and the glint that pulsed in his eyes was sharp. Halos mag-isang linya rin ang mga labi niyang mariing naglalapat.
Nang nasa loob na ulit sila ng condo unit ay mabilis na niyang binitiwan ang kamay ng babae. Pinukol niya ito ng matalim na tingin.
“Galit ka po ba sa akin, Señorito?” nanlulumong tanong nito sa kanya.
“What do you think? Bakit bigla ka na lang nawawala? Hindi ka ba marunong magsabi sa akin kung lalabas ka?”
“Baka po kasi maisturbo kita. Sabi mo, huwag na huwag kitang iisturbuhin. Sabi mo pa, huwag na huwag akong kakatok sa pinto ng silid mo dahil may ka-meeting ka. Isa pa po, mabilis lang naman ako sa labas. Namigay lang naman ho ako ng pagkain.”
“Why would you even do that? Ano ka ba rito? Tagarasyon ng pagkain?”
“Sayang lang ho kasi ang mga niluto ko. Hindi ko naman ho mauubos kung ako lang ang kakain.”
Humugot si Anthoine ng malalim na paghinga. Hindi niya nilulubayan ng matalim na tingin ang inosenteng mukha ni Urduja. “And who was that man you were talking to? Sino iyon?”
“Nagtatrabaho po malapit dito.”
“Nagtatrabaho lang malapit dito, kinausap mo na agad? Urduja, you are eighteen, not a kid. Dapat ko pa bang ipaalala sa iyo na hindi ka dapat lumalapit sa mga taong hindi mo kilala nang lubos?”
“Kagaya ng sabi mo po, disiotso na ako at hindi na bata. Alam ko naman na po siguro kung ano ang mga bagay na maglalagay sa akin sa kapahamakan.”
Lalo lang nairita ang binata sa itinugon sa kanya ng babae. “You don’t know anything, woman! Dahil kung alam mo kung ano ang maglalagay sa iyo sa kapahamakan, dapat hindi ka sumama sa akin dito sa condo ko. Kung masamang tao ako, nagawan na kita ng masama.”
Natameme ang dalaga.
“Don’t ever put me in a situation where I have to forcefully pull you away again. Gamitin mo ang utak mo. Huwag kang dumagdag sa pinoproblema ko. Kapag may nangyaring masama sa iyo rito, kargo de konsensiya pa kita. Don’t make my parents hate me just because you do not know how to act right.”